TAMPO man si Joy sa matalik na kaibigan na si Luc, hindi niya naman gustong isama sa tampo niya rito ang mga magulang nito na parang magulang na rin niya. Kaninang umaga ay tinawagan siya ng Mommy ni Luc at sinabing gusto daw nitong magkita sila sa main office ng Delacroix Hotels. Day-off naman niya ngayon kaya pinagbigyan na niya kahit na ba alam niya na malaki ang posibilidad na makita niya si Luc.
Sa mga nakalipas na araw ay iniiwasan ni Joy si Luc. Sa kabila ng mga efforts nito sa pagkausap sa kanya, hindi niya pa rin pinapansin ito. Hindi niya gusto. Masakit pa rin para sa kanya ang nangyari sa kabila ng mga dahilan nito.
Kaibigan lang siya pero dahil sa pagiging malapit nila ni Luc, nahihirapan siyang i-digest ang sitwasyon. O naninibago siya na hindi na siya ang priority. Maaaring may iba pang dahilan. At kung ang naiisip nga niya na ibang dahilan kung bakit siya nagkaroon ng ganitong pagtatampo kay Luc, mas tama nga siguro na iwasan niya ito.
Hindi sa kanya si Luc. Hindi na ito sa kanya. May Ginny na sa buhay nito.
Hindi na lang inisip ni Joy ang posibilidad na makikita ang matalik na kaibigan. Pero hindi niya alam kung pinaglaruan ba siya ng tadhana o pinaglaruan ni Luc o ng mismong Mommy nito. Pagdating kasi niya sa particular na lugar kung saan niya tatagpuin sana ang Mommy ni Luc, wala ito roon. At ang tanging taong iniiwasan niya ang naroroon.
Mas lalong nasaktan si Joy.
Siguro nga ay may magandang dahilan si Tita Linda upang gawin iyon sa kanya. Siguro ay kagaya ni Luc, gusto lang nito na magkabati sila. Pero pakiramdam niya ay niloloko siya. Malamang, si Luc rin ang may gawa noon at pinakiusapan ang ina.
Nagdilim agad ang mukha ni Joy. Akmang aalis na siya nang mapansin niya na hindi lang si Luc ang nasa loob ng guest room na iyon. Pamilyar sa kanya ang lalaki pero hindi maiwasan ni Joy na mapakurap para masiguro kung sino ang nakikita...
Napahawak pa si Joy sa pader dahil pakiramdam niya ay nanghina siya. Natunaw yata ang mga tuhod niya dahil nasa harap niya ngayon ang isang pangarap.
“Joy! Halika,” masayang bati pa sa kanya ni Luc. Nilapitan siya nito. Hinawakan ang kamay niya. Lalong natigilan si Joy. Hindi niya masigurado kung ano ang kailangan niyang gawin. Gusto niyang lumayo rito. Pero sa kasama nito ngayon...
Isa ba sa mga paraan ni Luc para makabawi ay ang dalhin sa harapan niya ang pinakaguwapong nilalang na nasilayan niya sa buong mundo?
Siya at si Matteo Busby, sa iisang kuwarto.
Isang malaking pangarap para kay Joy ang makita si Matteo. Kaya lang, napakahirap magkaroon ng access para lang masilayan ito. Ilang beses man na nagpabalik-balik ito sa Pilipinas dahil sa iba’t ibang endorsement nito at pangalawang tahanan rin nito dahil na rin sa Filipina na ina, masyadong abala ito sa buhay. Ni hindi man lang nga nagkakaroon ng meet and greet ito. Kung pumupunta man ito sa Pilipinas ay sandali lamang kung endorsement ang usapan. Piling-pili lang na tao ang nagkakaroon ng access para makita ito. Tanging mga parte lang ng trabaho. Kung bakasyon naman ang usapan, napaka-ekslusibo palagi ng mga pinupuntahan at napakahirap malaman kung nasaan iyon.
Alam iyon ni Joy dahil fan siya ni Matteo.
He was a supermodel. Hindi lang ito sa buong bansa sikat, pati na rin sa buong mundo. Simula nang sumikat ito, naging taga-subaybay na siya nito. Isa ito sa mga tinuturing ngayong pinakamatagumpay na modelo sa mundo.
At ngayon, hindi na lang ito isang pangarap. Nandito ang mismong Matteo Busby sa harapan niya.
