Four Hearts and a Friendship w/ Bonus Friendship Stories Chapter 2

Almost A Year Ago

KAGAYA ng pangalan ni Joy, iyon rin ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Malaki ang ngiti sa mga labi na umuwi siya ng bahay nila. Dahil sanay ang mga kasambahay nila na makita siya sa ganoong aura, hindi na ang mga ito nagtaka sa masayang mukha niya. Hanggang sa makita ng mga ito ang hawak-hawak niya.

Ang mayordoma ng bahay nila ang sumalubong kay Joy na si Manang Gloria ay nanlaki ang mga mata. “Nanalo ka, Joy?”

Masayang tumango-tango si Joy at ipinakita ng buo sa mayordoma at sa mga kasunod na tauhan sa bahay nila ang trophy na nakuha niya. Masayang niyakap siya ng matanda na simula nang magkaisip siya ay nanunungkulan na sa bahay nila.

“Proud ako sa `yo. Napakagaling mo talagang bata ka,”

Nahihiyang napakamot si Joy. “Masaya po ako pero isa lang naman po itong parangal mula sa kompanya namin,”

Nanalo ang news article ni Joy bilang outstanding article of the year sa kategoryang news writing. Kahit within Chronicle---ang newspaper company na pinagtatrabahuhan niya---lamang ang award na iyon, masaya siya na nakuha niya ang pangaral. Dalawang taon pa lamang siya na nagtatrabaho sa Chronicle at makokonsidera pa rin na baguhan. Ang makatanggap ng ganoong parangal ay malaki na para sa kanya. Lalo na at iyon naman talaga ang gusto niyang gawin sa buhay---ang mapatunayan.

“Pero kahit na! Malaking bagay pa rin `yan,” hinawakan ng matanda ang baba niya. “Manang-mana ka talaga sa Mommy mo, Joy. Napakagaling. Napakatalino. Proud na proud talaga ako sa `yo,”

Malaki ang naging ngiti ni Joy. Natutuwa siya kapag ganoong ipinagkukumpara siya sa kanyang Mommy. Ang Mommy kasi niya ang idol niya. Kahit na ba halos wala pa siyang isip nang mamatay ito, dahil naman sa palaging ikinukuwento sa kanya ni Manang Gloria ang tungkol rito, pakiramdam niya ay kilalang-kilala na niya ang Mommy niya. Dahil lumaki rin siya sa mga kuwento tungkol rito, ang mga naging passion nito ay naging passion na rin niya. Isang magaling na journalist din ang kanyang ina. Gusto niyang maging kagaya nito at ngayon ay ramdam niyang unti-unti na niyang nakikita ang sarili sa katayuan ng ina.

Kahit na ba hindi siya suportado ng nag-iisang tao na inaasahan niyang susuportahan siya.

“Sana masabi rin po ni Daddy ang mga salitang iyan sa akin,” sa biglang naisip ay nalungkot si Joy at nahawa rin si Manang Gloria at ilan pang tauhan na nakarinig sa usapan.

Hindi masasabi ni Joy na kulang siya sa pagmamahal at atensyon. Sa totoo nga lang ay marami siya noon. Lahat ng tauhan nila sa bahay, mga katrabaho niya at mga kaibigan niya ay alam niyang mahal siya. Kasundo siya ng maraming tao. Palagi kasi siyang nakangiti. Palaging mukhang masaya ang mundo niya, palaging parang walang problema. Pero sabi nga nila, ang mga taong masasaya ay mga taong maraming mga tinatagong problema. Pasok si Joy sa kategorya na iyon. Hindi man ganoon karami ang itinatago niya, malaki naman iyon.

Hindi gusto ng kanyang ama na maging journalist siya. Noong nag-college siya at ginusto niyang kuhanin ang kurso na iyon, doon nagkaroon ng malaking agwat sa kanila ng ama. Pinagpilitan niyang kumuha ng kurso na journalism sa kabila ng pag-ayaw nito. Sinubukan niyang ipakita sa kanyang ama na masaya siya roon, na magiging matagumpay siya sa gustong kurso. Noong college siya ay marami siyang napapanalunan contest at lahat ng iyon ay ginawa niya ang best niya para matuwa naman sa kanya ang ama at makita rin nito na masaya siya sa ginagawa niya.

Ginawa ni Joy ang lahat ng makakaya niya upang makita ng kanyang ama na iyon talaga ang gusto niya. Na maganda ang patutunguhan siya sa pagiging manunulat. Pero kahit halos pitong taon na simula nang hindi sila magkaroon ng pagkakaunawaan ng ama, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nito natanggap.

