NAIINIS na hinawi ni Beatrice ang sariling buhok habang nakasalampak sa kama sa kanilang hotel room ni Jeanette. Bakit parang ayaw niyang tanggapin na ganoon nga si Quelvin? Gusto niyang hanapan ng mas magandang dahilan ang ginawang iyon ng binata. Ayaw niyang paniwalaan na hindi naman ganoon ka-unreasonable ito. Pero kung ganoong walang magandang dahilan na maibigay sa kanya ang binata sa ginawa nito, ano pa nga bang dapat niyang itawag kay Quelvin kundi unreasonable at unpredictable. Hindi niya talaga ito maunawaan kung minsan.
“O, bakit ganyan ang mukha mo?” nagtatakang tanong ni Jeanette na lumabas sa shower room.
Naka-crop blouse at short-shorts ito. Nasa couch ang rubber shoes nito na malamang ay isusuot nito. Katabi noon ang back pack na kinalalagyan ng mga gamit nito.
“Pinaalis ni Quelvin si Kirk.” Yamot na sumbong niya.
“Talaga? Ginawa iyon ni Quelvin para sayo?”
Biglang naalala ni Beatrice ang sinabi ni Quelvin kanina.
‘…dahil gusto ko, at ayaw mo silang makita, hindi ba?’
Napasimangot siya. “Ginawa niya ‘yun para sa sarili niya.”
Marahil iniisip nito na nagiging limitado ang pagkilos nila kapag nasa paligid si Kirk. Na kailangan nilang parating magkasama kapag nandoon si Kirk dahil nasimulan na nila ang pagpapanggap. Siguro ay naiinis na din iyon dahil nadadamay sa gusot na ginawa niya. Pati tuloy pamilya nito ay nag-iisip ng hindi maganda patungkol sa kanila. Pero siya ba ang dapat sisihin sa mga nangyayari? Nagmagandang-loob itong tumulong, bakit hindi nalang nito nilubos-lubos?
Peste! Ningas-kugon naman pala.
Ano bang pakialam ko kung ayaw na niya akong palaging kasama?
“At nakakainis din ang administration office. Ganoon ba talaga sila? Basta residente ang nag-request, maski mababaw lang ang dahilan, pinagbibigyan nila?” pagbubusa pa niya.
“Mababaw bang dahilan iyong nakipagsuntukan ang boyfriend mo sa mga lalaki sa bar ilang sandali matapos ninyong makaalis ni Quelvin?”
Nagulantang siya. Hindi niya alam ang bagay na iyon. Alam niyang mainitin ang ulo ni Kirk pero hindi ito basta-basta manununtok ng walang dahilan.
“Nakipagsayaw daw sa ibang lalaki ang date niya kaya inaway ang mga kasayaw. Sigurado ako na iyon ang grounds na ini-alibi ni Quelvin sa admin office nang mag-request siyang paalisin na sina Kirk. At sigurado din ako na para sayo ang ginawa niya. Gusto ka lang niyang maiiwas sa pwedeng maging ganti sayo ni Kirk kapag ganyang nagpatuloy ka sa pagpapasakit sa kanya. Sabi ni Gelo, maski minsan ay may pagka-grim si Quelvin, peace-loving person naman daw iyon.”
Kung iniisip ni Jeanette na hindi niya pa alam iyon, nagkakamali ito. Nakita na niya ang side na iyon ni Quelvin. Hindi nga ba’t pinigilan siya ng binata na mamisikal?
“Interesado ka pa din ba sa kanya?” naitanong ni Beatrice sa pinsan.
Bigla siyang napabaling kay Jeanette na ngayo’y nagtatali na ng rubber shoes nito. Saan na naman ba ito pupunta? Lagpas tanghali na, dapat ay naglu-lunch na sila o kung hindi man ay early snacks.
“Bakit parang ayaw mo?” nanunuksong balik-tanong ni Jeanette.
“Anong sinasabi mo? Wala akong pakialam kung sinasamba mo man siya.”
