MAY HINDI magandang pakiramdam si Luc. Kinakabahan siya na hindi maintindihan. Wala naman siyang problema sa opisina at pati na rin sa mga taong malalapit sa kanya. Nagbabakasyon ang mga magulang niya sa Indonesia at kani-kanina lang ay kakatawag lang ng mga ito sa kanya. Sigurado rin siya na nasa maayos na kalagayan si Ginny dahil kasa-kasama niya ito ngayon kahit na ba nagkakaroon sila ng kaunting pagtatalo.
“Minsan ka ng tumira sa bahay namin. What’s wrong kung titira ka muli roon?” hindi maiwasang mairita ni Luc. Kanina pa kasi nila pinagtatalunan ni Ginny ang tungkol sa pagtira nito sa bahay nila. Sa susunod na linggo ay magsisimula na itong magtrabaho at dahil sa Maynila iyon, kailangan nitong doon rin manirahan.
“Ayaw ko, Luc. Hindi magandang tignan.” Kanina pa rin na pagprotesta nito.
“Anong hindi magandang tignan roon? Doon rin naman tumitira ang Tatay mo at---“
“Teacher ako, naiintindihan mo ba iyon? Kahit na ba sabihin na nakatira rin doon si Tatay, iba pa rin ang iisipin ng mga tao. Bahay mo pa rin iyon. Bahay ng boyfriend ko. Ayaw ko na maging usap-usapan ng dahil roon.”
“Pero intindihin mo rin ako, Ginny. Hindi ko gusto ang isipin na mag-isa ka lang titira sa isang bahay. Nasa Maynila ka pa. Lahat ng lugar dito ay delikado. Hindi naman ako palaging nasa tabi mo para bantayan ka. Ang pagkuha ko rin sa `yo ng bodyguard ay ayaw mo.”
Nag-aalala siya sa nobya. Pinagpipilitan nito na kukuha ito ng apartment. Hindi niya gusto iyon. Ayaw niyang maging mag-isa si Ginny kaya pinipilit niyang doon na lang ito manirahan sa bahay nila.
“Girlfriend mo ako, Luc. Dapat ay pinagkakatiwalaan mo ako. Kaya ko na ang sarili ko. Malaki na ako. Isa pa, maghahanap naman ako ng disenteng matitirahan.”
Alam ni Luc na parang nagiging irrational na siya. May punto naman talaga si Ginny. Pero dahil sa masamang nararamdaman na hindi niya maipaliwanag, hindi niya gustong payagan ito. Paano kung iyon pala ang dahilan kung bakit parang kinakabahan siya? Hindi niya gustong may masama na mangyari kay Ginny.
Huminga nang malalim si Luc. “Fine, fine.” Sabi niya pero ang totoo ay hindi pa rin siya kumbinsado. Pero hindi rin naman niya gusto na nag-aaway sila ng nobya. “Pero ipangako mo sa akin na isasama mo ako sa paghahanap ng apartment na `yan, ha?”
“Hindi mo na kailangang sabihin `yan. Iyon rin naman talaga ang balak ko at gusto ko pa nga sana na ipakiusap sa `yo...”
“Ipakiusap? Hindi mo na kailangang gawin iyon sa akin, Ginny. Boyfriend mo ako. Siyempre, sasamahan kita.”
Hindi nagsalita si Ginny. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya.
Sa ginawang iyon ng nobya, naramdaman ni Luc na may mali. “May problema ba, Ginny?”
Huminga nang malalim si Ginny. “Napansin ko lang na nitong mga nakaraan ay masyado ka ng naging abala at parang nawawalan ka ng oras sa akin.”
“Pero alam mo naman ang mga nangyayari `di ba? Busy ako sa kompanya. Tinatawagan naman kita araw-araw. Nagkikita tayo kapag weekends at---“
“Ibinigay mo ang nakaraang weekend mo kasama si Joy.”
