MASAYA si Joy na pagkatapos ng ilang araw ay nagkita sila ni Luc. Pareho silang naging abala sa trabaho kaya naman ngayon lang sila nagkaroon ng oras na magkita. Pareho rin naman na abala pa rin sila ngayon sa trabaho pero dahil ika-labing lima ng buwan, required sila na magkita. Dahil napakalapit nila na magkaibigan, nagkaroon sila ng “friendship day” of the month. Napagdesisyunan nila na tuwing ika-labing lima ng buwan ay hindi puwedeng hindi sila magkikita at i-celebrate ngayon. Maayos naman na naipatupad nila iyon. Wala kahit sino sa kanila ang pumalya na sumunod roon. Sa susunod na buwan ay limang taon na nilang ginagawa ni Luc iyon.
Ngayong araw ay napagdesisyunan nila na i-celebrate iyon sa isang Japanese restaurant. Paboritong klase ng restaurant iyon ni Joy kaya masaya siya na napapayag niya si Luc na doon sila kumain. Hindi kasi ito mahilig sa Japanese foods dahil madalas na half-cook iyon. Samantalang siya ay paborito naman ang mga ganoon lalo na at gustong-gusto niya ang presentation ng mga ganoong pagkain.
Pero sa halip na maging masaya si Joy dahil nakuha niya ang mga gusto, hindi niya maggawang maging lubos na masaya. Kasama man niya si Luc, ramdam niya na wala naman sa kanya ang atensyon nito. Sa halip na makinig sa mga kuwento niya, nasa ka-text nito ang atensyon nito.
Hindi maiwasan na mainis ni Joy. Matagal na ang ilang araw na hindi nila pag-uusap ni Luc. Hindi naman kasi sila nag-e-enjoy na mag-usap sa cell phone kaya kapag may mga kuwento sila sa isa’t isa, madalas ay sa personal nila pinag-uusapan iyon. Marami siyang naipon na kuwento ngayon para sabihin rito. Todo pa man rin ang sigla niya habang nagkukuwento ngunit nasa cell phone ang atensyon ng matalik na kaibigan.
“Nakikinig ka ba sa sinasabi ko, Luc?” sinadya ni Joy na pataasin ang boses para siguradong mapapansin siya ni Luc.
“I’m sorry. Ano nga ang sinasabi mo?” ibinaba ni Luc ang cell phone.
Huminga nang malalim si Joy. “Sinasabi ko na naipasa na raw ng boss ko ang article ko sa isang journalism awards na kilala sa buong mundo. Malaki raw ang tsansa na maging isa akong nominee at manalo sa event.”
Kahapon lang nalaman ni Joy ang tungkol roon at talagang nasabik siya. Hindi lang basta-basta na parangal iyon kung sakali. Gustong-gusto na niyang ikuwento kay Luc ang tungkol roon pero inantay talaga niya ang araw ngayon para maikuwento niya iyon rito---with feelings.
“Wow! Congratulations!” naramdaman naman ni Joy ang sincerity ni Luc pero nang tumunog ang cell phone nito, nawala na naman sa kanya ang atensyon nito.
“Ano ba talagang mayroon sa cell phone mo at hirap na hirap kang bitawan?” sa sobrang pagkainis, hindi na naiwasan ni Joy na magtaray kay Luc.
“Wait lang. I’ll just send her a reply message,”
Tumaas ang isang kilay ni Joy. Her? Na-curious siya kung sino iyon. Pero nang maisip ang huling naging pag-uusap nila ni Luc ay natigilan si Joy.
May pinag-iinteresan na ba na babae ang best friend niya?
Sanay si Joy na palaging nasa kanya ang atensyon ni Luc dahil wala pang kahit sino na nagiging nobya si Luc. Ngayon lang din siya binalewala nito ng ganoon.
At dahil iyon sa babaeng iyon.
Hindi masabi ni Joy kung magiging masaya ba siya o maiinis sa mga nangyayari. Pero alam niyang kailangan niyang gawin ang nararapat.
“I owe you an apology, Joy. Nakalimutan kong magpaliwanag sa `yo tungkol kay Ginny.”
Ginny. So iyon ang pangalan niya. So totoo nga. Saan naman kaya napulot ng best friend niya ang babaeng iyon at parang na-lovesick yata ito?