Kahit papaano, naiintindihan rin naman ni Joy kung bakit. Hindi gusto ng kanyang ama na nagaya siya sa kanyang ina. Hindi gusto ng ama na pinapaalala niya rito ang kung ano ang ina roon. Lalo na at dahil rin sa trabaho ng kanyang ina kaya ito namatay. Namatay ang kanyang journalist na ina dahil sa isang maselan na article na isinulat nito.

Pero matapang si Joy kagaya ng ina. Kahit alam niya na mapanganib ang kanyang ginagawa ay tinutuloy pa rin niya. Gusto kasi niya ang trabaho. Mahal niya ang pagsusulat. Hindi siya nag-aalala kung ano man ang maaaring mangyari sa kanya dahil gusto at mahal niya ang ginagawa. Namana niya iyon sa kanyang ina at proud siya roon. Gusto niyang ipaglaban ang sa tingin niya ay tama.

Kaya umaasa si Joy na balang araw, matatanggap rin siya ng kanyang ama. Kapag nakakuha siya ng mga ganoong tagumpay, palagi niyang iniisip na maaaring simula na ang mga ganoong bagay. Pero kahit ilang beses na siyang nakakatanggap ng mga parangal, hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nakukuha sa ama. Hindi ibig sabihin noon na titigil na siya sa pag-asa. Umaasa pa rin siya na balang araw, makikita rin ng kanyang ama ang kanyang ipinaglalaban.

Tila nakakaramdam naman ang kanyang ama dahil habang ipinapakita sa mga kasambahay ang napanalunan ay biglang dumating ang kotse nito. Nang makita siya nito ay malamig na tumingin at tumango lang ito sa kanya. Ni hindi man lang nito ginustong tignan at usisain siya sa nakuha niyang parangal. Pero ano pa at kilala si Joy bilang masiyahin? Dapat ay kalakip rin noon ang isang babaeng puno ng pag-asa. Sa kabila ng alam niyang kahihinatnan ng usapan, sumubok pa rin si Joy.

“Good evening, Daddy! Guess what? Nanalo ang article ko bilang Outstanding article of the year sa news writing category!” masayang pagbalita ni Joy sa ama at ipinakita rito ang trophy.

Tinignan iyon ng ama pero kagaya ng kanina, wala pa rin emosyon ang mukha nito.

“Aren’t you happy for me, Daddy? Lahat ay pinuri ako kanina. At sinabi pa ng boss ko na susubukan daw niya na isali ang article ko sa---“

“Inaasahan mo na maging masaya ako para sa `yo, Joy? Alam mo na sa una pa lang ay hindi ko gusto ang kurso na kinuha mo! Ang career na tinatahak mo! At kahit ano pa man ang award na ipakita mo sa akin, hindi magbabago ang isip ko,” matatag na sabi nito saka tinignan ang mga kasambahay nila na masama. Ramdam niya na hindi gusto ng kanyang ama ang nakikita ang mga ito na nagkukumpulan, lalo na at masayang nadatnan ng ama ang mga ito habang hawak-hawak niya ang trophy. Paniguradong iniisip nito na kaya ganoon ay nalaman ng mga ito ang nangyari sa kanya at ikinatutuwa ng mga ito iyon. Hindi gusto ng kanyang ama na malaman na sinusuportahan siya ng mga ito. Lumalaki lang daw ang ulo niya at mas lalong lumalakas ang loob.

Dahil nahiya, umalis ang mga kasambahay sa harapan nila ng ama. Napabuntong-hininga na lang si Joy.

“Ano pa po ba ang kailangan kong gawin para tanggapin niyo ang gusto ko, Daddy? Para mapasaya ko kayo? Ang maibalik ang relasyon natin dati?”

“Give up your job,” wala pa rin na emosyon na sabi nito.

“P-pero mahal ko po ang trabaho ko, Daddy.” Mahal niya ang ama pero mahalaga rin para sa kanya ang sariling kasiyahan. “Bigyan niyo pa ako ng isang option at susubukan kong---“

“Luc,” wika nito at naisip na agad ni Joy kung ano ang ibig sabihin noon. Kagaya ng pagtanggi niya sa paglisan sa trabaho, mariing tumanggi rin si Joy. Hindi niya kaya. Hindi puwede. Ipinagbabawal ang gustong mangyari ng kanyang ama na matagal na nitong iminumungkahi sa kanya.

“K-kaibigan ko po si Luc...”

