For The Stars Have Sinned (Filipino) Chapter 31

Binilhan ako ni Papa ng bagong cellphone. Hindi man version 10 pero ayos na rin kaysa sa wala. Gusto ko sanang tawagan si Kervy at sabihin sa kaniyang namatay na ang cellphone na bili niya, kaso nakakahiya. Ako na 'tong binilhan, ako pa 'yong sumira. Saka baka galit pa 'yon sa akin.

Napakamot ako sa pisngi at hilaw na ngumiti kay Mama. "Dalawang araw lang ako do'n, Ma. Saka, nandoon naman si Tiden."

"At bakit naman kita papayagan?"

Napanguso ako. "Para sa rewards ko... po?"

"Bakit? Mataas ba grado mo?"

"Ma naman..." Inayos ko ang buhok. "Pampa-stress reliever lang, Ma. Saka, dadalo lang ako ng concert ni Tiden. Alam mo po, moral support sa lalaking tumulong sa akin." Ngumiti pa ako nang malapad.

Nangunot ang noo ni Mama. Akmang magsasalita siya nang tumunog ang landline. Pinandilatan niya ako ng mata tapos lumapit sa telepono at sinagot ang tawag.

Napangiti ako at prenteng umupo sa sofa. Alam kong si Tiden 'yon. Bago pa ako nag-sales talk kay Mama, pinakiusapan ko si Tiden na tumulong sa pag-persuade sa kaniya. Wala namang kaso kay Papa kasi madali lang siyang mapa-oo. Si Mama lang talaga ang medyo... medyo lang... KJ.

Pabagsak niyang binaba ang telepono. Naupo ako nang maayos. Ngumiti ako sa kaniya nang lumingon siya sa akin at pinaningkitan ako ng mata. "Pasalamat ka sa kaibigan mong mabait, Joy."

"Talaga, Ma? Payag na kayo?" Lumapad ang ngiti ko.

"Basta ba nasa iisang hotel kayo ni Tiden. At..." Tumaas ang kilay niya. "Nakabantay siya sa 'yo."

Tumayo ako at masayang pumalakpak. "Sure, Ma! Magbi-behave ako, promise!"

"Maghunos-dili ka nga, Joy. Mukha kang bata."

Lumapit ako kay Mama at naglambitin sa kaniya. "You're the best, Ma."

Tiningnan lang niya ako at napailing sa kakulitan ko. Natawa na lang ako at masayang umakyat sa hagdanan. Pakanta-kanta kong tinungo ang kuwarto at sumayaw sa loob. Kinanta ko ang pinakataas na notes ng kanta ng Vine.

Yes! Another concert, here I come!

NAKA-BOOK na ako ng ticket sa Cebu Pacific para sa weekend. Hindi ako masasamahan mag-board ni Tiden dahil may pupuntahan pa raw silang conference with sponsors sa Talisay, bago lumipad sa Panglao.

Ayos lang naman sa akin, kasi naalala kong magkikita pala kami ni CareLikeGoldFish. At kahit na tinatamad akong maghalungkay ng gamit, hinanap ko sa mga tambak na eco bags ang mga gifts ng tatlong babae, at 'yong fan arts na ginawa ko para sa kaniya.

Kasya nga lahat sa isang paper bag. Mabuti naman.

Nilagay ko 'yon sa ibabaw ng study table para dire-diretso na sa weekend. Tapos, tinawagan ko na si Husea. Pinapasok ko siya sa kuwarto.

"Alam ba 'to ni Madam, Miss?"

Tumango ako at naupo sa gilid ng kama. Kinuha niya ang dalang bangkito at naupo sa tapat ko. Nagbaba ako ng tingin sa tuhod kong puro gasa. "Naghilom na 'yong sugat nang alisin mo kahapon. I'm sure, magaling na 'yan ngayon."

"Sana nga, Miss."

Dahan-dahan niyang inalis ang gasa. Napangiti ako nang makitang halos peklat na siya. Hindi na kailangan ng gasa. Tatlong bandage lang at okay na.

Ginalaw-galaw ko pa ang tuhod at tumango kay Husea. "Maayos na nga siya. Lagyan mo na lang ng bandage. Tapos, puwede ka nang bumalik sa kusina."

"Naintindihan ko, Miss."

Marahan niyang dinampian ng betadine ang papahilom nang sugat, tapos nilagyan niya ng bandage. Umikhim siya. "Baka bukas, tuluyan na siyang maging peklat, Miss."

"Okay lang. Alam kong magiging peklat siya pero may leggings naman para takpan 'yan." Bumuga ako ng hangin. "Hindi ako mahilig sa small skirts."

"Talaga, Miss? Akala ko paborito mo. Halos small skirts 'yong sinasampay ko nitong nakaraang linggo."

Napanguso ako. "Observer ka rin pala, no?"

"Ah, hindi naman, Miss. Napansin ko lang."

Pinagpag ko ang binti dahil sa gasa. "Hindi. Hindi ako mahilig sa small skirts. Sadyang gusto ni Levi kaya sinusuot ko."

Tumayo siya. "Levi? Sino 'yon, Miss?"

"Wag ka nang magtanong. Sige na, makakaalis ka na."

Nagpaalam siya bago pumihit at lumabas ng kuwarto ko. Tiningnan ko pa kung maayos ang pagkakalagay ng bandage bago inabot ang bagong cellphone na bigay ni Papa.

Binuksan ko ang reading app. Nagpunta ako sa profile ni CLGF at nag-message sa kaniya.

Ready for weekend?

Napangiti ako. Agad ko 'yong s-in-end. Nilagay ko ang cellphone at nilapitan ang mga gamit ko sa eco bags. Hinanap ko 'yong lightstick ng Vine. Gagamitin ko 'to sa weekend.

Ah, wala na palang klase sa susunod na araw. Simula na ng semestral break. Paano kaya kung mag-ikot-ikot na muna kami ni Tiden sa Bohol? Sabi niya, ililibre niya ako ng round-trip tour kung mataas ang grado ko.

Mataas ba grades ko?

Napakamot ako sa pisngi. Mataas naman siguro. Sadyang Fluid Mechanics lang nagkakatalo. Pasang-awa kasi ang grado. Pero mataas naman ang GWA ko. Hayst, pipilitin ko na lang siya. Hindi ako magitiis no'n panigurado.

Nag-text ako saglit sa kaniya. Ito pa lang ang unang text ko sa kaniya kaya hindi ko alam kung okay ba ang sinend ko.

To Tiden: Load naman diyan.

Nang basahin ko 'yon, nangunot ang noo ko. Anong load? Loan kamo. Akmang mag-ta-type ulit ako nang may pumasok sa inbox.

From Tiden: How much?

Napanguso tuloy ako. Nag-text na lang ako sa kaniyang typo, at ang ibig kong i-text ay mangungutang ako sa kaniya ng limanlibo. Pandagdag sa pocket money ko sa weekend.

From Tiden: Account number please.

Napangiti ako. Talagang maaasahan 'tong si Tiden. Mabilis kong ni-reply ang account number ng BDO savings account ko. Ilang minuto pa at may nag-text sa number ko. Ansabi, may nag-deposit ng twenty thousand sa bank account ko.

Teka, twenty thousand?

To Tiden: huy, sobra.

From Tiden: it's ok. Hope your wounds are healed now. Looking forward to see you in the weekend. Take care.

Napailing na lang ako. Ang generous ng isang 'yon. Swerte ng magiging asawa. Araw-araw may pasalubong.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.