Medyo na-caught off guard si Luc sa sinabi ni Ginny. Totoo naman iyon. Noong nakaraang weekend ay ginugol niya ang oras niya kasama si Joy kaysa kay Ginny kahit na ba may plano silang date. Showing na kasi ang paborito nitong movie series at gusto siya nitong isama sa panonood noon. Pero dahil gusto niyang i-celebrate ang nangyari sa best friend, pinagpaliban muna niya ang araw na kinapapanabikan ng nobya.
“Nagtatampo ka ba dahil roon, Ginny?”
Matagal bago nagsalita si Ginny. Nanatili lamang ito na nakatitig sa kanya. Huminga ito nang malalim at akmang sasagutin na ang tanong niya nang tumunog ang kanyang cell phone. Napakunot noo si Luc nang makita na si Matteo iyon. Ipinagpaliban muna niya ang pag-uusap nila para sagutin iyon.
“Luc? Can you call, Joy? Or even help me to know what happened to her? Nawala kasi siya sa linya habang kausap ko siya kanina. I tried calling her a lot of times after the incident but---“ nawala saglit sa linya si Luc. “Shit!”
“Matteo, what’s wrong?” naramdaman niya ang panic sa boses ni Matteo, lalo na nang magmura ito sa huli.
Nanginginig ang boses ni Matteo nang sagutin siya nito. “M-may nagtext sa akin gamit ang cell phone ni Joy at sinasabing sinugod ito sa ospital ngayon...”
MATTEO was pacing the floor. Hindi siya mapakali. Kahit na ba sinabi sa kanila ng Doctor na maganda ang naging resulta ng operasyon ni Joy, hindi niya pa rin maggawang kumalma. Nasa recovery room ang dalaga at inaantay pa rin na maggising.
Oras na nalaman ni Matteo ang masamang nangyari kay Joy, napabiyahe na naman siya nang hindi oras papunta ng Pilipinas. Hindi niya maatim na makibalita na lang kay Luc sa kung anong mangyayari rito. Kailangan niyang malaman ng personal ang lagay ni Joy. Alam rin niya na kailangan siya nito sa oras na maka-recover ito.
Wala ng pakialam pa si Matteo kung pagalitan man siya ng manager niya dahil sa ilang beses niyang pag-abanduna ng trabaho ng dahil kay Joy. Mahalaga si Joy sa kanya at ang isipin na may masamang nangyari rito ay lalo lamang hindi makakapagbigay sa kanya ng concentration sa trabaho. Wala na rin siyang pakialam kung masira ang ilang commitment niya at ng dahil doon, kailangan niyang magbayad ng danyos. Marami na siyang pera...pero ang puso niya, ang babaeng minamahal niya ay iisa lang.
Tatlong oras ng nakakarating ng Pilipinas si Matteo pero hindi pa rin nagigising si Joy. Sa kabila ng lahat ng sinabi ng Doctor na magiging maayos naman ang lagay nito, masama pa rin ang lagay niya. Hindi niya lubos maisip na nangyari iyon kay Joy. Sinaksak ito at dahil doon ay kinailangan nito ng operasyon.
Gusto niyang sakalin ang kung sino man na gumawa noon kay Joy. Pinaimbestigahan na ang nangyari at lumabas na kaya ginawa iyon sa dalaga ay dahil na rin sa ginawa nitong article. At to think na iyon ang pinakaunang column na naggawa ni Joy...
“Mga hijo, puwede bang tigil-tigilan niyo iyong paglakad-parito niyo?” sita ng Daddy ni Joy sa kanilang dalawa ni Luc.
“I’m sorry, Tito. Sobra lang po talaga akong nag-aalala sa lagay ni Joy,” naunang sumagot si Luc.
“Alam ko. Pero lalo lang rin niyo akong pinapakaba sa ginagawa niyo. Napagdaanan ko na rin ang stage na ito sa Mommy ni Joy at alam ko kung gaano kahirap...” mararamdaman ang niyerbos sa tinig ng Daddy ni Joy.
Kinuwento na sa kanya ni Joy ang lahat tungkol sa hindi nito pagkakaunawaan sa ama ng maraming taon. Kung masakit para sa kanya ang nangyari kay Joy, paniguradong lalo na ang sa ama nito.
