GF Trilogy Chapter 12

IWINAWAGAYWAY ni Aleika sa harapan nina Beatrice at Jeanette ang invitation nitong makapasok ng Costa Galaxia para sa gaganaping fashion show roon ngunit deadma lamang silang magpinsan. Naroron na naman silang tatlo sa paborito nilang café roon sa malapit.

Ilang sandali pa at idinuduldol na ni Aleika sa mukha niya ang invitation.

“Who wants to come with me? Pwede ko kayong ihingi ng invitations pa.” nakangiting paanyaya nito.

Kung nagtagal pa ng ilang segundo sa harapan niya ang invitation ay baka nahablot niya iyon at napunit sa harapan ni Aleika. Remembering the place made her sick. Dalawang linggo na ang dumaan pero maski anino ng walanghiyang si Quelvin ay hindi man lang nagparamdam sa kanya. Natapos na at lahat ang final exams niya at ngayo’y nag-meeting na para sa graduation pero walang Quelvin na sumulpot sa harapan niya.

And to top up the injury, hinihintay at umaasa pa rin siyang isang araw ay magpapakita ang binata sa kanya at tutupadin ang binitiwang salita. Prove her he worth her heart.

Nakakakalbo na talaga ang katangahan niya! Obviously, nakalimutan na siya ng damuho.

Tss!

“Anyone? Who wants to come with me?” untag ni Aleika sa pananahimik nila. Si Jeanette ay walang pakialam sa pagsundot ng straw sa shake nito.

“I’m not interested.” Nagkasabay pa nilang saad na magpinsan.

“I see.” Pumalatak si Aleika. “Wala nang thrill sa inyo ang lugar dahil nagsolo kayong pumunta roon.” Masama ang loob na sabi nito.

“May flight ka papuntang Palawan that time. Sabi mo, may photo shoot ka. Paano ka namin isasama?” Giit ni Jeanette.

Umingos ito. “Mabuti na din na hindi ako nakasama. Kundi ay baka umuwi din akong katulad niyo na nawawala sa sarili. Kakaiba ang epekto sa inyo ng lugar ha? Ano ba talagang nangyari sa inyo roon?”

‘Na-inlove. And unfortunately, became broken hearted at the same time.’

Sinarili nalang ni Beatrice ang nasa isip. Besides, hindi rin naman nagtangkang magsalita si Jeanette.

Natapos ang walang kwentang pag-uusap nilang magkakaibigan ng wala rin namang magandang pinatunguhan ang usapan. Hindi napunan ang kahungkagan ng dibdib niya sa pakikipag-bonding sa mga kaibigan, sa halip ay mas lalo iyong nagkaroon ng guwang pagkakita sa invitation papuntang Costa Galaxia.

Bago tuluyang umuwi ay dumaan muna si Beatrice sa mall para bumili ng mga materyales na kailangan sa shop niya. Naubusan sila ng stocks ng silver at apple green ribbons na madalas gamitin sa mga give aways. Papaliko na siya sa National Book Store nang mahagip ng paningin ang dalawang pamilyar na bulto. The man she was waiting to show up himself in front of her and… the woman she was scared to see face to face.

Sina Quelvin at Macey! May bitbit na shopping bags si Quelvin at masayang nakikipagkwentuhan sa huli. Kaya naman pala hindi nagpapakita sa kanya ang magaling na lalaki. He can’t contain the excitement of being with his girl. Nagbanta na naman ang mga luha sa mga mata niya. Pesteng puso naman kasi iyon! Bakit nakakaramdam pa?!

Siguro nga, dapat na niyang ihinto ang kanyang katangahan. She should let her crazy fantasies flew away. Tutal ay hanggang pantasya nalang nga yata ang iniisip niyang mag-e-effort pa si Quelvin na magkaroon sila ng chance together. Or maybe, everything was just in her dream. Hindi nga yata totoo na naganap ang naganap sa pagitan nila ni Quelvin.

