Four Hearts and a Friendship w/ Bonus Friendship Stories Chapter 4

AWTOMATIKONG lumakas ang tibok ng puso ni Ginny nang makita niya si Luc. Pero hindi kagaya ng kagabi na sa tingin niya ay kaya ganoon ang nangyari sa kanya dahil parang nagugustuhan yata niya ang amo ng ama, may halong takot ang naramdaman ni Ginny ngayon. Nadapa si Luc sa sahig! Nataranta ang lahat ng tao sa kusina at ang kanyang ama na kasunod nito pero pakiramdam ni Ginny ay mas lalo siyang nataranta.

“First aid!” sigaw ng isa sa mga kasamabahay na sa sobrang pagkataranta, hindi na nag-aksaya pa ng oras para tanungin muna ang lagay ni Luc.

Sumali si Ginny sa mga dumalo kay Luc. Lumapit siya rito. Sa halip na magtanong kung okay lang ba ito kagaya ng tanong ng nakararami, hindi na nag-aksaya pa ng oras sa mga ganoong tanong si Ginny. Diniretso na niya si Luc dahil ramdam niya na hindi naman talaga ito maayos. “Anong masakit sa `yo?”

Hindi sigurado ni Ginny kung dahil ba sa kakaibang tanong niya o dahil nakilala ni Luc ang boses niya kaya tumingin ito sa kanya. Napakurap pa siya nang makitang sa halip na sakit dahil sa nangyari rito ang mabasa niya sa mga mata nito ay nanlambot pa iyon nang makita siya. Sandaling hindi rin ito nakapagsalita kagaya niya.

“Luc?”

Doon lang tila bumalik sa sarili si Luc. Hinawakan nito ang paa. Bumakas na sa mukha nito ang tila naantalang sakit. “Sa tingin ko ay nagka-sprain yata ako sa ankle...”

Pinilit na kinalma ni Ginny ang sarili. Pumunta siya sa paanan nito at tinaas ang paa nito. Dumaing si Luc sa ginawa niya pero kinalma niya ito. “Kailangan nating i-elevate ito para malimitahan ang swelling...”

Alam ni Ginny ang gagawin dahil tinuruan sila ng mga first aid treatments. Kapagkuwan ay tumawag si Ginny ng isang kasambahay. Humingi siya ng yelo. Kaagad naman na tumalima ito. Dahil pare-pareho silang nasa kusina, naging mabilis lang dumating ang utos niya. Pagkatapos itaas ang paa ni Luc ay nilagyan niya iyon ng yelo.

Ramdam ni Ginny na habang ginagawa niya ang mga bagay na iyon ay hindi lang ang mga kasambahay ang nakatitig sa kanya. Ganoon rin si Luc. At kahit hindi siya nakatingin, ramdam niya na may kakaiba sa titig nito. Dahil kung hindi, bakit pakiramdam niya ay matutunaw siya?

O iniisip niya lamang iyon?

Hindi gusto na maging ambisyosa ni Ginny. Alam niya na simpleng babae lamang siya. Pero ramdam niya na may kakaiba kay Luc. O iniisip nga lang niya iyon dahil nakakaramdam siya ng kakaiba rito? Para matahimik siya, sinubukan niyang tumingin kay Luc. Nahuli niyang titig na titig ito sa kanya.

“You’re an angel...” parang nangangarap pa na wika ni Luc sa kanya.

Nagwala yata ang puso ni Ginny. Pero kagaya kanina, pilit niyang kinalma ang sarili. Sinabi man sa kanya ng ama na mabait ang pamilyang pinagsisilbihan nito, iba pa rin ang kilala niya mismo. Paano kung babaero pala ang Luc na ito? At nakikipag-flirt sa kanya? O kaya may girlfriend na ito? Hindi malabo. Napakaguwapo nito at sa katayuan nito sa buhay, malabong walang grupo ng mga babaeng naghahabol rito. Napakaraming posibilidad. Naiinis bigla tuloy si Ginny sa sarili dahil sa kanyang mga naiisip.

Tumikhim si Ginny. “Isipin mo na lang na ganti ko ito sa ginawa mo sa akin kagabi.”

“Walang problema ang tungkol roon,” wika nito at nanatili pa rin na nakatitig sa kanya.