Sa pinaghalo-halong damdamin, napaiyak na lang si Joy.
KAGAYA ng nangyari kay Joy nang pinapunta kuno siya sa opisina ng Delacroix ni Tita Linda, napilitan rin siya na dumalo sa grand opening ng LD Hotels and Casino---ang pinakamalaking proyekto ng Delacroix Hotels. Kagaya noong una, hindi niya gustong dumalo. Pero dahil mismong ang mga magulang pa ni Luc ang sumundo sa kanya sa trabaho at pinagpaalam pa siya sa kanyang boss para lang dumalo ng event, napilitan na naman siya.
Maraming dahilan kung bakit ayaw niya. Isa pa rin si Luc sa dahilan. Kahit sa kabila ng ginawa ni Luc, hindi niya pa rin gustong mapatawad ito. Lalo na at pakiramdam niya, napahiya lamang siya kay Matteo. Sa sobrang gulat kasi niya, napaiyak na lang siya. Hindi na niya gustong humarap pa muli kay Matteo dahil na rin sa pangyayari. Tumakbo siya palayo sa halip na harapin at makilala pa ang kanyang pangarap.
Pero alam ni Joy na hindi pa rin maiiwasan na hindi niya makikita si Matteo. Ito ang napiling endorser o masasabi rin na ambassador ng LD Hotel and Casino. Kasama ito sa mga magsasagawa ng Grand Opening ng naturang hotel. Pero umaasa si Joy na hindi siya makilala nito. Ayaw niyang mapahiya.
Hindi naman malayo sa posibilidad ang naiisip ni Joy. Dahil sa estado ni Matteo sa buhay, siguro naman ay marami na itong nakilalang tao. Ang isang kagaya niya na fan na napaiyak nang makita ito ay hindi na siguro bago rito. May pagkapribado man ito ay kilala rin naman ito na playboy. Hindi na nito bibigyang pansin ang sarili niya kahit magkasama pa man sila sa isang lamesa.
Nangyari naman ang naisip ni Joy. Nagkasama nga sila ni Matteo sa iisang lamesa. Pero nagkamali ng iniisip si Joy. Mukhang nakilala siya ni Matteo dahil habang nagdi-dinner sila pagkatapos ng grand opening, in-approach siya nito.
“Joy, right?”
Nanginig si Joy. Hindi niya inaasahan iyon. Tumango na lamang siya.
Nakita niya na ngumiti si Luc na katabi si Matteo. Magkaharap sila ng mga ito. Ganoon rin ang mga magulang nito. Ano ba ang gustong palabasin ng kaibigan niya? Parang gusto pa yata siyang i-set up nito sa kilalang modelo. Masasabi naman ni Joy na maganda siya pero ang mapansin ng isang Matteo Busby? Kagaya lamang rin ng tingin niya rito iyon: pangarap.
Hindi siya ambisyosa. Gusto niya si Matteo, oo. Crush niya ito. Pero nabubuhay rin siya sa realidad na hindi siya parte ng mundo nito. Nakakasama man niya ngayon sa iisang lamesa ang sikat na lalaki na kagaya nito, hindi ibig sabihin ay mapapansin na talaga siya nito nang husto. Siguro nga ay nakilala at pinansin nito. Pero hanggang kailan?
Hindi siya supermodel na kagaya ni Matteo. Hindi siya nabubuhay sa mundo nito. Playboy ang lalaki---iba’t ibang kilalang tao ang napapasama rito. He was dating supermodels, actresses, all are famous in their home country. Siya, kasama man sa isang prominenteng pamilya at gumagawa na rin ng pangalan sa Pilipinas bilang manunulat, ay hindi pa rin masasabing babagay sa isang kagaya ni Matteo.
Hindi na gustong mangarap ni Joy. Sapat na para sa kanya na makita at makasama ang isang pangarap kahit sandali lamang iyon.
“Are you okay now?” lalong hindi inaasahan ni Joy ang tanong na iyon. Hindi niya naitago ang pagkagulat. May pakialam sa kanya ang lalaking ito?
Pero ano ang mga article na nabasa ko na wala raw puso si Matteo Busby?
He was rude. He was arrogant. He was a playboy. Maraming mga bad publicity ang nakukuha ni Matteo Busby. Ngunit sa kabila noon, matagumpay pa rin ito. Well, ganoon nga siguro talaga ang nagagawa ng guwapo at charms.