Pinili ni Matteo na kumalma para na rin sa sake ng ama ni Joy. Si Luc naman, sa kabila ng pagpipilit ay mahahalata pa rin ang tensyon. Lalo niyang nakikita tuloy kung gaano ito nag-aalala kay Joy, kung gaano kahalaga ang babae sa buhay nito.
Ayaw mag-isip ng kakaiba ni Matteo kung bakit ganoon si Luc kay Joy. Marami naman siyang dahilan para hindi mag-isip ng ganoon. May nobya si Luc. Magkaibigan lang ang mga ito at si Joy.
But Joy is in love with him. At hindi sigurado si Matteo kung hanggang ngayon, ganoon pa rin ang kondisyon. Hindi siya masisisi kung napakaraming naglalaro sa utak niya. Wala siyang security kay Joy. Sa kabila ng alam niyang espesyal na relasyon nila, wala pa rin na kasiguraduhan ang lahat.
Hindi masisisi si Matteo kung paminsan-minsan, nakakaramdam siya ng insecurities kay Luc. Pero alam niyang kailangan niyang magtiwala sa sarili niya at pati na rin kay Joy. Hindi naman ito sasama sa kanya nang ganoon, hindi ipagkakatiwala sa kanya ang sarili nito kung may nararamdaman pa rin ito kay Luc. Kailangan niyang magtiwala sa nararamdaman niya na nararamdaman rin ni Joy.
“Sino po sa inyo si Luc?” tanong ng isang nurse pagkalabas ng recovery room.
Agad na napatayo si Luc. Ganoon rin naman silang mga nasa waiting lounge na nag-aabang sa kung anong mangyayari kay Joy.
Ngumiti ang nurse kay Luc. “Gising na po si Miss Joy Reyes at ikaw po ang hinahanap niya.”
Sa naging eksena, hindi masasabi ni Matteo kung kaya nga ba talaga niya na magtiwala kay Joy sa damdamin nito sa kanya.
MABILIS ang naging recovery ni Joy at hindi na siya nagtaka kung bakit. Ikaw ba naman ang palibutan ng lahat ng mga espesyal na tao sa buhay mo, paanong hindi siya gagaling kaagad? She felt special. She felt really loved. Kahit na ba napapagalitan rin siya dahil sa nangyari, wala pa rin iyon sa pagmamahal na nakukuha niya ngayon.
“Come on, Joy. Kainin mo na ang apple na ito,” pangungulit ni Luc sa kanya. Sa ilang araw na pananatili niya sa ospital, hindi ito umalis sa tabi niya. Pero hindi na niya ipinagtaka iyon. Ganoon talaga si Luc kapag may sakit siya. Matindi ang pag-aalala nito at hindi siya pababayaan habang hindi pa siya lubusan na magaling.
“Luc, wala pang isang oras nang pakainin mo ako ng dalawang saging,” reklamo naman niya sa kaibigan. Kahit alam naman niya na makabubuti naman para sa kanya ang mga ipinapakain ni Luc, busog pa siya.
“Kahit na. Para mabilis ka rin na gumaling at makalabas sa ospital na ito.”
“Sinabi ng Doctor na maaari na akong makalabas sa makalawa. And I feel good now. Presensiya niyo palang nila Daddy at Matteo ay sapat na para gumaling ako.” Nginitian niya ang dalawang lalaki na kasama rin niya sa hospital room.
Hindi sanay si Joy na kapag nagkakasakit siya ay dumarating ang Daddy niya---lalo na at alam niya na noong mga panahon na may nangyaring masama sa kanya ay nasa Ilocos ito para sa isang business meeting. Pero bumalik ang kanyang Daddy para alagaan siya. Sadyang nagbago na ito simula nang lahat. At si Matteo...hindi rin niya lubos na maisip na sisirain na naman nito ang isang mahalagang trabaho para sa kanya, para alagaan siya. Sa mga ganoong bagay, si Luc lang ang nag-aalala sa kanya. Pero ngayon, naramdaman niya kung gaano siya pinagpala.
“But still, you need these fruits, Joy. Dali na, kainin mo. Sayang naman ang pagbabalot ko, o.” Kinuha ni Luc ang apple saka pinilit na sinubo sa kanya.
