GF Trilogy Chapter 16

KINSE minutos na ang nakakalipas magmula ng maupo si Gelo sa high stool na nasa harapan ng wine counter ng Galactic Bar, ang open-air bar roon sa Costa Galaxia, pero hindi pa din niya nakikita maski ang anino ni Quelvin. Boss niya si Quelvin sa Life Savers pero magkaibigan sila kapag lumabas na ng opisina. Actually, high school pa lang ay kaibigan na nila ito ng kapatid niyang si Lester na isang taon lang ang tanda niya. At hindi naputol ang pagkakaibigang iyon maski pinili ni Lester na sumama sa ina nila papuntang US at tuluyang magpa-adopt sa bago nilang ama nang magpakasal ang ina nila sa isang kanó. Katunayan noon ang pagbili ni Lester ng condo unit sa Earth Cove ng Costa Galaxia matapos malaman na doon sila natatago ni Quelvin kapag araw ng pahinga. At pati na rin ang pag-avail ng limited edition na Galaxy Float para lang iwan sa kanya ang lahat ng pag-aari nito roon sa Costa Galaxia nang sumama ito sa Deutch girlfriend nito papuntang England.

Oo, ganoon ang kapatid niya. Yakap na yakap noon ang malayang buhay at ni minsan ay hindi nahinto sa iisang lugar. Sa pagkakatanda pa nga niya, pinroblema ito ng kanilang ina habang nasa poder ito ng mga iyon. Sa sobrang yaman ng napangasawa ng kanilang ina ay hindi na malaman kung paano gagastusin ang pera kaya’t sunod na sunod ang layaw ni Lester.

Bilang panganay na kapatid, naroroon lang naman siya para payuhan ang nakababatang si Lester maski na madalas ay hindi naman siya sinusunod nito. Nagulat na nga lang siyang malaman na ipinalilipat na rin pala nito sa pangalan niya ang pagiging successor nito sa real estate business ng stepfather nila. Hindi niya tinanggap iyon pero may hinala na rin siya na sooner or later ay ipagpipilitan sa kanya ng ina ang posisyon ng asawa nito sa kompanya kapag nagretiro na iyon. Siyempre pa, iniwan na ni Lester ang marangyang buhay at ang mga tungkulin nito kaya’t natural na siya ang sasalo ng lahat-lahat.

Matagal na daw na naayos ng kanyang ina at nang asawa nito ang adoption paper niya at legal na siyang Benson pero magpahanggang sa mga sandaling iyon, Martinez pa din ang apelido na ginagamit niya—ang apelido ng kanyang ina. Hindi naman kasi naikasal ang ina niya sa totoo niyang ama dahil namatay na iyon sa sakit bago pa man ipanganak si Lester.

He had nothing against his stepfather. Hindi lang niya makasanayan ang bagong pangalan. Nasanay na siya sa pagiging Martinez at gusto niyang hanggang sa huli ay Martinez pa din ang dala-dala niyang apelido. Bahala na ang mga taga Costa Galaxia kung magtataka man ang mga iyon sa identity niya bilang kapatid ni Lester Benson. After all, palagay naman niya’y wala na sa hinagap ng kapatid na bumalik sa bansa. Sa huling pag-uusap nila ni Lester, masaya ito sa ginagawang pagbuntot sa kasintahan nito.

Gusto rin niyang maging masaya para sa kapatid pero paano niya gagawin iyon kung anumang sandali ay babalikatin na niya ang mga iniwan nitong tungkulin? Kakailanganin pa yata niyang kalimutan ang nakasanayang buhay at pasukin ang mundo nito.

Para kay Gelo, kontento na siya sa pamumuhay na hindi man hikahos ay hindi rin salat sa karangyaan. Nasa kolehiyo na siya nang mag-migrate ang kanyang ina at si Lester sa US kasama ng stepfather nila. Mas pinili niyang huwag umalis ng bansa at mag-independent living roon. Pinapadalhan siya ng financial support ng kanyang ina pero halos hindi niya iyon nagagalaw sa bangko. Nag-working student siya para tustusan ang sariling pangangailangan maski pa labis-labis naman ang ipinapadala ng kanyang ina. Gusto niya kasing may mapatunayan sa kanyang sarili. Alam niyang materyosa ang kanyang ina at ang kayamanan ng bago nitong asawa ang totoong dahilan kung bakit ito nagpakasal roon. Pero hindi siya sang-ayon sa bagay na iyon.

Para sa kanya, maraming paraan para umangat kung magsisikap. At iyon ang gusto niyang patunayan sa ina. Hindi naman siya nabigo. Dahil ngayon, hindi man siya masasabing bilyonaryo, maayos naman ang pamumuhay niya nang walang ibang taong ginamit para marating ang kanyang kinaroroonan.

