“NAKAKATUWA ‘yung floating play ground. Magugustuhan ‘yun ng pamangkin ko.”
Papasok sina Beatrice at Quelvin sa Country Club at balak na dumeretso sa pool complex. Sa labas ng Beach and Country Club ay naroroon ang floating playground ng mga bata na nababakudan ng net. Nagkalat ang mga mabababang slides ng mga bata sa dagat gayundin ang kung anu-anong play things. Naroon nga si Quendra na agad na sinalubong sila ng matanawan nito. Sa di kalayuan naroroon sina Tita Suzzette at ate Quelly na nakamasid kay Quendra ngunit biglang nabaling ang atensyon sa kanila ni Quelvin. Malapad ang mga ngiti ng mga ito na binate siya. Gusto pa sanang makipagkwentuhan sa kanya ng dalawa pero mabilis na siyang inilayo ni Quelvin.
‘Huwag mo ngang ipagdamot sa amin ang girlfriend mo, Quel. Someday ay magiging kapamilya na din siya kaya’t hayaan mo naman kaming maka-bonding si Beatrice.’
Quelvin just rolled his eyes on what did his sister said. Mukhang sumuko na itong magpaliwanag dahil obviously ay hindi ito pinapakinggan ng mga iyon. Idagdag pang nakita na naman silang magkasama. Useless na magpaliwanag pa sila. Iniwan na nila ang mga iyon sa labas para makaderetso sa kanilang destinasyon.
“May pamangkin ka pala.” Saad nito.
“Oo naman. Pamangkin sa pinsan.” Nakangising saad niya.
“May anak na si Jeanette?” manghang tanong nito.
Pinandilatan niya ito pagkuway napatawa matapos tuluyang maabsorb ng utak ang sinabi nito.
“Adik ka! Anong akala mo sa akin? Si Jeanette lang ang pinsan ko? Malawak-lawak din ang angkan namin at madami na din akong pamangkin sa pinsan. Pero ang tinutukoy ko talaga, yung latest favorite ko. Pamangkin talaga ‘yun ni Jeanette. Bibo din yun, parang si Quendra niyo. Palagay ko, magkakasundo sila.”
“You’re really fascinated with kids.” Komento nito.
“Oy! May nagsu-zumba sa pool!” sabi niyang hindi pinansin ang sinabi ni Quelvin.
Mabilis na lumapit siya sa grupo na nasa napakalawak na swimming pool. Nahinto ang mga nasa swimming pool dahil naagaw ang atensyon ng pagdating nila—rather ni Quelvin. Dahil halos lahat ng kababaihan ay dito nakatingin. Nakaramdam tuloy siya ng pagmamalaki ng kumapit ang isang kamay nito sa kanyang balikat at kabigin siya palapit. It was as if he was branding himself hers. Kung anumang dahilan nito sa ginawa nito ay wala na siyang pakialam. Wala din siyang pakialam nang magkanya-kanyang irap at pukol ng masamang tingin sa kanya ang mga babae sa swimming pool.
Mamatay sila sa inggit!
Natapos ang session ng zumba at nag-alisan na ang mga nasa swimming pool ng harapin sila ng maganda at seksing zumba coach.
“Hi, Mr. de Luna. And Ms.—” baling nito sa kanya.
“Beatrice nalang.” Saad niya.
“Oh,” palakaibigang ngumiti ito. “How may I help you guys?”
“Kilala mo ako?” nagtatakang tanong ni Quelvin rito.
Mahinang napatawa ang babae. “I know you but you didn’t know me. I’m Denice, anyway.” Pakilala nito. “Everybody knew you, Mr. de Luna. Sinong hindi makakakilala sa isa sa pinaka-elegible bachelor ngayon? Besides, pamangkin ka ng owner and developer ng Costa Galaxia. So, baka mainsulto ka kung hindi kita makilala.”
Napalunok si Beatrice. Sana lang ay hindi nakarating sa kaalaman ni Quelvin na hindi niya ito nakikilala ng unang beses silang nagkaharap. Malay ba niyang kilabot pala ito ng kababaihan?
Nagtaka ka pa? Di ba’t mas dapat kang magtaka kung hindi siya papansinin ng mga babae sa gwapo niyang ‘yan?
Duda siyang hindi pa nabanggit rito ng mga agent nito ang insultong iyon mula sa kanya.