Pumasok ang nurse ni Joy sa hospital room. Nakita nito ang ginagawa ni Luc sa kanya.
“Ang suwerte-suwerte po talaga ninyo, Ma’am. Ang sweet ng boyfriend niyo,” tila kinikilig pang sabi ng nurse.
“Boyfriend?” natawa si Joy sa komento ng nurse.
Tumingin ang nurse kay Luc. Itinuro pa nito ang kaibigan. “Siya po? Boyfriend niyo po si Sir `di ba?”
Lalong natawa si Joy. “Hindi ko siya boyfriend. We are friends,”
“Talaga po?” nagulat ang nurse. “Ang akala po namin na mga naging nurse niyo rito ay boyfriend niyo siya. Siya po ang unang tinawag niyo noong naggising kayo. Hindi siya umaalis sa tabi niyo at makikita talaga ang pag-aalala sa mukha niya...”
Umiling si Joy. “Close lang talaga kami kaya ganoon.”
Sanay naman si Joy na mapagkamalan silang dalawa na magnobyo ni Luc. Pero hindi niya maiwasan na magtaka. Hindi ba kilala ng mga ito si Matteo? Maaaring naka-disguise pa rin ito para hindi pa rin pagkaguluhan pero madalas na kilala na rin siya ng tao bilang special someone sa buhay ng lalaki. Hindi siya na-recognize ng mga nurse bilang babae sa buhay ni Matteo.
Tumango-tango ang nurse pero ramdam niyang hindi pa rin ito kumbinsado sa sinabi niya. Pero ipinagkibit-balikat na lang iyon ni Joy. Hindi naman ang nurse ang unang nag-akala ng ganoon. Marami na. Hindi na rin naman siya naapektuhan. Lalo na ngayong alam niyang naka-move on na siya kay Luc.
Maya-maya ay nagpaalam sa kanya si Luc na lalabas ng kuwarto. Sumunod rin dito ang kanyang Daddy kaya naman naiwan silang dalawa ni Matteo sa kuwarto. Pinalapit niya ito sa kanya. Hinawakan niya ang mga kamay nito. “Thank you so much for coming here, for being here...”
Sa pananatili ni Joy ng ilang araw sa ospital, ngayon lang sila nakapag-solo ni Matteo. Hindi kasi siya nilulubayan ni Luc at ng kanyang ama.
Hinalikan siya nito sa noo. “Its my pleasure to be here.”
Nginitian niya ito. “Kung ganoon, puwede mo bang ituloy ang ginagawa ni Luc sa akin kanina?”
Sandaling natigilan si Matteo. Pero maya-maya ay umiling ito. “Sinabi mo na hindi mo naman talaga gustong kumain `di ba?”
“Yeah. Pero kung ikaw ang magpapakain sa akin, its okay.”
“So gusto mo na pagsilbihan kita kagaya ng ginagawa sa `yo ni Luc?”
“Actually, I am waiting for you to do that.” Kontento naman si Joy na nasa tabi niya si Matteo pero malaki pa rin ang pagnanais niya na sana, ginagawa rin nito ang mga bagay na ginagawa sa kanya ni Luc.
Ramdam naman ni Joy ang pagpapahalaga sa kanya ni Matteo. Hindi nito ipagpapalit ang trabaho nito na nasa malayong lugar pa para lang masigurado kung ano ang lagay niya. Para manatili sa tabi niya ngayong may sakit siya. Dahil alam nito na kailangan niya ito, hindi na niya kailangang sabihin iyon para lang manatili ito sa tabi niya.
“Talaga? Ang akala ko kasi si Luc lang ang gusto mo na gumawa noon sa `yo.” Mahina lang ang boses ni Matteo pero malinaw iyon sa pandinig ni Joy.
Kumunot ang noo ni Joy. “Anong ibig mong sabihin?”
“Siya ang unang hinanap mo nang maggising ka.”
“Sanay ako na si Luc ang nag-aasikaso sa akin kapag ganitong nalalagay ako sa panganib. Siya ang nag-aalaga sa akin. Isa pa, hindi ko naman inaasahan na nandito rin kayo ni Daddy para kayo ang hanapin ko...”