“Y-yes, I’m okay. Maraming salamat sa concern,”
“Walang anuman,” ngumiti pa ito. Magaling ito sa Tagalog dahil na rin sa ina nitong Filipina. Isa sa mga nabasa niyang article tungkol rito ay close raw ito at ng ina nito. “Kung ngayon ay maayos ka na, can I dance you later?”
Anong pagpapakitang interes ito? At sa harapan pa talaga ng maraming tao, ha? Malapit na yatang maloka si Joy.
Pero sino siya para tumanggi? “Sure.”
Pagkatapos ng dinner ay ang social night. Intensyon sana ni Joy na umuwi ng maaga dahil na rin sa nag-undertime siya sa trabaho dahil na rin sa pakiusap sa kanya ng mga magulang ni Luc na sumama sa event. Ang plano sana niya ay gawin na lamang sa bahay ang article na ginagawa kanina. Pero ano ba ang pasayahin ang sarili paminsan-minsan? Nasa harap na niya ang pangarap. Kahit na ba parang malabo pa rin na makuha iyon, gusto na lang niya na aliwin ang sarili sa pambihirang pagkakataon na iyon. Pagkatapos ng lahat, malayo pa ang deadline para sa article. Sa lifestyle section kasi siya nakatalaga ngayon. Ayon sa boss niya, sa buong linggo nito aantayin ang article niya. Lunes pa lamang ngayon.
Pareho nilang unang sayaw ni Matteo ang isa’t isa. Nakita niya na maraming mata ang nakatingin sa kanila. Naiilang si Joy pero gusto niyang intindihin ang lahat. Iyon ang consequence ng pagpayag niya sa gusto nito.
“You looked beautiful tonight, Joy.”
Gasgas na ang salitang iyon para sa unang salita. But it still worked for Joy. Namula siya. Hindi siya madalas na namumula kapag binibigyan ng papuri. Pero kailangan pa ba niya na pagtakahan iyon kung galing iyon sa isang Matteo Busby?
“Thank you. Ikaw rin. Pero sigurado naman, sanay ka na sabihan noon?”
“Ayaw ko na isipin mo na vain ako,”
“Pero hindi nga ba?” hindi alam ni Joy na mali ang sinasabi niya. Sa halip na nagkakaroon siya ng magandang puntos sa lalaki, sa pakikipag-argumento niya rito, makakasama lamang iyon.
“Models are vain, yeah. And I admit. Kung iyon ang gusto mo. Pagkatapos ng lahat, kaya naman kita niyaya na sumayaw ay para mapasaya ka. Gusto kong sundin ang gusto mo dahil gusto kong gawing paraan iyon para magustuhan mo rin ako.”
NAAPEKTUHAN ang babaeng ito, ramdam iyon ni Matteo. Hindi naman mamumula si Joy kung hindi ito naapektuhan sa kanya. Sa loob ng maraming taon, umiikot sa pagiging modelo at babae ang buhay niya. Mabilis na siyang makabasa ng takbo ng isip ng mga babae. Isa lamang si Joy sa mga babaeng nagkakagusto sa kanya. Inamin rin naman iyon sa kanya ng matalik na kaibigan nitong si Luc.
Pero pagkatapos ng ilang papuri ay nag-iba ang timpla ng mukha ni Joy. Sa halip na magustuhan nito ang diretsahang pag-amin niya ng damdamin niya, mukhang hindi pa nito iyon nagustuhan. Kung ang ibang babae ay napapangisi at lalong namumula, si Joy naman ay namutla.
“A-are you flirting with me?” nasa boses ni Joy ang nerbiyos.
“Ako ang klase ng lalaking kapag gusto ang isang babae, hindi magdadalawang isip na sabihin iyon rito. Its true. I like you, Joy.”
Seryoso si Matteo. Gusto niya si Joy. Noong una silang magkita ay hindi na niya kayang itanggi iyon. Kahit na ba nakakahiya kung ituring ang nangyari sa unang pagkikita nila dahil napaiyak ito, hindi iyon naging masama para kay Matteo. Iyon pa nga ang naging daan upang mapansin niya lalo ito.
