Four Hearts and a Friendship w/ Bonus Friendship Stories Chapter 11

NAGPUNTA si Matteo sa lugar na iyon para magpahinga. Pero mali nga siguro ang desisyon niya na sumubok ng mga bagong bagay kagaya na lang nang hindi na pumunta pa sa mga exclusive resorts. Gusto niyang tumikim ng mga bagay na malayo sa pagiging mayaman. Gusto niyang maging simpleng mamayan kaya pinili niya ang Blue Shell Resort sa Batangas---isang three star na beach resort.

Pero kung ito ang magiging consequences ng pagkakaroon ng simple, parang gusto na niyang bumalik pa sa dating puwesto. Hindi na naman ngayon summer para maraming tao ang pumunta sa isang resort. High-class rin naman ang cottage na kinuha niya at iisang cottage lang ang kapitbahay dahil nasa pinakadulo na iyon. Ang katabing cottage niya ayon sa manager ng resort ay ang pagmamay-ari ng mismong may-ari ng resort at minsan lang raw pumunta ang mga ito roon. Rest assured na walang maingay sa lugar niya. May kalayuan rin ang iba pang cottages.

Pero pinatunayan ng kung sino man na taong sumisigaw na kahit malayo, basta may intensyon na manggulo ay talagang makakapaggulo.

Nang lumipas ang isang minuto at hindi tumigil ang kung sino man na sumisigaw na iyon ay inalis na ni Matteo ang isip sa pagbabalak na matulog muli pagkatapos maggising ng sumisigaw rin na iyon. Isinuot niya ang cap at shades na parte ng disguise niya para hindi makilala ng mga tao sa resort at umalis ng cottage upang pinuntahan ang kapitbahay na cottage.

Nangagaling ang ingay mula sa cottage na pagmamay-ari ng may-ari ng resort. Mainit ang ulo na sisigaw na rin sana si Matteo sa sumisigaw na iyon nang matigilan kung sino ang nagwawalang kapitbahay. Agad na nilukob ng kaba ang puso niya at dinaluhan ito.

“I hate this life! I hate you, Dad! I hate everything! Galit din ako sa `yo, Luc! Pero anong karapatan ko para magalit sa `yo? Wala akong karapatan! Best friend mo lang ako. B-best friend lang.” Wika ng babae na kanina ay bahagya lang niyang marinig ang mga ibig sabihin pero ngayong malapit na siya ay klarong naririnig na niya iyon.

Ang babaeng nakita ni Matteo ay ang siyang dahilan kung bakit ginusto rin niya na magbakasyon ng ilang araw. Mabuti na lang at maggawang ma-clear ng manager niya ang schedules niya. Pakiramdam kasi niya ay may matinding bumabagabag sa kanya, lalo na kagabi. Halos hindi siya nakatulog. Sa mismong resort na nga siya mismo nakatulog nang dumating siya nang umaga at ginambala pa nito ang tulog niya. Pero balewala na iyon kay Matteo ngayon, lalo na nang makilala ang babae at makita ang lagay nito. It was Joy. Parang matutunaw ang puso ni Matteo sa nakikitang anyo nito. She was hurting so badly.

Kung ganoon ay tama nga ang nasa isip ko na in love ang babaeng ito sa best friend niya, nasa isip-isip ni Matteo.

Gusto niyang mapatiim-bagang. Naghihisterya si Joy. Joy was too lovely to be suffering like this. Ganoon nga ba talaga ang pag-ibig? Nakakabaliw? Kahit ramdam niya na may iba pang dinadamdamdam si Joy dahil na rin sa mga nauna nitong binitawan na salita, isa pa rin sa mga dahilan kung bakit ito nagkakaganoon ay dahil kay Luc.

Itinigil ni Matteo ang pag-iisip. Hinawakan niya si Joy at sinubukang kalmahin ito. Ngunit sa halip na kumalma, lalo pang nagwala si Joy.

“Don’t touch me!” nanlilisik ang mga matang tinignan ni Joy si Matteo. Sa tingin ni Matteo ay nawawala na talaga si Joy sa sarili nito. Hindi siya nito nakilala. “Gusto mo na magaya sa akin? Isang failure? I failed my own father. Hindi ko sinunod ang gusto niya at ang tingin niya sa akin ay isang malaking pagkabigo. At si Luc...” parang nababaliw na bigla na lang tumawa ito. “Binigo ko rin ang sarili ko dahil hinayaan ko siya na malayo sa akin. Heck, nang ipakilala niya sa akin si Ginny, nang pagdudahan siya nito, tinulungan ko pa siya! Pero nang maging sila, ito ang tanga, nasaktan...”

