MALI ng akala si Luc. Para kay Ginny, hindi distraction ang pag-amin nito sa kanya ng damdamin nito. Gusto niya iyon. Gustong-gusto. At dahil doon, hindi na niya naggawa pang pagdudahan si Luc. Lahat ng insecurities niya ay nawala sa mga sinabi nito.
Maayos rin na naitawid ni Ginny ang exam dahil magaan na ang pakiramdam niya. Na-settle na nila ang problema nila ni Luc. Kagaya ng inisip niya noon, lahat ay nasa ayos muli ngayon.
Nagduda at nagulo siya sa pagdating ni Joy. Pero sa mga sinabi sa kanya ni Luc kagabi ay parang nawala na ang lahat. Naniwala agad siya sa paliwanag. Siguro nga ay kaya ganoong hindi na lang siya nakumbinsi ay dahil na rin hindi siya secure. Hindi niya alam kung ano ang puwesto niya sa buhay nito. Pero ngayong umamin na si Luc, wala na siyang dapat ipagduda.
Pagkatapos ng lahat, pinaparamdam naman talaga sa kanya ni Luc na espesyal siya. Iyon ang mahalaga sa kanya. Wala rin siyang karapatan na magselos. Matagal ang pinagsamahan nila Luc at Joy. Natural ay magiging malapit talaga ito sa isa’t isa. Pero isipin man niya nang isipin ngayon ang eksena na nakita noong una sa pagitan ng mga ito, tanggap na iyon ni Ginny.
Masaya na si Ginny ngayon. Gusto siya ni Luc. Dahil ramdam niya na gusto rin niya ito, pumayag siya sa gusto nito. At kaninang umaga ay sinimulan na nito ang panunuyo sa kanya. Paggising niya ay nakatanggap agad siya ng bulaklak mula kay Luc at inihatid pa siya sa examination center. Hindi na nito kailangang i-wish pa ng good luck dahil sa mga ginawa pa lang nito ay ramdam na niya agad ang suwerte niya. Napakaganda ng mood niya at dahil doon, parang nahawa rin ang exam niya sa kanya. Maganda rin ang tingin niya roon dahil nadalian siya.
Tapos na ang exam ay dala pa rin ni Ginny ang suwerte. Hindi niya inaasahan na susunduin rin siya ni Luc. Wala itong sinabi kanina at hindi rin niya naisip kanina dahil alam niya na may trabaho ito. Alas-kuwatro pa lamang ng hapon ngayon.
“Undertime,” sagot naman nito nang tanungin niya kung bakit ito naroroon.
“Hindi mo na kailangang gawin ito. Kaya ko naman ang sarili ko,”
“But I want to. Nililigawan na kita ngayon.”
Tumaas ang kilay nito. “Kung ganoon, araw-araw na kailangan mo akong ihatid at sunduin? Kung ganoon ay masisira ka sa trabaho mo.”
“I’m the boss,” ngumisi ito. “Hindi naman. Ayaw ko rin na maging abusado. Pero excited ako na malaman kung anong nangyari sa `yo. Is everything went well?”
Tumango si Ginny.
“Then good. You deserve a treat for me then.”
Tumaas muli ang kilay ni Ginny. “Ito ba ay isa sa mga paraan mo para mayaya akong makipag-date sa `yo?”
Napakamot ng ulo si Luc. “You got me there.”
Ngumiti si Ginny. Pumayag siya sa gusto ni Luc. Dinala siya nito sa isang coffee shop. Nang makarating roon ay nagulat pa siya nang makitang nandoon rin si Joy. Tumingala siya kay Luc.
“Sana ay hindi mo masamain na inimbita ko siya. Gusto ko lang na maging mas malinaw para sa `yo ang lahat...”
Nilapitan nila si Joy na masayang binati at niyakap pa siya. Napatunayan ni Ginny na hindi talaga dapat siya magduda sa relasyon nila Luc at Joy. Dahil kung may namamagitan man sa mga ito, hindi ba dapat ay galit si Joy sa kanya? Pero nagagawa pa siya nitong batiin ng ganoon.
