Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 27

Mataman niya itong tinitigan. Naiintindihan na niya kung gaano kahalaga kay Eleonor na iwasang muling masaktan si Liam. "Opo. Pangako po."

Niyakap siya nito nang mahigpit. "Salamat."

Wala na sigurong dapat ikatakot kay Raiza. Di naman siguro ito banta sa katahimikan ni Liam. Maliban lang sa pilat na iniwan sa puso nito.

Alas diyes na ng gabi nang dumating ang ilang kamag-anak nila Liam na nakabase sa Laguna. Nagpaalam na rin siya na uuwi. Ihinatid siya ni Liam sakay ng kotse nito. "Sinabi sa iyo ni Nanay ang tungkol sa amin dati ni Raiza?" tanong nito habang nagmamaneho.

Tumango siya. "Nagkwento siya sa akin."

Mariing nagdikit ang labi nito at pagkuwan ay bumuntong-hininga. "Pasensiya ka na kundi ko man sinabi ang tungkol sa nakaraan namin ni Raiza. Sa palagay ko naman di na dapat pang ungkatin iyon."

Ngumiti lang siya para ipakitang di siya apektado ng natuklasan niya. "Liam, nakaraan na iyon. Kung anuman ang mayroon kayo ni Raiza, siguro naman tapos na iyon? Naka-recover ka na?"

"Oo naman," sagot agad nito. "Si Nanay lang kung anu-ano iniisip."

"Sinabihan ko na siya na maayos na ang buhay ngayon ni Raiza at masaya sila sa relasyon nila ni Kuya Pierro."

Nabahiran ng pag-aalala ang anyo ni Liam. "Kung pwede sana huwag mo nang banggitin kay Sir Pierro ang tungkol dito."

"I understand. Hindi ko sasabihin kay Kuya. Ayoko rin ng gulo."

Ginagap nito ang kamay niya. "Maraming salamat."

Sana ay naiwan na sa nakaraan kung anumang mayroon. Maraming masasaktan at maaring malaki rin ang maging epekto nito sa buhay niya.

DALI-DALING tinapos ni Cattleya ang meeting niya sa mga staff niya para mahabol ang training ng El Mundo Football Club. Bumili pa nga siya ng kare-kare para dito mula sa paborito niyang Filipino restaurant. Ngayong nasa Davao na ang nanay nito ay pangangatawanan niya ang pangakong aalagaan ito.

Pakiramdam niya ay lalo silang nagiging malapit sa isa't isa. Di na rin siya nagagalit kapag may nanunukso sa kanila. Kinikilig pa nga siya kapag tinutukso sila. Ayaw lang niyang ipahalata na kinikilig siya.

Nagsisimula na ang training ng El Mundo FC nang dumating siya. Umupo agad siya sa bleacher at hinanap sa mga nag-eensayong manlalaro si Liam. Nagtaka siya nang hindi ito makita. "Fonz, hindi ko yata napansin si Liam," sabi niya sa isa sa mga staff.

"Hindi ba nabanggit sa inyo na may lagnat siya? Pinapunta na nga namin sa ospital. Mahirap na dahil baka mamaya dengue na pala iyon. Kaya nag-insist si Coach na magpa-test na sila."

Tatlo na sa mga manlalaro ang tinamaan ng dengue sa loob lamang ng dalawang linggo kaya pinag-iingat ang lahat. Wala nga namang laban ang kahit na sino sa bagsik ng dengue.

"Miss Cattleya, sa amin ba ang pagkaing dala mo?" tanong ni Jerry nang oras na para sa water break.

"Hindi. Para kay Liam ito."

"Unfair ka. Si Liam lang ang inaalala mo," wika ni Angel.

Nagpapaawa ang mukha ni Misagh habang nakadikit sa wired fence na nakapalibot sa turf. "How about me? Don't you love me, too?"

"Wala naman kayong mga sakit," protesta niya.

"Hindi maa-appreciate ni Liam iyan dahil wala siyang panlasa," wika ni Carlie.

