GF Trilogy Chapter 26

TODO post si Ellery sa camera na si Kyle ang kumukuha ng larawan. Hindi na siya nito kailangan pang sabihan ng mga dapat at di dapat gawin. She knew how to make love with the camera. Iyon ang bagay na kailanman ay di magagawang lagpasan ng kahit na sinong modelo. Mahal na mahal siya ng kahit na sinong photographer dahil mag-effort man siya o hindi ay magiging maganda pa rin ang kalalabasan ng mga larawan niya at ng kahit na anong ini-endorso niya.

“Good take, Elle! Ikaw na talaga.” Malapad ang ngiting saad ni Kyle.

Last take na niya iyon dahil may ilan pang modelo na kukunan rin ng larawan para sa cover ng magazine. Siya at ang kapareha niyang si Rough ang inuna dahil syempre, espesyal siya! Nadamay lang sa pagiging espesyal ang Rough na ito. Medyo nape-preskuhan siya kay Rough. Isa rin itong sikat—sikat na male model. At sa tuwing magkakasama sila sa isang proyekto, ikinabubuwisit niyang parati itong dumidikit sa kanya. Alam naman niya kung ano ang nais nito. Gusto nitong makasalo sa popularity niya kaya’t nagpapaka-feeling close ito sa kanya. Oportunista!

“Good lang, Kyle?” nakasimangot na reklamo niya. “Ayoko ng good, gusto ko ako ang the best!”

“You really are the best.” Singit bigla ni Rough na nasa tabi pa rin niya.

Pinagtaasan niya ito ng kilay at pagkuway binalingan si Kyle.

“Mamamasyal lang ako sandali. May mga kukunan pa ba na sangkot ang kagandahan ko?”

Ngumiti at umiling si Kyle. “Kinunan ko na para hindi ka na maghihintay at magawa mo na ang gusto mo.”

“Good.”

Umalis na siya sa make-shift stage at hinablot sa kanyang bench ang kanyang wide brim fashion hat pati ang sunglass. Matapos iyong mai-fit ng maayos sa sarili ay naglakad na siya. Nang may marinig…

“Ms. Ellery!”

Nilingon niya ang tumatawag sa kanya. Kandakumahog na humahabol sa kanya si Sandy, bitbit ang nakabukang payong pati ang pamaypay at sarong. Napakunot-noo siya.

“Ellery nalang or Elle, since nagustuhan kita.” Ngumiti siya rito. Iyong ngiting puno ng senseridad. “Pwede kang mag-sideline sa akin ng trabaho maski nakabalik na si Ces bilang PA ko.” hayag niya. Nagliwanag ang mukha nito habang pinapayungan at pinapaypayan siya.

“Salamat Ms.—ah… Salamat Ellery.” Yumuko-yuko pa ito sa harapan niya na tulad ng mga Koreanang nagbibigay galang. “Gusto ko talagang nakakadikit ako sa idol ko!”

“Gusto ko nga palang sabihin sayo ang number one rule ko sa mga PA ko.”

“A-ano ‘yun, Ms….Ehh, Ellery?” Tila naiilang na tanong nito sa kanya.

Hindi na niya pinagtakahan iyon dahil maski si Ces noong bago pa lang niyang PA ay ilang na ilang siyang tawaging Ellery o Elle. Pinagagalitan niya iyon kapag dinadagdagan ng Ma’am o Miss ang pangalan niya samantalang wala namang ganoong nakalakip sa pangalan niya sa birth certificate niya.

“Bawal ang mailang sa akin. Kapag nailing ka, sesante ka na!”

“O-okay.” Ngumiti ito na may bahagya pa ring pag-aalinlangan.

Napabuntong-hininga siya pagkuway ngumiti. “Halika na nga. Gusto kong maglakad-lakad.”

Sumunod na sa kanya si Sandy. Habang naglalakad sila ay nagtanong siya ng ilang bagay patungkol rito na nakalimutan niyang itanong kaninang nasa photo shoot sila. Nalaman niyang ito pala ang ikinukwento sa kanya ni Ces na pinsan noon na die hard fan niya. Ikinalaki na naman iyon ng kanyang ego. Well. Kung tutuusin ay sanay na siyang makaharap ng mga taong walang kamatayan ang paglalahad ng pag-idolo sa kanya. Hindi naman niya masisisi ang mga iyon kung masyadong hinahangaan ang kanyang ganda.

Maski nga siya, kapag nakikita ang napakalaki niyang larawan sa bedroom ng kanyang condo ay di mapigilan ang sarili na humanga roon. Hindi rin niya akalain na mag-go-grow siya ng ganoon kaganda. Bata pa lamang siya ay kinakitaan na siya ng mga magulang ng talento sa pagmomodelo at pag-arte sa stage play nila. Highschool siya ng pakiusapan ng kanyang ninang ang kanyang mga magulang na imodelo sa fashion show event ng mga ito ang finale creation at iyon na ang naging simula ng kanyang career. Limitado lamang ang mga project na tinatanggap niya dahil nag-aaral pa siya. At nang maka-graduate ay saka lamang siya pinayagan ng mga magulang na mag-focus sa modeling.

