“Sino ang ide-date ninyo sa darating na charity ball ni Mama?” tanong ni Alonzo habang nasa acupuncture session ang grupo nila sa bahay nila Ryuji. Mula sa angkan ng politicians si Alonzo kaya naman madalas mag-hold ng charity ball ang mama nito. At di maaring mawala ang barkada nila.
“Of course, it’s Arize,” sagot agad ni Nikos. Dating eternal playboy pero ngayon ay eternally loyal na sa nobyang si Arizona. Oras daw kasi na nahuli itong magtaksil ng nobya o kahit tumingin sa ibang babae ay tatadtarin ito nang pino.
“Hindi ko pa sigurado sa akin. Titingnan ko pa,” bulong ni Wyndham.
“Saan? Sa phone book mo?” Tuwing magde-date ito lagi na lang itong namomoroblema kung sino ang ide-date sa dami ng mga babae nito. “Why don’t I ask my team to develop a special software just for you? Iyong pwede mong mai-electronic raffle ang lahat ng babae mo,” kantiyaw ni Ryuji.
“Offer it to Andreas as well,” sabi niyang di maitago ang ngiti.
“No, thanks! I am more organized than Wyndham. Alam ko kung sinong dapat I-date depende sa okasyon,” kampanteng sabi ni Andreas. Tulad ni Wyndham ay wala pa rin itong planong magseryoso sa relasyon.
“Ikaw, sino naman ang ide-date mo, Ryu?” tanong ni Wyndham.
“Siyempre si Ayumi.”
“Kapatid mo?” bulalas ni Nikos at umugong ang tawanan. Wala silang pakialam kahit na tadtad sila ng maliliit na karayom sa katawan.
“I am trying to present her to the polite society!” depensa ni Ryuji. “Mas gusto pa niyang manood ng anime, maglaro ng computer games at tilian ang kung sinu-sinong Asian superstars. Gusto ko nang mag-mature siya.”
He could imagine Ryuji’s little sister, Ayumi. She looked like a pretty tame and fragile Japanese doll. Pero batang isip pa nga ito. Hindi daw ito makikipag-date kung di lang din naman kahawig ni Uchiha Sasuke o ni Yu-Gi-Oh.
“Enough of being a responsible brother, Ryu,” Andreas adviced. “Bibigyan na lang kita ng babae kung wala kang mahanap.” Ryuji only murmured in protest.
“Oo nga naman, Ryuji. Hayaan mo si Ayumi sa gusto niya. Eventually, magma-mature din siya. Mare-realize din niya iyon,” sabi niya.
“How about you, Marc?” Alonzo asked with his eyes closed.
“Hindi ko pa sinasabi kay Reese pero sa palagay ko naman sasama siya. Hindi lang kami masyadong magtatagal dahil may important protest rally siya na iko-cover kinabukasan. I have to take her home right away.”
“You are really serious with her, man! You’ve been dating her for almost three weeks now. At di ka pa tumitingin sa ibang babae,” puna ni Nikos.
“Ang sabihin mo, di siya halos kumukurap kapag magkasama sila,” dagdag pa ni Andreas. “Dapat lang siguro na seryosohin mo siya.”
“Realmente debe ser amor. Usted está entre sí enamorado,” Alonzo murmured almost to his self. Saka lang nito na-realize na nag-Spanish ito at idinilat ang mata. “It must be really love. You are in love with each other.”
“Hindi ko pa naman siya girlfriend,” nanlulumo niyang usal.
“Kasi hindi mo pa sinasabi kung ano ang nararamdaman mo sa kanya,” sabi ni Ryuji. “Nasaan na ang Marcoe na kakilala namin na mabilis sa mga girls?”
“I want to take things slowly with Reese. Hindi ko naman siya minamadali. Mas gusto ko na sure kami sa feelings namin sa isa’t isa bago kami pumasok sa totoong relasyon.” Bahagya siyang ngumiti. He didn’t mind even if Reese was not officially his girlfriend yet. Masaya na siya kapag magkasama sila.
Marami silang interes na pareho ni Reese. Marami rin silang pinagtatalunan. She was intelligent. Di sila mauubusan ng topic na pag-uusapan kapag nagtatalo sila. Hindi ito naiilang sa mga sensitive na topic. She was open from vulnerable subject of religion, politics and even sex. Open minded ito sa kahit anong usapin. Dahil na rin siguro lumaki ito at nabubuhay sa mundo na karamihan ay lalaki. Di ito katulad ng ibang babae na ang gusto lang ay makipagtalo. She listened.