Sa kabila ng kagustuhan sa pagtitig sa kanya ni Luc, nag-uumpisa ng mailang si Ginny. Lalo na at nang mapatingin siya sa paligid ay lahat ay nakatingin sa kanila. May kakaibang kislap rin ng mga mata ang mga ito. Dahil masasabi niyang naging kaibigan na niya ang mga ito, nakilala na niya ang mga ito. Malisyosa at maloloko ang mga ito. Nabasa na agad ni Ginny ang mga nasa isip ng mga ito sa pagtingin pa lang ng mga ito sa kanya nila ni Luc. Dahil doon, napalayo tuloy siya kay Luc.

“Ginny, wait---“

“Kung ganoon ay magkakilala na pala kayo ni Ser, Genny,” wika ng bisaya at pinakamaloko sa lahat ng mga kasambahay na si Mela.

Si Luc ang sumagot sa tanong. Sa kabila ng tinamo nitong sugat, masiglang nagkuwento pa ito. Doon tuloy lalong nagkaroon ng kulay ang tingin ng mga tao sa kanilang dalawa ng amo.

“Aba, aba. At nagkakaroon na ga ng something sa inyo nareng si Ginny, Sir Luc?” wika naman ng Batanguena na si Minda.

Tumingin sa kanya si Luc. Pero hindi makapagsalita si Ginny lalo na nang mapatingin siya sa kanyang ama. Hindi niya mabasa ang emosyon sa mukha nito pero nagsigurado na si Ginny. Tumayo na siya sa kinaroroonan at nag-excuse na aalis na sa lugar upang maiwasan ang ganoong usapan. Nasa harap sila ng kanyang ama. Tinulungan lang niya si Luc pero hindi niya ginawa iyon upang pag-usapan. Hinayaan naman siya ng mga itong umalis na. Naglalakad siya pabalik sa kuwarto nang maramdaman niya na sinundan siya ng kanyang ama.

“Kaya nahulog si Sir Luc sa sahig ay dahil may sinisilip siya sa kusina. Ngayon ko lang nakita na sinisilip ni Sir Luc ang mga kasamabahay. Madalas kasi ay dumidiretso na siya basta roon kung gusto niyang makipagkuwentuhan sa mga kasambahay.”

Natigilan si Ginny. Nilingon niya ang kanyang ama. Binibigyan man nito ng interes ang usapin ay kagaya kanina, hindi pa rin niya mabasa ang emosyon sa mukha nito. Hindi tuloy maintindihan ni Ginny ang nararamdaman. Gusto ba ng kanyang ama na tila nagkakagusto sa kanya si Sir Luc? Pero ito mismo ang mahigpit na nagbilin sa kanya na huwag muna siyang mag-nobyo sa edad niya.

Gustong malaman ni Ginny ang isipan ng kanyang ama tungkol sa sitwasyon. Pero minabuti na lang niya na huwag palakihin iyon. Bukod kasi sa natatakot siya sa isasagot ng kanyang ama, hindi naman ang paghahanap ng pag-ibig ang ipinunta niya sa lugar. Mas mabuti kung i-focus na lang niya ng tuluyan sa pag-aaral ang isip niya kaysa ang asikasuhin ang nagugustuhan man na damdamin sa kanyang puso.

GINUSTO man ni Ginny na huwag asikasuhin ang kanyang nadarama kay Luc, hindi pa rin madaling iwasan iyon. Lalo na at mukhang ito ay hindi rin gustong iwasan iyon. Kinabukasan, bilang pasasalamat sa pagbigay niya ng first aid dito ay pinadalhan siya nito ng bulaklak.

Hindi miminsan na nakatanggap si Ginny ng bulaklak mula sa isang lalaki. Sa edad niyang dalawampu, marami na rin ang nagtangka na manligaw sa kanya. Pero sa kabila ng mga ipinapakita ng mga ito sa kanya, hindi niya gustong intindihin ang mga ito. Bukod kasi sa gusto lang niyang ituon ang sarili sa pag-aaral, wala rin siyang nararamdaman na espesyal sa mga ito.

Pero kaiba ang sitwasyon ngayon. Gusto niya si Luc. Maaaring mabilis ang lahat pero ramdam talaga niya na may kakaiba rito. Dahil kung wala, bakit hindi niya maggawang disiplinahin ang sarili niya?

Hindi itatanggi ni Ginny na gusto niya ang mga pagkain. Mahilig siyang kumain. “Food lover”, iyon siya. At pagdating doon, wala siyang disipilina. Kaya masuwerte siya na hindi siya tabain. Sa tingin niya, kaya niyang ihalintulad ang pagkain kay Luc. Pagdating rito, wala siyang disiplina. Kahit na ba sinabi niya sa sarili na hindi niya gustong asikasuhin ang nararamdaman para kay Luc, nahihirapan siya na pigilan iyon.