Ngumiti ito. May kung anong kinuha sa bag pack. “ Talaga? Sinabi mo eh. Ginawa mo ngang pansuhol sa akin ang contact number niya para lang masundan natin dito si Kirk.”
Naipikit niya ng mariin ang mga mata. Naiinis siyang marinig mula sa pinsan ang bagay na iyon ngayong nakita na niya ang other side ng lalaking naisip niyang ipain matupad lang ang gusto niyang paghuli kay Kirk at sa babae nito. Sa totoo lang ay mabait naman si Quelvin, professional, at umandar ang unprofessionalism niya ng mga sandaling ialok niya ang calling card nito sa pinsan.
“Pero palagay ko, lugi ako.” Lumapit ito sa kanya at iniabot ang tarheta. “Sayo na ulit iyan.”
“Bakit mo ibinabalik? May iba ka bang hihilinging kabayaran?” nagtatakang tanong niya ng makitang calling card ni Quelvin ang ibinabalik sa kanya.
Umiling si Jeanette. “I’m not interested to him anymore.”
“At sino na ang bagong apple of the eye mo? Si Gelo?” nanunuksong saad niya.
“Excuse me?”
“Hindi mo makikita ang bagay na nakikita ng kaharap mo, cous.”
“Ewan ko sayo, Trix.” “
“Saan ka nga pala pupunta?” naitanong niya nang isukbit na nito ang bag.
“Mag-iiwan nalang sana ako ng note pero dahil nandito ka na, sasabihin ko na din. Napaaga ang pagsunod ni Maruki dito sa atin. At hindi niya ako dapat na maabutan dito sa hotel kaya sasama nalang akong mag-trekking.”
“Ha? Paano ako?” nagpapanic na tanong niya.
“Ikaw? Malaki ka na. Kaya mo na ang sarili mo. Kung ako sayo, atupagin mo nalang ang cold war ninyo ni Quelvin.”
At dere-deretso na itong naglakad patungo sa pinto. Iyon ang signature ni Jeanette. Kapag may maisipan itong gawin ay gagawin nito at walang kahit sinong makakapigil. Ganoon nalang ang tuwa niya ng sabihin nitong hindi na ito interesado kay Quelvin, ibigsabihin ay makakahinga na siya ng maluwag.
What?!
“O, nandiyan ka pala, Quelvin. Kanina ka pa? Bakit hindi ka kumatok?”
Napatayo sa kinauupuang kama si Beatrice matapos marinig ang boses ng pinsan na kakabukas lamang ng pintuan.
“I’m about to knock. Pero nag-uusap kayo kaya…” Nabitin ang sasabihin ni Quelvin at hindi na iyon nasundan pa.
“Kaya nag-eavesdrop ka nalang.” Prangkang saad ni Jeanette. “Nasa loob si Trix. Bahala ka na sa kanya. Lalayas na ako.”
Mabilis na nawala si Jeanette. Kumatok naman sa nakabukas na pinto si Quelvin. Tumayo siya at nilapitan ito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon nalang ang tuwa niya ng mabungaran ang gwapong mukha ni Quelvin. Hindi man ito ngumingiti at kahit malamlam ang mga mata nito ay napakagwapo pa din nito sa kanyang mga paningin.
“What do you want?”
Itinago niya sa naiinis na tono ang pag-aalala na baka kung ano ang narinig nito sa pag-uusap nila ng pinsan. Inabutan kaya nito ang patungkol sa calling card? Pero bakit ba niya kailangang mag-alala sa kung anumang pwedeng isipin nito sa pag-uusap nila ni Jeanette?
“Yayayain sana kitang manood ng Beach Kite Festival sa Sun Cove. Pero kung wala ka sa mood, sige, wag nalang.”
Gusto niyang mabwusit sa kalamigan ng tono nito. Tinataranta siya nito kapag ganoon ito sa kanya.
“Wala naman akong sinabi na ayaw ko di ba?” naiinis na saad niya.