Aba, malay ko ba?
“You’re good for my ego, Denise.” Malapad ang ngiting tugon ni Quelvin.
Ngali-ngaling sakluban niya ito ng sako. Nagpapa-cute ba ito kay Denise? Kung tusukin kaya niya ang mata nitong nakatitig sa zumba trainor?
Nakakainis!
“Oh, I think nagseselos na ang girlfriend mo.” Tila nakahalatang bumaling sa kanya si Denise.
“I’m not his girlfriend.” At oo, nagseselos na ako! Bakit kasi ganyan ka kaseksi!
“You’re not? At hindi mo din siya boyfriend?” namamanghang tanong ng dalaga.
“Hindi pa niya ako tinatanggap.” Salo ni Quelvin na malapad pa din ang ngiti kay Denise.
Pa-cute talaga! Sarap hambalusin!
“Oh wow! That’s news. Sa pagkakaalam ko, ikaw ang nililigawan at hindi ikaw ang nanliligaw Mr. de Luna.”
‘Ang swerte ko pala.’
‘Bakit, nililigawan ka ba niya?’
Naiinis na siya sa mga tinig na nagtatalo sa kanyang isip. Bakit ba kasi siya apektadong masyado sa usapang iyon?
“Hindi pa niya ako tanggap na maging boyfriend.” Saad ni Quelvin.
‘Walanghiyang ‘to! Bakit? Nanliligaw ka ba?’ ngali-ngali niyang isigaw sa mukha nito.
“Napakaarogante mo, alam mo ba?” naiinis na saad niya kay Quelvin. “Paano mo naisip na gusto kitang maging boyfriend?”
“See?” saad nito kay Denise. “Ayaw niya akong ibilang sa mga lalaking kaibigan niya.”
“What?”
Maang na bumaling si Quelvin sa kanya. Gusto na niya itong tadyakan. “Bakit? Ano bang iniisip mo, Beatrice?”
Napatunganga siya ng ngumiti ng malapad si Denise. Pinagti-trip-an ba siyang talaga ng walanghiyang Quelvin na ito? Nabubwisit na tumalikod siya para mag-walk out pero mabilis na nahablot ni Quelvin ang kamay niya upang pigilan siya.
“Gusto naming subukan ang zumba under water. Habol pa ba kami sa session mo?” malapad pa rin ang ngiting tanong ni Quelvin kay Denise habang pigil-pigil ang pupulsuhan niya. Pilit siyang kumakawala pero walang silbi iyon sa higpit ng pagkakahawak ng walanghiya sa kanya.
“Sure. Pero mahal ang singil ko sa magkaibigan.” May diin at panunukso sa huling katagang sinabi ni Denise.
HINDI malaman ni Beatrice kung paano siyang napahinuhod nina Denise at Quelvin na mag-zumba sa kabila ng hindi magandang mood niya. Siguro ay dahil likas na palakaibigan si Denise kaya’t hindi na din siya nakatanggi nang ito ang humimok sa kanya. Sa proseso ng session ay unti-unting napalitan ang masamang mood niya. Nakatuwaan niya ang bigat ng pressure kapag gayong sa ilalim ng tubig nagzu-zumba. Hanggang dibdib niya ang tubig sa swimming pool at dahil mas matangkad sa kanya si Quelvin ay naging hanggang halos bewang lang nito iyon.
Gayunman ay hindi nandaya ang binata. Sa ilalim ng tubig pa din nito iginagalaw ang mga kamay habang ginagaya ang paggalaw ni Denise na nasa itaas at wala sa swimming pool.
“Eeeh!”
Napatili si Beatrice ng tumilamsik sa mukha niya ang malaking bahagi ng tubig na nahawi ni Quelvin dahil sa paggalaw nito. Natatawang nag-sorry naman ito pero ilang beses iyong naulit na para bang sinasadya na.
“Nagsisimula ka na naman ng away Quelvin ha?” sabi niya habang patuloy sa paggalaw sa ilalim ng tubig.
“Gumanti ka, Trix.” Sigaw ni Denise mula sa itaas.
Sa pagkilos ng mga braso niya ay sinabuyan niya rin si Quelvin. Ilang beses niya iyong inulit. Hindi rin naman patalo ang binata kaya’t nagsabuyan nalang sila habang nagzu-zumba.
“Tapos na?” naitanong niya ng saglit na bumaling kay Denise sa itaas.