“Magkaibigan lang talaga kaming dalawa ni Luc, Ginny. Though naiintindihan ko naman kung bakit hindi mo agad iyon pinaniwalaan. Hindi lang ikaw ang nag-iisa,”
“Iyon rin ang sinabi ni Luc.”
Tumango ito. “Masyado kaming malapit sa isa’t isa at minsan ay nagiging problema talaga iyon. Pero umaasa ako na magiging maayos rin ang lahat. Kung puwede nga sana, ngayon na. Inistorbo pa kasi ako nitong si Luc para patunayan sa `yo na hindi totoo ang akala mo,”
Nahiya si Ginny. “I’m sorry. Hindi ko intensyon na---“
“Its okay. Willing naman akong mag-adjust. Isa pa, gusto rin kita na makilala nang lubos at sa pamamagitan ng date na ito, I think magkakaroon ako ng pagkakataon. Hindi kagaya ng nangyari kagabi---“
“Of course, puwede naman. Naiintindihan ko na ang lahat ngayon, Joy. Hindi ako galit.”
Nakahinga nang maluwag si Joy. Nagsimula na silang kumain at sa pagdaan ng mga oras, nakita ni Ginny ang malaking kaibahan. Iba ang trato sa kanya ni Luc sa trato nito kay Joy. Madalas na naglolokohan ang mga ito, oo. But he just did crazy and funny things with her. Hindi kagaya ng sa kanya na natagpuan niyang sweet at romantic. Magkatabi sila sa upuan at kung todo asikasuhin siya ni Luc. Pati ang pag-slice ng cake niya into pieces ay ito pa ang gumawa.
Gumagawa ito ng mas matindi na pagpapahalaga sa kanya kaysa kay Joy. Sa kabila ng matagal na pinagsamahan ng mga ito, mas ginusto pa siya nitong unahin kaysa sa matalik na kaibigan. At sapat na ang mga iyon para mapatunayan niya pa lalo na espesyal siya kay Luc.
Pakiramdam ni Ginny ngayon ay namumuhay siya sa isang perpektong buhay.
PAGKATAPOS ng board exam ni Ginny ay umuwi na siya sa Bulacan. Masaya na nakaraos na siya at tanging kaba na lang para sa resulta ang kanyang poproblemahin. Pero bukod roon, masasabi niya na malungkot rin siya dahil kailangan na niyang lisanin ang bahay nila Luc. Hindi na niya ito makikita araw-araw. Pero sa kabila noon, hindi naman pinaramdam sa kanya ni Luc na kailangan talaga niyang lubos na malungkot. Araw-araw pa rin siya nitong tinatawagan at kinakausap.
Desisyon ng mga magulang ni Ginny na huwag muna siyang magtrabaho o kahit maghanap noon habang hindi pa lumalabas ang result. Thirty two working days pa raw ang pag-aantay ng resulta. Mahigit isang buwan rin iyon kaya ibig sabihin ay ganoon rin siya magiging tambay sa bahay. Ginusto ng mga magulang niya iyon dahil nararapat rin naman sa kanya ang bakasyon at pahinga. Nang dahil roon, mas madalas pa kaysa sa dati na tawagan siya ni Luc. Hindi na kasi siya sa abala dahil hindi na niya kailangang mag-aral pa. Si Luc naman, kahit abala ay willing na mag-adjust. Gusto pa nga nito iyon. Nakaka-limang tawag ito sa kanya sa isang araw at minsan pa nga ay umaabot ng isang oras ang isa sa mga tawag nito.
Sa mga ginagawang iyon ni Luc, nababawasan ang kalungkutan ni Ginny na hindi niya ito nakikita. Ipinangako rin nito sa kanya na pagdating ng weekend ay bibisitahin siya nito. At tumupad si Luc sa pangako nito.