Tinitigan lang siya ni Matteo. Pagkatapos ay huminga ito nang malalim. “Okay, fine. Leave it,”
Pero hindi kayang palagpasin iyon ni Joy. Matamang tinignan niya si Matteo. “Matteo...nagseselos ka ba kay Luc?”
Sinalubong nito ang tingin niya. “May karapatan ba ako, Joy?”
Umawang ang labi ni Joy pero hindi agad siya nakapagsalita. Iyon ba ang gusto ni Matteo, ang magkaroon ng karapatan sa kanya? Inaantay lang ba nito na bigyan niya ng pangalan ang kung ano man na namamagitan sa kanila? Paano kung kagaya niya ay natatakot lang rin na magtanong si Matteo?
Kailangan na ni Joy na gawin ang tama. Kailangan na nilang linawin ni Matteo kung ano ang relasyon nila dahil kung kontento na siya roon, ramdam niya na hindi ganoon si Matteo. Pero bago pa man siya makapagsalita ay magkasunod na pumasok ng kuwarto ang kanyang Daddy at si Luc.
Tama ba na pag-usapan nila ni Matteo ang mga ganoong bagay sa harap ng dalawa? Marami pa namang oras. Isa pa, mali rin naman na nagseselos si Matteo kay Luc. Oo, alam nito ang dati niyang damdamin kay Luc. Pero kung lubos na nagtitiwala ito sa kanya, hindi na dapat ito nagseselos sa kaibigan niya.
Sumama siya rito sa mga nakalipas na linggo. Ibinigay ang lahat-lahat rito. Nang dahil nga rito ay nagkatampuhan rin sila ng kaibigan. Ibinuhos niya ang lahat ng mga oras at kuwento niya kay Matteo na noon ay ginagawa niya kay Luc. Hindi na dapat nito maramdaman na balewala lamang ito para sa kanya.
“DON’T be so immature, Ginny. Bumalik ka na sa bahay,” mararamdaman ang galit ni Luc habang kausap niya ito sa cell phone. Inimporma niya ito tungkol sa paghahanap niya ng apartment.
Nag-init ang kanina pang mainit ng ulo ni Ginny. Immature? Siya pa ang immature? Samantalang si Luc ang umaaktong parang bata sa kanilang dalawa! Hindi siya nito iniintindi. Hindi siya nito naiintindihan.
“Hindi ako tumawag para hingin ang opinyon mo, Luc. Tumawag lang ako para malaman mo na itinuloy ko ang paghahanap ng apartment kahit wala ka.”
Gusto na ni Ginny na patayin ang tawag dahil sa inis. Totoo naman iyon. Hindi siya tumawag kay Luc para diktahan siya nito. Kaya na niya ang sarili niya. Malaki na siya, hindi kagaya ng iniisip nito sa kanya. Naiintindihan naman niya si Luc na hindi siya nito gustong pabayaan, pero ang lahat ng ito ay sobra na.
Pero alam ni Ginny na hindi lang naman ang pagiging protective sa kanya ni Luc ang kinaiinis niya. Nagiging protective man ito sa kanya, hindi naman nito maggawang iparamdam sa kanya ng husto iyon. Kagaya ngayon. Gusto nito na samahan siya nito sa paghahanap ng apartment pero hindi ito makagawa ng paraan para hanapan siya.
“Alam mo na nasa ospital si Joy. Kailangan niya ako rito at---“
“Wala akong sinasabing kailangan kita ngayon.” O iyon ang gusto kong isipin.
Kaya na ni Ginny ang sarili niya pero ang isipin na aprubado ng nobyo ang mapipili niya ay malaking bagay pa rin para sa kanya. Pero hindi naman siya nito kayang samahan sa ngayon.
“Ginny, hindi ko gusto na magtalo tayo ngayon.”
“Sino ba ang nagsasabing nakikipagtalo ako sa `yo ngayon? Ikaw ang gumagawa noon, Luc. Maayos ako na maghanap ng apartment ng mag-isa lang. Sinasabi ko lang sa `yo ito dahil bilang girlfriend mo, may karapatan ka rin na malaman kung ano ang ginagawa mo.”