She lost her heart and soul to him. Sigurado siya roon. At siguradong hindi na rin iyon babalik sa kanya dahil may iba nang kaulayaw si Quelvin.

Beatrice turn away before the two could see her. Kaya lang ay dalawang taong kilalang-kilala rin niya ang nakasalubong niya.

“Oh, hi!” nagulat na bati ni Kirk sa kanya.

“Looking good, Trix.” Komento naman ni Brenda na nakakawit ang kamay sa braso ni Kirk.

Nang-aasar ba ito? She looks good raw, gayong ang dalawang linggo na nagdaan ay tila sampong taong lumipas. Araw-araw ay tila buong buhay siyang naghihintay sa wala. Umaasang makokonsensiya si Quelvin na nakuha nito ang bagay na matagal niyang iningatan. Pero kung konsensiya lamang nito ang magsusulsol para bumalik sa kanya, maigi pang huwag na lang itong bumalik.

Nginitian niya ang dalawa. “Thank you.” Sang-ayon nalang niya. “Saan nga pala kayo pupunta?”

“Diyan lang, manunuod ng movie premiere.”

“Oh, enjoy.” Aniya. “Sige ha, nagmamadali din kasi ako.”

Matapos makapagpaalam ng maayos ay nagkanya-kanya na silang ruta. Napalingon pa siya sa dalawa nina Kirk at Brenda na patungo sa sinehan. Napangiti siya. Masaya siya para sa dalawa. Mukhang nae-enjoy ng mga ito ang company ng isa’t-isa. Ngayon niya lubos na napatunayan sa sarili na wala na talaga siyang ibang malalim na damdamin para sa dating kasintahan. Hindi na siya makaramdam ng galit o panibugho sa eksena ng dalawa.

Pero sina Quelvin…

Naipilig niya ang sariling ulo at muling naglakad. Bakit ba niya aabalahin ang sarili sa pag-iisip ng mga nakakasakit sa damdamin niya? Ang kailangan nalang niyang gawin ay tanggapin ang lahat, panget man o magandang pangyayari. At pagkatapos ay mag-move forward.

Parang ang daling gawin?

Matapos makapamili ng mga kailangan ay nagpasya na siyang umalis. Dederetso muna siya sa shop para dalhin ang mga materyales. Baka tumulong na din siya sa paggawa ng mga give aways ng current costumer nila. Madami-dami din ang order na iyon. Maigi nang magpakaabala siya sa trabaho kesa naman ibabad ang sarili sa kama pero hindi naman nagagawang magpahinga.

“Hindi kita maintindihan! Bakit hinahayaan mo lang sila?”

Napalingon si Beatrice sa lalaking nagsalita sa kanyang likod. Buong pananabik na nilingon niya si Quelvin. Gustong-gusto niya itong sugudin ng nananabik na yakap pero pinigilan niya ang sarili. Bakit niya gagawin ang katangahang iyon?

Napakagwapo pa din ni Quelvin sa kabila ng bahagyang bumagsak ang katawan nito? Siguro ay dahil halos hindi na namamahinga habang kasama ang Macey nito. Napasimangot siya. Dapat nga pala ay wala siyang maramdaman rito matapos nitong kalimutan ang tungkol sa kanya, tungkol sa kanila!

“Anong ginagawa mo rito?” parang tangang tanong niya. Alam naman niya ang sagot roon. Sinasamahan nito sa pamamasyal si Macey. Siguro ay hindi ito magkamayaw sa pagsama kay Macey na mamasyal o mag-date.

“I’m just trying to unwind.”

Trying to unwind? Baka naman nagde-date! Tss!

“Ganon ba? Sige, mag-unwind ka lang diyan! Got to go!”

Tinalikuran niya ito bitbit ang mga pinamili. At hindi niya alam kung ipagpapasalamat o panghihinayangan na hindi sumunod si Quelvin sa kanya.

Bakit naman niya iniisip na susundan siya nito gayong kasama nga nito si Macey?

