GF Trilogy Chapter 17

“SAAN tayo pupunta?”

Nagtaka si Jeanette nang biglang may humintong speed boat sa harapan nila ni Gelo roon sa dalampasigan di kalayuan sa Galactic Bar. Iyon ay matapos dukutin ni Gelo ang tila pager na nasa bulsa ng summer shorts nito at pindutin ang isang buton.

“Gusto mong magpalit ng damit, hindi ba?” naiinis na untag sa kanya ng binata.

Sa tingin niya ay nasasagad na ito sa kakulitan at kadaldalan niya. Pero ano bang magagawa niya? She was born that way! Bahala itong pagpasensiyahan ang presensiya niya tutal ay ginawan siya nito ng atraso.

“Oo nga. Eh bakit may speed boat? May boutique ba sa kalagitnaan ng dagat?”

“Tss! Sumakay ka nalang at wala nang marami pang tanong!” mariing utos nito na inakay siya palapit sa speed boat.

Taliwas sa pananalita nito ang paraan ng pagkilos ni Gelo. Sa halip na paharabas siyang pasakayin habang yamot na inuutusan ay mahinahon pa siyang inaalalayan. Paano nitong nagagawang maging gentle sa pagkilos pero paharabas namang manalita?

Nahinto siya sa paghakbang nang may maisip! Paano kung lunudin siya nito sa dagat? Dalawang beses na nga pala niya itong ginawan ng atraso at baka ito na ang hinihintay nitong pagkakataon para gumanti!

“No! Hindi ako sasakay hangga’t hindi mo sinasabi sa akin kung saan mo ako dadalhin!” tanggi niya.

“Fine! Dun tayo sa float ko pupunta! May naiwang damit roon si Ania! Iyon muna ang gamitin mo. Sarado na kasi malamang ang Market Mini-Town ngayon. Kaya pag-tiyagaan mo muna. Kung ayaw mo naman na magpalit, bumalik nalang tayo sa Galactic Bar at bukas nalang kita bibilhan ng kapalit sa damit mong nadumihan. Ano? Mamili ka?”

‘Ania? Babae mo?’

Napamaang siyang bigla nang tuluyang mag-sink in ang mga sinabi ni Gelo. Pioneer residence ito ng Costa Galaxia at nagmamay-ari ng isa sa mga Galaxy Float? Paanong nangyari? Milyones ba ang sinusweldo nito sa Life Savers para ma-afford iyon?

“Seryoso? May float ka?” Hindi niya napigilang itanong.

“Actually, ipinamana lang iyon sa akin ng younger brother ko noong maglayas na siya.”

“Ikaw ang kapatid ni Mr. Benson?” Lalo siyang namangha, hindi pa man nito kinukumpirma ang kanyang hinala.

Nagsalubong ang mga kilay ni Gelo sa pagtataka. “Paano mo siya nakilala?”

“Hindi ko siya kilala talaga. Naki-tsismis lang ako kanina dun sa isang guide.” Pag-amin niya.

“Sinong guide? Ipapasesante ko!”

Sa palagay niya’y hindi ito nagbibiro sa sinabi nito. Oh! Her big mouth! Baka may mawalan pa ng trabaho sa kadaldalan at ka-tsismosa-han niya. Mukha yatang ayaw ni Gelo na pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman dito.

“Nakalimutan ko ang pangalan.” Pagsisinungaling niya. “Teka, kung Benson siya, bakit Martinez ka?” Pinilit ni Jeanette na iligaw ang usapan.

“That’s none of your business. Ano? Magbibihis ka pa ba o hindi na? Hinihintay ako ni Quelvin sa bar.”

“Magbibihis siyempre!”

Inignora niya ang kalamigan at kaseryosohan ng boses ni Gelo. At nangunguna-nguna pa siyang sumampa sa speed boat. Na-excite siyang bigla. Pagkakataon na niyang makapasok sa ipinagmamalaking float ng Costa Galaxia, palalampasin pa ba niya? Naiiling na sumunod sa kanya si Gelo. Hanggang sa marating nila ang float nito ay naging napakatahimik ng binata. Tuluyan na siguro itong na-badtrip sa kanya.