“Lahat ng mga tao na makakita sa inyo kapag magkasama kayo ay hindi iisipin na magkaibigan lang kayo, Joy.”

Hindi lang ang ama ang nagsabi at naghinala sa kanila ni Luc ng ganoon. Pero kahit ilang beses na siyang nagpaliwanag rito tungkol sa sitwasyon nila ng matalik na kaibigan, hindi pa rin nito magawang maniwala. Iniisip niya na siguro ay dahil sa matagal na rin nito na nais mangyari sa kanila ni Luc para na rin sa pansariling kagustuhan nito.

Malaki ang business nila Luc. Mayroong chain of hotels sila Luc at lahat ng mga iyon ay nasa kategorya ng five stars. Samantalang ang pamilya naman niya ay mayroong mga beach resorts sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Pero kapag kapag pinagsama-sama ang lahat ng assets nila at ipagkukumpara sa assets nila Luc, nasa one-fourth lang siguro iyon. Naisip niya na kaya baka gusto ng kanyang ama si Luc para sa kanya dahil magandang i-partner ang business ng mga ito sa business nila. Mas magkakaroon ng kasiguraduhan kasi ito sa partnership na iyon kung sakaling magkakatuluyan sila ni Luc.

“Matagumpay na naman po ang mga business natin `di ba? At kung kailangan niyo ng tulong, kaya kong kausapin si Luc. Heck, magkaibigan rin po kayo ng Daddy niya. Magkaibigan ang mga pamilya natin. Bakit kailangan pang mangyari ang isang bagay na ipinagbabawal?”

Hindi sinagot ng ama ni Joy ang tanong niya. “Kung ganoon, hindi mo talaga ako makakayang mapasaya,” pagkatapos noon ay nilisan na siya ng ama.

Huminga nang malalim si Joy. Gusto niya rin na mapaupo pagkatapos ng pag-uusap. Naiiyak at nanghihina siya. Bigo na naman siya. Dapat ay masanay na siya pero hindi niya pa rin maiwasan na masaktan. Kailan ba siya maiintindihan ng ama?

Ginagawa niya ang lahat para maging magaling para makita ng kanyang ama na may mararating siya sa pamamagitan noon. Pero hanggang kailan ba siya susubok at masasaktan? Kailangan ba nito makikita na hindi niya kayang bitawan ang pagiging manunulat dahil nasa dugo niya iyon? Kung aalisin iyon sa kanya ay parang inalis na rin ang dugo sa katawan niya...

Kailangan ni Joy ng taong makakaintindi nang lubos at makakaramay sa muling pagkabigo na naman na naramdaman.

“LABAS,”

Sa halip na “Hello” rin ang matanggap ni Luc kay Joy pagkatapos niyang sagutin ang tawag nito at batiin, ang puno ng awtoridad na sagot na iyon ang kanyang narinig. Hindi tuloy naiwasan ni Luc na mapakamot ng ulo. Paniguradong mangungulit si Joy.

“May gusto ka ba na sabihin sa akin? Puwede bang sa ibang---“

“Sinabi ng lumabas ka, eh,” parang bata na hindi magpapatalo ang tinig ni Joy.

“Joy, I’m busy---“

“Gusto mo ba na bulabugin ko pa ang katulong niyo o susundin mo na lang ang gusto ko?”

Napabuntong-hininga si Luc. Alam niya na totohanin ni Joy ang gusto nito base na rin sa tinig na ginamit nito. At maatim ba niya na hindi pagbigyan ito? Pagkatapos ng lahat, kinokonsidera niya si Joy bilang isa sa mga babaeng pinakaimportante sa buhay niya. Gaano man siya kaabala, naglalaan pa rin siya ng oras para rito.

Pasalamat ka talaga at importante ka sa akin, Joy.

Nilabas ni Luc si Joy na nakita niyang nakasandal sa pader ng gate ng bahay nila. Dahil magkapit-bahay lang naman sila ni Joy, madali lang na makapunta ito sa bahay nila.. Napataas pa ang kilay niya nang makitang nakasuot pa ito ng pula na long gown. Napansin agad niya ang ganda nito pero kung gaano rin naman kabilis niya napansin iyon ay ganoon rin ang lungkot na nakita niya sa mga mata nito.

“What’s wrong?” Kung kanina ay bahagya pa na nainis si Luc sa pang-iistorbo ni Joy, ngayon ay nakuha na nito ang buong atensyon niya.