May limang branches na siya ng chain café and restaurants sa Maynila na mina-manage habang hindi pa din binibitiwan ang trabaho sa Life Savers. Sa Life Savers kasi nagsimula si Gelo bilang insurance agent. Dahil masinop ay inipon niya nang inipon ang pera na kinikita roon, kasama na ang komisyon at sweldo. Kumuha rin siya ng Future Savings Plan at iyon ang ginamit na puhunan kasama ang sariling ipon upang makapagpatayo ng café, hanggang sa lumago iyon at maging café and restaurant. At dahil may nakabuntot yata sa kanyang swerte, after five years ay umanak ang kanyang negosyo ng apat pang branches. Mabilis din ang promotion niya sa trabaho sa Life Savers dahil mahusay siyang empleyado, loyal at dedicated. At maski may sarili na siyang negosyo, hindi pa din niya maiwan ang kompanya. Bilang pagtanaw ng utang na loob, hangga’t kailangan siya sa Life Savers, hindi niya ipagkakait ang kanyang serbisyo. Tutal ay hindi rin naman hinihiling na buong araw siya sa opisina. Anim na oras lamang ang duty niya roon sa isang araw at tatlong araw lamang sa loob ng isang linggo.

Tuwing Biyernes nang hapon, dumederetso si Gelo sa Costa Galaxia na nagmistulang home based niya matapos ang nakakapagod na weekdays. Doon siya namamahinga at umuuwi tuwing linggo pabalik ng Maynila. Iyon ang nakasanayan niyang ruta. Tutal ay naging masipag at masikap siyang nilalang kaya worthy naman siyang bigyan ng two days in a week reward ang kanyang sarili. Hindi katulad ni Quelvin na isinapuso na yatang talaga ang trabaho at posisyon nito sa kompanya ng pamilya kaya’t kung kailan nalang maisipang umuwi sa Costa Galaxia ay saka lamang mamamahinga.

“Nasaan na kaya si Quelvin?” nagtatakang tanong niya sa sarili. Hinugot ni Gelo ang cellphone sa front pocket ng jeans at kinontak si Quelvin. Saglit lamang iyong nag-ring at may agad na sumagot.

“I’m on my way.” Iyon kaagad ang bungad ng kaibigan sa kanya.

“Antagal mo naman. Mapapanis na ako dito.” Reklamo niya.

“Hindi ba dumating si Vince?”

“Kung dumating yun, hindi sana ako nababato rito at sukdulang tawagan ka pa.” sarkastikong saad niya.

“Busy na naman iyon malamang.” Komento nito.

“Malamang!” segunda niya.

Si Vince ay isa pa din sa miyembro ng barkada nila at kaklase noong college. Pumalit ito kay Lester na noong mga panahong iyon ay nakalipad na patungong US. Hindi na sila naghiwalay ng pinapasukan ni Quelvin magmula noong highschool hanggang sa magkolehiyo at maging nitong magtrabaho na sila. Nang yayain ni Quelvin si Vince na bumili ng condo unit para maging resident ng Costa Galaxia ay muling nabuo ang barkada nila. Ngayon nga, ang Costa Galaxia ang nagsisilbing rendezvous nilang magkakaibigan tuwing weekend. Bukod sa tight ang security, doon lamang siya nakakaramdam ng privacy. Kapag nasa Maynila kasi siya, pakiwari niya ay parati siyang sinusubaybayan ng mga columnist at press na naghihintay lamang ng pagkakataong makahingi ng interview patungkol sa kanyang life style at privacy.

“Okay. I’ll be there in a minute.” Narinig niyang saad ni Quelvin at biglang nawala sa kabilang linya.

Isinuksok ni Gelo ang cellphone sa bulsa at bumaba sa stool hawak ang basong may lamang alak. Sa entrance nalang niya sasalubungin si Quelvin. Tutal ay nakakabagot din naman ang gabing iyon. Hindi niya gusto na nag-iisa at baka mamaya ay may maka-spot na naman sa kanyang mga makabagong alipores ni Eva.

Hindi naman sa aloof siya sa mga babae. Hindi niya lang talaga gusto ang tipo ng mga babaeng nagpapakita ng motibo o pagkagusto sa kanya. He’s a bit old fashioned. Ayaw niya sa mga vulgar. Gusto niya iyong babaeng malihim sa damdamin at interes sa lalaki.

Sa pag-ikot ni Gelo para pumunta sa may entrance ay siya namang daan ng kung sino na marahil ay nanggaling sa rest room. Tumapon roon ang laman ng basong hawak-hawak niya. Sa gilid ng kinapupwestuhan niya ang pathway papuntang restroom at hindi rin naman niya napansin na may paparating pala mula roon dahil nakatalikod siya.