“Kung ganoon ay sino si Ginny? Ngayon ka lang may ikinuwentong babae sa akin bukod kay Tita Erlinda.”
Napakurap pa si Joy para siguraduhin kung tama ba ang nakikita niya na kumislap ang mga mata ni Luc.
“She was just a simple girl. Anak siya ni Manong Greg. But it doesn’t matter. Dahil sa kanya, pakiramdam ko ay nakompleto ang buhay ko. Kahit mabigat ang trabaho ko, I feel inspired. Pareho kasi kami na may pangarap sa buhay at kay sarap isipin na inaabot namin iyon ng magkasabay. Hindi siya distraction, kagaya ng ilan na sinasabi tungkol sa love. But well, siguro ngayon ay naging distraction siya. Pero pagbigyan mo na ako, Joy. Break niya kasi sa pag-aaral ng oras na ito at ngayon lang siya nagkakaroon ng oras ngayonng araw para magka-text kami.”
Ganoon katindi ang pagkagusto ni Luc sa babae. Hindi ito madalas na humingi ng pabor sa kanya. Pero ngayon, dahil sa Ginny na iyon, ginawa nito.
“Gustong-gusto ko talaga si Ginny. I like her at first sight and I like her more and more each day. I think she’s the one. Ang saya-saya ko kapag magkausap kami, kapag nasusulyapan ko siya. God, I feel sick but it doesn’t matter. I think she’s the one, Joy.”
Sa mga idinugtong ni Luc, natulala na lamang si Joy.
DALAWANG araw bago ang board exam ni Ginny ay puspusan na ang kanyang pag-aaral. Sinubukan niya na mag-concentrate nang husto, ibuhos ang lahat ng mga natitirang oras sa pagre-review. Pero ni hindi lubos maisip ni Ginny na masisira ang lahat ng iyon nang may isang babaeng dumating sa mansion ngayong hapon at hinahanap si Luc. Nalaman niya iyon dahil aksidenteng nakita niya at narinig ang pag-uusap nito at ng isa sa mga kasambahay.
Hindi niya kilala ang babae pero narinig niya na aantayin raw nito si Luc hanggang sa dumating ito. Alas singko dumating sa bahay ang babae at madalas ay alas otso ng gabi umuuwi si Luc sa bahay. Mag-aantay ito ng ilang oras para kay Luc. Sinabi na iyon ng isang kasambahay rito pero hindi pa rin umalis ang babae. Aantayin daw nito si Luc. Nakita pa niya na kahit iniwan na ito ng kasambahay ay wala pa rin itong pakialam. Komportable pa itong umupo sa malaking sala ng mga Delacroix na para bang at home na at home ito roon.
Ramdam niya na malapit ang kung sino man na babaeng iyon kay Luc. Hindi naman niya maitanong kahit sa mga kasambahay kung sino dahil nahihiya siya. Pero sa pagdaan ng mga oras, nararamdaman ni Ginny ang pagsisisi na hindi iyon ginawa. Hindi siya makapag-aral sa kakaisip kung sino ang babaeng iyon. Ni hindi rin naman kasi niya matanong kay Luc iyon dahil ayaw niyang maisip nito na dahil lang sa nararamdaman niya na may gusto ito sa kanya, kailangan na nitong sabihin ang lahat sa kanya. Isama pa na ni hindi pa nga ito umaamin sa kanya.
Nagpunta si Ginny sa garden ng bahay at doon na lang sinubukan na mag-aral pagkatapos kumain ng hapunan. Ilang minuto pagkatapos niyang magpunta roon ay nakita niyang dumating ang kotse ni Luc. Lalong nagulo si Ginny. Mula sa garden ay makikita ang malaking living room, lalo na ngayon na buhay ang mga naglalakihang chandelier. Dahil hindi pa rin siya pinapatigil ng gulo sa kanyang dibdib, napagdesisyunan niyang sumilip.
Parang natusok ng sampung karayom ang puso ni Ginny sa natagpuang eksena. Niyakap ng babae at naglambitin pa ito sa leeg ni Luc!
Namutla si Ginny. Gusto na rin niyang maluha sa nakita. Nasasaktan siya.