Nakaramdam agad ng hindi maganda si Luc sa nakitang anyo ni Joy. Halatang may masama rito. Nasasaktan ito. Hindi niya gustong masaktan ito. Simula pagkabata ay kasa-kasama na niya si Joy. Prinotektahan niya ito, iningatan. Ang makita ito sa isang masamang kondisyon ay tila nakapagpapunit ng puso niya.

Sa halip na sagutin siya nito ay may inilabas ito mula sa likod. Napansin agad ni Luc na isang trophy iyon. Napangiti si Luc. Ngayon niya naalala na ngayon nga pala ang awards night sa kompanya na pinapasukan ni Joy. Ibig sabihin ay nanalo ito. Babatiin at yayakapin na sana niya ito pero nanatili pa rin ang lungkot sa mukha nito.

“Bakit? Ano ba talagang problema, Joy? Huwag mong sabihin na hindi ka masaya na nakuha mo ang pangaral na ito?”

“Masaya, siyempre. Pero si Daddy...” kinagat ni Joy ang ibabang labi para pigilan ang pag-iyak.

Tumango-tango si Luc. “Naiintindihan ko.”

Hindi na napigilan pa ni Joy ang pag-iyak. “`Sorry kung kailangan kitang abalahin, Luc. Ang bigat-bigat lang kasi talaga ng pakiramdam ko.”

Niyakap niya si Joy. “Hush. I’m sorry, too. Oo, abala ako ngayon pero hindi na iyon mahalaga. Kailangan mo ako ngayon, mas mahalaga iyon. Mas mahalaga ka sa akin kaysa sa mga trabaho na iyon...”

Totoo ang sinabi ni Luc kay Joy. Abala man siya dahil marami siyang mga pinag-aaralan para na rin sa paghahanda sa pagtaas ng puwesto niya sa Delacroix Hotels---ang kompanya na pagmamay-ari ng pamilya niya---hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay ang mapakalma niya si Joy. Ang masigurado na maayos ang lagay nito.

Tatlong taon ang agwat ng edad nila ni Joy at hindi iyon nakaapekto sa relasyon na mayroon sila. Dahil magkapitbahay sila ay naging madali para maging magkaibigan sila. Isama pa na pareho silang nag-iisang anak at magkaibigan rin ang mga magulang nila. Sa tuwina ay madalas sila sa bahay ng isa’t isa, lalo na si Joy sa bahay nila. Kinagigiliwan ito nang husto ng mga magulang niya dahil frustration ng mga ito na magkaroon ng anak na babae. Nagkaroon kasi ng komplikasyon ang kanyang ina pagkatapos siyang maianak dahilan para maging infertile na ito. Ang plano pa naman ng mga ito ay magkaroon ng dalawang anak---isang panganay na lalaki at bunso na babae. Dahil doon, magkasundong-magkasundo si Joy at ang mga magulang niya, lalo na ng kanyang Mommy.

Napakaganda ng relasyon nila ni Joy. Kahit kasi ang ama ni Joy ay gusto rin siya. Nararamdaman pa nga niya na higit pa sa pagiging kaibigan ang gusto nito na maging relasyon nila ni Joy. Pero sa tuwina ay binabalewala niya lamang iyon. Magkaibigan sila ni Joy. Sa loob ng maraming taon, iyon ang itinatak niya sa isip niya. Alam niyang ganoon rin ito. Sa kabila ng maraming nag-aakala na mas malalim pa roon ang namamagitan sa kanilang dalawa, ang mahalaga ay alam nila ang nararamdaman nila para sa isa’t isa.

Kaibigan lang niya si Joy. Matalik na kaibigan. At dahil ganoon siya, handa siyang damayan ito sa problema nito. Kailangan niya. Alam niya ang hindi maayos na relasyon tungkol sa ama nito sa kabila ng pilit nito na pag-aayos noon. Kahit siya ay ilang beses na rin kinausap ang ama nito upang ayusin ang problema ng kaibigan. Pero nanatiling sarado ang isip ng ama nito.

Sa ngayon ay may isa lang siyang magagawa sa kaibigan; ang damayan ito. Hindi niya gusto na makitang ganoon si Joy. Para kay Joy, gagawin niya ang lahat.

MADALING araw na nang makabalik si Luc sa bahay nila. Antok at pagod na pagod na siya. May pasok pa siya mamayang alas nuwebe. Pero hindi na niya inisip ang magiging kakulangan niya sa tulog. Ang tanging mahalaga na lamang para sa kanya ay ang naggawa niyang tulungan ang kaibigan. Nasigurado rin niya na maayos na ito dahil inantay pa talaga niya hanggang sa makatulog ito.