NAGMAMASID-MASID sa paligid si Jeanette ng maramdaman ang isang kamay ni Gelo sa ilalim ng kanyang siko.

“This way.” Anito na iginiya siya palapit sa marahil ay entrance at exit door ng float.

Sa upper deck ng float o ang lounge area, sila unang humantong pagkaibis ng speed boat. May metal ladder ang float na iniaangkla sa speed boat para makaakyat sa float ang mga taong darating. Sa pagpasok niya sa loob ay agad na bumati sa kanya ang condo-like layout ng float na sa palagay niya ay katulad lang naman ng ordinaryong yate. Iniba lamang ang hugis at pinaganda ang lay out noon at ayon, instant float na. Pero aaminin niyang impressive ang bawat detalye sa lugar. Maganda ang interior design, makabago ang mga gamit at halatang napaka-expensive ng mga gadgets at mga bagay-bagay roon. Para lang siyang nasa loob ng isang bahay plus the fact na umaalon ng bahagya ang kinatatayuan.

May ilang pintuan na nahagip ang kanyang mga paningin at hindi niya mahulaan kung ano ang nasa likod ng mga pinto na iyon.

“Please sit down. Kukunin ko lang sa bedroom ang damit at saka ka magpalit roon sa rest room.” Narinig niyang saad ni Gelo.

“Go on. Take your time.” Aniya na patuloy sa pagmamasid sa paligid.

“Okay. Hintayin mo ako rito at huwag mong gagalawin ang kahit ano rito.” Babala pa ni Gelo.

Nakasimangot na binalingan niya ang binata. Ano bang tingin nito sa kanya? Makulit na bata na kailangang paalalahanan sa mga dapat at di dapat pakialaman.

‘Damot!’

“Yes, boss.” Sarkastikong saad niya. “Huwag kang mag-alala, hindi makati ang mga kamay ko.”

“Hindi iyon ang ibig kong sabihin.” Defensive na saad nito. “Hindi talagang sa akin ang float na ito. Kapag biglang maisip na bumalik ni Lester, isosoli ko din sa kanya ito. At gusto kong isoli ng walang kahit anong nasisira.”

‘So,ibigsabihin ay dahan-dahan kayong maglampungan rito kapag nagpupunta kayo rito ng Ania mo?’

Napaismid siya. Mukhang nakaligtas sa pang-amoy ni Missy ang babae nitong si Gelo. Akala ba niya ay private sanctuary ng mga may-ari ng float ang Galaxy Float ng mga ito? Bakit nagawang dalhin roon ni Gelo ang Ania na iyon? At heto rin siya, bitbit ni Gelo papunta sa float na iyon. Ituturing na sana niyang napakaswerte niyang nilalang dahil siya ang kauna-unahang babae na nakatuntong sa float na iyon pero ang isiping naroroon ang gamit ng Ania ni Gelo, paano pa siyang magdidiwang? Baka nga hindi lang basta simpleng pagsilip sa lugar ang nagawa ni Ania roon. Malamang na narumihan pa ng mga ito ang kama at bawat sulok ng float.

“Oo na. Mauupo nalang ako dito.” Nakasimangot na saad niya at naupo sa couch.

Nawala na sa harapan niya si Gelo at pumasok sa isang pinto. Iyon marahil ang bedroom. Hindi niya napigilan ang sarili na tumayo at sipatin ang paligid. Sa unang pintuan pumasok si Gelo, ang ikalawa ang nilapitan niya at binuksan, iyon ang banyo. Lumabas siya at nagbukas muli ng iba pang pintuan. Dinning room at kitchen ang sumunod niyang nakita. Bubuksan na sana niya ang isa pang silid ng mapansin ang isa pang makitid na pintuan. Naagaw noon ang kanyang atensyon at nilapitan. Nagulat siyang makita ang nasa likod ng pinto. Isang spiral staircase at madilim ang paibabang bahagi. Hinanap niya ang switch ng ilaw sa dingding. Sigurado siyang meron noon roon. Matapos may makapang switch ay binuhay niya ang ilaw. Na-curious na naman siya sa kung anong posibleng nasa ibaba ng hagdanan kaya’t nagpasya siyang bumaba roon.

