GF Trilogy Chapter 13

DINULDOL ng hintuturo ni Jeanette ang policy folder ng pinsang si Beatrice. Matapos niyang paulit-ulit na basahin ang policy folder ng insurance na biglaan nitong nabili ay nakahanap na siya ng butas. Nung una ay nagtaka talaga siya kung bakit biglaan ang pagbili ng pinsan ng insurance gayong napakakuripot nito. Pero habang nag-uusap sila at nagpapaliwanag ito ay naunawaan na niya ang dahilan. Hindi ito immune sa charm ng napapanahong sikat na bachelor at siyempre ay crush ng halos lahat ng kababaihan sa bansa, si Quelvin de Luna na siyang nag-assist at nag-brief rito.

Marinig lamang ang pangalan ng kilalang businessman ay kinikilig na ang tumbong ni Jeanette. Isa rin siya sa sandamakmak na mga babaeng nangangarap na makaharap, makausap at maka-date ang sikat na bachelor. At ang malamang ni hindi iyon kilala ng kanyang pinsan ay talagang ipinagtaka niya. Gayong ang kalahating populasyon yata ng bansa ay hinahangaan at pinapangarap ito.

Sa tagal na niyang nagpapalaboy-laboy sa Maynila, ni minsan ay hindi pa nagsanga ang mga landas nila ni Quelvin de Luna. At itong pinsan niyang si Beatrice na abnormal ang mundo at umiikot lamang sa iisang lalaki, ang siya pang napakapalad na nakadaupang-palad ng lalaking pinapangarap niya. Aba naman! Hindi niya palalagpasin ang opurtunidad na makasilay man lang kay Quelvin de Luna sa kahit na ano pa mang paraan.

“Mali talaga ang desisyon mo! Maling-mali! Tara, bumalik tayo sa Life Savers na iyan at mag-refund ka, cous!”

Walang sere-seremonyang hinila niya palabas ng restaurant na pinagtagpuan nilang tatlo roon sa mall. Si Aleika na kaibigan din nila at katagpo roon ay nauna nang umalis matapos makatanggap ng tawag mula sa photographer nito. Isa iyong modelo.

“This is crazy!” mariing tutol ni Beatrice.

Ngayon ay sabay na nilang binabagtas na magpinsan ang branch ng Life Savers roon sa mall. Iyon ang insurance company na nag-alok ng insurance sa pinsan. Maski pa sinabi na nitong wala na roon si Quelvin at dala lang nang pagkakataon kaya’t iyon ang nag-assist rito ay gusto pa din niyang magbakasakali. Bukod sa hindi niya din gusto ang isang rule sa policy folder, ay mas lamang ang kagustuhan niyang makaharap ang lalaking pinapangarap niya. Kung hindi man ngayon, sa ibang araw marahil. Tutal ay iyon naman ang nag-aasikaso ng deal ng kanyang pinsan, malaki pa din ang tsansa na makaharap niya ito.

“Crazy, crazy ka diyan!” bulyaw ni Jeanette kay Beatrice. Hindi ito maaaring umurong. Kailangang mahikayat niya ang pinsan na magreklamo sa Life Savers. Kundi ay mawawalang parang bula ang pag-asa niyang makaharap ang panginoon ng kompanyang iyon. “Crazy ka talaga! Isipin mo, ikaw ang magbabayad ng interest ng sarili mong pera sa halip na sila? Come on, Trix! I-refund mo iyan. Kung ilalagay mo iyan sa bangko, aanak pa ang pera mo. Biruin mo, fifteen years nilang pakikinabangan ang perang inipon mo sa loob ng sampong taon at kapag gugustuhin mong hiramin ay ikaw pa ang magbabayad ng interest? That’s crazy!”

Nagkibit-balikat ito habang hila-hila pa rin niya ang isa nitong kamay. “Ganyan talaga, bangko eh.” Pangangatwiran na naman nito. Alam naman niya ang bagay na iyon pero… basta! Iyon nalang ang butas na pwedeng maging dahilan para sa kanyang secret agenda!

“Hindi! May mali sa kontrata!” giit niya. “I-refund mo iyan. Hindi pa nila iyan napa-process kasi wala pa namang tatlong oras nang pumirma ka.”

“Nakakahiya sa kanila.” Tanggi nito.

Pinagtaasan niya ng kilay ang pinsan. “Sa pagkakatanda ko ay kamag-anak ka ng kuripot na alimango na si Mr. Krabs,” ang tinutukoy niya ay karakter sa isang cartoon t.v. show. “…at hindi ka makakapayag na maaksaya ang hard earned money mo.” Pangungumbinsi pa niya.