“Okay. Let’s go.”
Hindi na siya nito hinintay na magsalita at lumabas na itong muli. Naaasar na lumabas na din siya at ikinandado ang hotel room. Naglakad lang sila papuntang Sun Cove at sa buong paglalakad nila ay tila walang balak si Quelvin magsalita. Doon niya nakumpirma na may narinig itong hindi nito nagustuhan. Kung hindi ay bakit parang wala na naman ito sa mood gayong niyayaya nga siyang magnood ng Kite Festival?
“Quelvin,”
“What?” malamig na tanong nito habang magkaunabay silang naglalakad. Ni hindi siya nito nilingon.
“Yung mga narinig mo sa pag-uusap namin ni Jeanette—”
“Alin doon? Yung gusto ako ni Jeanette kaya’t ginawa mong pambayad ang contact number ko para lang tulungan ka niyang masundan dito ang ex-boyfriend mo?”
“Let me explain, okay?”
“Alam mo bang naiinis ako sayo kasi parati mo nalang tinatapakan ang pagkalalaki ko? Lalapitan mo lang ako kapag kailangan mo ng tao na sasalo sayo kapag nandiyan ang lalaking iyon. Tapos ngayon ay ginamit mo ang contact number ko para sundan siya? Kailan ka ba lalapit sa akin na wala kang kailangan? Kailan ka lalapit sa akin dahil gusto mo lang?” namumutok na sumbat nito sa kanya.
Kitang-kita niya ang pagkainsulto sa mga mata nito at gusto niyang sapakin ang sarili dahil alam niyang siya ang may pagkakamali. Napatungo si Beatrice.
“I’m sorry.” Nasambit niya. “Pwede mo na akong sipain palabas ng Costa Galaxia.”
“Tss!” Nabubwisit na naglakad ito palayo sa kanya. Siya naman ay nanatili sa kinatatayuan. “Bakit ba gustong-gusto mong magbilad sa init ng araw? Hindi ka na nga kaputian, nagbibilad ka pa? Halika na, malapit na tayo sa Sun Cove.”
Napangiti si Beatrice at patakbong lumapit kay Quelvin. “Bati na ba tayo? Hindi ka na galit sa akin?”
“Hindi ako galit. Naaasar lang ako. Magkaiba iyon.”
“Kung ganoon, tara na. Ilibre mo ako sa Orange Cup. Gutom na ako.”
“Hindi ka ba nag-lunch?”
Umiling siya.
“Bakit?”
“Dahil naiinis ako sayo kanina. Hindi mo naman sinabi sa akin na may reasonable grounds naman pala si Kirk kaya ini-advice mong palabasin na ng Costa Galaxia.”
“Dahil sa Kirk na iyon kaya hindi ka nag-lunch. Masyado kang nag-aalala para sa kanya.” Yamot na naman ito.
Hindi ganoon ‘yun! Ikaw kasi, pinapapag-isip mo ako ng kung anu-ano. Akala ko, ayaw mo na akong parating kasama. Ang hirap mong basahing tao ka!
“Tara na! Ilibre mo na ako.” At hinila na niya si Quelvin papunta sa Orange Cup Café na natatanaw na niya.
MATAPOS makakain ng late lunch ay umorder sila muli ng gelato para sa dessert at dinala sa nagkalat na open air cottage. Doon nila napagpasyahan na manood ng Beach Kite Festival maski nasa kalagitnaan na ang palatuntunan. Nahuli na sila dahil sapilitan siyang pinakain ni Quelvin. Hindi ito pumayag na manonood sila ng festival na hindi pa siya kumakain ng tanghalian. Maski sabik na sabik na siyang manood ay hindi rin iyon kaagad natuloy hangga’t hindi siya pumapayag sa nais nito.
“Ang gaganda!” manghang saad niya sa mga nagtatayugang beach kites sa laot.