“Hindi pa tapos ang music.” Sabi naman ni Quelvin.
“You want one, pa?” tanong ni Denise.
“Yeah, we want thirty pa.” sigaw ni Quelvin.
Bumaling ito sa kanya na tila nang-aasar. Aware naman siguro ito na pagod na siya pero humirit pa din ito. Mas mahirap pala ang mag-zumba sa ilalim ng tubig dahil mas mabigat igalaw ang mga kamay sa ilang steps lalo’t humahawi iyon ng tubig.
Nagpatuloy sila sa pagzu-zumba. A few more steps and she gave up.
“Ayoko na! Kapagod!” sabi niyang lumangoy palapit sa gilid ng pool.
Huminto na rin sina Denise at Quelvin. Inabutan sila ng mineral water ng crew roon sa loob ng pool complex matapos nilang umahon. Siya ay naupo sa gilid ng pool, si Quelvin naman ay kumuha ng tuwalya sa lounge chair.
“So, how was it?” hinihingal na tanong ni Denise.
“Cool!” enthusiastic na sagot ni Quelvin. Uminom ito ng tubig mula sa bote. “Sa isang araw ulit, magpapa-schedule ako ng session sayo.” Dagdag pa nito.
Nagpatuloy sa masayang pag-uusap sina Denise at Quelvin at tuluyan na yata siyang nakalimutan ng huli. Ang siste, napag-initan niya ang bottled water na hindi niya mabuksan-buksan. Bakit ba naiinis na naman siya?
“Cool! Sa isang araw ulit, magpapa-schedule ako ng session sayo.” Mahinang panggagaya niya sa sinabi ni Quelvin kanina. “Kaya pala maganda ang katawan mo.” Ulit pa niya sa naulinigang sinabi nito. Ewan ba kung anong pinag-uusapan ng dalawa. Wala siyang pakialam. Ang alam lang niya, nabubwisit siya.
Handa na niyang itapon ang hawak na bottled water ng biglang mawala sa kamay niya iyon.
“Here.”
Iniabot ni Quelvin ang bukas ng bottled water sa kanya saka naupo sa tabi niya sa gilid ng swimming pool. Lumingon siya sa likurang bahagi kung saan nakapwesto kanina si Denise. Wala na iyon roon. Lumingon ulit siya sa paligid at natagpuan ang papalayong bulto ng babae. Noon lang niya naramdamang malaya na ulit na nakakalabas ng maayos ang kanyang hininga. Binalingan niya si Quelvin at paasik na itinulak.
“Lumayo ka nga sa akin!”
“Bakit?” nagtatakang tanong nito bagaman hindi umusod.
“Basta lumayo ka! O kung gusto mo, habulin mo nalang si Denise!” bulyaw niya rito.
Akmang tatayo si Beatrice ng pigilan siya ni Quelvin.
“Bakit ka ba ganyan?”
Mula sa pagkakakunot ng noo ay nagsalubong ang mga kilay nito, pagkuway napunit ang isang ngiti. A knowing smile.
“Anong nginingiti-ngiti mo diyan?”
“Nagagwapuhan ka?” panunukso nito.
“Hindi. Para lang akong nakaharap sa isang aso.”
Dagling nawala ang ngiti ni Quelvin. “Hindi ako aso.”
“Pwes, huwag kang ngumiti ng ganyan!”
“Tss! May red alert ka ba?”
“Ano?”
“Bakit bigla kang naging masungit?”
Bakit nga ba? Nagsimula siyang maglista sa isip ng mga dahilan.
1. Hindi nito nilinaw sa ina at kapatid nito ang totoo tungkol sa kanila—paano kapag nilapitan na naman siya ng dalawa at kulitin ng tungkol sa kung anu-ano? Pati siya ay mababaon sa ini-a-assume ng mga iyon patungkol sa kanila ni Quelvin. Taken na ayaw itong pakinggan ng ina at kapatid. But he should try a little bit harder. Hindi iyong hinayaan nalang. Teka, dapat ba talaga niya iyong isisi dito? Di ba’t siya man ay wala ring nagawa? Ah, basta! Iyon ang unang dahilan!
Okay, mag-iisip pa siya.
2. Dahil rito ay magkakaroon pa siya ng mga haters sa Costa Galaxia, ang mga babae kanina sa zumba session—kasalanan nito kung bakit nangyari iyon. Inakbayan siya nito sa harapan ng marami and that explains every jealous eyes of those girls under the pool.