Ganoon kahalaga para sa kanya si Joy. Iniingatan niya ito nang husto. Pinapahalagahan nang higit pa sa pagpapahalaga sa sarili niya. Alam niya na hindi lang iyon dahil sa tagal ng pinagsamahan nila ni Joy. Iyon ay bukal rin sa damdamin na ginagawa niya. Para bang sadya na rin na lumalabas sa kanya. He cared for her a lot.

Sadya naman na mabait si Luc. Maraming tao ang nagsasabi noon. Pasok daw siya sa nice guy category na lalaki. Pero alam niya na may limit rin ang mga iyon. Madalas ay hindi niya gusto na naiistorbo siya. Pero kapag usapin pagdating kay Joy iyon, handa siyang iskaripisyo ang mga bagay na gusto at ayaw niya.

Alas-tres na nang makauwi si Luc sa bahay nila. Ipinagtaka pa iyon ng guard nila. “Sir, ang akala ko ay nalingat lang ako sa pagdating niyo. Iyon po pala talaga ay hindi pa kayo nakakabalik,”

Itinuro ni Luc ang bahay nila. “Galing ako kayna Joy,”

Ngumiti ito. Hindi na nito ipinagtaka na ganoon dahil malinaw sa mga ito kung gaano sila kalapit ng kaibigan. Minsan pa nga ay umaga na siya umuuwi dahil doon na rin siya mismo nakakatulog sa bahay nina Joy. Sa bahay nila at kay Joy ay walang nag-iisip nang masama roon. Sanay na kasi ang mga ito. Ganoon kalapit ang relasyon nila.

Tumuloy na si Luc papasok ng bahay. Tumuloy siya sa pinto sa kusina. Iyon lang kasi ang natatanging pinto sa bahay kung saan sila may susi na nakatago sa labas. Sa pamamagitan noon, hindi na niya na kailangan pang mang-istorbo ng kasambahay upang pagbuksan lang siya ng pinto. Pero kahit nakuha na ni Luc ang susi sa sikretong taguan, mukhang hindi na rin niya kailangang gawin iyon. Bukas kasi ang pinto at sumalubong sa kanya ang hindi kilalang babae siyang nakita na naroroon at nagbukas ng ref. Mababakas ang gulat sa mukha nito nang mahuli siya.

Nagulat rin si Luc sa nakita. Inaantok na siya pero totoo ang kanyang nakikita. Sigurado siya roon.

Sino ang babaeng ito? Bagong kasambahay ba nila ito? Pero wala siyang nabalitaan na bagong kasambahay nila. Magnanakaw ba ito? Pero bakit naka-pajama ito?

Marami pang katanungan ang naglalaro sa isip ni Luc. Pero sa halip na abalahin ang sarili sa pag-iisip ng mga katanungan na iyon, parang mas iba ang gusto niyang pagtuunan ng pansin...at iyon ay sa nagpaiba ng tibok ng puso niya nang masilayan ang mukha nito. Sa kabila ng pagkagulat, natigilan rin siya.

Masasabi ni Luc na cute ang babae. Malinaw na napagmasdan niya ang mukha nito dahil na rin sa ilaw ng binubuksan nito na ref. Nagustuhan kaagad niya ang bilugang mata nito, pointed na ilong at kahit madaling araw na ay mapula pa rin na labi nito. Nakakatuwa rin tignan ang makipot nitong bibig na nakanganga dahil sa gulat sa pagkahuli niya rito. Maliit ang katawan nito at sa tantiya niya, aabot lamang hanggang sa balikat niya ang tangkad nito.

Bahagyang magulo pa ang pagkakatali ng buhok ng babae at tila may itim sa ilalim ng mata nito. Eyebags, perhaps? Pero nakakatawang naggawa niya pang purihin pa rin ito. Maganda pa rin ito. Iyon ba ay dahil uso na sa mga babae ngayon ang messy na itsura? Pero hindi. Naalala niyang naiinis pa siya kapag nakikita niya si Joy na magulo ang itsura. Pero sa babaeng ito...

Dala ba iyon ng tila pagpapatigil nito sa mundo niya? Ang pagpapalakas nito ng tibok ng puso niya...

Natagpuan niya ang sarili na parang nagkakagusto yata sa babae sa kabila ng sitwasyon. At sa unang pagkikita pa lamang iyon. Ano bang nangyayari sa kanya? Pero alam rin niya na kailangan rin niyang sundin ang iilan na nasa katinuan pa rin na pakiramdam niya.

“Sino ka?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.