Alas otso ng umaga ng Sabado ay may pumaradang magandang sasakyan sa harapan ng bahay nila. Nagpasalamat si Ginny na maaga siyang naggising kaya nakapag-ayos na siya ng sarili. Gusto niya na maging maayos siya sa paningin ni Luc. Na-miss niya ito nang husto. Masaya siya na ngayon ay magkakaroon na sila ng pagkakataon na magkasama at makikilala pa nito ang pamilya niya. Dahil sa ginawa ni Luc na iyon, lalo niyang napatunayan na seryoso talaga ito sa kanya.
Pero lalo pang naging masaya si Ginny na hindi lang ang sarili ni Luc ang dala nito. Kasa-kasama rin nito ang kanyang ama na sinabing pinag-day off talaga ni Luc para lang daw maggawa ang “pormal” na panliligaw nito. Gusto raw kasi nitong aminin sa pamilya niya ang ginagawa nito na kompleto silang lahat.
Bukod pa roon, may dala rin na mga pasalubong si Luc hindi lang sa kanya kundi pati na rin sa buong pamilya niya. May regalo itong mga laruan sa kapatid niya at kagaya ng bigay nito sa kanya, binigyan rin nito ng bulaklak ang kanyang ina.
“Naku naman, hijo. Pakiramdam ko tuloy ay pati ako ay nililigawan mo,” namumula pa ang pisngi ng kanyang ina. Halatang natuwa sa ginawa ni Luc.
Ngumiti si Luc. “Parte po ninyo si Ginny. Sa tingin ko po ay nararapat rin naman po na maramdaman niyo na nililigawan ko rin po kayo.”
Lalong natuwa ang kanyang ina kay Luc. Naramdaman niya agad na nakuha na nito ang loob ng kanyang ina sa ginawa at sinabi pa lang nito na iyon.
Nagyayang makipaglaro ang bunsong kapatid niya na si Gerome kay Luc. Special child si Gerome kaya napakakulit nito. Minsan ay naiisip ni Ginny na kung hindi nga lang niya kapatid si Gerome, baka sinukuan na niya ang kakulitan nito. Mahilig ito palagi na makipaglaro kahit labing tatlong taong gulang na ito at malaking bulas. Kapag hindi naman papayag na makikipaglaro, mangungulit ito nang mangungulit. Maglalambing---kagaya na lang ng pagyakap o `di kaya ay basta-basta na lang papasan sa likod. At dahil malaking tao ito, matinding paghihirap ang dinaranas niya sa kapatid.
Pero kahit ilang oras ng nakikipaglaro si Luc kay Gerome, wala man lang siyang kahit anong pagod o hirap na nakikita rito. Hindi niya sigurado kung mahaba lang ba talaga ang pasensya ni Luc o sadyang naaliw ito sa kapatid. Siya kasi ay hirap na hirap ng pakisamahan ang kapatid kahit isang oras pa lamang silang naglalaro nito. Ganoon rin ang kanyang sumunod na kapatid na si Gerard. Pero hindi ganoon si Luc. Masayang pinakikitunguhan nito si Gerome. At dahil sa mga nakitang ginawa ni Luc, nakita niya na mabilis na nakuha nito ang loob ng pamilya niya kagaya ng kung gaano nito kabilis na nakuha ang loob nya.
Tanghali nang magyaya si Gerard na pumunta sila sa ilog na malapit sa bahay nila upang maigala rin daw naman nila si Luc. Doon sila nagtanghalian. Nagpaiwan ang kanyang ina upang mabantayan si Gerome dahil hindi nito gustong sumama. Masyado raw kasi itong napagod sa pakikipaglaro ni Luc. Isama pa na sa kondisyon nito, mahirap itong isama sa mga ganoong gala.
Nakita niya kung gaano naaliw si Luc sa pagkain sa ilog at paliligo na rin doon. Kumuha lang ng saha ng saging ang kanyang ama upang doon nila kainin ang pulang itlog na may kamatis na dala nila at tilapia na inihaw ng kanyang ama sa gilid rin ng ilog. Napakasimple lang ng ginawa nila kung maituturing. Mga bagay na ginagawa ng mga simpleng tao. At sa kabila ng katayuan ni Luc sa buhay, bukal sa loob na niyakap nito ang mga iyon. Nakita niya pa kung gaano kasaya ito sa ginawa.