Tinapos na ni Ginny ang tawag. Maayos nga ba talaga siya? Alam niya na hindi. Masama ang loob niya kay Luc.
Dapat ay naiintindihan niya si Luc. Nasa ospital si Joy at bilang matalik na kaibigan, dapat ay nasa tabi ito ng kaibigan. Pero hindi niya maggawa. May mga dahilan rin naman siya kung bakit hindi niya maggawa.
Nasa ospital ang Daddy ni Joy. Nandoon rin si Matteo. Hindi pa man siya sigurado kung ano ang namamagitan kay Joy at sa supermodel, ramdam niya na something special iyon. Kayang-kayang alagaan ni Matteo si Joy. At nang bisitahin niya ito noong isang araw ay mukhang maayos na maayos na ito. Pero hindi man lang itong maggawang iwanan ang kaibigan para lang masamahan siya kahit sandaling oras lang iyon!
Napaka-protective ni Luc sa best friend nito, napaka-mapagbigay sa oras na pati ang oras na dapat ay sa kanya ay ibinigay na rin nito sa kaibigan nito.
Hindi maganda ang dating noon para kay Ginny. At kung isipin man siya ni Luc ng immature at hindi makaintindi, wala na siyang pakialam. Napakasama ng loob niya rito. Alam nito na ilang araw na lang mula ngayon ay magsisimula na ang trabaho niya. Kailangan na niyang makahanap ng matitirahan sa lalong madaling panahon.
Narinig ni Ginny na tumunog muli ang cell phone niya. Hindi niya sinagot iyon. Nag-concentrate na lang siya sa paghahanap ng apartment. Hinayaan niyang tumunog nang tumunog ang kanyang cell phone.
“Miss, wala ka ba talagang balak sagutin `yan?” napalingon si Ginny sa lalaking nasa likod niya. Napapansin niya na parang kanina pa siya nito sinusundan pero kagaya ng cell phone, binalewala niya rin iyon.
Tumingin si Ginny sa lalaki. Dahil mainit ang ulo niya, ramdam niya na lalabas ang katarayan niya. Lalo na nang maya-maya ay ngumisi ang lalaki. Tinaasan niya lamang ito ng kilay pagkatapos ay nagbalik na muli sa paglalakad.
“Kung gusto mo, ako na lang ang sasagot ng tawag para sa `yo,” patuloy pa rin na sinundan ng lalaki si Ginny.
“Kapag ginawa ko iyon, ibig sabihin lang noon ay ibibigay ko sa `yo ang cell phone ko.”
“Iyon na nga, eh. Gusto kong makuha ang cell phone mo.”
Nanlamig si Ginny. Doon niya lamang napagtanto ang ibig sabihin ng lalaki. Gusto siyang nakawan nito!
Pero bago pa man mapagana ni Ginny nang husto ang isip niya, naramdaman niyang hinihila na ng lalaki ang bag mula sa braso niya. Napasigaw si Ginny at dahil naging malakas iyon na ikinagulat ng magnanakaw, basta-basta na lang siya nito na itinulak at hindi na inintindi kung sa pagtulak nito sa kanya ay may kotseng dumaraan sa lugar na pinagtulakan dahilan para mabangga siya.
GUILTY si Luc. Hindi man siya sinisisi ng pamilya ni Ginny o ng kahit sino, ganoon pa rin ang nararamdaman niya. Dapat ay kasama siya ni Ginny ng mangyari iyon pero sa halip ay inuna niya pa rin si Joy kaysa sa nobya.
Malaki ang pagkakamali ni Luc, iyon ang gusto niyang isipin. Dapat ay sinamahan niya si Ginny. Sinabi niya rito iyon. Pero dahil hindi pa rin siya palagay sa lagay ni Joy kahit bukas ay sinabi na ng Doctor na puwede itong umuwi, ginusto niyang ipagpaliban na lang muna ang lakad nilang dalawa.
Nagmamadali na si Ginny na makahanap ng apartment nito. Sa Lunes, dalawang araw mula ngayon ay simula na ng trabaho nito sa isang magandang eskuwelahan sa Maynila. Inisip niya dapat ang nobya kaysa kay Joy.