But there was still so much innocence in her. And it was refreshing.
“Wala naman kayong date ni Reese ngayon at bukas, di ba?” tanong ni Andreas. “Let’s play lacrosse tomorrow. Matagal na rin tayong di lumalabas.”
“Pass muna ako, guys. Kailangan kong umuwi nang maaga,” sabi niya.
“Teka, anong nakain mo at uuwi ka agad? Matutulog ka? Samantalang ikaw nga itong matatag sa puyatan sa atin,” gulat na sabi ni Nikos.
“Hindi ba ninyo alam? Lagi niyang ipinagluluto ng lunch si Reese at pinababaunan araw-araw,” kwento ni Ryuji. “Last week lang nagpaturo pa siyang magluto ng sushi kay Ayumi para gawan ng bento lunchbox si Reese.”
“Dio! Hinding-hindi ko ipagluluto ang isang babae!” sabi ni Andreas. “Siguro ibibili ko siya ng restaurant pero di ko siya ipagluluto araw-araw.”
“Kung tutuusin maliit na bagay lang ito kumpara sa nagawa ni Reese sa akin. She made me a better man,” nakangiti niyang wika at wala nang nakakontra sa sinuman sa mga ito. Because each one of them would love to find a girl like Reese who made him change for the better.
“ANO iyan?” tanong ni Erik nang maabutang kumakain si Reese sa opisina.
“Shrimp rolls in tomato mousse,” sagot niya. Katatapos lang ng coverage niya kaya sinamantala niyang kumain.
Tumikim ito. “Aba! Masarap nga. Ikaw ba ang nagluto?” He patted her head. “Mabuti naman at natuto ka na sa wakas.”
“Hindi po ako ang may luto nito. Pabaon lang sa akin ni Marcoe.” Halos araw-araw ay ito na ang nagluluto ng lunch niya. Kung di siya nito sinasadya ay opisina o sa condo ay ipinapadala nito sa assistant nito. Sinisiguro nitong di siya magugutom.
“Talaga? Si Marcoe ang nagluto nito?” di makapaniwala niyang usal. “Hanga naman ako sa boyfriend mo. Samantalang mahigit twenty years na kaming kasal ng misis ko, ni minsan hindi ko pa siya naipagluluto.”
Siniko niya ito. “Ipagluto mo naman si Ninang, Dad. Do you know that it is better than diamond ring? Pakiramdam namin magandang-maganda kami kapag ipinagluluto kami ng lalaki.” Habang sumusubo nga siya ng niluto ni Marcoe, pakiramdam niya ay tatalbugan niya ang kahit sinong beauty queen.
Humalukipkip ito. “Ikaw ba naipagluto mo na siya?”
“I care for him. Gusto kong mabuhay pa siya nang matagal.”
Humalakhak ito. “Kitchen nightmare ka nga siguro. Teka, di ba magla-lunch ka kasama ang Papa at kuya mo? Bakit kumakain ka pa?”
“Para sa akin masarap pa rin ang luto ni Marcoe. Saka sayang naman kung hindi ko kakainin. Pinaghirapan niya ito para sa akin.” Ayon sa mga kaibigan nito ay gumigising si Marcoe nang maaga para lang ipagluto siya.
“Anong ginagawa ko? Ibigay mo na lang sa akin.”
“Naku, Dad! Hindi pwede kasi baka magayuma ka.”
Natitiyak niyang tuluyan na siyang nagayuma ni Marcoe. Nakapagkit na kasi ito sa utak niya. Kahit sa pagtulog niya pumapasok ito sa panaginip niya. Parang hinahalikan siya nito kapag natitikman niya ang luto nito.
“Mamaya ka na mag-day dream kay Prince Marcoe, princess. Male-late ka na sa date ninyo ng Papa mo. Baka masermunan ka pa.”
Eksaktong alas dose nang dumating siya sa La Brissa Hotel. Pero nauna pa rin sa kanya ang kuya niya at papa niya. “Hi, Pa!” aniya at humalik sa pisngi ni Rodrigo. “Kumusta ang gisahan sa Kongreso, Kuya?”