“Shit!” bulalas ng pamilyar na boses ng babae.

Napamaang siya sa pagkagulat. Anong ginagawa nito rito?

“What the hell—”

Nahinto sa pagsasalita si Jeanette nang maabot ng mga paningin nito ang mukha niya. Pinaningkitan siya nito ng mga mata.

“Well… it’s an accident. Hindi ko sinasadya.” Depensa niya. Mukhang nase-sense niya ang tumatakbo sa utak nito base sa paniningkit ng mga mata nito sa kanya.

“Sinundan mo ba ako rito para lang makaganti ka?” nabubuwisit na tanong nito sa kanya habang pinapagpagan ang damit nitong nabasa, doon pa man din sa tapat ng dibdib nito.

Parang nais tuloy niyang makipagpag habang pahapyaw na lumuluwa ang tinatakipan ng telang iyon.

Naipilig ni Gelo ang sariling ulo. Napakarumi naman ng utak niya!

“Excuse me?” umarko ang kilay ni Gelo sa paraang nakakaloko. “Napakamahal naman yatang pagganti kung susundan pa kita rito para lang buhusan ng alak. At para sa kaalaman mo, residente ako rito. Kaya, nauna ako rito. Ikaw siguro ang sumusunod sa akin.”

Bumuka ang bibig ni Jeanette na tila magsasalita pero muli iyong tumikom na tila nagtitimpi.

“Ano? Wala kang masabi? Hindi kaya, tama ako? Wala naman akong natatandaang Jeanette Velez sa listahan ng mga residente ng Costa Galaxia. Kaya, paanong nakapasok ka rito?” untag pa niya. Ang totoo, gusto niya lang malaman kung sino ang access nito roon sa Costa Galaxia.

“Baka lumipad ako papunta rito.” Sarkastiko namang tugon ni Jeanette. Napangisi siya. Masama rin pala itong kausap. Sa halip na mahuli niya ang sagot sa hidden question ay iba ang ibinato nito sa kanya.

This woman…

Ito ang tipo ng babae na kapag dumaan ay di mo mapipigilang hindi lingunin muli. She has a meek face and a serene beauty. Pero hanggang sa hitsura lamang ang pagiging maamo nito. Dahil sa sandaling bumuka ang mga bibig ni Jeanette, malalaman mo nalang na may taglay pala itong kamalditahan.

Kaya nga magmula ng araw na magkabangga sila ay hindi na niya ito nakalimutan. Ito lang kasi ang kaisa-isang babae na nagsabi sa kanya na hindi na siya nito gustong makita muli. Kahit kailan ay hindi niya nagustuhan ang paghabol sa kanya ng mga babae. Pero mas lalong hindi niya gusto ang ideya ng isang babae na hindi na siya nais pang makita muli. Nakakainsulto iyon sa kanyang pagkalalaki!

“Requirement ba ng mga guest rito na sagutin ang pang-i-interrogate ng mga residente, ha?” untag nito sa kanya.

“Hindi naman.”

Hindi napigilan ni Gelo ang mapangiti. Nakakatuwa yatang isipin na ang babaeng nambuwist sa kanya noon ay mabubwisit niya ngayon. Oo, sa dalawang beses na nakaharap niya ito ay wala na itong ginawa kundi bwisitin siya. Pagkakataon nga naman. Panahon na para gumanti ng pang-aasar!

Well, it’s time he’ll gonna give her a dose of her own meds.

“Anyway. Maiwan na kita. Enjoy the night.” Pamamaalam ni Gelo na nasisigurado niyang ipaghuhurumentado ni Jeanette.

At hindi nga siya nagkamali. Katatalikod pa lamang niya nang iglap ay humarang ito sa kanyang dadaanan.

“At ganoon nalang iyon? Sa natatandaan ko, noong madumihan ko ang damit mo, hindi ka pumayag na hindi ko papalitan ang suot mo. Napaka-unfair mo naman yata kung basta mo nalang ako iiwan na hindi pinapalitan itong damit na dinumihan mo.” Paangil na sita ni Jeanette sa kanya at itinuro ang tapat ng may dibdib nito.

Tuloy ay labis-labis na pagpipigil ang ginawa niya sa sarili para lamang hindi makasilip roon.

‘Hey, Angelo Martinez! You’re acting ill-bred!’

“It’s an accident.” kunway maang na saad ni Gelo at pilit itinago ang sariling damdamin. “Kung gusto mo, bibigyan nalang kita ng pambili ng pamalit mo. May ka-meeting kasi ako at anytime ay dadating na siy—”

“Iniinsulto mo ba ako?” humahalagpos ang inis sa mukha ni Jeanette.