Dahil sa ginawa ng babaeng iyon kay Luc ngayon, alam niya na hindi lang ito basta-basta sa buhay ni Luc. Malapit talaga ito sa buhay ni Luc. Maaaring girlfriend nito. Malaki ang posibilidad na ganoon dahil na rin sa paraan ng pagsalubong nito kay Luc. Wala rin namang sinasabi sa kanya si Luc na wala itong girlfriend.
Nararamdaman man ni Ginny na tila may espesyal na damdamin sa kanya si Luc pero hindi naman nito tuwirang sinasabi iyon. Paano kung nakikipag-flirt lang ito sa kanya? Paano kung mali ang kanyang ama? Hindi naman siguro lahat ay alam nito tungkol kay Luc para bumoto ito kay Luc.
Nasasaktan na ay naiinis pa si Ginny sa sarili niya. Pakiramdam niya ay naloko siya.
Nasaan na ang feeling inspired pa ako ngayong nakilala ko si Luc?
Ilang sandali pagkatapos ng natagpuang eksena, tumunog ang cell phone ni Ginny. Nakatanggap siya ng mensahe mula kay Luc.
Where are you? Puwede ba kitang makausap ng personal kahit kaunting sandali lang?
Gusto rin niyang makausap si Luc. Pero hindi sa panahong ito. Hindi niya pa kaya. Masyadong nasasaktan pa rin si Ginny sa sitwasyon.
Pinili na lang ni Ginny na huwag mag-reply. Pero hindi rin nakatulong iyon dahil ilang sandali lamang ang nakalipas ay natagpuan niya si Luc sa garden. Nakita rin siya nito. Ngumiti si Luc nang makita siya pero hindi iyon maggawang suklian ni Ginny. Lalo na nang makita pang nakakapit ang babae sa braso nito.
Kinakain ng selos ang puso at pagkatao niya. Ni hindi niya namalayan na ganoon na pala katindi ang attachment niya kay Luc para makaramdam ng ganoong damdamin. To think na halos isang linggo pa lamang simula nang magkakilala sila.
“Ginny! Sabi na at makikita kita rito,” masigla pang sabi ni Luc. Tuluyan ng lumapit ito sa kanya at ang babaeng kasama nito.
Nang makalapit ay bukod sa selos, nakaramdam rin ng insecurity si Ginny. Girlfriend talaga ni Luc ang babaeng ito. Napakaganda ng babae. Bagay na bagay ang kagandahan nito sa kaguwapuhan ni Luc. Mukha rin itong mayaman...kagaya ni Luc. Mali siya ng minsang isipin niya na parang wala na talagang problema sa pagitan ni Luc kung sakali. Dahil ang babaeng ito, ni hindi pa man niya kilala kung sino ay ramdam na niyang problema.
“Ahmm... I’m sorry, nag-aaral kasi ako.”
“Alam ko. Pero hindi mo ba ako mapapagbigyan, Angel? Gusto ko lang ipakilala sa `yo ang isa sa pinaka-espesyal na babae sa buhay ko.”
Sa sinabing iyon ni Luc, nadagdagan ng isang-daan pang karayom ang kanina lang ay sampu na nakatarak sa puso niya.
Ngumiti ang babae at lumapit sa kanya. Inilahad nito ang kamay nito. “I’m Joy. I’ve heard a lot of things about you from Luc, Ginny.”
Alinlangan pa na tinanggap ni Ginny ang kamay ni Joy. “G-Ginny. Maganda kung ganoon. Ikinagagalak ko na makilala ka, Joy.”
Shit! Sana hindi ako kalahi ni Pinocchio na humahaba ang ilong kapag nagsisinungaling dahil paniguradong mabubuko ako.
“At masaya rin ako na ngayon ay nagkakilala na ang best friend ko at---“ tumingin si Luc sa kanya. Napansin niya na bahagyang napangiwi pero maya-maya ay bumawi rin ng ngiti. “Ikaw, Ginny.”
“Best friend?” sa halip na ang pag-iiba ng reaction ni Luc, mas pinili na pansinin ni Ginny ang sinabi ni Luc tungkol kay Joy.
“Oo. Joy is my best friend, Ginny. At isa sa mga dahilan kaya pumunta siya dito sa bahay ngayon ay dahil na rin sa `yo. Sinabihan ko kasi siya kahapon na gusto ko kayong magkakilala.”
“Ganoon ba? Sana ay hindi naging malaking abala ang---“
“Abala?” natawa si Luc. “Hindi mo naabala si Joy. Sa totoo lang, diyan lang siya sa kabilang bahay nakatira.”