Dahil sa nakamulatan niyang limitadong pagtanggap ng mga proyekto, pagkakaroon ng mataas na antas sa lipunan at mga kilalang mga magulang, mga nag-aagawang malalaking kompanya para maging modelo siya ng mga ito ay naging pilian na siya sa lahat ng proyekto magpahanggang ngayon. Kaya nga hindi siya gumagawa ng mga local movies. Naging pihikan na siya. At sino ba ang makasisisi sa kanya? Pang-international naman talaga ang kanyang kalibre.

“Alam mo, lahat ng mga ini-endorse mong beauty product, sinubukan ko. Kasi gusto ko ring makaamot maski one-percent ng kagandahan mo.”

Iyon ang nagpabalik kay Ellery sa kasalukuyan. Naglayag na naman ang kanyang utak sa ibang dimension.

Nginitian niya ito. “May mga tao lang kasing ipinanganak na sadyang maganda. Pero huwag kang mawawalan ng pag-asa dahil ang ganda mong iyan, may mai-improve pa. Malay mo, sa kagagamit mo ng mga beauty products na ini-endorse ko, maging kahelera na kita sa fashion event, isang araw.”

Nagningning ang mga mata ni Sandy sa malaking katuwaan dahil sa sinabi niya. Ngumiti rin siya rito. “Pangarap lang kita, Ellery. Pangarap lang kitang makaharap, pero ngayon—”

Napawi ang mga ngiti sa mga labi ni Ellery nang may mamataang kung sino mula sa di kalayuan. Papasakay iyon ng speed boat.

“Ang demonyong iyon!”

Mabilis na naglakad siya palapit sa lalaking pasakay ng speed boat. Naramdaman niya ang nagkukumahog sa paglapit na si Sandy.Hindi noon inaasahan na bigla nalang siyang mag-aalsa-balutan para puntahan ang kung sino.

“Hoy?!” sigaw niya para maagaw ang pansin ng walanghiya!

Pero sa malas, tiningnan lang siya noon at pinagtaasan ng kilay pagkuway sinenyasan ang mga kasama na umalis na. Bigla siyang naalarma.

“Hoy!!! Bwisit kang lalaki ka! Bumalik ka rito! Bayaran mo ang utang mo sa akin!” nagwawalang hiyaw niya sa papalayong speed boat!

Hinablot niya ang kanyang sunglass at ibinalibang sa mga iyon na para bang may mangyayari sa ginawa niya.

“Walanghiya ka! Bumalik ka rito!”

“Ellery, tama na. Baka may makakita sayo na nagwawala rito. Masisira ang image mo.” Saway sa kanya ni Sandy na tila hindi maunawaan kung papayungan at papaypayan siya o maghahanap ito ng tubig na maiinom.

Sa pagkarinig patungkol sa kasiraan ng kanyang career ay dagli niyang pinilit ang sarili na kumalma. Baka nga may maka-spot sa kanya at malaman nalang niyang nasa diyaryo siya at may nag-tsimis na naghahabol siya sa isang lalaki.

Napansin niya ang lalaking papalayo. Iyon ang kaninang namamayong sa hudas na lalaki at ang driver na bumunggo sa kotse niya. Sa pagkaalala sa nangyari kaninang umaga ay nabunton sa papalayong lalaki ang lahat ng pagngingitngit at hinagpis niya. Mabilis na hinabol niya iyon at hinablot sa kuwelyo.

“Ikaw! Saan pupunta ang boss mo? Bakit hindi pa niya binabayadan ang damage niyo sa akin?!” nanggigigil na tanong niya rito.

“Eh, Ma’am kasi po, sabi ni Sir Vincent, hindi daw namin kasalanan ang nangyari sa kotse niyo dahil kayo ang hindi maayos ang pagkaka-park ng kotse niyo.” Tila nag-aalala at gusto nang umiwas na saad ng driver.

“Ano?!” pahurumentadong sigaw niya sa mukha nito. “Ako?! Ako pa ang may kasalanan samantalang ako ang naaksidente ninyo?”

“Ma’am, kung gusto niyo po ay kayo nalang ni Sir Vincent ang mag-usap kapag nakabalik na siya galing sa float niya.”

Float? Ano ‘yun? McFloat?

“Kelan siya babalik? Saan ko siya matatagpuan at anong float ang sinasabi mo?” sunod-sunod na tanong niya.

“Sa Cluster one po si Sir Vincent unit 209. Siguro bukas ng umaga o mamayang gabi siya babalik dito sa coastal area. Kapag kasi nandito siya sa Costa Galaxia, doon siya naglalagi sa float niya.” Inginuso nito ang isang bagay na nasa malawak na karagatan.