Inirapan lang niya ang mga ito. Sabihan nang may favoritism pero di talaga niya ibibigay sa mga ito ang pagkain na para kay Liam.

Lumabas si Jerry ng gate ng turf at lumapit sa kanya. "Kung ibibigay mo sa amin iyan, ibibigay ko sa iyo ang keycard ng condo namin. Kailangan ni Liam ng mag-aalaga sa kanya," nakangiti nitong sabi.

Mariing nagdikit ang labi niya. Kailangan niya ang keycard na iyon para makapasok sa condo ni Liam. Kung basta na lang siyang pupunta ay baka di siya mapagbuksan ni Liam dahil nagpapahinga ito. "Fine. Sa inyo na ang kare-kare." Inabot niya dito ang paperbag na may lamang kare-kare at palihim nitong inabot ang keycard sa kanya.

"Ikaw na ang bahala sa kaibigan namin, ha?" sabi ni Jerry.

At nagdiwang ang ibang players nang makitang nasa kay Jerry na ang kare-kare. Dali-dali naman siyang umalis. Kung walang panlasa si Liam, simpleng soup lang ang para dito. Dumaan siya sa supermarket para bumili ng sangkap na iluluto para sa soup nito. Hindi na siguro mag-aalala si Eleonor kapag nalamang inaalagaan niya si Liam.

Pagdating sa condo ni Liam ay tuloy-tuloy pumasok si Cattleya. Ibinaba lang niya ang pinamili sa sala at tumuloy sa kuwarto ni Liam. Kailangan muna niyang i-check ang kondisyon nito bago niya ito ipagluto.

Marahan niyang binuksan ang pinto. Ayaw niyang tawagin si Liam in case nagpapahinga ito. She just wanted to check on him. Pero pagbukas niya ng pinto ay nagulat siya nang makitang naglalaro ng PSP 3 si Pierson at katabi pa ang ama ni Liam na si Bert.

“Hey! Anong ginagawa mo dito, Pierson?” tanong niya. Nagmano siya sa ama ni Liam. “Mano po, Tito.”

“Sinasamahan ako ni Pierson sa pagbabantay kay Liam.”

“Si Tita po?” tanong niya.

“May binili lang na gamot pero babalik din siya.”

“Tita Cattleya, I am the little boss of El Mundo. I must take care of my subjects,” anang si Pierson at tumuwid pa ng upo.

“Sinong kasama mo?” tanong niya sa bata.

“Nasa kitchen po si Mom kasama si Tito Liam,” sabi ni Pierson at ibinalik ang atensiyon sa football game na nilalaro nito sa PS3.

Tinahak agad ng paa niya ang direksyon ng kusina. Malakas ang kaba sa dibdib niya. Ano kaya ang pinag-uusapan ng dalawa? Subalit wala ang mga ito sa kusina kundi nasa laundry area. “Raiza, I really appreciate you coming here. It really means a lot to me. Napasaya mo si Tatay.”

“Liam, gusto ko lang ipaalala sa iyo na ginagawa ko lang ito dahil may pinagsamahan tayo. Pero huwag ninyong abusuhin ang kabaitan ko.”

“Why? Pierson is also a part of...”

“Shut up, Liam! Kapag nawala ang lahat sa amin ng anak ko, hindi kita mapapatawad. Tandaan mo iyan,” angil ni Raiza. “Uuwi na kami ng anak ko. Sapat na ang oras na inilagi ng anak ko dito.”

Malakas ang kaba ni Cattleya. Dali-dali siyang pumasok sa restroom na di kalayuan doon para di siya makita nina Liam at Raiza. Di niya alam kung bakit siya nagtatago pero di pa niya alam kung paano haharapin ang mga ito sa ngayon.

May sekreto ang mga ito. Isang sekreto na maaring sumira sa pamilya ng Kuya Pierre niya at si Liam ang nakakaalam. Ano ang kaugnayan ni Pierson sa pamilya ni Liam? Posible kaya na isang Aramis si Pierson at si Liam ang ama?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.