“Salamat sa pagdala sa akin rito. Ito ang unang pagkakataon ko at napakasaya ko. Tama nga sila. Masarap talaga na mamuhay ng simple.”
“Ang mga ginawa ba talaga natin sa ilog ang dahilan kaya ka masaya o dahil kay Ate, Kuya Luc?” nanunudyong tanong ni Gerard.
Ngumiti si Luc. “Isa iyon sa mga dahilan. Basta naman magkasama o nakikita ko lang ang Ate mo, masaya na ako.”
Kinindatan pa siya ni Luc. Awtomatikong namula si Ginny.
Pag-uwi nila ng bahay ay nagulat pa siya nang makitang may mga bagong damit na nakalatag sa kama ng kuwarto niya. Isang maganda na bestida iyon at may kasama pang sapatos at mga alahas. May bag rin na bumagay sa damit. Sinagot ni Luc ang pagtataka niya.
“Pinadala ko ang mga `yan para mamayang gabi,”
“Mamayang gabi? Anong mayroon mamayang gabi?”
“Dinner. With my parents.”
Nakaramdam ng kaba si Ginny sa sinabi ni Luc at hindi niya naitago iyon. “Nervous?”
Sinalubong ni Ginny ang tingin ni Luc. “S-siyempre naman. Hindi ko inaasahan ito.”
“Naggawa ko sa mga magulang mo, Ginny. Sa tingin ko ay nararapat rin na gawin mo naman para sa akin. At huwag kang mag-alala. Hindi naman aso ang mga magulang ko. Hindi sila nangangagat,” kinindatan pa siya nito.
Sinabi niya sa kanyang Tatay ang mangyayari. Hindi kagaya niya, hindi ito nangamba. Pumayag rin ito. “Maganda nga iyon na makilala mo sila. Ibig sabihin lang noon ay seryoso talaga si Luc sa `yo.”
Alam naman iyon ni Ginny. Pero unang beses na mangyayari iyon sa kanya. Nakita na rin niya ang mga magulang ni Luc pero hindi niya pa nakakausap o naipakilala man lang sa mga ito. Palagi kasing wala ito sa mga bahay. Kung nandoon man, sandali lang ang mga ito na nanatili roon. Ang sabi ni Luc kaya ganoon ay dahil abala rin ang mga ito ngayon. May expansion kasi na nangyayari sa mga hotels nito at kailangan ang presensiya ng ama nito sa kabi-kabilang business meeting na dinadaluhan ng mga ito na kadalasan ay out of town pa. Ang ina naman nito ay palaging busy sa mga charity works. Ngayon lang daw nagkaroon ng libreng oras ang mga magulang ni Luc.
“Hindi ko po talaga maiwasan na kabahan. Naniniwala po ako na mabait ang mga magulang ni Luc. Pero isang simpleng babae lang po ako. Hindi ko po sigurado kung magugustuhan nila ang isang babae na kagaya ko...”
“Nagustuhan ka ni Luc sa kabila ng kung sino ka. Bakit hindi ang ibang tao?”
Alas-singko y medya ng hapon ay umalis na sila ng Bulacan. Mahigit isang oras rin ang naging biyahe nila patungo sa isang fine-dining restaurant sa Maynila kung saan nag-aantay na ang mga magulang ni Luc.
“I’m sorry, we are late.” Paghingi ng paumanhin ni Luc sa mga magulang.
“You are just right in time. And its worth the wait,” wika ng babae na ramdam niyang siyang ina ni Luc. Napakaganda ng ngiti nito sa kanya. “Its nice to finally meet you, hija.”
“Its my pleasure po, Ma’am.”
“Call me Tita,” tumingin ito kay Luc pagkatapos. “She’s very beautiful. Anak nga kita. Maganda ang taste,”
Ngumiti si Luc. Lumambot ang puso ni Ginny. Nawala rin ang kanyang kaba at napakasaya niya na kahit hindi pa siya lubusan na kilala nito ay tila nagugustuhan na siya nito.