Nasa kasagsagan pa siya ng pag-iisip ng kung anu-ano nang may marinig na tila nagkakagulo sa di kalayuan. Na-curious siya. Naglakad siya papunta sa nagkakagulo na malapit na sa sinehan. At ganoon nalang ang gimbal niya matapos makitang nagpang-abot ang dalawa nina Quelvin at Kirk!

Anong nangyayari? Bakit nag-aaway ang dalawa?

“Wala kang kwenta!” sigaw ni Quelvin kay Kirk.

“Anong sinabi mo?! Ano bang problema mo?” umaktong susugod si Kirk kay Quelvin pero mabilis naman siyang nakapagitna sa dalawa.

Kasunod noon ang paparating na sina Brenda at ang security guard na marahil ay tinawag ng una.

“Ano bang nangyayari sa inyo? Bakit kayo nag-aaway?” nagtatakang-tanong niya habang nakadipa sa gitna ng dalawang lalaki.

“Iyan kasing boyfriend mo! Bigla nalang nanuntok!” Dumudugo ang isang gilid ng labi ni Kirk.

“Boyfriend?” Ang akala nga pala nito ay boyfriend niya si Quelvin. “H-hindi ko—”

“Paano?! Sira-ulo ka!” tungayaw bigla ni Quelvin kay Kirk.

“Ikaw ang sira-ulo!” nanggagalaiti na sigaw naman ni Kirk kay Quelvin.

“Pwede ba, tama na! Mahiya kayo sa mga tao!” saway niya.

Bumaling naman si Kirk sa mga security guard at kay Brenda. “Pakibitbit niyo na po palabas ang lalaking iyan. Siya ang naunang gumawa ng gulo.”

“Ano?! A-ako?”

“Oo, ikaw! Bigla ka nalang sumugod at nanuntok.”

Umawang ang bibig ni Quelvin para magpaliwanag pero wala namang lumabas na salita. Sa halip ay bwisit na bwisit na tiningnan ang braso ni Kirk na pinuluputan ng braso ni Brenda. Pagkuway bumaling sa kanya na tila kinikilatis ang reaksyon niya.

“Umalis ka na Quelvin, nakakahiya sa mga tao. Pinapanood na nila tayo.” Nagsusumamong saad niya.

Manghang tiningnan siya nito na tila ba hindi nito akalain na sasabihin niya iyon. At nasaan na ba ang kasama nito?

“Tayo na, Sir.” Umakmang hahawakan ito ng security guard pero pumalag ito.

“Huwag niyo akong hawakan. Kaya kong maglakad mag-isa!” angil nito sa security guard.

At nagmamartsa na itong tumalikod palayo. Bakit pakiramdam niya, may mali siyang nagawa? Binalingan niya si Kirk. “Okay ka lang, Kirk?”

“He’ll be fine. Ako na ang bahala sa kanya.” Si Brenda ang sumabat.

Pinabayaan na niya ang mga ito at naglakad palabas ng mall. Sana lamang ay hindi niya makasalubong si Quelvin sa parking area ng mall dahil hindi niya alam kung paano kikilos sa harapan nito.

“TOTOO ba, Beatrice? Buntis ka at kailangan mong magpakasal? Si Kirk ang boyfriend mo tapos ngayon ay…”

Iyon ang naging bungad ng mangiyak-ngiyak na ina ni Beatrice matapos niyang makapasok sa loob ng bahay. Natulala siya at hindi nagawang makapagsalita. Naroroon si Quelvin, ang ina nito at pati na rin ang ate Quely nito. Nagtaka pa nga siya kanina kung bakit maraming sasakyan sa tapat ng bahay nila.

At hindi niya rin alam kung ano bang pumasok sa utak ng mga bisita at naroroon sa bahay nila para saksakan ng kung anu-anong bagay ang utak ng mga magulang niya!

“Ah, balae. Pag-usapan natin ng maayos ang lahat tutal naman ay naririto na rin ang mga bata. Mamaya ay darating na din ang Daddy ni Quelvin.” Narinig niyang saad ng ina ni Quelvin.

