GF Trilogy Chapter 25

“HAYST! Bakit ba naman kasi ngayon pa nagkasakit si Jeph?!”

Nagpalinga-linga sa paligid si Ellery habang naghahanap ng maaaring pag-parking-an ng kanyang kotse. Nag-ferry na siya papunta sa Costa Galaxia para mabitbit ang pinakamamahal na kotse. Pinakamamahal talaga dahil sobrang mahal noon. Iyon ang limited edition na modelo ng sasakyan sa panahon ngayon at siya pa lamang yata ang meron noon sa bansa. Kaya nga ingat na ingat siyang magasgasan ang kanyang baby.

Kung bakit ba naman kasi kung kailan araw ng shooting niya sa pinakasikat na leisure community sa bansa saka pa sabay na nagkasakit ang kanyang manager at PA. Nakakasugat sa kanyang pride na darating siya sa lugar na iyon na walang kahit na sinong kasamang assistant. Magmumukha siyang loser!

Gayunpaman ay tumuloy na rin siya. Gusto niyang makita ang lugar. Sikat na sikat ang exclusive residential and leisure property na iyon. Sa pagkakaalam niya, isa iyong coastal area sa Batangas na may anim na libong ektarya ang laki at binubuo ng labindalawang cove. Dinevelop iyon ng isang bilyonaryong negosyante na Italyano. Thirty percent ng land area lang ang dinevelop para ma-preserve ang natural wealth ng lugar.

Ipinangalan ang labindalawang coves sa mga planeta at bituin sa Solar system. Hanggang doon lang ang alam niya at hindi na rin niya tinangkang pagkaabalahan ang kung ano mang history ng lugar. Marami na siyang napuntahang magagandang lugar at di siya naakit sa kahit na alinman roon kaya’t ini-expect na rin niya na ganoon din ang impact sa kanya ng Costa Galaxia though, nacu-curious din naman siya dahil pinag-uusapan iyon ng marami.

Guest lang siya roon at hindi pa niya napapag-isipang kumuha ng residential unit. Pero kapag nagustuhan niya ang lugar at naging mabait sa kanya ang mga tao roon ay bibili siya ng unit.

Isa pa lang ang pelikula na pinagbibidahan niya at international movie kaagad iyon. Iyon ay dahil hindi siya tumatanggap ng proyekto na pang local. Masyado lang talaga siyang pihikan sa pagpili ng proyekto. Ayaw niyang maka-trabaho ang mga insecure na kapwa nasa showbiz industry. Kung hindi man kasi siya pa-plastik-in ng mga iyon ay mapapaaway siya sa katarayan ng iba. Ang tipo niya ang hindi nagpapatalo lalo pa’t alam niyang may ibubuga din naman siya.

Kaya naman, mas pinili niya na kung gagawa ng pelikula, iyon ay dapat na pang international. Mga international actors and actresses ang mga makakasama niya. That way, mga ka-level niya at hindi mga insecure artist ang mga makakasama niya.

At sa unang pelikula niya na ilalabas sa susunod na buwan ay masasabi niyang nag-enjoy siya ng sobra na makatrabaho ang buong cast ng pelikula. Hindi siya nanliit sa mga naglalakihang artista na kasama dahil hindi pahuhuli ang kalibre niya.

Ilang taon na ba siya sa showbiz industry? Twelve years. High school pa lamang ay kilala na siya sa mundo ng fashion. Dangan at hindi naman niya iyon sineseryoso hanggang sa tumuntong siya sa huling taon niya sa kolehiyo.

Mga international fashion designers ang nakikiusap na imodelo niya ang mga creation ng mga iyon. Mga naglalakihang kompanya ng mga beauty products ang naninikluhod na ipresenta niya ang kompanya ng mga ito. Lahat kasi ng commercial at endorsement niya, agad na nagiging mabenta kapag siya ang nagmomodelo. Ganoon din ang iba pang mga produkto ng iba’t-ibang kompanya. Kapag lumabas na ang mukha niya at kinatawan niya ang isang produkto, tumatabo ang sales noon.

