Nagpasalamat ulit ako kay SPO2 Jefferson Estrella pero ngiti ang sinukli niya. "Ako dapat ang magpasalamat, Miss."
"Bakit naman po?"
"Marami nang mga krimen ang naganap doon sa palayan sa Baranggay Masulob-on. Noong nakaraang gabi lang, may report na natanggap ang presinto. Dalawang babae ang ginahasa."
Napalunok ako. Mabuti na lang talaga at tumakbo ako nang gabing 'yon. Alam ko na. Nang bumaba pa lang ako sa jeep, alam kong may mangyayaring masama kapag hindi ako aalis sa pwesto na 'yon. Kaya naglakad ako papunta sa poste ng ilaw na malayo-layo sa covered court, kahit pa takot ako sa dilim. Pero hindi ko lang in-expect na maglalakad ang mga lasing na tambay na 'yon papunta sa direksyong 'yon. Kaya ayun, nakita ako ng tatlong lalaking 'yon.
"A-Ah, mabuti po na nandoon kayo," sabi ko. Kumuyom ang kamao ko.
"Nagpa-patrol kami sa lugar na 'yon, Miss. Pinagpala at nakita ka namin doon sa kalsada. Magpasalamat ka sa Diyos na hindi ka Niya pinabayaan kagabi."
Ngumiti ako sa kaniya. "Salamat po ulit."
Natawa siya. "Salamat dahil napagtanto naming hindi lang patrol ang dapat sa lugar. Kailangang bigyan ng mas maraming poste ng ilaw ang lugar na 'yon, para wala nang aksidente na tulad sa 'yo, Miss. Sadyang maputik dahil malapit sa palayan. 'Yong covered court na bagsakan ng ani lang yata ang nagbibigay ilaw sa gitna ng palayan."
"Opo. 'Yon lang po talaga 'yong nagbigay ilaw kagabi. Sobrang layo kasi ng poste ng ilaw mula roon kaya may madilim na parte ang kalsada. 'Yon po ang delikado."
"Pareho tayo ng iniisip." Ngumiti siya. Napangiti rin ako.
At least, may magandang naidulot ang nangyari sa akin. Saka, napagtanto ko rin na dapat maging maingat. Na hindi dapat magpabaya. Na dapat maging alerto, at 'wag tulog-tulog sa jeep kung walang gigising na kasama. Para hindi lalampas sa destinasyon.
Akmang magsasalita ako nang lumapit ulit 'yong doktor kasama sina Mama at Papa. Pinayuhan akong 'wag na munang gumalaw para hindi magdugo ang sugat ko sa tuhod. Saka, pwede na raw akong umuwi.
Mabilis namang nilapit ni Tiden ang wheelchair sa kama ko. Binuhat ako ni Papa paupo sa wheelchair. Nagpasalamat ako sa kaniya. Si Tiden na ang nagtulak sa wheelchair palabas ng hospital hallway, at papunta sa exit. Nag-usap pa saglit ang mga magulang ko at 'yong police, kaya diniretso na ako ni Tiden sa labas ng ospital.
Nakahanda na sa labas ang kotse ng mga magulang ko. Naghintay kami saglit bago lumapit si Papa at pinatunog ang kotse. Si Tiden na ang nagbuhat sa akin papasok sa kotse, habang tiniklop ni Papa ang wheelchair at nilagay sa compartment. Naupo na sa passenger si Mama.
"Komportable ka ba riyan, Joy?"
Tumango ako at ngumiti sa rearview. "Ayos na ayos, Ma."
"Mabuti naman. Salamat pala, iho. Ano nga ulit pangalan mo?" tanong ni Mama kay Tiden.
Bahagyang ngumiti ang huli. "Tiden Rude, Maam."
"Ah. Tawagin mo akong Tita Reb. Ikaw ang nagsabi na nasa ospital si Joy. Maraming salamat."
"Walang anuman, Tita Reb. Kaibigan po ako ni Rishell kaya tutulungan ko po siya."