“That’s true. Naging abala lang ako nitong nakaraan kaya ngayon lang ako nakabisita kay Luc. Kahapon lang rin kasi niya ikinuwento ka ng tuluyan sa akin.” Siniko pa nito si Luc.
“Dahil hindi tayo nagkikita ng personal sa mga nakaraang araw. You know very well na kapag importanteng bagay, sa personal natin pinag-uusapan `di ba? Sumusunod lang ako sa friendship rule natin.”
“Oo na,” sabi na lang ni Joy pagkatapos ay pinindot ang ilong ni Luc. Hindi nagustuhan ni Luc ang ginawa ng kaibigan kaya gumanti rin ito.
Dapat ay mawala na ang mga gumugulo sa isipan ni Ginny. Inamin na sa kanya ni Luc kung sino ang babae. Tinanggap naman ni Joy ang paliwanag nito. Wala rin halong kasamaan ang pagpapakilala nito sa kanya. Nakangiti pa ito sa kanya. Hindi nga lang niya sigurado kung plastic na ngiti iyon dahil hindi naman siya magaling tumukoy ng mga ganoong bagay.
Pero sa nakikita ngayon ni Ginny kay Luc at kay Joy, ramdam niya na close na close talaga ang mga ito sa isa’t isa. And they look so cute at what they were doing right now. Pakiramdam niya ay naitsapwera siya.
Sa kabila ng mga paliwanag, may malaking bahagi ng isip ni Ginny na hindi gustong maniwala na magkaibigan lamang sina Luc at Joy.
RAMDAM ni Luc na nanlalamig sa kanya si Ginny. Kahit isang araw pa lamang ang nakalilipas simula nang mangyari iyon, nakakasigurado na siya. Dapat ay naiintindihan niya ito dahil board exam na nito bukas. Pero hindi niya maggawang mapakali. Hindi kasi sinasagot ni Joy ang mga text messages niya. Kung sumasagot man ito, wala siyang maramdaman sa mga iyon. Hindi kagaya ng dati...
At napatunayan ni Luc na tama ang pakiramdam niya nang subukan niyang bisitahin si Ginny. Kagaya ng kinaugalian nito, nasa garden na naman ito. Maliwanag naman roon kaya makakapag-aral ito ng ayos. Pero hindi ganoon ang nakikita niya kay Ginny.
Sandali muna niyang pinagmasdan ito at nang makitang tila inis na inis ito, doon niya sinubukang lapitan ito. Ilang beses na rin naman niyang palihim na pinagmamasdan ito habang nag-aaral pero ngayon lang niya itong nakita na nainis ng ganoon. Hindi ito makapag-concentrate. Nagugulo ito kagaya ng nararamdaman niya. Dapat ay iniintindi rin niya ito dahil baka pressure lang ito sa magiging exam nito bukas pero hindi iyon ang gustong paniwalaan ni Luc.
“Inaaral mo ang pahina na iyon ng ilang oras na sa ngayon, Ginny?”
Nagulat na nilingon siya ni Ginny. “Luc! M-maaga ka yatang umuwi,”
Sinadya niya na hindi mag-overtime dahil gusto niyang tignan si Ginny. Nag-aalala kasi siya sa ikinikilos nito. “Was it nice to see me, Ginny? O mas nakakagulo pa ako para sa `yo?”
“B-bukas na ang exam. At kinakain ako ng pressure.” Bumuntong-hininga si Ginny.
Mataman na tinignan niya ito. “Nagtitiwala ka ba sa sarili mo?”
Sandaling natigilan ito. “O-oo naman.”
“Kung ganoon, hindi mo na kailangang matakot at magulo.”
“H-hindi naman ako nagugulo---“
“Pero ako ay oo. At sa tingin ko ay nagsisinungaling ka. Alam ko na nagugulo ka at sa tingin ko rin ay sa kaparehong dahilan rin ng akin ang sa `yo.”
“Luc...” sapat na ang sinabing iyon ni Ginny para masigurado ni Luc na tama ang kanyang hinala.
“May problema ka ba sa akin, Ginny?”
“W-wala naman. Pero---“
“Pero ano?”
Bumuntong-hininga si Ginny. “Ano ba talaga ang mayroon sa atin, Luc? Naguguluhan ako.”