Pero nagustuhan niya ang ginawa nito. Bakit niya idadahilan iyon sa
pagkayamot niya rito?
3. Pinagtripan siya nito sa harapan ni Denise—the boyfriend and girlfriend thing. Ah! That’s the best alibi! Nakakahiya na lumalabas na nag-a-assume siya! He should become more specific! Malay ba niyang babaeng kaibigan ang tinutukoy nito? Tss!
4. Nakakita lang ito ng seksing zumba expert ay hindi na maalis ang ngiti nito sa mga labi—dapat ba niyang isama sa listahan iyon? Ah, oo! Siya ang kasama nito pero parang bigla siyang nakalimutan ng magaling na lalaki! Bwisit talaga!
Ano pa ba?
Gusto pa niyang mag-isip ng mga bagay na pwedeng maging dahilan kung bakit siya naiinis. Pero kung pagsusumahin niya ang mga naisip niyang dahilan, isa lang ang lumalabas na ibigsabihin ng mga iyon. Nagseselos siya! Nagseselos siya pero ayaw naman niyang aminin sa sarili na may mga parte sa pangyayari na nagustuhan niya. Nagustuhan niyang napagkamalan silang may relasyon pero nagiging defensive siya maski sa sarili patungkol sa bagay na iyon. Hindi niya matanggap!
Bakit ba nagseselos ang isang tao?
Ah! Hindi. Hindi pwede iyon. Kakalimutan nalang niya ang huling dalawang dahilan ng pagkayamot niya.
“Hey!” untag sa kanya ni Quelvin na isinanggi ang malaking braso nito sa maliit na braso niya.
“Wala!” paangil na tugon niya. “Ayusin mo ang record natin sa ina at kapatid mo. Hindi mo pa pala iyon nalilinaw sa kanila.”
“Okay.”
“And here comes the word ‘okay’.” Bakit ba may sandali na ang tipid nitong sumagot?
“Anong gusto mong sabihin ko? Alangang kontrahin kita? You’re the boss here.”
Napangiti siya. Nagustuhan niya ang narinig. Pero dagli rin niya iyong binawi. “I’m still pissed.” Aniya.
“Hanggang kailan mo ba gustong mayamot sa akin? Itatago na nga kita kina mommy at ate para hindi ka na nila kulitin. Okay na ba iyon?” Tila napipilitang suhestyon nito. “Hindi ko pa sila makausap ng matino ngayon dahil lagi silang nawawala sa sarili kapag naririto sa Costa Galaxia. Parati nila akong inihahanap ng babaeng pwedeng i-match-make. Kaya nga natuwa na rin ako na napagkamalan ka nila. Ang siste, lalo lang silang naging agresibo na ilagay ako sa magulo.”
Naunawaan niya ang tinutukoy nito. At ang madikit pala ang pangalan nito sa kanya ay itinuturing nitong magulo?
“Tss!” naiinis na umahon siya sa swimming pool at naglakad palayo.
“Where are you going?” habol nito sa kanya.
“Nagugutom ako. Nakakapagod at nakakagutom mag-zumba.”
“Okay. Tara munang kumain.”
“Drop that ‘okay’!” asik na lingon niya rito. “Ang dating niyan sa akin ay para bang napipilitan ka lang.”
Napakamot ito sa batok. Pinigilan niya ang mapangiti. He looks cute!
MATAPOS mag-burn ng carbs ay kumakain naman sina Beatrice at Quelvin. Pakiwari ni Beatrice ay walang silbi ang pagzu-zumba nila ngayong araw dahil tila doble ng carbohydrates na naalis niya ang ibinalik niya ngayon. Madami siyang nakain sa ini-order ni Quelvin. Hindi lang dahil may eating habit kundi talagang nasarapan siya sa luto.
“Ang galing ng chef dito, ha? Nagde-deliver ba sila?” naitanong ni Beatrice habang nagpupunas ng table napkin sa nguso. Napadighal pa siya. “Excuse me.” Nahihiyang tinakpan niya ang bibig.
Napatawa si Quelvin. “Oo. Nagde-deliver sila.”
“Kahit sa Manila?”