At ang walanghiya. Bakit wala itong ginagawa?

O baka…

“I WANT TO MARRY YOU.”

Iyon ang naging paliwanag ni Quelvin matapos niya itong usisain roon sa may teresa ng bahay nila dahil sa mga nakakawindang na nangyayari. Kapag nasa paligid ito, pakiwari niya, lahat ng bagay at pangyayari ay nagmamadali sa pagtakbo. Tulad ngayon, bigla nalang ay engage na sila at ikakasal sa susunod na buwan. Ang mga magulang nila ay nasa loob ng bahay at tila nagkakasundo sa pagpaplano ng kasal nila na wala siyang kaide-ideya kung paano at bakit mangyayari.

“A-Ano kamo?”

“I hate to repeat myself. Alam kong narinig mo ako.”

“Nasisiraan ka na ba? Ano itong ginagawa mo? At hindi ako buntis! Dalawang linggo pa lang ang nakakaraan—”

“Oo nga. Dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan at na-realize kong napakatanga ko na hindi ako nakipagpaligsahan kay Kirk. Kung tutuusin, may mas malaki na akong puntos—”

“What?!” napamulagat na tanong niya.

Puntos? Puntos lamang na ituring nito ang nangyari sa kanila? Ano bang tingin nito sa kanya? Basketball game?

“Hindi mo sinagot ang tanong ko kanina.”

“Ano bang tanong mo?” naiinis na tanong niya. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Kapag magsalita pa ito ng hindi niya magugustuhan ay patawarin siya ni Quelvin pero baka masapak niya ito!

“Bakit hinahayaan mo lang sina Kirk at ang babae niya? Nahihibang ka na ba talaga?”

“Nahihibang? Ako? Nahihibang ba ang dapat itawag sa akin kung hahayaan ko ang dalawang tao na maging masaya?”

“Pero paano ka?”

“Ano ba talagang gusto mong sabihin?”

“Huwag mo akong pagtaasan ng boses? Dapat nga, ako pa ang mayamot sayo!”

“Ikaw? Bakit ikaw? Ako ang mas may karapatang magalit sayo!”

Yamot na bumaling ito sa kanya. “Ikaw ang—”

“Ano? Babatuhin mo din ako ng sisi katulad ni Kirk? Ganyan kayong mga lalaki, hindi niyo maamin ang kasalanan niyo pero kapag sa inyo nagkasala, hindi kayo magkamayaw sa paninisi!”

“Huwag mo akong itulad sa kanya. Magkaiba kami!” angil nito sa kanya.

“Yeah right,” sarkastikong saad niya. “Hindi ka nga katulad niya. Hindi ka katulad niyang paasa!”

“Ano bang sinasabi mo?” nalilitong tanong nito.

Ang sarap mong kalmutin, walanghiya ka!

Tinalikuran niya ito pero hinablot nito ang kamay niya para pigilan siya. Sa magkakahalong damdamin ay nasampal niya si Quelvin. Nagulat ito at nagtatanong ang mga mata na tumitig sa kanya.

“How dare you to act innocent like that! Bwisit ka! Pwede ba? Kung hindi ka seryoso, huwag ka nalang makipaglapit! Paasa!” bwisit na bwisit na bulyaw niya. Namasa ang mga mata ni Beatrice sa magkahalong pagkainis at sakit.

“Hindi kita pinaasa! Ikaw ang lumayo! Basta ka nalang umalis ng hindi nagpapaalam. Hindi mo man lang ako ini-inform na nakipagbalikan ka na sa boyfriend mong manloloko matapos ang nangyari sa atin! Napakatanga mo! Sinaktan ka na niya, isang yakap lang sayo, napatawad mo na at tinanggap!”

“A-ano?” nalilitong tanong niya.

Hindi niya kayang tingnan ang sakit at panibugho sa mga mata nito.

