Next month. Mactan International Airport. 10 A.M.
Hindi ko na napigilan ang sariling mapangiti nang malapad. Mabuti naman at nag-reply na si CareLikeGoldFish. Tapos, next month? Napanguso ako. Sana naman hindi tugma sa set date ng concert ng Vine. Tinanong ko na rin kung anong exact date para mapaghandaan ko.
Binaba ko ang Xiaomi at tumingin sa labas ng bintana ng bus. Pantay na ang sinag ng araw sa mga puno. Tiningnan ko 'yong relo sa bisig. Alas-tres na ng hapon.
Sumandal ako at sinaksak ang earphone sa tainga. Sinuksok ko na rin ang Xiaomi sa bulsa ng jeans ko. Niyakap ko ang shoulder bag at pinikit ang mga mata. Ilang minuto akong nakapikit nang maramdaman kong may naupo sa tabi ko.
Nagmulat ako at tiningnan ang taong naupo sa upuang gilid ng aisle ng bus. Isang lalaking naka-bull cap. Naka-polo siya at may mamahaling relo sa bisig. Pinikit ko ulit ang mga mata at hinayaan ang antok na hilain ako.
Pero wala pang limang minuto, at nasa gitna ako ng paggising at pagtulog, nang may marahas na kumuha sa shoulder bag ko. Agad akong dumilat at napatingin sa lalaking katabi. Ngumisi siya sa akin sabay tayo at lakad papunta sa entrada ng bus. Saktong huminto ang bus.
Ilang minuto akong hindi nakagalaw. At nang mag-sink in sa akin kung anong nangyari ay napasigaw ako nang pagkalakas-lakas.
Mabilis akong dumungaw sa bintana ng bus at nakita kong prenteng naglalakad palayo ang lalaki habang tangan ang shoulder bag ko. Ilang ulit akong huminga nang malalim sabay sigaw. "Hoy! Ang pamasahe ko! Ibalik mo 'yan!"
Lumingon siya sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang umandar ang bus. Akmang sisigaw ako para pahintuin nang may tumama sa mukha ko.
"Aray!"
Nahulog 'yong bagay na tumama sa mukha ko sa sahig ng bus. Hinilot ko saglit ang noo at tiningnan 'yong nahulog. Teka... wallet ko?
Mabilis ko 'yong pinulot at binuksan. May cash pa. At walang nawala sa ATM cards at present pa rin ang Police at University ID ko. Nang bilangin ko ang cash, nawalan lang ng dalawang libo.
Nangunot ang noo ko. Hanep 'yong lalaking 'yon, a! Akalain ko bang magnanakaw, e, nakasuot ng mamahalin? Napailing ako. Pati magnanakaw, mayaman na.
Huminga ako nang malalim at prenteng sumandal sa sandalan. Nagbaba ako ng tingin sa paper bag na nasa sahig ng bus, at napangiti. Ang importante, nabalik ang mga ID ko. Mahirap kayang kumuha ng ID? Saka, may pamasahe na rin ako ng bus.
Natigilan ako nang maalala kung anong laman ng shoulder bag. Sheems! Nandoon 'yong mamahaling lipstick at tampons ko! Haist. Bahala na nga 'yong lalaking 'yon. Mag-lipstick siya kamo at maglagay ng tampon sa brief niya. Magnanakaw na 'yon!
BUMILI AKO ng tampon sa sari-sari store na malapit lang sa South Bus Terminal. Nakigamit na rin ako ng rest room sa terminal at nagbihis. Tapos, nag-hire ako ng taxi papunta sa Pier 1.
Mabuti na lang talaga at hindi niya kinuha ang paper bags. Nasa loob pa naman ang mga gifts ng tatlong babae. Plano ko kasing itago 'yon sa tambayan ko sa Port, kasama ng ilang fan arts na ginawa ko para kay CareLikeGoldFish. Para isahan na lang kapag nagkita na kami.
"Para. Diyan lang sa tabi."
Agad namang inihinto ng driver ang kotse sa dock area. Nagbayad ako ng pamasahe saka pumihit papunta sa Fishing Port.
Nakatapak na sa dagat ang araw sa kanluran. Medyo madilim-dilim na sa bahaging hindi natatanglawan ng malalaking ilaw sa labas ng Larica Building. Nangunot ang noo ko at pinagmasdan ang nangyayari sa labas ng gusali.
Sa malayo pa lang ay kitang-kita ko na ang ilang balde-baldeng isda na nilalatag ng mangingisda mula sa mga barko. Binibitbit 'yon papasok ng ilang kargador sa Larica building para siyasatin at itala kung ilang balde ang huli para sa inventory, bago ipagbili sa Pasil Fish Market. Kaso, sa nakikita ko ay nag-iba ang proseso.
Dire-diretso na nilang nilalagay sa malalaking ice buckets ang mga isda matapos malista ng officers ang mga huli. Tapos kinakarga na sa truck na magdadala sa Pasil Fish Market. Napatingin pa ako sa malalaking tents kung saan nakatayo sa lilim niyon ang dalawang taong nagsisiyasat sa mga isda.
Aba, hindi ko 'to inasahan.
Napatingin tuloy ako sa Larica Building na ilang hakbang lang mula sa dock. Nabakbak na ang kalahati ng building. At patuloy pa rin 'yong ginigiba. Napanguso ako.