Hindi niya gaanong makita ang tinutukoy nito dahil masyado iyong malayo. Binalingan niya si Sandy. “Ikuha mo ako ng telescope.”

“Po?” Hindi ito makapaniwalang bumaling sa kanya na para bang imposible ang hinihingi niya. Saan nga naman ito kukuha ng telescope sa mga sandaling iyon.

“Ikuha mo ako ng telescope.” Ulit niya.

“S-Sandali lang po.”

Waring aalis ito na hindi dahil bitbit nito ang payong. Sa katarantahan ay iniabot nito sa driver na kinukwelyuhan niya ang pamaypay at payong at inutusan iyong payungan at paypayan siya. Hindi nakapalag ang driver. Binitiwan naman niya ang kwelyo nito.

“Ano ba ‘yung float na sinasabi mo?” nagtatakang tanong niya habang hinihintay si Sandy.

Pinapayungan pa rin naman siya ng driver at hindi ito nagreklamo. Sino ba namang tangang lalaki ang magrereklamo na makalapit sa kanya. Dapat ay maging grateful pa ito na pinapayungan siya nito.

“Iyon po ay mga yate na may condo-like layout. May retractable submerge din po ang float para sa mga nais manood ng mga lamang dagat sa ilalim.”

“Retracktable submerge?” napa-igkas ang kilay niya at pilit inaaninag ang float na tinutukoy ng driver ng damuhong si Vincent. Doon nga papalapit ang speed boat noon. “Hindi ba delikado iyon? Paano kung may biglang lumabas na pating?”

“Wala pa naman po kaming nabalitaan na may naligaw na pating rito. Tsaka may mga coast guard na nagse-secure ng kaligtasan ng lahat.”

“Hmmm.”

Dumating si Sandy at hindi niya alam kung saan ito nagdelihensya ng telescope. Ang mahalaga ay may magagamit na siya ngayon. “Huwag ka munang umalis manong driver. Marami pa akong itatanong.” Sabi niya habang iniistima ang telescope na dala ni Sandy.

Nang maayos na niya iyong nagagamit ay napatunayan niyang mukhang interesante ang float na iyon. Kasalukuyan ng sumasampa si Vincent sa metal ladder paakyat sa yate o float o anumang tawag roon. Basta ang alam niya, sasakyang pandagat iyon.

At sa kabila ng inis niya kay Vincent, hindi niya pa rin mapigilan ang sarili na humanga sa kagwapuhan ng talipandas! Izinoom pa niya lalo ang telescope matapos mapansing nakabukas ang mga botones ng puting long sleeve polo nito na nakatupi hanggang siko. Pinakatitigan niya ang malapad at matatag nitong dibdib. Gusto niyang maglaway! Paanong naging ganoon kaakit-akit ang katawan ng walanghiyang lalaki?!

“Anong nakita mo Ellery?”

Ang boses ni Sandy ang muling humila sa katinuan niya pabalik sa coastal area. Tila kasi inaanod siya ng mga alon palapit sa nasa kalagitnaan ng karagatan na binata!

Ah hindi! Ang nakakaakit sa kanya ay ang float. Pabilog ang yari noon at kay gandang pagmasdan mula sa malayo.

Ibinaba na niya ang telescope na sinisilip at muling hinarap ang driver. “Paano mag-avail ng float na ganon?”

Tila nagulat ito sa kanyang out burst. Kung makatingin ito sa kanya, para bang isang himala ang hinihiling niya mula rito. “Tinatanong kita kung paano mag-avail ng float? At bakit ba hindi ko agad napansin iyan? Bakit hindi rin kasama sa mga ipino-promote sa mga advertisement ng Costa Galaxia?”

“Eh kasi Ma’am, para lang po iyon sa mga pioneer resident ng Costa Galaxia. Apat pa lang po ang merong float rito at sa pagkakaalam ko po, galing pa po iyon sa Italy. Hindi iyon ipinapakita sa mga advertisement kasi private sanctuary po iyon ng mga may-ari.” Paliwanag ng driver ni Vincent.

“Ganon?” nakaigkas ang kilay na tanong niya. “Apat pa lang pala. Pwes! Magpapakuha din ako sa Italy ng ganyang float at dadalhin ko rito para maging lima.”

“Hindi po ganoon kasimple, Ma’am. Kailangang ang management ng Costa Galaxia ang kausapin niyo. Pero palagay ko, hindi rin naman kayo pahihintulutan dahil hindi naman kayo pioneer resident o resident man lang rito. Kung gusto niyo, bumili nalang kayo ng resort niyo at doon niyo dalhin—”

Bigla ang ginawa niyang pagbaling sa bastos na driver na ito ni Vincent! How dare he to tell her she is not allowed to bring and owned a float?! “Hindi ko gusto ang tabas ng dila mo.” Gigil na sambit niya. “Sabihin mo sa amo mo, maniningil ako sa kanya bukas.”

Mabilis na tinalikuran niya ang nakakabwisit na driver! Manang-mana ito sa amo nitong walanghiya!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.