Biglang napaubo ang binata sa tanong niya. Paano ba naman ay napakaseryoso ng tanong niya at hindi kahihimigan ng pagbibiro tapos ay ganoon naman kaimposible ang tanong na inilabas niya.
“I’m not kidding. Kung nagde-deliver sila, sa kanila na ako laging o-order.”
“Luka-luka! Edi malamig na ang pagkain bago pa dumating ng Maynila.”
“Ang ibig kong sabihin, kung may branch sila ng resto sa Manila.” Paglilinaw niya rito.
“Wala. Exclusive na para sa mga Costa Galaxia residents ang menu ng mga chef rito. Kung gusto mo, dito ka nalang tumira para palagi mong matikman ang luto nina Stanley.” Ang tinutukoy nito marahil ay ang chef na gumawa ng pagkain nila.
“As if afford kong mabuhay sa luxury na meron ang mga residente rito.” Nanghihinayang na napabuntong-hininga siya. “Mamaya nga lamang ay tapos na ang pagbubuhay reyna ko. Kailangan kong mabawi ang nagastos ko sa tatlong araw na bakasyon ko rito sa Costa Galaxia.”
“Uuwi ka na?” parang sundalong naalarma si Quelvin.
“Oo, mamayang 5pm. May pasok pa ako sa eskwelahan bukas.”
Tila nag-isip si Quelvin sa sinabi niya. “Oo nga pala. Ano bang oras ang klase mo bukas?”
“1PM pa pero dadaan din ako sa shop ko para i-check ang mga naiwan ko. Baka mamaya, pasarap ako ng pasarap dito, may problema na pala sa negosyo ko. Isa pa, ayokong maglustay masyado ng pera rito. Mahirap kumita sa panahon ngayon.”
“Kuripot ka palang talaga.” Komento ni Quelvin.
Sinimangutan niya ito. Ngumiti lang si Quelvin habang pinagmamasdan siya.
“What do you like about him?” maya-maya’y tanong nito.
“Ha?”
“I mean, Kirk.”
Nag-isip siya. Ano nga bang gusto niya kay Kirk? Pasado ito sa panlasa niya. Gwapo, matalino, stable ang trabaho at may paninindigan. Iyon ang akala niya. Pinili ni Kirk na magtrabaho sa ibang kompanya para patunayan ang sarili nito sa mga magulang. Pagdating sa pangarap, masasabi niyang may paninindigan talaga ito, pero sa relasyon, tila gumuguhong pader ang tingin niya kay Kirk.
“I don’t know.” Tanging naisagot niya.
She doesn’t want to talk ill behind someone’s back. Natutunan na niya ang leksyon niya. Hindi tamang magtanim siya ng sama ng loob sa taong nanakit sa kanya dahil wala rin naman iyong magandang patutunguhan. Sinaktan siya ni Kirk, gusto niyang gumanti, pero maitatama ba ng pagganti niya ang kamalian nito?
“He’s my ideal guy… and so I thought. Unpredictable nga pala talaga ang future. Maraming nababago sa isang iglap. Pwedeng ngayon, ako ang mahal niya, pero bukas ay iba na. Pwedeng galit ako sa kanya ngayon, pero bukas hindi na.” Mula sa pagkakatitig sa kanyang baso ay tinunghayan niya si Quelvin at nginitian. “Maraming pwedeng mangyari sa isang kisap-mata. Maaaring ang bagay na gustong-gusto mong mangyari at naiplano mo na ay mababago pa din pala.”
Katulad ng nangyari sa kanila ni Kirk. Umasa siya na ito na hanggang sa huli, pero nabigo siya.
“So, ang motto mo na ba ngayon ay ‘don’t loose hope’?”
“Ha?” nagtatakang tanong niya.
“Umaasa ka na marami pang pwedeng mabago sa sitwasyon niyo ni Kirk?”
“Y-yes.”
Totoo iyon. Maari pa silang magkapatawaran at maging magkaibigan na lamang. Tuluyan na niyang natanggap sa sarili na pinakakawalan na niya si Kirk. Hindi ang kasinghina nito sa kaway ng tukso ang nais niyang makasama sa habambuhay. Pero naging mabait din naman si Kirk sa kanya noong mahal pa nila ang isa’t-isa. Kaya’t walang dahilan para tuluyan niya itong burahin sa buhay niya. They can still be good friends.
“He was a good man, Quelvin. Palagay ko—”
“I’m a better man than him, Beatrice. And I like you.”