Ganoon nalang ang pagkamangha ni Jeanette matapos marating ang tagong silid! Iyon na marahil ang sinasabi ni Missy na retractable submerge ng float!

Napakaganda!

Para siyang nasa mundo sa ilalim ng dagat at napapaligiran ng iba’t-ibang uri ng mga lamang dagat. Iba’t-ibang uri ng isda na malayang lumalangoy. Lumapit si Jeanette sa bubog na dingding. Yari iyon sa makapal na glass enclosure o maaaring fibre glass kaya’t maliwanag na nakikita niya ang kung anu-anong nasa ilalim ng dagat dahil na rin sa liwanag mula sa fluorescent lights sa itaas. Naaaliw pa siyang manood ng mga isdang pumapaligid sa kanya ng may tila malaking mata na papalapit sa kinaroroonan niya. Napatili siya sa pagkagulat kasabay ng mabilis na pag-angat ng kinaroroonan niya. Nawala na din ang view sa ilalim ng dagat. Silver and black nalang ang tangi niyang nakikita sa dingding na hindi niya alam kung ipanghihinayang ba o ipagpapasalamat.

Sa isang bahagi ay may bumukas na pinto na hindi niya napansin kanina at iniluwa ang salimuot na mukha ni Gelo. Saglit lang ang pagdidilim ng mukha nito. Agad iyong napalitan ng pag-aalala ng mabilis siyang tumakbo palapit sa binata. Sa sobrang takot at kaba ay napayakap siya rito.

“Umalis na tayo dito! Diosko! Gusto ko pang mabuhay ng matagal! Gusto ko pang magkaanak at magkaapo! Umalis na tayo dito!” naghuhurumentadong hayag niya habang hila-hila ang polo-shirt ni Gelo.

Hindi siya magkaintindihan sa pagbaling sa paligid at pakikiramdam sa kinaroroonan nila. Natatakot siyang anumang sandali ay ibabalya ng pating o kung anumang halimaw-dagat na papalapit sa kanya kanina ang float na kinasasakyan nila! Mga malalaking mata lamang noon ang nakita niya pero sigurado siyang kasamahan iyon ng mga dambuhalang nilalang sa ilalim ng dagat!

“Teka, teka! Kumalma ka nga muna!” saway-pang-aalo sa kanya ni Gelo na pilit iniaayos ang kasuotan para muli lang niya iyong hilahin at lamukusin sa kawalan ng maisip hawakan. “Ano bang sinasabi mo?”

“Umalis na tayo dito!” sigaw niya sa hindi makaintinding lalaki. “Kung kinakailangang magpatawag ka ng helicopter o chopper o anumang sasakyang hindi dadaan sa tubig, gawin mo, makaalis lang tayo sa kalagitnaan ng laot na ito! Let’s get out of here, now! As in now na!”

“Bakit ba? Ano bang nangyayari sayo at bigla kang nagyayang umalis? Kanina naman…” Nahinto ito sa paninita sa kanya at inabot ang mukha niya. Nahinuha marahil nito na hindi na basta-basta ang takot niya. May palagay pa nga siya na namumutla na siya sa matinding takot at kaba. “Tell me, what happened?” Kinabig pa siya ni Gelo palapit sa katawan nito at ipinaloob sa mga bisig upang marahil ay pakalmahin.

“M-may pating! Kakainin tayo ng pating!”

“Pating?” nagtatakang tanong nito na bahagyang umagwat sa kanya.

“Nakita ko! May papalapit na pating kanina dito sa submerge. Any moment, itutumba niya ang float na ito at ayoko pang mawala sa mundo Gelo! Please! Ibalik mo ako sa coast!”

Sa pagkamangha niya ay ni hindi man lang kinakitaan ng pangamba si Gelo sa mga sinabi niya. Sa halip, may pinindot itong malaking pulang buton sa tabi ng pintuan na pinanggalingan nito kanina. Maya-maya pa ay naramdaman nalang niyang bumababa na naman ang capsule na kinaroroonan nila.

“You’re crazy! Bakit mo ibinaba?” angil sita niya rito.

