Four Hearts and a Friendship w/ Bonus Friendship Stories Chapter 1

FOUR HEARTS AND A FRIENDSHIP

TEASER:

Si Joy-an award-winning journalist. Pero may dalawang bagay na bigo pa rin siya: ang makasundo ang ama at makuha ang puso ng matalik na kaibigang si Luc.

Si Luc-a young businessman. Handsome, rich, and has a very successful career. Wala na siyang mahihiling sa buhay kundi ang makuha ang puso ni Ginny.

Si Ginny-an aspiring teacher. Naka-focus siya sa goals kaya gaano man niya kagusto si Luc ay pinipigilan niya. Nangako siya sa mga magulang na magtatapos muna ng pag-aaral bago asikasuhin ang iba pang bagay.

Si Matteo-a half British-half Filipino international model. Mahal niya si Joy, pero may mahal itong iba.

Apat na pusong nagmamahal. Dalawang magkaibigan. Mga lihim na pagsinta. Ano ang mahalaga, ang itinitibok ng puso o ang pinakaiingatang pagkakaibigan?

“WILL YOU marry me?”

Sinubukan ni Matteo na huwag hayaan ang boses na matakot habang nakaluhod na sinasabi ang mga salitang iyon sa harap ni Joy. Sa kabila ng ilang buwan na pagpapatunay sa kanya ni Joy ng pagmamahal nito sa kanya, masasabi niya na kinakabahan pa rin siya. Mahal siya nito, oo. Araw-araw nitong sinasabi iyon sa kanya. Pero ramdam niya na parang may kulang sa relasyon nila. Nais niyang gawan ng paraan iyon. Pero kailangan niya munang gawin ang mga iyon.

Hindi kagaya ng ilang mga babae, hindi nag-alinlangan si Joy. Agad na tumango ito, maluha-luha ang mga mata. Nang isuot niya ang singsing na hawak-hawak niya ay lumuhod rin ito at niyakap siya. Hinalikan siya nito sa mga labi na tila ba sinisigurado na mararamdaman niya talaga na sincere ito sa pagsang-ayon nito sa proposal niya. “Mahal na mahal kita, Matt. At maraming-maraming salamat sa---“

Umiling si Matteo at pinutol ang pagsasalita ng girlfriend na ngayon ay fiancé na niya. “Ako ang dapat na magpasalamat sa `yo, Joy. Inintindi at minahal mo ako sa kabila ng lahat.”

Hinawakan ni Joy ang pisngi niya. “You deserved it.”

Deserve nga ba niya? Hindi maiwasan na maintanong ni Matteo sa isip. Ilang beses na niyang tinatanong iyon sa sarili niya lalo na nang magsimula silang mag-live in ni Joy limang buwan na ang nakakaraan. Sa loob ng mga buwan na iyon, napatunayan niya kung gaano siya kamahal nito. Marami itong isinakripisyo para sa kanya. Hinayaan nito na sumama sa kanya sa iba’t ibang panig ng mundo at iwan ang komportableng pamumuhay nito sa Pilipinas. Dahil rin jetsetter siya dahil sa trabaho niya bilang modelo, hindi rin maggawang makapiling ni Joy ang ama nito na masasabi nitong nag-iisang pamilya nito. Lahat ng mga iyon ay tiniis ni Joy para sa kanya.

Pero hindi pa iyon ang lahat ng sakripisyo ni Joy. Alam niyang ang pinakahuling sakripisyo nito ay ang pinakamabigat: tiniis nitong mawalay kay Luc. Si Luc na masasabi niyang higit pa sa kapatid ang turing ni Joy...

Ginawa niya Joy ang lahat ng iyon dahil sa pagiging makasarili niya at kawalan ng tiwala rito.

Masama siyang tao, iyon palagi ang nasa isip niya. Parang palagi siyang sinusundot ng konsensya niya. Nakikita man niya na masaya si Joy ay alam niya na may kulang pa rin.

“Gusto kong maging matapat ka sa akin, Joy.”

Kumunot ang noo nito. “Sa tingin mo ay nagsisinungaling ako sa `yo? Hindi pa ba sapat ang limang buwan na magkasama tayo para magtiwala ka sa akin nang husto?”

“I did. P-pero masaya ka ba talaga sa piling ko?”

Nang nawalan ng kulay ang mukha ni Joy ay sandaling natigilan si Matteo.

“Joy?”

Huminga muna nang malalim si Joy pagkatapos ay kimi na ngumiti. “Mahal kita. Mahal na mahal. Alam mo naman iyon `di ba? Napatunayan ko na iyon sa `yo sa loob ng limang buwan. Hindi ko maisip ang mga sandaling mawawala ka sa piling ko. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka, Matt. Pero kagaya ng mga gusto mo, gusto ko rin na maging matapat.

“Masaya ako sa piling mo pero hindi iyon lubos. May kulang. At alam mo kung ano iyon. Alam mo kung sino iyon...” sinalubong ni Joy ang mga mata niya. May takot mula sa mga iyon pero ramdam ni Matteo na pilit rin na nilalabanan ni Joy ang lahat ng takot.

“K-kailangan ko rin si Luc sa buhay ko, Matt. Hindi ako lubos na magiging masaya kung hindi ko siya makakasama...”

PrevNext

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.