‘Palagay ko deserving siyang bigyan ng chance na ayusin at linawin ang gulo namin para magkaroon na kami ng closure.’ Gusto sana niyang ituloy pero nalaglag ang panga niya sa sinabi nito.
“T-Thank you.” Tangi niyang nasabi. ‘And I like you too.’ Gusto niya sanang idugsong nang may biglang maalala.
“Macey.” Isang salita lang iyon ngunit ang pagkabiglang rumihistro sa mga mata ni Quelvin ay alam niyang napakalaking impact rito ng pangalang iyon.
“How did you know about her… errr… my mom and my sister!”
“Nabanggit lang ng mommy mo. Ikaw daw ang dapat na magsabi sa akin dahil iniisip nilang may relasyon tayo at karapatan kong malaman ang tungkol sa kanya. Pero wala akong balak na i-claim ang bagay na iyon. Wala akong karapatan.”
“I’m already giving you the right to know and to ask. Pero may limitasyon ang mga sasagutin at sasabihin ko. I don’t want to look back. I don’t want to live in the past, Beatrice. Nakaraan na si Macey. Ang mahalaga sa akin ay ang ngayon… ikaw.”
She felt flattered. Kung iyon ang paraan nito ng pagsasabing nabihag na niya ang puso nito ay malugod niyang tinatanggap. Afterall, nararamdaman din naman niyang may sumisibol na siyang damdamin para kay Quelvin.
“But who is she in your past?”
“The one I proposed marriage to.” He sighed.
“And?”
“Nothing happened. Three years ago, she runs away. Hindi niya tinanggap ang proposal ko. Hindi pa daw siya handa. Madami pa siyang gustong gawin sa buhay. May pangarap siyang gustong abutin. I thought I’m more than her dreams. Pero hindi pala. And I set her free because I love her.”
“At nanatili kang naghihintay sa kanya? Kaya ba kahit ikaw na ang nililigawan ng babae ay hindi ka pumapatol? Kahit itinutulak ka ng pamilya mo na makipagrelasyon ay hindi mo magawa? Because subconsciously ay hinihintay mong bumalik siya.”
Matagal na hindi nakasagot si Quelvin. At sa bawat segundo na hinihintay niya ang kumpirmasyon nito, pakiwari niya’y isanlibong ulit na pinipilas nito ang puso niya. Sa buong buhay niya, hindi pa siya nakaramdam ng ganoong sakit. Maski nang makumpirma niya ang tungkol sa babae ni Kirk ay hindi naging ganoon kasakit ang pakiramdam niya. Bakit parang gusto nalang niyang mabingi para hindi na niya marinig ang kumpirmasyon na tama ang naiisip niya? Sinasabi at ipinapakita nitong gusto siya nito pero subconsciously ay naghihintay pa din ang puso nito para sa ibang babae.
Ano siya? Rebound?
Pinigilan ni Beatrice na tumulo ang mga luha. Hindi niya maaaring ipagkanulo ang sarili sa harapan ng lalaking ito. Nang lalaking unti-unti nang tinatangay ang kanyang puso.
“Minahal ko siya. It’s past tense. Siguro nga, noon ay hinihintay ko pa siya. Pero napakatagal na noon. Sinabi mo na unpredictable ang future, madaming pwedeng magbago. At madami nang nagbago. Sabi ko naman, bahagi na siya ng nakaraan at ayokong mabuhay sa nakaraan, Beatrice. We’re over. Please give me a chance to prove that I deserve your heart. Hindi ako nangangako na hindi kita masasaktan pero nangangako ako na mamahalin kita ng buong puso.”
Tuluyan ng bumigay ang puso ni Beatrice sa mga salitang iyon ni Quelvin. She believes in his promise. Her heart believes him. Nararamdaman niya na tapat ito sa mga inilabas ng bibig nito. There’s no need of any proof, because what her heart feels was enough to prove his love was real.
“Gusto ko ring mahalin ka Quelvin. O baka nga nasa process na ako. In two days, nagustuhan na kita. Siguro, kaunting panahon pa, mamahalin na rin kita. Ayoko pa lang bigyan ng confirmation ang feelings ko kasi wala pa naman kaming closure ni Kirk.”
Bigla ay inabot siya ni Quelvin at niyakap. “Ang malamang willing kang mahalin rin ako ay sapat na sa akin ngayon.”