Ngumiti si Mama sa rearview. "Mukhang mabuti kang kaibigan ng anak ko, Tiden. Mabuti't may kaibigan pa siyang katulad mo."
Bahagyang nagbaba ng tingin si Tiden. May munting ngiti sa labi. "Salamat, Tita Reb."
Napailing na ako. Kahit hindi niya sabihin, halatang-halata na naaliw siya sa papuri ni Mama. Hay nako. Totoo naman, e. Swerte ko nga kay Tiden. Ambait niya.
Humikab ako at sumandal sa sandalan. Pinikit ko ang mga mata. Naramdaman ko na lang ang pag-akbay ni Tiden at inihilig ang ulo ko sa balikat niya. Inayos ko ang pagkakahilig ng ulo ko at siniksik ang mukha sa leeg niya. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ko. Nakatulog akong komportable sa bisig niya.
NAALIMPUNGATAN ako sa pakiramdam na lumulutang. Nagmulat ako at mukha ni Tiden ang bumungad sa akin. Seryoso siya. Nilibot ko ang tingin sa paligid. Nasa El Grande Lat na kami, at papasok na sa bahay.
"Gutom ka ba?" tanong niya.
Umiling ako. Hinilig ko ulit ang ulo sa balikat niya. "Idiretso mo na lang ako sa kuwarto ko. Gusto kong maligo."
"Gusto mo bang alayan kita?"
"Sa pagligo?"
Natawa siya. "Baka magsisigaw ka."
Marahan ko siyang binatukan. "Baka mag-eskandalo si Mama."
"Alam ko," pilyo niyang sabi. Natawa na naman ako. Hay ewan ko sa kaniya.
Binaba niya ako saglit sa sofa sa sala, at kinausap si Mama. Nagpaalam siya na ihahatid ako sa kuwarto. Umuo si Mama. Binuhat niya ulit ako at umakyat sa hagdan.
"Anong BMI mo?" tanong niya.
"Normal."
"Hmm... isang sakong bigas na ang bigat mo."
Pabiro kong hinampas ang dibdib niya. Natawa siya. Napailing na lang ako.
Ako na ang nagpihit sa seradura. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa kama at marahan akong pinaupo sa gilid ng kama. "Ayos ka na rito?" Lumuhod siya sa harap ko.
Nagbaba ako ng tingin sa gasa sa tuhod ko. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Sa tingin mo, kailan hihilom 'yan?"
"Baka sa susunod na linggo."
Napatitig ako sa kaniya. Kitang-kita ko ang kulay almond niyang mga mata. Lumabi ako. "Gusto kong maka-attend sa concert niyo."
"Pwede namang hindi." Ngumiti siya. "May live naman sa Youtube."
"Pero iba pa rin kapag harap-harapan. Saka, sayang kaya 'yong VIP ticket na bigay mo."
"Ayos lang 'yan." Ngumiti siya at tumitig na naman sa akin.
Napatitig tuloy ako sa kaniya. Hindi ko alam pero bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko habang nakipagtitigan sa kaniya. Wala naman ito noon, a. Napahawak ako sa dibdib. "Ambilis," bulong ko.
Bigla na lang niyang kinuha ang kamay na nakalapat sa dibdib ko, at nilapat sa dibdib niya. Ngumiti na naman siya. "Mas mabilis, 'di ba?" bulong niya.
Napalunok ako. Nagbaba ako ng tingin sa kamay kong hawak-hawak niya. "T-Tiden..."
"Hindi ko naman nilihim sa 'yo, Rishell. Matagal ko nang pinaramdam sa 'yo kung gaano kita kamahal. Ayos lang sa akin kung hindi mo kayang suklian. Hindi naman kita pinipilit. Hayaan mo na lang akong mahalin ka." Humigpit ang hawak niya sa kamay ko.
Ngumiti ako nang marahan. "Hindi kita iiwan."
Inabot niya ang dulo ng buhok ko at pinaglaruan. "Nawalan na ako ng salita habang tinititigan kita."
"Salamat, Tiden."