Ang kaninang galit ni Joy ay nauwi na sa tawa. Nakakatakot na tawa. Lalong kinain ng kaba ang puso ni Matteo. Itinaas ni Joy ang kamay nito at noon lang niya napansin na may dugo iyon. Doon lang niya napansin na maraming nagkalat na gamit sa paligid. Basag ng display vase sa lamesa ng cottage. Malamang ay nadali ni Joy ang kamay doon kaya may dugo. “Joy, sa tingin ko ay kailangan na kitang dalhin sa clinic.”

“Bakit mo ako dadalhin sa clinic? Hindi ko kailangan ng tulong. Hindi ko kailangan ng taong gagamot sa akin. Dahil alam mo ang sakit ko? Walang kahit sinong makakagamot. Nasa puso ang sakit ko at kahit sinong heart surgeon ay walang makakapag-ayos ng problema noon.” Nagsimula nang umiyak si Joy at sinunod ni Matteo ang udyok ng puso niya na yakapin ito upang pakalmahin. Mukhang effective naman iyon dahil hindi pumalag si Joy. Nanatili itong umiyak sa mga bisig niya hanggang sa maramdaman niya na pantay na ang hininga nito.

NAGGISING si Joy sa hindi pamilyar na lugar. Wala siyang kasama sa kuwarto at puting-puti iyon. It looks like a hospital or a clinic. Tinignan niya pa ang paligid upang makasigurado. Nang makita na may bakas ng resort nila sa beside table ng kuwarto niya, doon niya napagtanto na nasa loob siya ng clinic ng resort.

Kinabahan si Joy. Pilit niyang inalala ang mga nangyari at namutla siya nang maisip ang ginawa. Nagwala siya. Naalala niya pa ang kung paano niya binato ang flower vase para mailabas ang sakit na nararamdaman sa dibdib. Pero pagkatapos noon ay wala na siyang maalala. Pakiramdam niya ay nawala na talaga siya nang tuluyan sa sarili. Ni hindi niya alam kung paano siya natagpuan at kung paano siya dinala sa clinic. Gusto niya ng mga kasagutan pero paniguradong nakakahiya ang mga nangyari.

At maaaring ang tingin rin sa kanya ng mga tao ay baliw. Pamilya pa man rin niya ang may-ari ng resort. Paniguradong malalaman ng kanyang Daddy ang nangyari sa kanya. Ano ang mangyayari? Magkakaroon ba ito ng concern sa kanya o kagaya ng dati ay babalewalain siya nito dahil para rito, isang malaki pa rin siyang pagkakamali?

Ilang sandali ay bumukas ang pinto. Niluwa noon ang dalawang tao. Isang Doktor at isang lalaking naka-shades at sombrero. Kumunot ang noo ni Joy nang parang pamilyar sa kanya ang lalaki pero minabuti na muna ni Joy na pakinggan ang Doctor.

“Kumusta ka na, hija?”

“S-sa tingin ko po ay okay na naman ako.”

“Good. Ganoon rin ang inaasahan ko. Yamang nagkaroon ka ng limang oras na pahinga,”

“Sigurado po ba kayo na magiging maayos na po talaga siya pagkatapos magkaroon ng pahinga?”

“She had a break down. May mairerekomenda akong gamot. But this things were not really necessary. Mas kailangan ng ganitong mga kaso ng therapist, kung gugustuhin. Paminsan-minsan ay dumadaan talaga ang mga tao sa ganitong stage ng buhay, lalo na kapag may mga mabigat na pinagdadaanan. But a person that would be there for her every time would be the best for now. Unless, kung nangyari na ito sa kanya dati?” tumingin sa kanya ang Doctor.

Umiling si Joy. “I’m just having rough times lang po talaga ngayon.”

“I see. Medicines and therapist are not necessary for now. The best cure is a good sleep, na naggawa na niya ngayon. Kung maaari rin, para makasigurado tayo na hindi mangyari muli, she needed someone beside her this moment. Natawagan na ang manager ang Daddy niya na may-ari ng resort pero dahil hindi ito available ay---“

“I’m willing to be that someone beside her, Doc.”

Ngumiti ang Doctor. “Kung ganoon ay nasa maayos na kondisyon ang lahat. If some other things happened, nandito lang naman ako palagi.” Pagkatapos noon ay iniwan na sila ng Doctor.