Finally, alam na nito marahil ang pakiramdam niya noong mag-offer ito sa kanya ng pera at hindi nang tulong para maresolba ang aksidenteng pambubuhos nito sa kanya ng inumin.

“Kung ayaw mo, edi ‘wag.” Patay-malisyang sabi pa niya.

Muli niyang tinalikuran si Jeanette.

“Gelo Martinez!”

Ngali-ngali niyang mapatawa nang marinig ang tila gustong magmura na pagtawag na iyon sa kanya ni Jeanette. Nang hindi siya lumingon ay naramdaman niya ang takong ng sapatos nito sa kanyang ulo.

“Aray! Ano ba?!” paangil na sita niya kay Jeanette matapos itong balingan.

“Papalitan mo ba itong dinumihan mong damit ko o sasapatusin kita?” pagbabanta nito sa kanya.

Madilim na ang magandang mukha ni Jeanette. Gusto pa sana niya itong pag-trip-an tutal ay hindi pa naman dumadating ang kasama niya pero palagay niya, desidido itong totohanin ang banta base sa hilatsa ng pagmumukha nito ngayon. Wala tuloy siyang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga.

“Fine! I’ll get you a dress.” Sumusukong saad niya at hinila ito palabas ng Galactic Bar.

“Malayo ba ang pagkukuhanan mo? Baka isang milya pa ang lalakarin natin bago tayo makarating. Hoy? Ilang dipa lang ang pinagkunan ko ng pamalit mo noon. Sa gilid nga lang iyon ng café eh.”

Tama naman nga. Pasalamat ito at pumapayag siyang pumuwesto si Aling Pacing sa gilid ng café niya, kundi ay malamang na sa pinakamalapit na boutique sila pupulutin nang araw na iyon. At ilang metro rin ang layo noon mula sa café niya.

Papasok siya noon sa isang branch ng café niya ng makabungguan niya si Jeanette. Mainit pa naman ang ulo niya nang tanghaling iyon dahil isang kahera ng branch ang may costumer’s complain. Tapos ay bigla pa siyang sasabuyan ng yogurt shake. Sa inis niya, ito ang napagbuntunan niya ng lahat at ipinagpilitang palitan ang suot niya maski hindi naman niya talagang gawain ang ganoon. Hindi siya sobrang maselan na tao. Nagkataon lang na wala siya sa mood nang araw na iyon at ito pa ang nakabungguan niya. Sa lahat naman nga ng tao, bakit ang babaeng ito pa na may atraso sa kanya ang makakabungguan niya? Hindi pa ito bayad sa atraso nitong pang-bi-brainwash sa pinsan nito para mag-refund. Makakabayad lamang ito kung kukuha rin ito ng insurance, under him!

“Hindi ba’t gusto mong palitan ang damit mo? Kung malayo man ang pagkukunan ko, problema mo na iyon! Ano? Magpapalit ka pa ba o hindi na?” naaasar na tanong niya habang hinihila ito palabas. Nakakarindi kasi ang kakulitan nito.

“Natural magpapalit ako. Nakakapanlimahid naman itong suot ko. Amoy alak na ako. Bilisan lang natin ha? Babalikan ko pa si Beatrice. Kailangan kong ma-witness ang pag-confront ng luka-lukang iyon sa talipandas niyang boyfrie—” Biglang nabitin ang iba pang sasabihin ni Jeanette nang tila may makaagaw ng pansin nito. “Oh my God! Nandito siya!”

“Sino?” nagtatakang tanong niya. Nang sundan niya ng tingin ang tinitingnan nito ay natagpuan niya ang nakakunot-noong si Quelvin.

“Ano na namang pinaghahatian ninyong dalawa?” kaagad ay bungad sa kanila ni Quelvin.

“Siya kasi!”

“Siya kasi!”

Nagkaduweto pa sila.

“Okay, tapusin niyo muna ang pinaghahatian niyo, guys, at papasok na ako sa loob. I’ll wait for you inside, Gelo.” At pumasok na sa loob si Quelvin.

Sinundan iyon ng tingin ni Jeanette na hindi niya maintindihan kung bakit ikinaiinis niya. Bigla kasing natunaw ang katarayan nito nang makaharap si Quelvin. Obviously, she was interested to his friend. And he doesn’t like the sound of it.

Kung bakit ay hindi niya rin alam. Basta’t hindi niya gusto ang paraan ni Jeanette ng paghabol nito ng tingin kay Quelvin, tapós!

“Let’s go! Ano pa bang tinutunga-tunganga mo diyan?” asik niya kay Jeanette na kaagad na napabaling sa kanya.

“Sandali lang naman! Nanonood pa ako ng magandang view, abala ka talaga!” angil na din nito sa kanya bagaman sumunod pa din ito sa pagmamartsa niya palayo roon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.