She looked very pretty beyond the situation. May halong kasimplehan ang ganda nito dahil na rin sa simpleng damit na suot nito nang magpunta ito sa main office ng Delacroix Hotels. Walang kahit anong kolorete ang mukha nito pero maganda ito. Hindi man ito kagaya ng mga supermodels at artista na madalas na inilalabas ni Matteo, naagaw pa rin nito ang atensyon niya.
Maliit lang si Joy. Sa tantiya niya ay nasa 5’2 lang ang tangkad nito at ngayong magkaharap nga sila dahil sumasayaw ay kailangan pa nitong tingalain siya para lang maggawang salubungin ang kanyang mga mata. Mas masasabi niya na mas maganda ito kaysa noong unang nakita niya. Nakaayos ito at bagaman manipis pa rin ang make-up, naka-enhance pa iyon lalo sa ganda nito.
Joy looks outstanding tonight. Kahit punong-puno ng kalituhan ang itim na mata nito ay tila nahihipnotismo pa rin siya na hirap alisin ang mga mata niya sa mga iyon. Gusto niya ang maliit na mukha, ilong at labi nito. May pagka-mestiza rin ito. Cute ito. Gorgeous, kapag ngayong nakaayos. Pero hindi pa rin ito ang tipo ng babaeng type niya dahil hindi naman malaki ang hinaharap at dibdib nito.
Still, gusto pa rin ito ni Matteo. Hindi niya lang masabi at maipaliwanag kung bakit pero may parte ng katawan niya na nagsasabing gustong makasama ito. Kahit hindi naman talaga niya inaasahan ang pagkuha sa kanyang modelo ng LD Hotels and Casino, nag-look forward siya sa trabaho, lalo na sa grand opening noon dahil alam niyang makikita si Joy.
And it seems so worth it.
“G-gusto mo ako?” ulit pa ni Joy kay Matteo. “Pero paano?”
Kumunot ang noo ni Matteo. “Anong paano? Kailangan ba talagang tinatanong kung paanong nagugustuhan ang isang tao?”
“O-oo naman. Lalo na at hindi naman ako kapantay mo. I mean, compared to you, I am a nobody. Hindi rin ako kagaya ng mga babaeng naging girlfriend o nade-date mo.”
Napangisi si Matteo. “So you really are my fan to know about this.”
“You’re famous. And yes, I have a crush on you.”
How lucky can he get? Naniniwala na yata si Matteo na napunta sa kanya ang lahat ng suwerte ng nagpaulan noon si Lord. Mas lalong lumaki ang ngisi niya. “Then it is no problem. Tell me, kailan kita puwedeng i-date?”
Umiling ito. “Pero hanggang doon lang iyon, sa tingin ko. I like you and you like me, too. End of story.”
Naguluhan si Matteo. “How come it would end like that? May boyfriend ka ba para hindi mo ako gustong pagbigyan?”
Hindi nagsalita si Joy. Sa halip ay luminga ito sa paligid. Tumingin ito sa lamesang kinauupuan nila kanina. Tinignan nito ang matalik na kaibigan nitong si Luc.
Lalong naguluhan si Matteo. Ibig sabihin ba noon ay in love ito sa best friend nitong si Luc Delacroix? Pero hindi maaari. Nakilala na niya si Luc dahil na rin sa ginawa nilang business sa isa’t isa. May nobya na ito.
Diyata’t nagkagusto yata si Matteo sa isang babaeng na-friend zone?
“ANO itong nalaman ko na may nobya na raw si Luc?”
Sa halip na kumustahin si Joy, iyon ang unang bungad sa kanya ng ama. Mag-a-alas onse na ng gabi nang makauwi siya sa bahay nila galing sa grand opening ng LD Hotels and Casino. Dahil may pinuntahang business meeting ang kanyang ama sa araw na iyon at sa mga nakaraan, hindi na ito nakarating sa event kahit imitado ito dahil na rin magkaibigan ang mga pamilya nila ni Luc. Sa mga nakaraang araw ay ngayon na lang sila muli nagkita ng kanyang ama.
Hindi gustong sagutin ni Joy ang ama. Masama pa rin ang loob niya kay Luc. Masakit pa rin na tanggapin ang lahat. Pero alam niyang kailangan niya. “Naikuwento na naman po sa inyo ni Tita Linda na may nililigawan si Luc `di ba?”
“Oo. Pero hindi ko gustong isipin na magkakatuluyan sila ng babaeng iyon. Ayaw kong isipin,” madilim ang mukha ng ama niya. “Luc was your last straw, Joy.”