Itinuturing siyang napapanahong pinakasikat na personalidad sa bansa maski pa nga, wala pa siyang local film na ginawa at puro mga endorsement at modeling lang ang kinasasangkutan niya. The press knew why. Hindi siya basta tumatanggap ng proyekto kung hindi niya gusto ang mga makakasama. At kadalasan na hindi niya gusto ang mga makakatrabaho sa proyektong ibinibigay sa kanya. Bukod roon, hindi afford ng mga producers ang talent fee niya.

Kaya naman, ngayong narito na siya sa pamosong Costa Galaxia at wala ni isang kasamang alalay, parang nakakainis isiping may mga foreigner na makakita at makakilala sa kanya.

Ah, napagdesisyunan nga pala niyang magkukunwaring nasa bakasyon kaya’t walang kasamang alalay at manager. Kapag hindi dumating ang ini-recruit ni Ces na hahalili ritong PA ay hindi na siya tutuloy sa shooting at maglalamyerda nalang sa lugar. Iniwan niya ang isang invitation galing sa administration office ng Costa Galaxia para makasunod ng walang hussle ang substitute ni Ces. Hindi kasi maaaring pumasok ang isang guest kung wala iyong invitation galing sa mga resident o sa administration.

Naroon siya sa Costa Galaxia para sa photo shoot ng isang magazine na siya ang lead model. Pero kung ganitong mga palpak ang kanyang team, baka mauwi nalang siya sa pagbabakasyon. Bahala nang magwala si Direct, unless mag-provide ito ng mga taong mag-aasikaso sa kanya.

“Ano ba?! Bakit wala ng parking space? Ano ba namang lugar ito? Bakit hindi sila nagre-reserve ng parking area para sa mga VIP na tulad ko?!” Naiinis na reklamo ni Ellery.

Nasa parking area siya ng Sands Hotel two. Wala na din kasing parking space sa Sands Hotel one na una niyang pinuntahan. Nag-drive siya palabas at nagpunta sa parking space ng kasunod na cluster building. Medyo malayo-layo iyon pero mas malawak ang parking space. Doon nalang siya mag-pa-park saka babalik sa Sands Hotel kung saan siya may room reservation. Bwisit kasing mga tauhan niya, iniwan siya sa ere?!

Pero di bale na, kaya naman niyang mag-isa. Mabuti nga iyong maranasan niyang kumilos para sa sarili. Buong buhay kasi niya, nakapaligid ang mga taong nagsisilbi sa kanya maski sa kaliit-liitang bagay. Dalawa lang silang magkapatid at siya ang bunso at babae pa, natural lang iyon na maging prinsesa siya ng pamilya.

Saglit pa at naka-park na ang baby ni Ellery. Napangiti siya sa sarili. First time niyang nai-park ang kanyang sasakyan na siya ang gumawa. At isang maipagmamalaking achievement na iyon. Ang nagda-drive kasi para sa kanya noon ay si Ces. Kung hindi lamang biglaan na nagkabulutong ito ay ipina-cancel na niya ng mas maaga ang photo shoot.

Pababa na si Ellery ng biglang umuga ng malakas ang kanyang sinasakyan. Naramdaman niyang may bumundol sa likurang bahagi ng kanyang kotse.

“Ano ‘yun?” Nanlaki ang mga mata niya. “Huh?! Ang baby ko!”

Dali-daling bumaba si Ellery para siguraduhing mali ang kanyang hinala. Gayun nalang ang paghuhurumentado niya matapos makitang napingki ang bumper sa hulihan at may malaking gasgas sa hulihang tagiliran ng kanyang kotse. Napatingin siya sa sasakyang kakarating pa lamang at malamang na bumangga sa kanyang baby.

“You! How dare you?!” nanggigigil niyang singhal sa nakababa na at kakamot-kamot sa batok na driver ng itim na kotse.

“Alam mo ba kung gaano kamahal ang kotse kong ito? Wala nito sa bansa. Nag-iisa lang ito! Limited edition ito baka akala—”

“Hindi kasalanan ng driver ko na mabunggo ang kotse mo. Ikaw itong lousy kung mag-park. Nakalabas pa sa drive way ang hulihan ng kotse mo. Sana, iniayos mo iyan para hindi nasasabitan.”