Pumasok bigla sa isip ko ang nakangising mukha ng Engineer na may lahing aso. Malapad ang ngisi niya na umabot sa magkabilang tainga. Psst. Ngiting-aso dahil may lahing aso nga.
"Magandang hapon, Binibining Rishell. Bakit ho nagpunta kayo rito? Kasalukuyang ginigiba ang kalahati ng gusali. Baka mapahamak kayo kung papasok kayo sa loob."
Napatingin ako sa lalaking lumapit sa akin. Natatanglawan ng ilaw ang kalahati ng mukha niya. May dala siyang inventory list. Isa yata siya sa mga naglilista. Umikhim ako at tinuro ang bahagi ng Larica Building na hindi pa nagigiba. "Nandiyan ba si Papa?" tanong ko.
"Ah, nasa opisina si Mr. Larica. Pero mahigpit niyang pinagbabawal ang pumasok sa loob. Kaya dito na kami sa labas naglilista ng huli."
"Bukas ba ang back door?"
"Binibini -"
"Bukas ba ang back door?" ulit kong tanong.
Napakamot siya sa batok. "Doon dumadaan si Mr. Larica, si Architect at si Engineer."
Naningkit ang mga mata ko. Architect? Ito na yata 'yong tinutukoy ni Engineer noon. Nagpaalam ako sa kaniya at nagtungo sa back door, kahit pa pinipigilan niya ako.
Psst. Bakit ba? Gusto kong magpunta sa tambayan ko. Kukuha ako ng ilang libro para mabasa ko sa University. At para mahanda na rin ang dadalhin ko sa MIA sa susunod na buwan.
Madilim na nga. Pero dahil sa malalaking ilaw sa itaas ay nakikita ko ang daanan. May ilang construction workers pa na nakasuot ng hard hat ang napapatingin sa akin. Nagmamasa sila ng semento. Nag-iwas nalang ako ng tingin at tinuon ang atensyon sa daan.
Maraming sako ng semento ang nakaimbak sa ilalim ng tent sa gilid lang ng pile ng hollow blocks. May ilang kabilya pa akong nakita na tinambak lang sa gilid.
Mamasa-masa ang daan papunta sa back door. Siguro nilinis nila. Alam kong maalikabok ang construction ng building.
"Miss."
Napalingon ako sa tumawag. Babae. May buhat-buhat siyang isang balde ng tubig. Nakakunot ang noo niya sa akin. Siguro'y nagtataka kung bakit ako papunta sa back door.
"Bakit?" tanong ko.
"Sa'n ka? Bawal pumasok sa loob ng gusali."
"May bibisitahin ako."
"Pero bawal nga."
Naningkit ang mga mata ko sa kaniya sabay irap. Nagpatuloy ako sa paghakbang papunta sa back door.
"Miss!" tawag pa niya sa akin. "Jubel! Pigilan mo."
Tumakbo ako papunta sa back door. Napangisi ako nang makapasok ako sa loob. Hindi man lang ako pinagpawisan sa pagtakbo.
Dumiretso ako sa hagdanan. Umakyat ako sa second floor kung nasaan ang opisina ni Papa. Nakabukas na ang ilang improvised bulb sa paligid.
Natigilan ako nang maabot ko ang second floor. Nakita ko si Mr. Engineer. May suot siyang hard hat, at eye protector. May gloves ding nakabalot sa kamay niya at nakasuot siya ng isang maruming T-shirt at pantalon. 'Pag sinabi kong marumi, as in maalikabok at may bahid pa ng semento.
May kausap siyang babaeng may suot ding hard hat. Seryoso sila. At maya-maya pa'y humarap sa gawi ko si Mr. Engineer. Nakita ko pa kung paano siya matigilan.
"Rishell," tiim bagang niyang sambit. Madilim ang awra niya habang humahakbang palapit sa akin. Titig na titig pa sa mukha ko. "Sinabi ko na sa 'yong bawal kang magpunta rito. Ba't antigas ng ulo mo?"
Napalunok ako. Mabilis akong humakbang para sana magpunta sa opisina ni Papa pero nahuli niya ang braso ko at pinigilan akong humakbang palayo. "Bitiwan mo ako," utos ko sa kaniya.
"Go back. It's not safe."
Napaismid ako. "Pwede ba? Kaano-ano ba kita para pigilan ako sa gusto kong gawin?"
Bago pa man siya makapagsalita ay umugong ang buong building. Nakarinig na lang ako ng pagbagsak ng mga bloke ng semento. Umugong ulit ang building kasabay ang ingay ng construction machineries. Nang tingnan ko ang open space, may nakita akong kamay ng excavator doon sa labas.
Kumilos si Engineer kaya napatingin ako sa kaniya. Hinubad niya ang hard hat niya at sinuot sa ulo ko. "Gawin mo na ang pakay mo at umuwi ka pagkatapos. Hindi ka kailangan dito."
Sinamaan ko siya ng tingin at pairap na humakbang palayo sa kaniya. Malalaki ang hakbang na tinungo ko ang opisina ni Papa, pero napahinto ako sa paghakbang nang maalala ang hard hat. Lumingon ako saglit kay Engineer. Wala na siyang suot na hard hat.
Delikado sa kaniyang walang hard hat kaya ba't niya pinasuot sa akin 'yong kaniya?