Pero nahihirapan si Luc sa sitwasyon. Kahit na ba alam niya na marami ng mag-aalaga kay Joy ngayon, hindi pa rin niya maggawang pabayaan ang kaibigan. Sanay siya na siya ang palaging kasama nito kapag ganoong may nangyayaring masama rito. Nahihirapan siyang iwan ito. Masyado silang malapit sa isa’t isa para makapag-adjust sa kung ano na ito ngayon.
At ito ang nakuha niya ngayon: si Ginny, nasa isang masamang sitwasyon. Naaksidente si Ginny at gusto niyang sisihin ang sarili niya ng dahil roon. Kung sinamahan lang sana niya ito, mapoprotektahan niya ito.
“Luc?”
Alas tres na ng madaling araw ng mga sandaling iyon. Dahil hindi pa rin nagigising si Ginny, hindi pa rin siya mapakali. Hindi siya makatulog habang hindi niya ito nakakausap. Kahit sinabi ng Doctor na clear na mukhang maayos na naman ito dahil naging maganda ang resulta ng mga test na isinagawa rito habang tulog ito, para kay Luc ay hindi niya masisigurado kung maayos na ba talaga ito. Hindi pa rin siya natutulog habang hindi nasisigurado na maayos ng kalagayan ang nobya.
Kaya naman nang tawagin ni Ginny ang pangalan niya, mabilis pa sa alas kuwatro na hinawakan niya ang kamay nito. Nasa tabi niya ito at ang kapatid naman nitong si Gerard ay siyang natutulog sa couch sa loob ng hospital room. Ito lang sa pamilya ni Ginny ang kasama niya dahil na rin kailangang bantayan ng Nanay nito ang bunsong kapatid at si Tatay Greg naman ay tinatrangkaso. Minabuti na lang nila na magpahinga ito dahil naroroon na rin naman siya at si Gerard.
“Thank God you’re awake, Love.” Simula nang malaman ni Luc ang nangyari kay Ginny, noon lang siya nakahinga nang maluwag. “Kumusta ka na?”
Sandaling nakiramdam si Ginny sa sarili at paligid. “Sa tingin ko ay maayos na ako. Medyo masakit lang ang braso ko at ang ulo ko...”
Nabangga si Ginny at tumama ang ulo nito se semento dahilan para mawalan ito ng malay. Nagkaroon ito ng kaunting bleeding pero nang i-CT scan ay wala naman daw naging problema. Inaantay lang ang paggising ni Ginny para masabi nito kung may iba pa itong nararamdaman.
“Its the aftermath, I think. You got hit by a car.” Huminga nang malalim si Luc. “I’m sorry,”
Umiling ito. “Hindi mo kailangan na mag-sorry.”
“But I feel so. I need so. Dapat ay hindi kita hinayaan na mag-isa---“
“Hindi mo naman talaga ako hinayaan. Nagpumilit ako. Sinabi ko sa sarili ko na kaya ko.”
Bumuntong-hininga si Luc. “Pati ba naman ang bagay na ito ay pag-aawayan pa natin, Ginny?”
“Nagpapaliwanag lang ako. And I’m sorry, too. Alam ko na pinag-alala ko kayo. Inabala rin kita at---“
“Hindi mo ako inaabala, okay? Bilang boyfriend mo, responsibilidad ko na alagaan kita, na nasa tabi mo sa hirap man o sa ginhawa. Nagkamali ako na mas inuna ko si Joy kaysa sa `yo. I’m really sorry.”
Tumango-tango si Ginny. “Its okay. Ang mahalaga ngayon ay naintindihan mo na kung ano na ang priorities mo ngayon.”
Sandaling natigilan si Luc. Ramdam niya na masama ang loob sa kanya ni Ginny nang huli silang mag-usap. Kaya nga pagkatapos siyang babaan nito ng cell phone ay paulit-ulit niya pa rin na tinatawagan ito. Nagiging madalas ang pag-aaway nila ng nobya sa nakaraan. Nararamdaman niya na nagtatampo ito sa kanya pero hindi niya masigurado dahil sa tuwing napapag-usapan iyon, palagi na lang may umaabala sa kanila.