Lalo tuloy siyang nagsumiksik sa tabi ni Gelo. Natatakot siyang baka sa isang iglap ay lumabas ang nakita niya kanina at basagin ang submerge! Nang mahagip ng mga paningin ni Jeanette ang spiral staircase ay nagmamadaling lumapit siya roon. Ngunit bago pa man siya makaakyat ay naunahan na siyang pigilan sa isang braso ni Gelo.

“Let me go!” pagpupumiglas niya. “Kung gusto mong magpakamatay at maging hapunan ng pating, bahala ka sa buhay mo!”

“Dito ka lang.” mariing utos ni Gelo sa kanya habang pigil ang isa niyang braso. “Ipapakita ko sayo ang bagay na malamang ay kinatatakutan mo.”

‘Bagay?’

Bahagyang kumalma si Jeanette matapos mapansing kalmado at siguradong-sigurado si Gelo sa sinasabi nito. Pero hindi siya lubusang makakampante kung hindi sila makakaalis sa kalagitnaan ng karagatan. Wala pa ding katiyakan ang siguridad sa kalokohang float na iyon.

Inakay siya ni Gelo palapit sa 12 inches monitor na nakakapit sa dingding na malapit lamang sa pulang buton na pinindot nito kanina upang bumaba ang capsule sa tubig. May kung anu-anong pinindot ito sa touch screen monitor. Ilang sandali pa at may kausap na ito roon.

“Jules, pakidala mo rito ang roaming underwater camera.” Sabi ni Gelo sa lalaking nasa monitor.

Aanhin naman nila ang camera? Lulusong ba sila sa tubig? No way! Maski pa kaladkadin siya nito at sapilitang palusungin sa ilalim ng dagat ay hinding-hindi siya susunod sa gusto nito. Ano siya? Nagpapakamatay? Alam na nga niyang may halimaw sa ilalim ng dagat, lulusong pa siya sa tubig?

Lalapitan nalang sana ni Jeanette ang tila elevator door na pinanggalingan kanina ni Gelo nang may mahagip ang kanyang mga mata. Napatili siya ng malakas at mahigpit na yumakap sa leeg ni Gelo.

“Diosko, Gelo! Sinabi ko na sayo eh! Katapusan na natin! Magiging hapunan tayo ng pating!!! Ahh!!!”

Nagtititili pa siya nang kumalas sa kanya si Gelo at tila balak lapitan ang mga matang kinatatakutan niya.

Pero teka?

Bakit hindi pa umuuga ang kinaroroonan nila? Bakit hindi pa ginigiba ng pating ang observation capsule?

“Sinasabi ko na nga ba at ito ang kinatatakutan mong pating, Jeanette.” Nakangising saad ni Gelo na nakalapit na sa dingding na kinaroroonan ng pares ng mga nakakatakot na mga mata. Natauhan siya at napatitig roon. Hindi naman pala iyon talagang nakakatakot.

Actually, it looks unreal!

Masyado lang sigurong malaki ang mga iyon na halos kasing laki ng basketball ang mga eyeballs, idagdag pang hindi naman normal na makakita siya ng ganoon sa ilalim ng dagat kaya ganoong nahintakutan siya ng husto ng makita niya ang bagay na iyon.

Napalapit na rin siya roon. Ngiting-ngiting kinabig siya ni Gelo palapit rito pagkuway iniharap sa mga matang kinatatakutan niya.

“Jeanette, meet Jules, the float pilot.” Pagpapakilala ni Gelo.

Bumagsak ang panga niya. Anong sinasabi nito?

“Hi, Jeanette.” Narinig niya ang tinig mula sa monitor na nakakapit sa dingding.

Hindi niya tuloy alam kung saan ngingiti, sa malalaking mata sa kanyang harapan o sa monitor na nasa isang bahagi ng submerge? Pinili nalang niyang harapin si Gelo.

“Float pilot?” napamaang na tanong niya sa binata.