Nabubwisit na bumaling si Ellery sa nagsalita. Nasa back seat ang magaling na lalaki. Nakababa ng kalahati ang bintana ng kotse nito, gayunman, kitang-kita at kabisadong-kabisado niya ang hitsura nito. Lalong-lalo na ang matitiim kung tumingin na mga mata ng lalaki.

And wait… he looks familiar ha?

Ah, baka nakita na niya ito somewhere. Sa dami na ba naman ng lugar na napuntahan niya, hindi na nakakapanibago kung may makilala siya na kahawig ng lalaking ito. Dahil kung nagkakilala na nga sila, dapat ay kilala siya nito.

Teka, kahit naman hindi pa niya nakakadapara-palad basta’t taga Pilipinas ay dapat na kilala siya. Madalas siya sa mga commercials. Ni hindi man lang ba siya nito namukhaan?

“Aba’t? Ako pa ang may kasalanan? Gaano na ba katagal nagda-drive itong driver mo? Dapat, natantya niya kung sasabit ang sinasakyan niyo sa sasakyan ko?!” nanggigigil namang katwiran niya.

Aminado siyang hindi siya gaanong magaling sa pagda-drive at iyon ang una niyang beses na makapag-park ng kotse. Pero kahit paano naman ay may alam siya pagdating sa bagay na iyon.

“As you can see, hindi masyadong maluwang at pang-one way lang ang drive way. Kabago-bago lang naming inilalabas ang sasakyan mula sa parking space namin para makaalis ng parking area. At habang inililiko ang kotse, hindi gaanong mapapansin kung may masasabitan ba.” Tila nabubuwisit na ring paliwanag ng damuhong lalaki! Sa kabila ng inis niya sa makatwiran nitong diga sa kanya ay di pa rin nakaligtas sa kanyang mga paningin kung gaano ito kagwapo habang inaanalisa ang pagmumukha nito. Kailangan niya itong matandaan para kung sakaling kailanganin niyang mag-reklamo sa administration office ay maidi-discribe niya kung gaano ito… kagwapo… “Isa pa, nasanay na kaming mga residente rito ng proper parking ng mga sasakyan ng mga residente… teka, residente ka ba talaga dito? Bakit parang ngayon lang kita nakita?”

Biglang nataranta si Ellery! Kung ganoon pala ay parking area lamang iyon para sa mga residente ng cluster building na iyon?! Bawal ang guest ng hotel?

“O-Oo, residente ako dito!” mataray na pagsisinungaling niya.

“Talaga? Saan ang unit mo?” nakangising tanong nito. Tila ba hindi naniniwala ang demonyo!

“Bakit ko naman sasabihin sayo?” pilit niyang itinatago sa pagtataray ang kanyang kaba. Palagay niya ay gusto lang nitong hulihin kung nagsasabi ba siya ng totoo. “At teka nga! Bakit mo ba inilalayo ang usapan?! Bayaran niyo ang damage ng sasakyan ko! Mahal ang pagpapaayos niyan!”

“Ellery!”

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses. Si Kyle iyon bitbit ang helmet nito, nakasabit naman sa leeg ang professional camera at naglalakad palapit sa kanya. Malamang sa hindi na dala na naman nito ang superbike nito papunta sa lugar. Si Kyle ang photographer ng photoshoot na iyon at isa ito sa pinakamagagaling na photographer, hindi lamang sa bansa kundi maging sa iba pang kontenente.

Ngayon ay mayroon na siyang kakampi!

“Anong ginagawa mo dito? Hindi ba sinabi sayo ng manager mo na sa Sands Hotel one ka may room reservation? Nasaan na nga pala ang manager at PA mo—”

Naitakip niyang bigla ang isang kamay sa bibig ni Kyle. Ngali-ngali niyang lamasin ang bunganga ng magaling na lalaki. Akala pa naman niya ay nakakuha siya ng kakampi sa katauhan nito subalit kabaligtaran ang nangyari. Pakiramdam niya, kung kailan nakakaahon na siya sa kumunoy ng kahihiyan ay saka pa siya nito tinadyakan pabalik.