Gustong magprotesta ni Joy. Sa tingin niya naman ay kaya niya. Masyado lang siyang kinain ng mga damdamin niya kaya ganoon. Hindi niya kailangan ng kahit sino sa buhay. Lalo na ngayon. Kailangan na niyang sanayin ang sarili niya na sa mga oras na may kailangan siya, wala na siyang tatakbuhan. Hindi na sa kanya lang umiikot ang buhay ni Luc. Kung magagawa man siya nitong damayan, mahirap na iyon. At nakakahiya.

Pero ang lalaking ito ay willing na gawin iyon sa kanya. Sino ba ito?

“Sigurado ka bang okay ka na?”

Pamilyar ang boses ng lalaki sa kanya. He had a sexy british accent. Pero ayaw isipin ni Joy na tama ang iniisip niya. Baka nga hindi pa talaga siya okay kaya naiisip niya na kaboses ito ni Matteo. Hindi niya sinagot ang tanong nito. “Ikaw ba ang nagdala sa akin sa clinic?”

Tumango ito. Pagkatapos ay tinanggal nito ang suot na sombrero at shades. Ngumiti ito sa kanya.

Kumurap-kurap muna si Joy upang makasigurado na tama ang nakikita niya at hindi parte pa rin ng nangyari sa kanya kanina. Pero nang makasigurado ay nanigas siya at medyo matagal bago nakabawi. “Matteo...”

Anong mayroon at bakit gumagawa ang tadhana ng paraan ng posibilidad na magkasama muli sila ng isang taong inilagay na niya sa mga bagay na imposible?

“KAYA ko na ang sarili ko,” paninigurado ni Joy kay Matteo nang hindi pa rin siya nito gustong iwanan. Gabi na at gusto na sana niya muling magpahinga. Napakarami na ng mga nangyari ngayong araw at sa kabila ng mahaba niyang itinulog kanina, pakiramdam niya ay pagod na siya. Isama pa na parang nag-e-exercise yata ang puso niya sa mga nakalipas na oras dahil ang lakas ng tibok noon. Parang hindi normal at gusto niyang isisi iyon kay Matteo.

Umiling si Matteo. “Sasamahan kita hanggang sa pagtulog mo. Iyon ang ipinangako ko sa Doctor.”

Lumabi si Joy. “Sobra-sobra na ang pag-alalay mo sa akin. Sinasayang mo ang bakasyon mo ng dahil sa akin.”

Napag-alaman ni Joy na kagaya niya, nasa bakasyon rin si Matteo sa resort nila. Ang sabi nito ay coincidence lang daw na pareho silang doon nagpunta. Gusto lang daw nitong makatikim ng simpleng pamumuhay kaya ginusto nitong sa middle-class resort lamang pumunta. Upang hindi makilala, nag-disguise ito. Ngayon ay hindi na nito suot ang disguise dahil sila na lamang daw naman dalawa. Wala na daw saysay kung gagawin nito iyon dahil kilala na naman niya ito.

Pero may saysay para kay Joy ang disguise ni Matteo. Hindi kasi niya ganoong nakikita ang kaguwapuhan nito kapag ganoon. At gusto niya ng ganoon. Hindi niya gustong maakit kay Matteo na nangyayari kapag hindi ito nakasuot ng disguise.

Kaya lang, unti-unti na rin na napatunayan ni Joy na hindi lang ang angking kaguwapuhan ni Matteo ang nakapagpaakit sa kanya. Mabait rin naman pala ito. Napatunayan niya na hindi naman lahat ng lumalabas rito ay totoo. Dahil kung malupit at arogante ito, bakit mabait ito sa kanya? Naggawa siya nitong tulungan ng walang kahit anong kapalit.

“Gusto ko ang ginagawa ko. Siguro nga ay nandito ako para sa bakasyon. Pero sa tingin ko, parte na rin naman ng bakasyon ang magkaroon ng series of dates,” kumindat pa si Matteo kay Joy.

“Series of dates? `Wag mong sabihin na iniisip mo na date ang ginagawa mong ito?”

“Ganoon na nga,”

Napailing-iling si Joy. “Pumaparaan ka rin `no?”

“Alam mo na gusto kita, Joy.”

Pinigilan ni Joy ang mamula. “Salamat kung ganoon.”

Tumaas ang isang kilay ni Matteo. “Iyon lang? I’m not asking for that.”