“Tama ba ang iniisip ko na nagtatampo ka dahil sa ginagawa ko kay Joy, Ginny?”
Hindi na nag-alinlangan si Ginny. “Oo.”
“Hindi lang ito tungkol sa hindi ko pagsama sa `yo sa apartment?”
Umiling ito. “Nararamdaman mo rin naman pala.”
“Ano ang bagay na pinag-ugatan ng lahat ng ito? Ang pagiging abala ko ba sa trabaho? Ang hindi ko pagbibigay ng oras sa `yo dahil kay Joy?”
“Tama ang huli.”
He should have known. “P-pero bakit ngayon mo lang sinabi?”
Huminga muna nang malalim si Ginny bago sumagot. “Dahil ayaw kong isipin mo na parang ang immature ko naman kung iisipin ko iyon. Kailangan rin kitang intindihin, Luc. Kailangan kong intindihin kung gaano kayo ka-close ni Joy sa isa’t isa. Hindi ko naman mababago iyon pero...pakiramdam ko minsan ay nababalewala mo ako ng dahil sa kanya.”
Nanatili lamang na nakatitig si Luc kay Ginny.
“Natatandaan mo ba noong nagtampo sa `yo si Joy? Kinansela mo ang mga plano natin para lang suyuin siya sa bagay na masasabing maliit na bagay lang naman. Inintindi ko iyon kahit nakita ko kung gaano nasaktan ang pamilya ko, kahit ako, dahil hindi ka nakasama. We even postponed that trip dahil hindi nila gusto na hindi ka kasama.
“Noong nanalo si Joy at bumalik siya ng Pilipinas, pinagpaliban mo ang date natin na tuwing weekends na nga lamang madalas na nangyayari. Ipinagpaliban mo dahil gusto mo na makasama siya, dahil mas mahalaga iyon. Mas mahalaga ang celebration para roon kaysa ang makasama ako. Naiintindihan ko rin naman pero iba pa rin. Parang may mali pa rin. Hindi naman siya nagsasabi na kailangang i-celebrate iyon at nandoon naman si Matteo sa tabi niya, ang Daddy niya...Pero palaging parang kailangan ka. Ganoon ba talaga dapat?
“Pero hindi lang iyon. Napapansin ko na nitong mga nakaraan na nararamdaman mo na nababalewala ka ni Joy, hindi maganda ang reaksyon mo. Para bang palagi ka ng naiinis, galit. Nahihirapan kang intindihin ang sitwasyon samantalang nandito rin naman ako sa tabi mo, Luc. Bakit ganoon? Naiisip mo ba na dahil sa lumalayo na si Joy, wala ng tao sa tabi mo? Wala ka ng mapapagsabihan ng regular na ginagawa niyo ni Joy?
“Noong nasaksak siya, halos hindi mo siya lubuyan. Hindi. Hindi mo talaga siya nilubayan. Kahit naka-schedule ang lakad natin, inuna mo pa rin siya. Kahit kailangan kita. Kahit gusto ko na nasa tabi kita. Gusto kong magwala. Ang sama-sama ng loob ko. Pero ako ang may mali `di ba? Dahil hindi ko naiintindihan. Masyado kayong close sa isa’t isa at hindi ko naman mababago iyon. Siya rin ang nauna. Sanay ka sa kanya. Napakarami niyong bagay na ginagawa, ginawa. Dapat ay iniintindi ko ang lahat. Pero ang hirap. Napakahirap, Luc. Subukan ko man na hindi magtampo o magselos, maraming mga dahilan kung bakit hindi ko maiwasan na maramdaman iyon sa kabila ng mga security na ibinibigay mo sa akin...”
Nang mapaiyak si Ginny habang naglalabas ng sama ng loob nito ay napayakap siya rito. Sinigurado niya rito na babaguhin niya ang sarili. Aayusin niya ang mga mali. Pero sa loob-loob niya, hindi niya alam kung paano gagawin, heck, kahit ang simulan.