Alanganing napatingin siya sa demonyong lalaki na nasa loob ng sasakyan. Para itong si Satanas kung makangisi. Paano ba naman, nagtagumpay itong mapahiya siya sa harapan nito.

“So, you’re a resident here, pala huh?” sarkastikong saad pa nito.

Inalis ni Kyle ang isang kamay niyang nakatakip sa bibig nito at saka bumaling sa lalaking nasa kotse. “No, Sir. She’s a guess. I mean, ‘we’. Naligaw lang yata siya ng lugar na—”

“Shut the hell up, Kyle!” sigaw niya sa binata. “Ikaw? Hindi mo ba ako kilala ha?! Bayadan mo ang damage ng sasakyan ko, kundi ay magdedemanda ako! Bayadan mo! Ano? Ha? Titingnan mo lang ako? Ah… Baka naman iniisip mo kung saan mo nakita ang magandang mukhang ito. Sige lang, pakatitigan mo lang ako nang makapagbayad ka ng triple sa na-damage mo.”

Ngumisi na naman ito at sa pagngingitngit niya ay napansin niya kung gaano kalaking puntos ang idinagdag ng pagngisi nito sa kagwapuhan ng damuho. Parang nais nalang niyang mapatanga habang pinagmamasdan ang kagwapuhan sa kanyang harapan. Hindi niya rin maunawaan kung bakit nagkakabuhol-buhol ang iba’t-ibang damdamin sa kanyang dibdib. Para iyong tinatadyakan ng libu-libong kabayo hanggang sa magpatikaran ang mga iyon.

No!

Ano bang ginagawa ng mga brain cells niya? Pati ang dibdib niya’y nakikigulo pa. Sa labis na pagkairita sa sariling damdamin, umakma siyang dadaluhungin ang nakabukas na bintana ng sasakyan.

Hindi siya sanay na mapahiya at kapag ganitong napapahiya siya, nagiging dragon siya!

“Elle, wait! ‘Wag kang mag-eskandalo dito. Baka ma-ban ang project natin dito sa Costa Galaxia!” pag-awat ni Kyle sa kanya.

Hinawakan siya ni Kyle para mailayo sa kotse ni Satanas at pagkuway isinaklob sa ulo niya ang helmet habang abu’t-abot ang paghingi nito ng pasensiya sa demonyong sumira sa ganda ng kanyang pinakamamahal na sasakyan!

Aalisin sana niya ang helmet na isinaklob sa kanya ni Kyle habang hinihila siya palayo sa lugar na iyon nang pigilan siya nito.

“Huwag mong alisin.” Saway nito. “Gusto mo bang may makakita kay Ellery Mendrez na nagwawala sa parking area ng cluster one sa Costa Galaxia? Mapapahiya ka.”

Bigla siyang natauhan. Tama si Kyle. Madadagdagan ang kahihiyang inabot niya sa araw na iyon. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili at pero hindi ibigsabihin noon na nakalimutan na niya ang atraso sa kanya ni Satanas!

Lumingon siya sa pinanggalingan at nakitang umaandar na paalis ang kotse ng demonyo. Nanlumo siya matapos maalala ang malaking pinsala ng kanyang baby.

“Paano ang mga gamit ko? At ang baby ko? Kailangan maayos agad siya. Ayokong may makakita na pangit ang baby ko!”

Gusto na naman niyang maghisterikal! Hindi niya matanggap na nagasgasan ang kanyang kotse!

“Ako na ang bahala. May tatawagan akong pwedeng kumuha ng kotse mo at magbitbit ng mga gamit mo papunta sa hotel room mo.”

Maski papaano ay kumalma na siya sa sinabing iyon ni Kyle.

Mabait sa kanya ang binata. Palagi itong nasa tabi niya anumang oras na kailanganin niya. Wala siyang hininging pabor na hindi nito pinagbigyan kahit pa nga hindi na mabilang kung gaano karaming beses na binigo niya ang binata. College pa lamang sila ay nagtapat na ito sa kanya ng damdamin at dahil wala sa tipo niya ang magpaasa ay mabilis na binasted niya si Kyle. Hanggang pagtinging kaibigan lamang ang kaya niyang ibigay rito. Hindi rin naman niya kayang lokohin ang sarili at subukang makipagrelasyon rito. Mas masasaktan niya ito kung ganoong pipilitin niya ang sarili.