“Nakita ko kayo nung huling araw mo sa Costa Galaxia. You were hugging him while you’re crying. Palagay ko, nag-reconcile na kayo ng mga sandaling iyon. He even kissed your forehead. And you forget everything about our plans in going to Enchanted Garden. Bumalik ka na ng Maynila. Anong ibigsabihin noon?” panunumbat nito. “You should inform me. I think I still deserve a courtesy of cancellation if you ever change your mind. Napaka-unprofessional mo kahit kailan!”

Pinaningkitan niya ito ng mga mata. Oo nga, unprofessional siya minsan. Pero bakit pa niya gagawing magpaalam rito eh naging abala na ito sa babae nito? “Excuse me, Mr. de Luna.”

“My name is Quelvin.” Awat nito sa kanya.

“Gusto mong maging professional ako. So I’m calling you in formal way.”

“Drop it!” angil nito sa kanya.

“Huwag mo akong sigawan! Ikaw ang may malaking kasalanan sa akin, Mr. Paasa?” angil niya rito. “I saw you and Macey, kissing the remaining daylights.” Sarkastikong saad niya. “Hindi pa kayo nasiyahan at itinuloy niyo pa sa kama!”

“What?” gulantang na tanong nito.

“Don’t try denying it! Hindi ako bulag. Nandun ako at nakita ko!”

“Mali ang nakita mo! She kissed me, I did not.”

“Pero hindi ka tumanggi. Hinayaan mo lang siya hanggang sa dumeretso kayo sa kama mo!” Napaungol siya. Parang nakikini-kinita niya sa kanyang balintataw ang eksena na magkatabi sina Quelvin at Macey sa kama nito, walang saplot, magkayakap at naghahalikan. “Bwisit!” Nagtangka siyang tumalikod muli at iwan si Quelvin.

“Wala ka sa loob ng unit para magsalita na para bang nakita mo ang lahat. Hindi mo nakita ang lahat at mali ang iniisip mo.” Napahinto siya sa paghakbang ng maramdaman ang mga brasong payakap na pumipigil sa kanyang likuran.

“Kung may nangyari sa amin, sa palagay mo, paano ko makikita ang eksena niyo ni Kirk?”

Para siyang biglang natauhan. Oo nga. Napakabilis naman ng make love session ng mga ito kung ganoong nakita pa siya nito at si Kirk na nag-uusap.

“Papunta na ako sa hotel ng mabungaran ko si Macey sa labas ng unit ko. Nagulat ako syempre. Matagal ko siyang hindi nakita at bigla siyang susulpot sa harapan ko. Nang halikan niya ako, hindi ko nagawang mag-react agad dahil hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Pero gusto kong malaman mo na hindi ko siya pinatulan. Hindi na. Tapos na kami. We’re just friends now. Hindi naging madali sa kanya na tanggapin iyon pero kilala niya ako. Basta umayaw na ako, hindi na iyon mababago. She agreed to befriend me anyway.”

“Pero bakit magkasama kayo ngayon?” naghihinala pa ding tanong niya.

“Dalawang linggo na akong nagmumukmok sa float ko at pinilit niya akong bumalik dito sa Maynila para raw harapin ang buhay ko dito. Nagpasama siyang mag-shopping at nang malibang din ako. Hindi ko magawang harapin ang mga trabaho ko nang mga sandaling umalis ka na ng Costa Galaxia. I…” napahagod ito sa sariling buhok. Para bang hirap na hirap itong magpaliwanag.

“What?” udyok niya.

“I was afraid to go in the city and saw you hugging and laughing with Kirk. Hindi ko kaya. But Macey gave me very inspiring phrases. ‘If you really love her, fight for her.’” Napangiti itong bigla. “Akala ko noon, kapag mahal mo ang isang tao, dapat mong palayain ito. Pero naisip ko, bakit ko pakakawalan ang kaligayahan ko nang hindi sinusubukang lumaban. Natutunan kong manghikayat ng tao, magbenta ng insurance at ng iba pang services na ini-o-offer ng kompanya at naging napakadali noon sa akin. Pero naging napakahirap sa akin na ialok sayo ang pag-ibig ko. Natakot kasi ako na i-reject mo lang ako. Naging napakahirap para sa akin nang tanggihan ako ni Macey. At alam ko, mas magiging napakasakit kapag ikaw na.”