Iba’t-ibang hugis, laki at konsepto ng mga beach kites ang nagkalat sa kalangitan. Hindi niya alam kung sinu-sino ang mga may entry pero sabi ni Quelvin ay mga residente lang ng Costa Galaxia ang pwedeng magpasok ng entry sa festival. Yearly raw magkaroon ng ganoong festival sa lugar at maswerte siyang nandun siya ngayong ginaganap iyon para sa taong ito.
“Kapag nanonood ako niyan, sa float ako para mas maganda ang view.” Sabi naman nito.
“Ang sabihin mo, doon ka talaga nagmumukmok kapag naririto ka sa Costa Galaxia. Kaya nga siguro maputla ka noong una kitang makita. Aircon sa Maynila at aircon pa din dito sa beach?”
“Ayokong magkaroon ng skin cancer.” Pasubali naman nito.
“At anong tingin mo sa akin? May skin cancer dahil madalas akong masikatan ng araw?” napasimangot siya. “Baka hindi mo pa alam, ito ang kulay na kinaiinggitan ng mga foreigner.” Nasalat niya ang sariling balat saka sinulyapan ang napangiting si Quelvin. “Pasalamat ka sa akin at hindi ka na kulay bampira dahil buong araw ka nang naarawan. Ngayon ka lang yata nabilad sa araw eh.”
“Hindi—”
“Hey guys! Nakita niyo ba si Jeanette?”
Sabay silang napabaling sa nagsalita. Papasok si Gelo sa open air cottage na kinaroroonan nila at nagsasalubong ang mga kilay nito sa init o marahil ay sa yamot.
“Hindi mo pala alam?” nagtatakang tanong niya.
“Know what?”
“Kasama siya ng mga nagte-trekking. Akala ko ay kasama ka din.”
Mahinang napamura si Gelo. “Ang babaeng yun! Bakit pa siya sumama?”
“Nagtatago kay Maruki?” patanong na sagot niya.
“Si Gonzalo?”
“Oo.” Kung tawagin nito ang kapwa residente ay para bang tumutukoy ito ng kapwa sundalo.
“Bakit hindi niya sinabi sa akin na tutuloy pala siya?” yamot na yamot na tanong nito.
Nagkibit-balikat siya. “Malay ko. Bakit ka ba ganyan magreact? Hindi ba safe mag-trekking sa mga coves?”
“Hindi siya safe kung siya lang ang tumuloy na babae. Sa pagkakaalam ko, nag-back out ang mga babaeng nagpa-register kaninang umaga.”
“Oh my! Paano na?” umahon ang pag-aalala niya sa pinsan.
Kung mag-isa lang itong babae na kasama at pulos mga lalaki, at aabutin pa ng kinabukasan o sa susunod na araw bago matapos ang trekking ay nakakapag-alala nga.
“Ako na ang bahala. Huwag ka nang mag-alala sa kanya.”
Dagling nawala si Gelo sa harapan nila. Kung anuman ang naiisip nitong plano ay natitiyak niyang hindi na siya dapat na mag-alala pa para kay Jeanette. Sa hitsura noon ay tila determinadong sundan at protektahan ang pinsan niya.
“Hay buhay, parang life…” Napapailing na napapangiting inihatid niya ng tanaw ang lakad-takbong si Gelo.
“Anong nangyari dun?” narinig niyang tanong ni Quelvin. “Parang nung una at pangalawang beses ko silang makita, wala silang ginawa kundi magbangayan, ngayon naman—”
“Na-inlove sa pinsan ko.” Putol niya sa sinasabi nito at muling pinagtuunan ng pansin ang hawak na gelato.
Susubo nalang siyang muli ng mapansin ang isa pang pamilyar na bulto ng lalaki. Si Maruki! Nandito na kaagad ito.
“Pare!” bati nito kay Quelvin. Tumango lang ang huli. Napatingin iyon sa kanya at nagulat. “Magkasama kayo?”
“Obvious?” singit niya.