Gayunpaman, hindi natinag si Kyle sa pagpapakita kung gaano siya nito kamahal at kahit anong mangyari ay hindi siya nito susukuan.

Napabuntong-hininga siya. Kailan kaya ito matatauhan? Hindi niya ito intensyong saktan, pero sa ginagawa nitong paglapit at patuloy na pag-asa maski pinapatay na niya ang pag-asa nito, mas lalo lang itong masasaktan.

“BAKIT walang pumapansin sa akin sa lugar na ito? Walang nagpapa-autograph?” nagtatakang sambit ni Ellery.

Hinubad niya ang sunglass habang nakaupo sa bench na naroroon sa beach front ng Sun Cove. Maya-maya lamang ay magsisimula na ang photo shoot nila. Mabuti nalang talaga at nakasunod kaagad ang substitute ni Ces, kundi ay talagang ipapa-cancel niya ang shooting. Makailang beses nang tumawag ang manager niyang si Jeph na kahit may trangkaso at dapat na nagpapahinga, hayun at nangangarag magtanong kung nakarating ba siya ng maayos sa Costa Galaxia. Alam nito na hindi niya kayang kumilos mag-isa at nasanay siya na naroon ito parati sa tabi niya para asikasuhin siya, maliban nalang kung paglalakwatsa ang aatupagin niya.

“Baka po hindi nila kayo kilala, Ms. Ellery.” Narinig niya ang tuwirang komento ni Sandy, ito ang substitute PA niya.

Naiinis na binalingan niya ito. Agad naman itong nataranta sa reaksyon niya.

“Anong hindi nila ako kilala? Hindi nila kilala si Ellery Mendrez?! Sikat ako!” Pahurumentadong angil niya rito. Imposibleng mangyari na di siya makilala ng kahit na sino!

Kilala ang mga magulang niya, saan mang panig ng mundo. Kilala na siya noong teenager pa lamang siya. Kilala siya sa buong bansa at sa estado ng pamumuhay niya, imposible talagang walang makakilala sa kanya. Kaya nga naging over-confident siya—dahil sa estado ng pamumuhay at sa koneksyon ng pamilya niya, idagdag pa ang kasikatan niya bilang may pinakamagandang mukha sa buong Pilipinas.

Nagtatayugan ang mga billboard niya sa iba’t-ibang ads sa mga buildings. Nagkalat ang mga posters niya sa iba’t-ibang lugar na kahit ilang taon na niyang nai-endorso ang produkto ay hindi pa din ialis dahil mas may pakinabang ang marketing ads niya kesa ibang modelo ng mga iyon. Kaya paanong hindi siya makikilala ng mga iyon? Dahil ba sa pribadong lugar iyon? Pero maski na! Wala ba silang TV o kahit internet connection man lamang?

May international film na din siya na kasali sa International Film Festival. Ilang mga sikat na magazine na parati siyang nafe-feature at sa lahat ng issue na ilalabas ay di maaaring hindi siya maibibilang. Itong photo shoot nila ngayon, para ito sa sikat na sikat na magazine sa bansa—ang The Giants! Kaya’t paanong walang makakakilala sa kanya?

“O-Oo nga po. A-Ang ibig k-ko pong sabihin, baka hindi nila agad kayo nakilala kasi sobrang ganda niyo, Ms. Ellery.” Kandakumahog na bawi ni Sandy.

Maski papaano ay kinagat na din niya ang sinabi nito maski hilaw ang kanyang paniniwala sa katapatan nito. At paano bang mangyayari na hindi siya makikilala ng mga nasa Costa Galaxia? Nasa iisa silang planeta, iisang bansa! At kilala siya sa buong bansa. Napakadami niyang endorsement.

“Ah, hello po!” Napabaling si Ellery sa nagsalita sa kanyang tabi. Tatlong teenager iyon na may bitbit na papel. Ang isa ay T-shirt na may mukha niya.