“But you should try…” nasambit niya.

“Paano ko gagawin kung sa una pa lang ay alam kong tagilid na ang tsansa ko? Idagdag pang nakita ko na nagkasundo na kayo ng lalaking totoong may-ari ng puso mo. Wala ka ngang ginawa kundi parating tapakan ang pagkalalaki ko para lang sa Kirk na iyon! Pero tinanggap ko iyon. Hinayaan lang kita. Dahil iyon lang ang paraan para mapalapit ako sayo. You know, you already had me the moment I saw you behind that one-sided mirror wall in my office—looking fascinated with my male employees walking back and fourth in front of you. Balak kong kuhanin ka sa kung sinong agent na magbe-brief sayo pero naging mas madali nang umasta kang aalis na dahil walang bakanteng agent. I can’t contain my excitement in assisting you so I hide myself in a rude appearance. Besides, badtrip din naman ako nang araw na iyon dahil sa pangungulit ni Mommy na mag-asawa na daw ako.

Hindi mo alam ang naramdaman kong saya ng maipit ka sa maling akala ng ina at kapatid ko. It gives me a chance to be with you a little long time. Alam ko kasi na mapipilitan kang sakyan ang maling akala nila. I knew how persistent my mom was. Naiinsulto ako sa pagpipilit mong linawin sa kanila ang totoo kaya hindi kita sinunod. Ikaw pa lang ang nag-iisang babae na nag-refuse na madikit ang pangalan sa akin. And I know why. You love Kirk. While me, you were just trying to love me. Alam ko na maski nagalit ka sa kanya ay tatanggapin mo pa din siya kapag bumalik siya. At hindi ang eksena kanina ang inaasahan kong makikita? Masokista ka bang talaga o tanga? Bakit pinababayaan mo siyang may ibang kasama?”

“Tapos ka na?” tanong niya ng huminto ito. “May gusto akong linawin sa lahat ng sinabi mo.” He confessed and it’s her turn. “I love Kirk—”

“Alam ko!” asik nito.

“Hindi pa ako tapos!” asik rin niya. Singit ito ng singit gayong madami pa siyang sasabihin. “I love him the way I know how to love my ideal guy. But I learned that I can still love a guy in a greater way. Pinatawad ko na siya ng ganoon kabilis hindi dahil may damdamin pa din ako para sa kanya kundi dahil gusto ko ng makalaya sa relasyong meron kami. Ganoon nalang ang relieve ko ng malamang madali lang palang kumawala kay Kirk. I want to free myself so I can win back my right to love other guy. Hindi ko gustong aminin pero nang gabing makasama kita sa float mo sa unang pagkakataon, makakwentuhan at makita ang other side mo, alam kong nahulog na ako sayo. Pero parang nagkaroon ng banta sa puso ko nang malaman ko ang tungkol kay Macey. Nararamdaman ko na may napakalaking lugar si Macey diyan sa puso mo. Hindi ko kayang makipagkumpetensiya sa babaeng matagal na nanahan sa dibdib mo? Anong laban ko sa kanya sa sandaling bumalik siya at bawiin ka? Pakiwari ko ay inilibing ko ang sarili kong puso sa sementeryo nang dumating ang araw na kinatatakutan ko. Hindi ko kayang madurog at mabasag sa harapan mo. Ayoko mang tanggapin pero talagang umasa ako na may chance tayo. Sobrang umasa ako at nakalimutan kong pwede kang bawiin ng totoong may-ari sayo.”

Napaluha siya sa pagtatapat na iyon.

“Ang masaklap pa, maski pinatunayan ko na sayo na mahal na rin kita nang ibigay ko sayo ang sarili ko, nabalewala iyon nang dumating si Macey.”