“Kung ganoon, bakit sa akin pa humiling ng invitation si Jeanette kung may access naman pala kayo rito sa Costa Galaxia?” napangisi ito. Puno ng kumpiyansa sa sarili. “Sinasabi ko na nga ba’t nagpapakipot lang iyang pinsan mo sa akin. Ngayong hindi na ako masyadong nag-e-effort, siya na ang nagpapapansin.”
Umasim ang mukha niya sa sinabi nito. At hindi pa pala ito nag-e-effort gayong sa pagkakaalam niya, dapat na bukas pa ito makakasunod sa kanila dahil may ka-meeting ito ngayong araw.
“Anyway, nasaan na ang pinsan mo?” dagdag tanong nito.
“Nandyan lang sa tabi-tabi.” Pagsisinungaling niya.
Bahala itong mapagod sa paghahanap kay Jeanette. Hinding-hindi niya sasabihin na sumama ang pinsan sa pagte-trekking. Bahala itong makatuklas kung maiisipan man nitong ipa-track si Jeanette. At matalino ang pinsan niya, hindi iyon gagamit ng totoong pangalan sa registration dahil mahahanap ito ng taong pinagtataguan nito.
“Okay, hahanapin ko nalang siya. Enjoy yourself guys.”
“Salamat.” Tugon niya.
“Good luck sa paghahanap mo kay Jeanette.” Pahabol naman ni Quelvin ng tapikin ito sa braso ni Maruki.
Pinandilatan niya si Quelvin pagkaalis ni Maruki. Bibigyan pa nito ng babala si Maruki sa ginawa nito.
“May nakalagay ba ditong ‘lost and found booth’?” maasim na tanong niya at sinilip ang labas ng cottage.
“I can’t believe you did that.”
Maang na napabaling si Beatrice kay Quelvin. “Did what?”
“You lied.” Akusa nito sa kanya. “Ganoon pa ang isinukli mo matapos kang tulungan ni Gonzalo.”
“Huwag mo nga akong konsensiyahin.” Nagkibit-balikat siya at pilit itinago ang epekto ng sinabi nito. “Parusa iyon sa kanya. Sa kayabangan niya at sa… sa kakulitan niya. Ilang beses na nga siyang binasted ni Jeanette ayaw pa rin niyang tumigil.”
“That’s his nature. Wala tayong magagawa kung natural na malakas ang kumpiyansa niya sa sarili. Pero ginawan naman nila kayo ng mabuti, tapos ay kasinungalingan ang isinukli mo? Hindi mo ba naiisip kung anong pwede niyang gawing ganti sayo, sa inyo kapag nalaman niyang pinaglololoko niyo lang siya? Iba rin ang ugali ng isang iyon!”
Naiinis na naisalampak niya ang sarili sa upuang kahoy na naroroon sa loob ng cottage at tuluyang nakalimutan ang pinapanood na beach kites.
“Oo na. Mali na ako. Mali na kami! Pero unawain mo naman ako. Ginawa ko lang naman ‘yun dahil—”
“Dahil kay Kirk! Damn!” dugsong nito sa sinasabi niya. Galit na naman ito. Kulang nalang ay sabihin nitong napakatanga niya!
“Look. Dati naman na niya akong inalok ng invitation para makapunta dito, pero dahil busy ako noon at hindi pa tinatawag ng pangangailangan kaya hindi ko tinanggap. Ngayong kailangan ko na, wala namang masama kung i-claim ko ang dati na niyang iniaalok.”
“Inalok ka lang niya dahil gusto niyang makapagsipsip sa malalapit kay Jeanette.
“Alam ko!” angil niya rito. Iniisip pa yata nito na flatter siyang pinag-aksayahan siya ng panahon ni Maruki na alukin ng invitation. “Pwede ba, huwag muna natin silang pag-usapan? Ang ganda-ganda ng mga kites—”
“Dun tayo sa float ko. Mas maganda ang view doon, wala pang mapapadaan na makakasira ng mood.”