“Oo. Siya ang pilot ng float at nagma-maniobra ng roaming underwater camera na iyan.” Itinuro nito ang mga malalaking matang nasa harapan niya. So, iyon pala ang tinutukoy nitong camera kanina? “Bigla ka kasing nawala sa pinag-iwanan ko sayo kanina kaya sinabihan ko si Jules na hanapin ka. Ang roaming camera na iyan ang pinakamadaling gamitin para silipin ang buong paligid ng float. Though, may hinala na din naman ako na nandito ka. Naiwan mong bukas ang pintuan ng spiral staircase.” Mahabang paliwanag nito.

“Eh bakit ganyan ang hitsura ng camera na iyan?” nagtatakang tanong niya at muling binalingan ang dambuhalang mga mata.

Sumenyas naman si Gelo roon na para bang pinaaalis na nito iyon. Saglit pa nga at lumayo na ang dambuhalang mga mata.

“Para hindi ma-distract ang ibang mga isda at lamang-dagat kapag ginagamit. Mapapagkamalan kasing totoong malaking isda rin ito lalo kapag ganitong gabi at gumagala-gala sa ilalim ng dagat. See? Maski ikaw ay nabiktima.” Naningitingg hayag ni Gelo. “Katapusan na natin! Magiging hapunan tayo ng pating!!!” panggagaya pa ng bruho sa paghuhurumentado niya kanina.

Sinimangutan nga niya ito. Masyado naman yata nitong ikinatutuwa ang kamiserablehan niya.

“Bakit hindi nalang maliit na clone na isda ang ginamit niyo para ilagay ang camera?”

“Baka kasi maisipang kainin ng iba pang mga mas malalaking isda. Mas maigi na ang malaki, pangingilagang kantiin ng mga lamang-dagat.”

Napatango-tango siya sa paliwanag na iyon ni Gelo. May punto naman nga ito. Napaka-high-tech naman pala ng float na iyon. Ang buong paligid ay ginagamitan ng makabagong teknolohiya.

“Teka, baka mamaya niyan, totoong pating na ang lumabas sa harapan natin ha?” nag-aalala pa ding sambit niya.

Napatawa na si Gelo sa inilabas ng bibig niya. “Praning ka! Sa tinagal-tagal ko na rito sa Costa Galaxia, kung nalaman kong may pating sa lugar, sa palagay mo ay hahayaan ko pang lumaot ang float na ito? Milyon din ang mapapatapon kapag nawasak ito.”

“Kunsabagay.” Pagsang-ayon nalang niya. Hindi naman siguro ito mang-mang para lumaot ng dis-oras ng gabi kung alam nitong mapanganib ang lugar.

‘Kuripot din pala ito, parang si Beatrice.’

Natigilan siya. May one thing common na ang dalawa at parang hindi aprubado sa damdamin niya ang natuklasan. Hindi siya makaramdam ng kaligayahan, sa halip, hindi niya nagustuhan ang naisip. Parang hindi katanggap-tanggap na may pagkakatulad ito at ang pinsan niya.

“May mga coast guards ang Costa Galaxia na nagroronda sa pinakamalayong parte na naaabot ng mga floats para siguraduhin ang safety at security ng mga residents at mga float owner kaya hindi ka dapat mag-alala sa safety mo rito.” Dagdag pag-a-assure pa ni Gelo.

Hindi nalang siya nagsalita at ipinagpatuloy ang naudlot niyang panunuod ng mga isda sa ilalim ng dagat. Saglit na nakalimutan ni Jeanette kung nasaan siya talaga dahil naaliw na siya ng mga napapanood na marine life. May mga maliliit pang isda na lumalapit sa dingding ng submerge at tila nagpipilit makalusot roon. Napaka-cute naman noon na para bang kay sarap hawakan. Dinutdot nga niya ng daliri ang parte na tila inuukab ng bibig ng maliit na isda. Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Gelo sa ginagawa niya. Noon niya naalala na hindi siya nag-iisa.

Bigla siyang napabaling kay Gelo matapos maalala ang isa pang bagay.

“Ibigsabihin ay nandito rin si Jules sa float?” naitanong niya bigla kay Gelo na nabigla sa kanyang pagbaling.

Siguro ay naaliw rin ito sa pagmamasid sa kanilang paligid. O baka pinanood nito ay ang parang batang pakikipaglaro niya sa mga isda?

“O-Oo. Siya ang pilot ng float na ito eh.” Nagtatakang tugon ni Gelo.