“Hindi naman talaga maaaksaya kasi…” nahinto ito sa pagsasalita at tila nag-isip.

Napangiti sa sarili si Jeanette. Siguro ay nililimi-limi na ng kanyang pinsan ang mga pambubuyo niya. Dapat ay mas galingan pa niya para hindi na ito magdalawang-isip sa panggagatong niya.

Magsasalita nalang sana si Jeanette nang bigla namang bumulalas si Beatrice na para bang wala sa sarili.

“He’s not even my type!” wala sa loob na bulalas nito.

“Ha?” nalilitong baling niya rito.

Natauhan si Beatrice. “Don’t mind me.” Anito.

“Mabuti pa, ibayad mo nalang ang perang iyan sa lalaking pwede mong kontratahin na manggulo sa relasyon ng talipandas na si Kirk sa bagong babae niya. That way, makakaganti ka na sa anaconda na yun. Mas masa-satisfied ka sa pupuntahan ng pera mo.” Pagtutuloy niya sa kanina pang balak sabihin.

Si Kirk ang boyfriend nito na pinagsususpetsahan nito nang masama. Siguro ay napa-paranoid na naman ang bruha. Magkasunod ba naman sila ni Aleika na makipaghiwalay sa mga serious boyfriend nila, natural na ma-threatened itong susunod sa mga yapak nilang magkakaibigan.

Anyway, wala namang masama kung maging single. Mas masaya nga iyon. Katulad ngayon, malaya siyang magpapansin sa bagong apple of the eye niyang si Quelvin de Luna. Unang kita pa lamang niya sa larawan nito sa magazine na hiniram niya sa kanyang officemate ay na-starstruck na siya. At nang ipaalam niya sa mga katrabaho ay noon niya napag-alaman na ganoon din pala ang mga ito.

Siguradong maiinggit sa kanya ang kanyang mga officemates sa Gonzalo Steel Corp. o GSC kapag nalaman nang mga iyon na nakaharap at nakausap na niya ang tinitingalang Adan ng sandamakmak na Eva sa panahon ngayon!

Executive assistant si Jeanette ng Fil-Japanese na Presidente at CEO ng Gonzalo Steel Corporation. At upang dagdagan pa ang hair extension ng humahaba niyang buhok, nililigawan lang naman siya ng kanyang boss. Lalo iyong naging eager na magpapansin sa kanya nang malaman nito na nag-break sila ng kanyang long time boyfriend. Pero hindi niya pinapansin ang pagpapalipad-hangin noon. Naisip niyang magsasawa rin si Mr. Gonzalo. Ito pa, napakababaero nito? Halos lahat yata ng magagandang babae sa kompanya ay pinormahan na nito. Tanging siya lang yata ang hindi pumansin sa charm ng boss.

Maaari naman niyang iwasan nalang ang boss sa pamamagitan ng pagre-resign. Kaya lang ay professional siyang tao. She didn’t mixed business with emotion. Kailangan niya ang trabaho—na sa panahon ngayon ay kay hirap hanapin—at kung ganoong nagkakagusto man ang kanyang boss sa kanya ay hindi niya dapat isaalang-alang ang magandang trabaho niya. Matagal na din siya roon. Halos apat na taon na. Bente-uno lamang siya nang magtrabaho sa GSC at ngayon ay bente-sinko na siya. Pagka-graduate niya ng college, isang kompanya lamang ang napasukan niya at di naman nagtagal pagkatapos ay sa GSC na siya napadpad. Pinaghirapan niya nang husto na marating ang kanyang posisyon ngayon, na noong panahong una-una ay ama pa ng bagong Presidente at CEO ang nakaupo.

Hindi naman yata makatarungang iwanan niya ang pinaghirapan dahil lang sa isang distraksyon. Nagdesisyon siyang hindi na lamang papansinin ang boss sa personal nitong pakay at dadating din ang araw na magsasawa na ito sa pangungulit sa kanya.

“That’s a better idea.” Narinig niyang bulalas ng pinsan. “Gagawin ko iyan kapag naghiwalay na kami ni Kirk. Makakaganti na ako sa kanya. Sige. I-re-refund ko na!” desididong pagpayag nito. Napangiti siya. Ngiti nang tagumpay!