At isang patunay roon ang natulala siya sa mga bulaklak na pinadala nito. Malaki ang mga iyon, napakaganda. Gusto niyang isipin na kaya naging masaya siya sa mga nakitang bulaklak ay dahil kakaiba iyon kaysa sa ibang natanggap niya. Pero hindi. Alam niya na dahil si Luc ang nagbigay noon. Na-appreciate niya nang husto iyon dahil bigay iyon sa kanya ni Luc.

Nang matapos siya sa pag-appreciate ng mga bulaklak ay natagpuan niya ang isang card na nakakabit roon. Binasa niya iyon.

Tell me how was the flowers. Here’s my number. 09057451113

Tumaas ang kilay ni Ginny. Paraan ba iyon ni Luc upang makuha nito ang numero niya? Kakaiba rin ang galaw nito. Pero sa kabila noon, nag-message siya kay Luc. Sa halip na makatanggap ng reply message rito, isang reply call ang nakuha niya.

“Hello?” alinlangan pa si Ginny sa pagsagot. Hindi niya inaasahan iyon. Hindi rin siya sanay na makatanggap ng tawag. Pero alam niya na magiging masama kung hindi naman niya sasagutin iyon.

“Hey, Angel,” masayang wika naman nito.

Angel. Ang sarap pakinggan ng endearment na iyon. “Hey. Salamat sa flowers. Maganda. Sobrang na-appreciate ko,”

“You’re welcome, Angel. So kumusta ang araw mo?”

“Hindi ko alam kung masasagot ko ang tanong mo. Kakagising ko lang,”

Bahagyang natawa ito. “Alas diyes na, ah. Pero naiintindihan ko. Malamang ay nagpuyat ka na naman sa pag-aaral.”

Sumang-ayon si Ginny. “Ikaw, kumusta ang araw mo?”

“Ito...kompleto na kasi nakausap kita,” nahimigan niya ang saya sa boses ni Luc.

Awtomatikong namula ang mukha ni Ginny. Hindi rin siya nakapagsalita.

“Hey, Angel. Hindi mo ba nagustuhan ang sinabi ko?”

“Ha? Hindi naman. H-hindi lang ako sanay na sinasabihan ng ganyan.”

“Kung ganoon, masasabi ko na wala kang boyfriend.”

“Wala pa iyon sa isip ko. Kahit graduate na ako, hindi ibig sabihin noon ay puwede na akong mag-boyfriend. Hindi ko pa nakukuha ang pangarap ko.”

“At iyon ay?”

“Ang maging license teacher.”

Sandaling hindi nakapagsalita si Luc. “Isang linggo na lang at board exam mo na `di ba?”

“Oo. Pero buwan pa rin ang aabutin bago ko malaman ang result.”

“I see. All the best for your upcoming exam,” wika nito at maya-maya ay tinapos na ang tawag.

Hindi gusto ni Ginny ang tawagan. Sanay siya sa palitan lamang ng text messages. May pagkamahiyain kasi siya kahit na ba tawag lamang iyon at hindi sa personal. Pero lalong hindi niya nagustuhan ang naging takbo ng usapan nila ni Luc. Dahil ba sa nalaman nito na hindi niya pa gusto na magka-boyfriend, nawala na ang interes nito sa kanya? Hindi ba nito ginusto na kahit ang antayin lamang siya?

Gusto na nga niya si Luc kaya hindi rin niya masisisi ang sarili kung nalulungkot siya na malaman na hindi naman pala ito seryoso sa mga ipinapakita nito sa kanya.

Masakit man, pilit na inalis ni Ginny ang mga nararamdaman. Sa ngayon, hindi niya kailangan ng bad vibes. Isang linggo na lang at board exam na. Kailangan niyang mag-concentrate.

Nag-ayos muna si Ginny ng sarili bago ginawa ang kanyang daily routine---ang mag-aral sa buong maghapon. Pero pagkatapos niyang kumain ng kanyang brunch, nagulat siya nang dumating si Melai at lumapit sa kanya. May dala-dala itong isang box ng cake.

“Genny! Ang suwerte mo talaga! Pinadalhan ka ni Ser Luc ng cake, oh!” wika nito at ibinigay sa kanya ang cake.

Nanlaki ang mga mata ni Ginny. Hindi siya makapaniwala. Ang akala niya ay sumuko na lang ng basta-basta sa kanya si Luc. Pero ngayon...