Huminga nang malalim si Joy. “Ano po ang gusto ninyong gawin ko, Daddy? Ang manulot ng lalaki---“
“Maaari naman na hindi ka dumating sa punto na iyon. You could have Luc then. He only had eyes for you.”
“Magkaibigan lang kami. Kaibigan lang ang tingin niya sa akin!”
“At ikaw?”
Hindi nagsalita si Joy. Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin siya sa kanyang nararamdaman.
“Pareho kayo ni Luc, Joy. Si Luc lang din ang natatanging lalaki sa buhay mo bukod sa akin. Si Luc, naiintindihan ko kung bakit hindi siya makapagpalapit ng ibang babae sa buhay niya. Masyado siyang abala. Napakalaki ng responsibilidad niya sa kompanya nila.”
“Busy rin naman po ako sa---“
“Mas marami kang oras kaysa sa kanya. At ang mga libreng oras mo na iyon, sa halip na gamitin mo sa ibang lalaking gustong makipag-date sa `yo, ay palaging kay Luc mo ibinibigay.”
Alam ni Joy na tama ang kanyang ama. Marami naman ang nagtatangka na manligaw sa kanya. Ang iba pa nga ay pumupunta sa bahay nila upang yayain siyang lumabas. Minsan ay nakikita iyon ng kanyang Daddy kaya hindi na siya nagtataka sa obserbasyon. Pero wala siyang kahit sino ang naiisip na patulan ang mga iyon. Wala siyang kahit anong espesyal na damdamin na nararamdaman ng mga ito. Walang kahit anong pagpapahalaga, kagaya ng madalas na nararamdaman niya kay Luc.
Madalas ay si Luc ang hinahanap niya. Gusto niya na makaramdam ng comfort kapag kasama ang isang lalaki. Kagaya ng nararamdaman niya kay Luc.
Hindi na lang muli na nagsalita si Joy sa ama.
“Gusto mo si Luc. Sa tingin ko ay higit pa sa kaibigan ang nararamdaman mo para sa kanya. Pero ni hindi mo man lang naggawang ipaglaban iyon. You’re a failure to me and you’re also a failure to yourself.”
Ang mga masasakit na salitang iyon ang iniwan ng ama ni Joy sa kanya. Lalong bumigat ang kanyang loob.
Makakaya pa ba niya ang lahat ng nangyayari sa kanya? Masakit na nga para sa kanya ang estado nila ni Luc ay dinagdagan pa iyon ng pangungutya sa kanya ng ama.
Mabubuhay na lang ba talaga siya ng ganoon? Na lahat ng gusto niya, kung may mga pumipigil man, ay imposible na mangyari.
Ang career na gusto niya na hindi gusto ng kanyang ama sa kabila ng mga nakukuha niyang tagumpay. Si Luc na gusto niya at ngayon niya lamang lubos na napagtanto iyon. Dahil kung hindi niya gusto si Luc, bakit siya masasaktan sa mga ikinilos nito sa mga nakaraan? Sa pakiramdam niya ay napapabayaan na siya nito.
At ngayong araw, si Matteo na sa kabila ng pagpipilit nito ay imposible rin niya na makuha.
O iyon ang gusto niyang isipin.
Gulong-gulo si Joy sa nangyayari sa buhay niya at ang natatanging naiisip na lang niya ngayon ay kumawala mula sa realidad.
“ARE YOU really sure you’re okay, Joy? Kung gusto mo, sasamahan kita diyan sa Batangas.”
Kasalukuyan na kausap ni Joy si Luc sa cell phone. Naisip niyang magsimula nang ayusin ang naging pagkakatampuhan nila. Pagkatapos ng lahat, isang linggo na rin iyon. Napakatagal na niyang nagtatampo rito at kahit may sakit pa rin siyang nararamdaman, napagtanto niya na nagiging unfair na siya kay Luc. Hindi na niya sinubukang iwasan ang tawag nito ngayong araw at sinagot ang lahat ng mga tanong nito.
Nakakatukso ang mga sinabi ni Luc kay Joy nang sabihin niya rito kung ano ang ginagawa niya ngayon. Kasalukuyan siyang nasa beach resort na pagmamay-ari ng kanyang pamilya. Sinunod ni Joy ang gusto niya, ang tingin niya ay makabubuti para sa kanya. She did a break. Tumakas muna siya sa realidad. Wala na siyang pakialam kung may mga naiwan man siyang trabaho. Kailangan niya munang tumakas sa mundo at pakalmahin ang sarili niya. Marami ng mga bagay ang nangyayari sa kanya sa nakaraan at hindi na iyon nakabubuti para sa kanya.