Pagkapasok nila ni Beatrice sa lobby ng opisina ay agad na hinanap niya ang Unit Sales Director sa recieptionist roon.

“Kaninong client ka, Miss?” nagtatakang tanong ng isang lalaki sa kanya.

Gwapo sana ito kung hindi lamang ito mukhang suplado. Ang totoo, lahat ng mga empleyado ng Life Savers ay mga gwapo at magaganda. Walang tulakin-kabigin sa mga iyon. Nagkataon na mas umangat nga lamang ang kagwapuhan ng lalaking ito na napagkamalan yata siyang kliyente.

Nang mahagip si Beatrice ng mga paningin ng lalaki ay agad iyong ngumiti rito. Gusto niyang mainis. Bakit kay Beatrice ay ngumiti ito pero sa kanya ay parang nabubwisit pa? Hindi kaya, naamoy nito ang pakay nilang hindi maganda?

“Hindi ako!” naiinis na untag ni Jeanette sa pagngingitian ng dalawa. “Ang pinsan ko. Client siya ni Mr. de Luna.” Sabay turo sa nasa tabing si Beatrice.

“Oh.” Sambit ni Gelo pagkuway ngumiti na muli.

Nakakainis talaga ang lalaking ito! Bakit kapag sa kanya ito tumitingin ay blanko ang mukha nito pero kapag kay Beatrice ay awtomatikong nababanat ang mukha nito?

Hmp!

“So, what can I do for you, two beautiful ladies?”

Hindi humupa ang pagkainis ni Jeanette maski pa palakaibigan itong ngumiti sa kanilang dalawa. Lalo lamang nagusot ang mukha niya. Naisip niyang isang sandata ng mga empleyado ng Life Savers na gamitan ng charm ang mga kliyente. At hindi siya magpapaapekto sa charm nito! Swear!

Ngayon pa? Nauna mo na akong balewalain! Pwe!

“We demand a refund!” buong hayag ni Jeanette.

“Refund? Wait? Bakit?” nagtatakang tanong ng lalaki na bumaling sa kanya. Noon bumaba ang mga paningin niya sa nameplate ng lalaki.

Gelo Martinez, Unit Sales Director.

Ah! Tama nga pala ang desisyon niyang ito ang paglatagan ng demands nila—este, niya—tutal ito naman pala ang USD.

“Kasi, nagbago ang isip ko.” Nahihiyang saad ng pinsan sa kanyang tabi.

Napaka-unprofessional naman ng ginagawa nila. Pero natunaw na ang kahihiyan na dapat ay mayroon sila. Unang-unang dahilan ang pursigido siyang makaharap si Quelvin de Luna, tutal ay siya ang tipo nang tao na ginagawa ang kahit na anong maisip. At pumapangalawa lamang ang dahilan na di siya lubusang sang-ayon sa isang bagay na laman ng policy folder. Idagdag pang nakakainis na pinipili ng Gelo Martinez na ito ang aalayan nito ng gwapong ngiting iyon.

Gwapong ngiti?!

Shucks! Why the hell did she thought he had a handsome smile? He is not even handsome! No! Hindi siya nagagwapuhan sa damuhong ito!

“Teka, Ms. Velez. Hindi kasi ganoon kadali ang gusto mo. I’m sure naipaliwanag sayo ni Sir ang lahat-lahat at dahil nag-agree at pumirma ka, it means na okay sayo ang lahat. Maswerte ka nga at kaybilis ng process ng transaction mo. ‘Yung iba, it takes a month bago i-approve ang application.” Narinig ni Jeanette ang tila gustong magpanic na boses ni Gelo sa pagpapaliwanag.

Naisip niyang sumingit. Baka kasi mabilog na naman nito ang ulo ni Beatrice.

“Siyempre minadali niyo na kasi alam niyo na half-hearted lang ang pagpayag ng pinsan ko. At siyempre, sayang naman kung pakakawalan eh kliyente rin na mauuto ninyo!”

Binalingan siya ng tila nagtitimping si Gelo. “I think I know now why you’ve change your mind, Ms. Velez.” Mahinahon ngunit mariing saad nito na sa kanya pa din nakatingin. Siguro, kung kaya siya nitong tirisin ay ginawa na nito.

“Excuse me? Are you accusing me?” angal niya rito.

“Guilty?” Tumaas ang gilid ng labi ni Gelo.

And it was distracting! Ang sexy ng mga labi nito kapag ganoong umiigkas! Gusto tuloy mawala sa pokus ng utak niya.