“Alam mo na rin naman ang sagot ko `di ba? Gusto rin kita pero ayaw ko ng mangarap pa---“

“Then don’t. Why can’t you just enjoy the moment?”

Kagaya ng palagi mong ginagawa. Gusto sanang sabihin ni Joy. Napaisip tuloy siya. Bakit nga ba hindi niya gawin? Pagkatapos ng lahat, ganoon rin ang payo sa kanya ni Luc.

Hindi niya gustong masaktan. Pero kung hindi niya susubukan, paano niya malalaman na masasaktan talaga siya? Paano kung mapatunayan niya sa piling ni Matteo na nangyayari talaga ang mga bagay na imposible?

Sa huli, hindi na lang ginustong sagutin ni Joy si Matteo. Gusto niya pang mag-isip. Masyado pang mabilis ang lahat para magdesisyon siya kung tama bang makinig sa sinasabi ni Matteo. Sa kabila ng gusto niya ito, kailangan rin niyang isaalang-alang ang realidad upang hindi na muli na masaktan. Lalo na sa mga nangyari sa kanya kanina. She needed to be sensible.

“Iwan mo na muna ako, Matteo. Pagod na ako.”

“No. Dito lang ako. Dito na ako matutulog sa cottage mo.”

Nanlaki ang mga mata ni Joy. “Ano? Ayaw ko nga!”

“Joy, kailangan mo ako. Huwag ka ng makulit. Paano kung mangyari na naman sa `yo ang nangyari kanina? Hindi ko nga gustong makinig sa Doctor na `yun. Gusto ko nga na ipatingin ka pa sa ibang mas marunong. Sa tingin ko ay may higit ka pang kailangan kaysa sa mga sinabi niya.”

“Masyado kang OA, Matteo,” wika ni Joy kahit sa totoo lang ay nagustuhan niya ang pag-aaala nito. Madalas, si Luc lamang at ang pamilya niya ang nagpapakita ng pag-alala sa kanya. Ngayong mahirap na iyon para kay Luc dahil sa pagiging abala nito sa bagong nobya, kay sarap isipin na parang hindi naman talaga siya pinabayaan. Ibinigay ng Diyos sa kanya ang isang Matteo.

Kahit alam niyang malaki ang posibilidad na panandalian lamang iyon.

“Whatever. Nag-aalala ako sa `yo. Lalo na at pagkatapos ng mga nangyari, tila pinabayaan ka pa ng Daddy mo. Hindi ko maggawang tanggapin iyon.”

Tinitigan niya si Matteo. Nakatiim ang mga bagang nito---galit. Parang mas masama pa ang loob nito kaysa sa kanya nang malaman ang reaksyon ng kanyang Daddy sa nangyari sa kanya.

Alam ng kanyang Daddy ang nangyari sa kanya. Pero sa halip na puntahan siya upang alagaan, he just wished her well. Bumalik kasi ito sa Cebu dahil nagkaroon ng problema sa isang resort nila roon. Inaasahan na ni Joy ang ganoon sa Daddy niya. Tila sapat na rin sa kanya ang pagwi-wish nito sa kanya. Pero kay Matteo ay kulang pa iyon.

Hindi na nga sana gusto ni Joy na malaman iyon ng Daddy niya. Pero inevitable naman iyon dahil na rin sa kilala siya sa resort. Mabuti na lang at hindi ipinaalam ng staffs kay Luc ang nangyari. Ganoon rin ang ginawa ni Matteo. Siguro ay naisip nitong maaaring makadagdag pa rin sa problema niya si Luc dahil na rin isa ito sa mga dahilan kung bakit ganoon. Makakapag-isip ito ng masama tungkol sa sarili nito kahit siya ang may mali. Hindi rin niya gusto na malaman iyon ni Luc.

“I’m going to be okay,” deklara ni Joy pero hindi pa rin pumayag si Matteo. Napapagod na rin siya pero ayaw nitong magpapigil. Bumuntong-hininga si Joy. “Fine, kung talagang nag-aalala ka sa akin, sige na, papayagan na kitang matulog sa cottage ko. Pero sa kondisyon na hindi ka sa loob matutulog. Diyan ka lang sa terrace, maliwanag?”

Sandaling natigilan si Matteo pero tumango rin naman sa huli. Muntik na rin na matigilan si Joy sa nangyari. Ganoon talaga kadeterminado ang lalaking ito na alagaan siya?

Parang malapit na nga yata talagang maniwala si Joy sa imposible.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.