Pero sa kabila ng gusto niyang makasama si Luc, pinilit ni Joy na huwag magpaapekto. Parte ito ng pinagdadaanan niya. Kung isasama niya ito sa pagtakas niya sa realidad, lalo lamang siyang mahihirapan. Makikita niya ito at maiisip na hindi na maibabalik ang dati sa kanila. Mas lalo lang siyang masasaktan.
Nagbabakasyon siya para mag-move on at kung isasama niya roon si Luc, lalo na hindi niya iyon magagawa.
“Ayos lang ako. `Wag ka ng mag-alala sa akin.”
“I’m still feeling guilty. Ayaw ko naman isipin mo na pinapabayaan na kita. You’ll always be my best friend, Joy. Ayaw ko na maging malungkot at nasasaktan ka.”
“Alam ko. Pero `wag mo na akong alalahanin. Gusto ko lang talagang magbakasyon.”
“Sige. Pero hindi ba malungkot dahil nag-iisa ka lang? Sigurado ka na ayaw mo talaga akong magpunta diyan?”
“Oo nga. Okay lang ako na mag-isa.”
“Hmmm... Baka naman kaya ayaw mo na isama ako diyan ay dahil may iba ka na gustong isama?” nanunukso ang boses ni Luc.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Si Matteo.”
Gustong matawa ni Joy. “Luc naman. Iniisip mo ba talaga na may pag-asa sa aming dalawa?”
“Inamin niya sa akin na gusto ka raw niya.”
Napaingos si Joy. “Inamin rin niya sa akin pero wala iyon.”
“Anong wala? Hindi ba at gusto mo rin siya?”
“Crush ko siya, all right. Fan niya ako, eh. Pero alam ko naman na laro-laro lamang sa kanya ang lahat.”
Bukod kay Luc at sa ama, isa rin si Matteo sa problema niya. Partikular na ang damdamin niya. Tama ba ang ginawa niya? Tinanggihan niya si Matteo. Tinanggihan niya ang kanyang pangarap. Pero minabuti na lamang na tignan ni Joy ang realidad. Hindi sila bagay ng isang kagaya nito.
She was suffering from heartache and she doesn’t want to suffer again. Iyon na lang ang iniisip ni Joy. Bilang fan, kilala niya si Matteo. Malaro ito. Iniisip niya na isa lamang siya sa mga babaeng paglalaruan nito. Bakit hindi? Kung ang mga magagandang modelo at artista nga ay nagagawang ibasura nito, paano pa ang isang kagaya niya?
Masarap man na mabuhay sa pantasya, kailangan rin na buksan ni Joy ang mga mata sa realidad ng buhay.
“Why don’t give it a chance, Joy? Ayaw mo bang pasayahin ang sarili mo?”
“Mas okay na siguro `yung hindi ako makaramdam ng saya kaysa ang maramdaman ko nga iyon, sa huli naman ay masasaktan rin ako.”
“But what if---“
“Stop it, Luc. Basta walang pag-asa sa amin ni Matteo. Tignan mo nga ako at siya? Napakalaki ng pagkakaiba namin!”
“Hindi ka ba nagtitiwala sa kagandahan mo, Joy?”
Hindi. Ni hindi mo nga ako nagustuhan, eh. Gusto sanang sabihin ni Joy pero nakaramdam siya ng mali. Iyon nga ba talaga ang gusto niya? Ang magustuhan ni Luc? Marami siyang pagkakataon na akitin ito noon pero hindi niya ginawa. Naiisip niya na baka hindi naman talaga siya in love sa kaibigan. Pero lahat ng mga sakit sa pakiramdam niya na pambabalewala nito sa kanya, ano ang mga iyon?
“Just stop teasing me, Luc. Lalo mo akong ginugulo kaysa ang hayaan akong payapa na magbakasyon.”
Hindi na ginulo si Joy ng kaibigan. Maya-maya rin ay nagpaalam na ito sa kanya. Sandaling inaliw ni Joy ang sarili sa tanawin na nasa harap niya.