Agad na hinugot nito ang animo pager sa bulsa nito at pinindot ang isang buton. Tulad kagabi ay humaharurot na dumating ang isang speed boat habang papunta naman sila sa dalampasigan. Kulang nalang ay buhatin siya ni Quelvin makasampa lang siya kaagad sa speed boat.
And now she knew why. Paparating si Kirk. Bakit naririto pa si Kirk? Akala ba niya’y pinaalis na ito ni Quelvin? Napabaling tuloy siya sa binata.
“Nagalit ka sa akin na pinaaalis ko siya kaya nang sabihin sa akin ng admin na nakikiusap si Kirk ay binawi ko na ang complain ko.”
“Ginawa mo iyon?”
Sa pagkabigla ay hindi niya naiwasang lumiwanag ang mukha.
“What do you think?” naggagalawan ang mga kilay na sagot-tanong nito. Nag-aalala tuloy siyang baka maubos na ang pisi ng pagtitimpi nito ng pagkayamot. Wala pa yatang magandang nangyari buhat kaninang umaga at gusto sana niyang bumawi.
“Salamat Quelvin!”
Nayakap niya ito bigla. Iyon nalang ang naisip niyang paraan para pakalmahin ang iritasyon ng binata. Naramdaman niya ang kamay nitong gumanti ng yakap sa kanya.
“Baka kasi maantala ang trabaho niya, kaya medyo nag-alala ako nang sabihin mong pinapaalis mo siya rito. Alam mo kasi, dedicated masyado ang taong yun sa trabaho. At sa pagkakaalam ko, ina-attain niyang makuha ang promotion. He badly needed it to contest with his family.” Pagtatapat niya.
Pakiwari niya, kailangan niyang ipaliwanag rito ang mga naging reaksyon niya kanina. Kailangan niyang magpaliwanag maski hindi ito humihingi ng paliwanag.
“Okay.” Sabi nito na hindi bumibitaw sa pagkakayakap sa kanya. Ayaw rin naman niyang bumitaw kay Quelvin kaya’t hanggang sa makarating sila sa float ay magkayakap pa din sila.
HINDI nagsisinungaling si Quelvin nang sabihin nitong mas maganda ang view ng mga beach kites roon sa De Luna Float. Mas natatanaw niya ng maayos ang bawat beach kites na nagkalat sa kalangitan. Hanggang sa matapos ang festival ay hindi na sila umalis ni Quelvin sa float. Nagpa-deliver nalang ito ng hapunan sa float dahil nalibang silang masyado sa panonood ng mga lamang dagat sa observation capsule. Mas na-enjoy niya ang view roon kumpara kagabi na wala naman silang ginawa kundi ang uminom.
Nagyaya na siyang bumalik sa coast nang sa palagay niya’y lumalalim na ang gabi. It’s not proper for her to stay in his float until morning. May valid reason siya kagabi. At ngayo’y wala. Ang tanging dahilan kung bakit nais pa niyang manatili sa float ay dahil naroroon si Quelvin. Pero valid reason ba iyon para sa kapwa mga estranghero sa isa’t-isa? Kunsabagay, hindi naman niya maramdaman na estranghero pa rin si Quelvin. She felt like she knew him for time eternity.
Kasalukuyan na silang nasa tapat ng hotel room niya. “Susunduin kita bukas ng umaga. Pupunta tayo sa Beach and Country Club.” Hindi iyon paanyaya. Sinasabi nito ang bagay na iyon na para bang wala siyang ibang choice kundi ang sumunod.
At mabait ang pakiramdam niya kaya’t tumango siya. Besides, gusto rin naman niya ang ideya na magkakasama silang muli bukas. Kung siya ang masusunod. Ayaw pa niyang matapos ang araw na iyon. Gusto niyang pahintuin ang oras para makasama pa niya ng mas matagal si Quelvin.
Palagay niya, hindi siya makakatulog ngayong gabi sa sobrang excitement sa muling pagkikita nila ni Quelvin kinabukasan.