Nagulat si Luc. Hindi iyon ang inaasahan niya na itatanong ni Ginny. Ganoon pa man, maikokonsidera nga niya na maaaring problema nga iyon. Ni hindi niya dinidiretso si Ginny sa kung ano nga ba talaga ang pakay niya rito. Hindi niya inaamin ang nararamdaman niya rito. Ginawa niya iyon dahil akala niya ay iyon ang makabubuti sa ngayon. Hindi kailangan ni Ginny ng distraction at natatakot siyang maramdaman nito na distraction ang nararamdaman niya para rito. Iyon pala ay ang naging desisyon na iyon ang naging distraction para rito.
Huminga nang malalim si Luc. “Nararamdaman mo naman `di ba, Ginny? Gusto kita.”
“Gusto mo ako pero may mahal kang iba?”
Kumunot ang noo ni Luc. “Mahal na iba?”
“Si Joy.”
Natawa si Luc. Sa kabila ng marami ang nag-aakala na girlfriend niya si Joy dahil na rin sa pagiging malapit na, ni hindi maisip ni Luc ang posibilidad na maging girlfriend niya si Joy. Mahal niya si Joy at gusto niya ito, oo. Pero alam niya na hindi iyon ganoon katindi para masabi na handa siyang maging partner ito sa buhay. Ramdam niya na ibang klaseng pagmamahal iyon. He can do crazy things with Joy. Pero ang makaramdam ng kahit anong romantic rito? Wala siyang maramdaman. Ni hindi niya maisip na halikan man lang ito sa labi. Baka kilabutan pa siya kapag nangyari iyon.
Best friend lang niya si Joy. Siguro ay ito rin ang masasabing kapatid niya na hindi siya pinagpala na magkaroon. Lalo niyang napatunayan ngayong nakilala niya si Ginny na magiging hanggang doon lamang talaga iyon. Kung ipagkukumpara niya ang damdamin niya kay Joy at Ginny, malaki ang pinagkaiba noon. Mas matindi ang nararamdaman niya kaysa kay Ginny kaysa kay Joy kahit na ba kakakilala lamang nila noong una.
Masaya naman siya kapag kasama niya si Joy. Pero kapag kasama niya si Ginny, higit pa iyon sa saya. Palagi rin siyang naglu-look forward sa mga reply messages nito. Ang makita lang ito o ang kahit makausap ay buo na ang araw niya. Kapag pinagmamasdan niya ang mukha ni Ginny at kapag magkasama sila, purong contentment ang nararamdaman niya...
“Naipakilala ko na sa `yo si Joy `di ba? Matalik na kaibigan ko lang siya. Malapit kami sa isa’t isa. Hindi ko itatanggi iyon. Simula pagkabata, magkakilala na kami. At hanggang doon lang iyon. Trust me, Ginny.”
Nanatili lamang na nakatitig sa kanya si Ginny.
“Hindi ka naniniwala,” huminga muli nang malalim si Luc. “Okay, sige. Naiintindihan ko. Pagkatapos ng lahat, hindi ka nag-iisa sa mga hindi naniniwala. At may kasalanan rin siguro ako. Hindi ko inamin sa `yo agad ang lahat bago ako magparamdam ng kung ano-ano. I didn’t let you feel secure. Ni ngayon ko nga lang nasabi sa `yo ang tunay na nararamdaman ko at inaamin ko na pagkakamali ko iyon. Inisip ko kasi na maaaring makapagpagulo pa lalo sa iyo iyon at kahit na sinabi mo na hindi ako distraction para sa `yo, ganoon ang naiisip ko.”
Hinawakan ni Luc ang kamay ni Ginny. “Seryoso ako sa `yo, Ginny. Heck, bakit ko ba sasabihin sa `yo na seryoso ako? Hindi ako ang taong dinadaanan palagi sa biro ang lahat. Kagaya ng ganitong bagay. I’m not a playboy. Ni hindi pa nga ako nagkakaroon ng kasintahan sa edad kong ito. Kaya paniwalaan mo ako. Hindi ko gustong mapahamak ka. Hindi ko intensyon na saktan ka at guluhin ka. Gusto talaga kita at sa pagdaan ng mga araw, lalo pang tumitindi ang nararamdaman ko na iyon. And with that...I have to ask you the question.
“Puwede ba kitang ligawan?”