Hindi pang-world class ang beach resort nila. Wala rin na hotel roon kagaya ng ibang beach resort na pagmamay-ari nila. May building kung nasaan ang lobby at restaurant pero ang rooms ay mga cottages sa gilid ng dagat. May sariling cottage ang pamilya niya roon at doon siya tumuloy. Katabi iyon ng mga executive cottages. Halos nasa dulo na iyon ng resort at napakaganda ng view. Tahimik rin doon dahil kakaunti lang ang kumukuha ng mga katabing cottage dahil na rin may kamahalan iyon. Tama lang para kay Joy ang lugar na iyon para magbakasyon.
Pagkatapos aliwin ang sarili, kinuha ni Joy ang kanyang laptop. Hindi niya intensyon na magtrabaho. Pero kung gusto niya na huwag ma-bore, kailangan niyang humanap ng kahit papaano na makakapag-aliw sa kanya bukod sa dagat. May mga beach activities man sa lugar pero dahil sobrang naiinitan naman si Joy na gawin muna ang mga iyon, napagdesisyunan niyang mamayang alas-kuwatro na lang niya gagawin ang ilan sa mga iyon kapag hindi na ganoon kasakit sa balat ang araw. Alas-dose na kasi nang makarating siya sa resort.
Napagdesisyunan ni Joy na sa terrace ng cottage niya siya magbukas ng laptop. Dinala siya ng mga kamay niya sa isang folder na hindi na sana niya gustong buksan pa. Pero kung gusto niyang kalimutan ang mga nararamdaman niya kay Luc, kailangan niyang magpasampal sa katotohanan.
Nagbukas si Joy ng file.
Title: My Love, My Best Friend
Feedback: Returned
Miss Reyes:
Maraming salamat po sa pagpapasa ng inyong nobela. Matapos naming ma-evaluate ang inyong manuscript ay napagpasyahan naming ibalik ito sa mga susunod na kadahilanan:
1. Kinulang sa romance ang kuwento.
2. Parang pinilit lamang ang romance sa kuwento.
3. Romance ang kategorya ng kuwento pero parang wala namang romance na nangyari sa dalawang bida. Mag-bestfriend ang bida at hanggang huli, parang ganoon pa rin sila. May mga ilang eksena na nagbibigay romance sa kuwento pero hindi ganoong maramdaman iyon.
The Editor
Marami ang nagsasabi na magaling na manunulat si Joy. Pero naisip niya na umaakma lamang yata ang pagiging magaling niyang manunulat niya sa pagsusulat ng mga facts. Wala siyang galing pagdating sa fiction. O siguro nga kaya ganoon ay talagang malayo sa katotohan na magkakatuluyan sila ng bida sa pinakaunang nobela na sinulat niya.
Tatlong taon na ang nakakaraan simula nang isulat ni Joy ang manuscript na iyon. Kakatapos niya lamang noon ng kolehiyo at habang nag-aantay ng tawag mula sa mga application niya sa iba’t ibang kompanya, naisip niyang magsulat ng nobela. Mahilig rin naman kasi siyang magbasa ng romance kaya nagkaroon siya ng lakas ng loob na sumulat.
Walang may alam na sinubukan niya iyon. Kahit si Luc na siyang inisip niya na bidang lalaki sa nobela na siya rin ang bida. Ang sabi kasi sa isang klase noon, mas maganda raw kung ilalagay mo ang sarili mo sa mga bida ng kuwentong isinusulat mo. Walang masasabi si Joy na love interest niya noon kaya naisip si Luc na siyang taong pinakamalapit sa kanya.
But the novel was rejected. Kagaya niya ngayon.
Hinango niya ang nobelang iyon sa kung ano ang nararamdaman niya kay Luc. At kahit ang reader na nagbasa noon ay ni hindi rin naniwala na maaaring magkakaroon ng romance sa pagitan nilang dalawa.
Sa una pa lang, dapat ay alam na niyang walang pag-asa ang kung ano man na namuo sa kanya ni Luc. Hanggang pagkakaibigan lamang sila at lalong naging possible iyon ngayon.
Huminga nang malalim si Joy at kinalma ang sarili. Pero sa kabila ng ginawa, hindi niya pa rin mapakalma ang sarili. Nag-isip ng paraan si Joy para pagaanin ang loob niya.
Sa huli, natagpuan na lang ni Joy na tila nawawala na siya sa sarili.