“Yes?” Nginitian niya ang mga ito. Mukhang nahuhulaan na niya ang nais ng mga ito

“Ikaw po si Ms. Ellery Mendrez di po ba?”

Nang tumango siya ay tila kinikilig na paimpit na tumili ang tatlo. Ito ang totoong inaasahan niyang mukha ng lugar. Ang mga kabataang tumitili at umiidolo sa kanya. Sigurado siyang kaya lumalapit ang mga ito ay para magpa-picture at magpa-autograph sa kanya. Paano ‘yan? Hindi pa siya nakakapag-make up!

‘Pretty pa ba ang face ko? Wala na yatang blush on ang mga cheeks ko!’

“Sabi ko na nga ba’t ikaw po iyan!”

“Ang ganda-ganda mo talaga lalo na sa personal! Ang kinis-kinis!”

“Ano po bang sekreto ng kagandahan niyo?”

Napangiti siya ng may pagmamalaki.

“Pwede po kaming magpa-autograph?”

“Pa-picture na din po kami!”

Tila excited at giliw na giliw ang mga ito. Ngumiti naman siya ng malapad. Lalong nadagdagan ang kumpiyansa niya sa sarili.

“Sure, sure! Teka, wala pa akong make-up eh.”

“Okay lang po iyan. Super ganda mo pa din naman!” sabi ng isa sa tatlong dalagita na agad na sinegundahan ng dalawa.

“O sige. Akina. Picture tayo after.”

Mabilis na pinirmahan niya ang mga hawak ng mga ito na picture naman pala niya ang naka-plaster, pati na rin ang t-shirt. Nag-selfie sila pagkatapos. Na-enjoy niya iyon. Sa tuwing dudumugin siya ng mga teenagers na umiidolo sa kanya, lalong nabo-boost ang confidence niya. Marami din naman ang naiinis sa kanya dahil masyado daw siyang mayabang. Pero ano bang magagawa niya samantalang ipinapakita lang naman niya sa mga fans niya kung ano ang nararamdaman at iniisip niya? Hindi naman siya nagmamayabang dahil hindi niya kasalanan kung nasalo niyang lahat ang kagandahang biyaya ng panginoon sa mga diosang tulad niya.

Ilang sandali pa at isa-isa nang naglalapitan ang mga taong naka-recognize sa kanya. Siguro ay nahihiya lamang lumapit ang mga fans niya at nang may maunang sumubok ay saka nagsuno-sunod ang mga iyon. Unti-unti na siyang pinagkakaguluhan hanggang sa awatin na ng security ang mga fans niya.

“Pasensiya na ho. Mamaya nalang kayo magpapicture at magpa-autograph. Magtatrabaho na sila.” Narinig niyang saad ng mga security na humahawi sa mga tao.

Nagkanya-kanyang layo ang mga tao pero batid niyang pinagmamasdan pa rin siya ng mga iyon.

Malapad ang ngiting binalingan niya si Sandy. “Sabi ko sayo eh. Sikat ako.” Puno ng kumpiyansa sa sariling saad niya.

“O-oo nga po. Pwedeng ako din po, magpa-autograph?” Tila nahihiyang saad nito.

“Kumuha ka nalang ng panyo at ipahid mo sa katawan ko. Remembrance mo na iyon galing sa akin.”

“Ano ka, poon?” komento ng isa pang modelo na nasa kabilang bench at nagpapa-make up sa PA nito, si Chary.

Ito ang isa sa mga rival model niya at isa rin sa maraming insecure sa mundo ng showbiz.

Ngumiti siya rito, isang ngiting nang-aasar. “Naiinggit ka lang kasi ako, dinudumog, ikaw hindi!”

Nakita niyang tumalim ang mga mata nito dahil sa pagkapahiya. Nginitian naman niya itong muli saka binalingan si Sandy.

“Make up-pan mo na ako. Mamaya lang, hahanapin na ni direct ang pinakamaganda. Magagalit iyon kapag hindi pa ako naka-ready.” Pagkuway kinindatan niya ito.

Napangiti naman bigla si Sandy. “Kaya naman idol kita, Ms. Ellery.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.