Pagkakuha ng cake ay binasa niya agad ang maliit na message card na nakakabit roon.

I don’t want to be a distraction to you...so I gave this cake to you as an apology. Food will help you to study harder, right?

Naalala siguro nito ang ginawa niyang pagnakaw ng pagkain sa refrigerator. Napangiti siya. Mali pala siya ng iniisip. Hindi sa nawalan ng interes sa kanya si Luc kaya tinapos nito ang tawag. Ayaw lang siya nitong guluhin sa dapat na ginagawa niya. Concern lang ito para sa ikabubuti niya.

Ah, kay saya ng kanyang nadarama.

HINDI gusto ni Ginny na isipin ni Luc na distraction ito para sa kanya kaya sa tuwing may ginagawa ito ay in-entertain niya ito. Sinabi rin niya rito na hindi niya naman iniisip na distraction ito para sa kanya.

Mas lalo lang magugulo si Ginny kung gagawin niya ang unang plano na huwag na lang pansinin si Luc. Nasa iisang bahay sila. Hindi maiiwasan iyon. Kaya sa halip na iwasan ito, sinubukan na lang ni Ginny na aliwin ang sarili kay Luc. Pagkatapos ng lahat, hindi naman talaga ito nakakagulo sa kanya. Sa totoo nga lang, kapag naiisip niya si Luc, pakiramdam niya ay nagiging inspired pa siya lalo sa pag-aaral. Alam kasi niya na kapag nakuha niya ang pangarap niya, isa ito sa mga mapapasaya niya. Gusto niya na mapasaya si Luc.

Isa pa sa dahilan kung bakit alam ni Ginny na tama ang kanyang ginawa ay dahil alam rin ni Luc ang hangganan nito. Nagkaka-text sila pero kapag alam na nito na oras na ng pag-aaral niya, tumitigil ito. Madalas rin na hanggang text o tawag lang sila dahil kapag umaalis ito ng bahay ay tulog pa siya at kapag dumadating naman ito ay nag-aaral siya. Paminsan-minsan ay sinisilip siya nito at may ibinibigay lang na pagkain kagaya ng nakaugalian na nito dahil na rin alam nito na makakatulong iyon sa pag-aaral niya. Pero kapag ganoon ay hindi na siya nito dadaldalin pa para makapag-concentrate siya. Sa mga nakalipas na araw, ganoon ang set-up nila ni Luc.

Tuwing break lang niya sa pag-aaral sila nagkakausap at nagkaka-text. Ngayon ay alas tres na ng hapon. Merienda niya iyon at break rin nito sa trabaho. Pinadalhan siya nito ng text message.

Kain na, Angel. 

Pinadalhan ni Ginny si Luc ng reply at sinabing kumakain na nga siya at sana ay ganoon rin ito.

Hindi ko na kailangang kumain pa. Ang makausap ka lang, busog na ako. ;)

Naramdaman ni Ginny na parang may mga paru-paro na naglaro sa kanyang tiyan nang mabasa ang sumunod na message ni Luc. Sa tuwing nakakausap niya si Luc ay hindi na nawala ang mga iyon. Luc was a sweet guy. Kinikilig siya kapag nagkakausap sila at lalo na ngayon na kapag bumabanat ito. Hindi maitago ni Ginny ang kanyang nadarama at dahil naging abala roon, ni hindi niya na napansin na may tao ng lumapit sa kanya sa garden ng mansion kung saan niya naisipan na kumain ng kanyang merienda.

“Masarap ba ang kinakain mo at ang laki ng ngiti mo, Anak?”

Bahagyang namutla ang mukha ni Ginny nang makita ang kanyang ama. Agad na naitago niya ang kanyang cell phone. Dahil sa mga nakalipas na araw ay wala ito dahil isinama ito ng ama ni Luc sa isang business meeting sa Batangas na tumagal ng apat na araw, hindi niya prinoblema ang pagtatago sa kanyang nadarama kay Luc. Sa isang hotel roon natulog ang kanyang Tatay at ang ama ni Luc. Pero alam niya na malalaman rin naman nito ang lahat. Alam rin niya na hindi siya puwedeng magsinungaling sa ama. Hindi niya ugali iyon. Hindi siya pinalaki ng mga magulang na ganoon. Open siya sa kanyang mga magulang. Pero bahagyang nahihiya at natatakot si Ginny sa pag-amin sa ama. Nasa isip pa rin niya ang maaaring maging reaksyon nito.