“Kung ganoon, ‘yung huling silid na hindi ko nabuksan ang pilot room?” mahinang tanong niya na mas lamang ay para sa sarili.

“At iti-nour mo na palang talaga ang sarili mo sa float. Ni hindi ka man lang naghintay na i-offer—”

“Nakakahiya!” bulalas niyang bigla na hindi inintindi ang mga huling sinabi ni Gelo. Nakapokus siyang masyado sa mga bagay na bigla niyang na-realize!

“Nakakahiya?” nagtataka na naman si Gelo sa inaarte niya.

“Iyong pagwawala ko kanina dahil sa fake na giant fish na ‘yun! Nakakahiya talaga!”

Naitakip niya ang mga kamay sa kanyang mukha. Nasisigurado niyang laugh out loud ang Jules na iyon sa eksena niya kanina lalo pa’t iyon pala ang nagmo-monitor ng camera.

“May pating! Kakainin tayo ng pating! Ibalik mo ako sa coast!” nagtatawang panggagaya na naman ni Gelo sa kanya kanina at malakas na humagikhik. Sa labis na pagkainis at pagkapahiya ay tinadyakan nga niya ito.

“Aray!” angal ni Gelo pero muli namang humagikhik.

Pinagtatawanan na naman nito ang kamiserablehan niya kanina. Kung pwede lang niyang hilingin na mag-evaporate na siya sa harapan nito at huwag na ulit silang magpangita kahit sa kahuli-hulihang sandali ng buhay niya ay hihilingin talaga niya.

Kaya lang, sadya yatang inaasar siya ng tadhana. Maski kasi anong hiling niyang huwag na silang magkakita ni Gelo, parati pa ring nagsasanga ang mga landas nila! Tulad ngayon.

Sinong mag-aakala na ang isang hamak na si Jeanette Velez ay makakatuntong sa isa sa mga private floats ng Costa Galaxia?

“Sige, pagtawanan mo pa ako! Kabagan ka sana at mag-u-utot hanggang bukas!” angil ni Jeanette sa tawa ng tawang si Gelo.

Halos maluha na ito sa kakatawa dahil tila binabalik-balikan nito ang eksena kung saan naghuhurumentado siya at kung anu-ano pang inilalabas ng bibig niya.

But come to think of it, may dalawang malalim na dimples pala si Gelo na ngayon niya lang napansin. Siguro, dahil ngayon niya lang ito nakita na tumatawa ng wagas! Mas madalas kasi na salubong na kilay, lukot na gwapong mukha at kunot na noo ang imahe na nakikita niya rito. Ganoon pa man, mukha pa rin itong gwapo.

At lalo itong gumagwapo kapag gayong tumatawa ito at lumalabas ang mga dimples. Kaya niyang titigan lamang buong magdamag ang gwapong binata habang ganitong tumatawa ito. And she even likes the sound of his laughters. It seems like a beautiful melody to her ears…

ANGELO just met Jeanette a couple of days ago, pero heto sila, magkasama sa float at masayang naghaharutan sa observation capsule. It seems like they’ve known each other for such a long time. Para silang matagal nang magkakilala at ngayon lang muling nagpangita matapos ang napakahabang panahon.

Aaminin niyang nakakainis ang kadaldalan at kakulitan nito. Nakakainis rin na may gusto ito kay Quelvin. Pero ikanatutuwa niyang kasama niya si Jeanette ngayon. Inosenteng nakikipaglaro sa mga isda at lamang dagat at inosenteng tumatawa kasama niya. Kung maaari lang ay hindi muna niya ito ibabalik sa coastal area. He still wants to be with her. Mas gusto niya itong makasama kesa makainuman ang kanyang kaibigan. Minsan lang naman. Ni hindi niya alam kung mauulit pang magsanga muli ang mga landas nila dahil ayon nga rito, ayaw na siya nitong makita muli. Talagang makulit lang ang tadhana. Baka sa susunod, hindi na siya asarin ng tadhana at hindi na nito muling ilapit sa kanya si Jeanette.

Ah! Pwera nalang kung siya na ang gagawa ng paraan...

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.