Tumingin si Ginny sa ama ni Luc. Hindi ito nakangiti pero hindi naman ito mukhang galit. Nang ipakilala siya ni Luc rito ay kagaya ng Ginang, sinabihan rin siya nito na tawagin na lang itong “Tito”.
Nagsimula ang dinner at naging komportable naman ang pakiramdam ni Ginny. Napagtanto niya na tahimik na tao ang ama ni Luc at opposite naman nito ang ina ni Luc. Ito ang nagkuwento nang nagkuwento at nagtanong nang nagtanong sa kanya. Sa tingin niya, kahit isang oras pa lamang ang nakalilipas ay kilalang-kilala na niya ito dahil na rin sa dami ng naging kuwento nito. Sa dami rin ng tanong nito sa kanya, kilalang-kilala na rin siya nito.
“Teacher?” noon lang muli narinig ni Ginny na nagsalita ang ama ni Luc nang pag-usapan ang career niya.
“Soon-to-be po. Hindi ko pa po gustong tawagin ang sarili ko bilang teacher habang hindi pa po ako nakakapasa ng board exam,”
Tumango ang ama ni Luc. Bahagyang nagulat pa siya nang magsalita muli ito. “Puwede mo ba akong bigyan ng dahilan kung bakit gusto mo na maging guro, Ginny?”
Ngumiti si Ginny. Kapag sinasabi niya ang propesyon na gusto niya ay palaging tinatanong iyon sa kanya at handa siya sa mga sagot. “Alam ko po na mahirap ang maging guro. Very complex ng mga gawain. Pero sa tingin ko po, ito ang pinakamagandang trabaho sa buong mundo. Hindi po ba nakakatuwa ang isipin na isa ka sa mga naging daan upang maging isang matagumpay ang isang tao? Lahat ng mga matatagumpay na tao kagaya ng mga architect, engineer, accountant, doctor at kahit ang mga lawyer ay dadaan sa `yo. Kung hindi dahil sa guro, wala ang mga edukadong tao na iyon.
“Marami po ang nagsasabi na maliit lamang ang suweldo ng guro. Para sa akin na simpleng babae lamang kung maituturing, dapat ay maghanap ako ng isang trabaho na makakapagbago ng buhay ko. Pero hindi po ganoon ang isipan ko. Hindi ko po gusto na magkaroon ng trabaho na malaki ang suweldo. Hindi po ganoon ang pangarap ko. Gusto ko po na magtrabaho upang mapasaya ang sarili ko at magagawa ko lamang po iyon kung alam ko na makakatulong ako. Ang magkaroon ng isang rewarding job. Isang rewarding job ang pagiging guro dahil ikaw ang gumagawa ng pagbabago sa buhay ng isang tao at nagtuturo sa kanila upang makapili ng mga tamang daan para sa magandang buhay. Gusto ko po na maging dahilan ng pagbabago sa isang mabuting paraan.”
Napansin niya na natigilan ang lahat sa sagot na iyon ni Ginny. Hindi na niya ipinagtaka iyon. Hindi miminsan na ipinaliwanag niya ang sarili niya sa isang tao at lahat ay ganoon ang nagiging reaksyon. Unang nakabawi si Luc. “Wow,”
“I really like your answer answer, hija. You have a very good point,” wika naman ng ina ni Luc.
Nang makabawi ang ama ni Luc ay ngumiti ito. “Well said,” kapagkuwan ay tumingin ito kay Luc. “You’re lucky to meet this girl. You got to do your very best to keep her, son.”
“You can trust me on that, Dad.” Wika ni Luc at kumindat sa kanya.
Sa naging pag-uusap na iyon lubos na napatunayan ni Ginny na welcome siya sa pamilya ni Luc. Napakagaan at napakasaya ng pakiramdam niya.
Ah, ano ba ang naggawa niya at ibinigay ng Panginoon ang biyaya na iyon sa kanya?