Naroon sila para mag-demand ng refund at hindi para pagnasaan ang labi ng damuho!

“Aba’t!” Jeanette snaps. She doesn’t want to entertain that unfamiliar feeling that lips stirring her.

Binalewala na naman siya ni Gelo at muling hinarap si Beatrice. “Ms. Velez, siguro naman ay aware ka na hindi ko pwedeng basta nalang i-cancel ang contract mo sa amin dahil kailangan munang malaman ni Sir Quelvin. Besides, direct client ka niya. Actually, hindi naman niya trabaho iyon, pero dahil masyadong matulungin sa amin at masinop sa kliyente ang boss kaya ini-assist ka na din niya. So, ibigsabihin ay hindi ko pwedeng pakialaman ang transaction mo—”

“Call your boss, then.” Mala-reynang singit-utos na naman niya.

How dare this arrogant beast to ignore her?!

“Bakit ka ba nakikialam eh hindi naman ikaw ang involve rito?” Tila hindi nakapagpigil na saad ni Gelo sa kanya. Bagaman, hindi ito nagtataas ng boses ay sapat na ang mga salita para mahinuha niya na nayayamot na ang binata. Pero malas nalang nito dahil hindi siya nate-threatened. Wala siyang balak sumuko!

“Pinsan ko siya at may karapatan naman akong magpayo at magbusisi sa kung anong pi-nur-chase niya, ‘no? Masyado pa naman iyang mabait at considerate sa mga employees na tulad niyo kaya kahit labag sa loob niya, o-oo nalang siya.”

Pansin niya na biglang naging mas tahimik sa lobby kung saan naroroon ang iba pang insurance agent. Pero anong pakialam niya? Hinahamon siya ni Gelo ng word war at wala siyang balak umurong.

“Is that true, Ms. Velez?”

Bigla ang kanyang ginawang pagbaling at ganoon nalang ang pagluwa ng mga mata niya matapos makilala kung sino ang nagsalita!

Quelvin de Luna! OMG!

Napakagwapo at napakatangkad talaga nito. Maski naka-four inches stilettos na siya ay napatingala pa din siya nang makalapit na ito sa kanila ng kanyang pinsan.

“Ah… k-kasi…” si Beatrice

Hindi niya napigilan ang mapasinghap habang tila naeengkantong pinagmamasdan ang gwapong lalaki. Sa wakas ay natupad na ang pinapangarap niya. Ang makaharap ang lalaking pinapantasya ng marami!

“Let’s talk everything in my office.” Iminuwestra nito ang isang pintuan sa isang bahagi ng opisina.

“I’ll go with you, too.” Pag-piprisinta niya matapos makabawi. Lulubos-lubusin na niya. Kung hanggang titig na lamang siya kay Quelvin, aba, pagsasawain na niya ang sarili sa kaunting panahon. Hindi na siya kukurap!

“No. You’ll stay here.”

Nag-igkasan ang mga kilay ni Jeanette pagkarinig sa sinabing iyon ni Gelo. How dare this man to interrupt her fantasy?! Nakakadalawa na ito ah? Isa nalang at bibinggo na ito sa kanya.

Napabaling si Quelvin kay Gelo na tila itinatanong kung magkakilala ba sila.

No! At wala siyang balak na kilalanin ang damuhong lalaki!

“Ako na po ang mag-a-assist sa kanya, Sir. Magpinsan raw sila.” Dagdag paliwanag ni Gelo.

“Okay.” Tipid na tugon ni Quelvin at nilapitan si Beatrice pagkuway inalalayan sa siko patungo sa private office nito sa branch na iyon.

Nakadama siya ng inggit. Pero hindi nakaligtas sa kanya ang uneasiness ng pinsan. Something might happen to Beatrice. She knew it! She can see it.

Ang gwapo talaga ni Quelvin! Kahit professional na professional ang dating, nakakabaliw pa din!

“Can you please sit down here, Miss? We’ll have our own discussion.”

Naputol ng boses na iyon ang pagmamasid niya sa dalawang papalayo. Naiinis na binalingan niya ito. Mukhang napipilitan din lamang itong i-assist siya. Alam niya iyon base sa pagsasalubong ng mga kilay nito. At para dagdagan pa ang kabwisitan nito ay nilapitan niya si Gelo at inginuso ang isang silya sa harapan ng desk nito. Gelo rolled his eyes but immediately pull a chair for her.

Napangiti siya. Siguradong dagdag pang-asar rito iyon, hindi lang magawang umangal.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.