Naramdaman niya ang mga kamay ni Quelvin na iniaangat ang mukha niya. Bumaba ang mga labi nito sa pinaglandasan ng mga luha niya. Pakiwari niya, pinapawi ng mga halik nito ang sakit na nararamdaman niya. Nang tuluyang sakupin ni Quelvin ang mga labi niya, muli siya nitong dinala sa alapaap na puno ng kaligayahan.

“Akala ko kasi, parte pa iyon ng pagdadalamhati mo kay Kirk. You were just sad that you had given yourself to me, the one who confessed feelings for you. Alam ko, napakalaki ko ring tanga dahil nagpatalo ako sa other side ng isip ko. Sumuko na ako, hindi ko pa man nagagamit ang huli kong baraha. At nang matauhan ako, saka ko lang napagtanto na hindi pa ako dapat sumuko dahil aagawin pa kita kay Kirk. Gayon nalang ang galit ko nang makita kong may kasamang iba si Kirk at hantaran pa sa harapan mo? Bwisit na bwisit talaga ako! Ang babaeng mahal na mahal ko, sasaktan lang ng walang kwentang lalaking iyon? How dare him!” Bakas ang galit sa mukha ni Quelvin. Para namang idinuduyan sa alapaap ang puso niya dahil sa narinig! He loves her so much! “Idagdag pang mas pinanigan mo siya kanina.”

“Hindi ko siya pinanigan.”

“I heard you asked him if he was fine! Pero sa akin ay wala kang pakialam.”

“Hindi ko lang alam kung paano kikilos sa harapan mo.” Napangiti siya at mabilis na hinaplos ang naninibughong mukha ng binata. “Lalo pa at nakita kitang kasama si Macey.”

“Tss. Mamaya na ang tungkol kay Macey.” He rolled his eyes. “Anyway. Nakaisip ako ng magandang ideya kaninang papalabas ako ng mall. Isinumpa kong gagawin ko na ang lahat, maging akin ka lang at huwag ka nang masaktan ni Kirk. Kasukdulang gumawa ako ng kwento sa mga magulang ko at ura-uradang makapamanhikan dito sa inyo. If it’s possible, I’ll marry you tomorrow just to make sure you’ll be mine, all mine. At gagawin ko ang lahat makalimutan mo lang siya at ako na ang mahalin mo.”

Kaybilis nitong kumilos. Nauna pa ito sa kanyang nakarating sa bahay nila bitbit ang ina at kapatid nito, samantalang sumaglit lang naman siya sa shop niya.

Mamaya ay katakot-takot na paliwanagan ang gagawin niya sa mga magulang niya.

“I love you, Beatrice. Please believe me. Tapos na kami ni Macey. Nakaraan na siya at sinabi ko na sayong hindi ko gustong mabuhay sa nakaraan. Nagkataon lang siguro na wala akong nakilalang babae na makakapagpatibok sa puso ko kaya hindi ko nagawang makipagrelasyon sa iba. Until you came. Binulabog mo ang natutulog kong puso. You’re smile, you’re eyes, you’re lips, every thing about you lingers in my mind and my heart. Umaga at gabi ay binubulabog mo ako. How the hell do you think I will going to ignore the feelings I have for you?”

“Kung ganoon ay parusa pala ako sayo?” biro na niya habang lumuluha.

Kailangan pa ba nila ng napakadaming usapan kung ganitong pinatunayan na ni Quelvin ang pagmamahal nito sa kanya. Kasukdulang magpakasal sila kinabukasan?

“Ikaw ang pinakamasarap na parusa na nakamit ko.”

“I love you, Quelvin. Kahit pa hindi ikaw ang unang lalaking minahal ko, ikaw naman ang kaisa-isang lalaki na gusto kong makasama habambuhay.”

And she sealed it with a kiss. Wala na siyang pakialam kung sinu-sino man ang nagdaraan sa tapat ng bahay nila. Masyadong masaya ang puso niya para mag-isip pa ng kung anu-ano. Quelvin de Luna was hers. Only hers.

Wakas

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.