“Mukhang hindi, ah. Hindi mo halos nagagalaw,” tumingin ang kanyang Tatay sa cell phone na kanyang itinago kanina. “O dahil sa kung sinong ka-text mo sa cell phone?”

Bahagyang yumuko si Ginny. “Tama po kayo, Tatay. Ka-text ko po kasi si Luc,”

Tinitigan siya ng kanyang ama. “Ngayon lang kitang naging ganyan kasaya dahil lang sa may ka-text ka. Kahit ang Nanay mo ay walang ikinukuwento sa akin na ganyan. Bihira ka nga lang din gumamit ng cell phone at ngayon...”

Lalong nahiya si Ginny. “Naaliw po kasi akong kausap si Luc, Tatay. Sorry po,”

Tumaas ang kilay ng Tatay ni Ginny. “Bakit mo naman kailangang humingi ng tawad sa akin, Ginny?”

“D-dahil hindi niyo po gusto na nagkaka-interes ako kay Luc? Palagi niyo po na ipapaalala sa akin na huwag muna akong magnobyo habang hindi ko pa nakukuha ang pangarap ko.”

“Pero malapit mo na naman na makuha iyon `di ba?”

Gustong mag-isip ni Ginny ng kakaiba sa sinabi ng kanyang Tatay. “H-hindi naman po ibig sabihin noon ay puwede ko ng hindi irespeto ang gusto ninyo para sa akin.”

Ngumiti ang kanyang Tatay. Hinawakan nito ang kanyang balikat. “At napakasuwerte ko para matawag kitang anak dahil ginagawa mo ang lahat para sa amin. Nirerespeto mo ang utos namin sa kabila ng lahat,”

Ngumiti si Ginny. Maayos ang trato sa kanya ng mga magulang. Hangga’t kaya ng mga ito, binibigay ng mga ito ang lahat ng bagay na kailangan o maski gusto nila. Kahit hindi ganoon kaganda ang trabaho ng kanyang ama, pinipilit nito na ibigay ang mga bagay na nararapat para sa kanila. Isa ng patunay roon na simula elementarya at kolehiyo, hindi nito hinayaan na mag-aral sila sa public ng kapatid niya. Nararapat lang naman na ibigay niya sa mga ito ang kaparehong kabaitan. Nirerespeto niya ang mga desisyon ng mga ito.

“Alam ko rin naman po na para sa ikabubuti ko rin po ang mga iyon.”

Tumango ang kanyang ama. “Tama ka. Pero kung gusto mo na rin naman na mag-boyfriend ngayon, wala ng problema sa akin. Malaki ang tiwala ko sa `yo, Ginny. Sa mga nakalipas na taon, hindi mo kami binigyan ng kahit anong sakit ng ulo. Nanatili kang mabuting anak. Matalino. May pangarap.”

“K-kung ganoon po, hindi po kayo galit sa nalaman niyo?”

“Bakit naman ako magagalit? Nililigawan ka na ba ni Sir Luc?”

Hindi nakapagsalita si Ginny. Hindi nagtatanong si Luc. Ramdam niya na may interes sa kanya ang mga ginagawa nito. Pero walang sinasabi na gusto nito na ligawan siya.

“Wala siyang sinasabi? Pero kung ganoon man, wala kang dapat ipag-alala, Ginny. Nagtetext sa akin ang ilan na mga kasambahay at sinasabi nila kung paano ka ituring ni Sir Luc. At ikaw, mukhang ang saya-saya mo ngayon. Gusto ko iyon. At kung tama ang iniisip ko na kaya ganyan ka ay dahil gusto mo si Sir Luc, wala rin na kaso sa akin.”

Napakurap si Ginny. Hindi siya makapaniwala.

“Mabait si Sir Luc, Ginny. Kung nagugustuhan mo siya at gusto ka rin niya, magiging masaya ako para sa `yo. Para sa inyo. Napakabait rin ng pamilya niya. Wala kang magiging problema sa kanya. Mabuti nga iyon at kilala ko talaga ang kung sino man ang lalaking napupusuan mo. Makakasigurado ako na nasa mabuting kamay talaga ang panganay ko.”

Nagustuhan ni Joy ang nalaman. Hindi pa man siya sigurado sa kung anong mayroon sa kanila ni Luc, ramdam niya na tama ang hinala ng kanyang ama. Doon rin sila patungo ni Luc. Sa mga sinabi rin sa kanya ng ama, ramdam niya na magiging problema.

Kung gugustuhin man ni Luc na i-level up ang kung anong mayroon sila ngayon, lahat ay nasa perpektong kondisyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.