Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 101

NANG magising si Phoenix kinabukasan ay mag-isa siya sa kama. Mugto pa ang mata niya dahil sa pag-iyak nang nakaraang gabi. Nakatulugan na niya ang pag-iyak pero di pa rin bumabalik si Vance sa kuwarto nila. Nang tingnan niya ang bakanteng bahagi ng kama niya ay hindi man lang iyon nagalaw o nagusot.

Bumagsak ang puso niya. So much for their honeymoon. Mukhang hindi natulog doon si Vance. Saan naman kaya ito nagpunta? Magdamag na nagtrabaho? O baka naman lumabas ito at nakipag-flirt sa ibang babae.

Pinalis niya iyon sa isipan niya. She felt bad already. Ayaw na niyang dagdagan pa. Sayang lang ang pagsuot-suot niya ng sexy lingerie. Ni hindi man lang naapektuhan si Vance. O baka naman mukha na siyang mataba dahil sa pagbubuntis niya kaya di na nito maatim na patulan pa siya.

Umungol siya at tinalukbungan ang sarili ng kumot. Parang ayaw na lang niyang lumabas. Malamang ay pinagtatawanan siya ni Vance. Sinabi niya noon na ayaw na niya dito. At ngayong nagpapakita siya ng motibo ay parang sinampal siya nito nang tanggihan nito.

Pwede bang maghapon na lang siyang huwag lumabas ng kuwarto? Parang di niya kayang harapin si Vance o ang ibang tao. It was supposed to be a honeymoon. Pero mag-isa siya sa kuwarto niya at di siya tinabihan ng asawa niya sa gabi ng honeymoon nila. Ang asawa na kahit na napilitan lang siyang pakasalan ay mahal niya at pinagnanasaan niya pero walang interes sa kanya. She was so pathetic.

Masaya ba si Vance sa napakababang pagtrato nito sa kanya? Ipinapakita ba nito kung ano ang magiging role niya sa kasal na iyon? Isang masunuring asawa na nakadepende dito, isang ina sa anak nito at palamuti para magamit nito sa transaksiyon nito at mapabuti ang imahe nito bilang stable na namamahala ng Villaviray Construction. But that was it. Love was not part of the equation. Not even passion.

May kumatok sa pinto kasunod ang pagbukas nito. “Phoenix, are you awake?”

Umungol siya sa ilalim ng kumot at dahan-dahang ibinaba iyon. Nakatayo si Vance sa may pinto at hawak na tray ng pagkain. He looked fresh in white sando and chino pants. Wala sa itsura nito ang kinulang sa tulog o nabalisa.

She felt awful. Napakaguwapo nito nang umagang iyon. Habang siya naman ay malamang mukhang sabukot at namamaga ang mata. Napaka-unfair talaga ng buhay. Ito ang nagpahirap sa kalooban niya pero parang malayo sa itsura nito ang nakokonsensiya.

Tumayo ito sa tabi ng kama at ngumiti. “Good morning.”

Napilitan siyang bumangon. “Morning.”

“Did you sleep well?” tanong nito at lumapit sa kanya. “Breakfast in bed for you.”

Nang ngumiti si Vance ay naglaho ang galit sa hangal niyang puso. Pumitlag ang puso niya. Inaalala pa rin siya ni Vance. Pinagsisilbihan pa rin siya nito. Her heart melted. Paano naman siya magtatagal na magalit kung gumagawa ito ng ganito ka-sweet na gesture? Ano ngayon kundi siya nito tinabihan kagabi at napurnada ang honeymoon night nila? Baka naman importante lang talaga ang trabaho nito. Kailangan lang niyang intindihin. Ang mahalaga naman sa kanya ay makakabawi ito ngayon.

Bubuka sana ang bibig niya para magpasalamat nang may pumasok na matapang na amoy sa ilong niya. “Ugh!” Mabilis niyang natutop ang bibig niya at pinigilan ang paghinga. “Anong amoy iyon?” tanong niya.

“Umorder ako ng breakfast natin. May sinangag, daing na bangus na maraming bawang, may Salisbury steak din at…” At akmang ilalapag ang tray ng pagkain sa harap niya.

Hindi na niya hinintay pang matapos ang pag-iisa-isa nito sa laman ng tray. Pinalis niya agad ang kumot at tumakbo sa restroom. Dumukwang siya sa toilet bowl at dumuwal. Nagsuka siya nang nagsuka hanggang pakiramdam niya ay lalabas na pati ang bituka niya at iba pang lamang-loob. It was not a good feeling. Pakiramdam niya ay mamamatay siya nang mga oras na iyon. Ayaw niya ng amoy ng bawang. Ayaw niya ng amoy ng pagkaing in-order nito.

Kinatok ni Vance ang pinto. “Phoenix, open the door. Ano bang nangyayari sa iyo?”

Hindi niya ito sinagot. Patuloy lang siya sa pagduwal. Ilang araw na siyang walang morning sickness pero inatake na naman siya. Nananadya ba si Vance? Gusto ba talaga siya nitong pahirapan? Noon pa niya sinabi na ayaw niya sa pagkain na may bawang o amoy bawang o kaya ay maraming spices. O sinadya lang nito para maging miserable ang buhay niya?

“May sakit ka? Kailangan mo ba ng doktor?” anito at mas naging mabigat ang mga katok nito. “Open the damn door or at least answer me. Kundi pupwersahin kong buksan ito.”

“Stop that barbaric act, Vance. Lalo lang sumasama ang pakiramdam ko sa kasisigaw mo at kakakatok mo. Hayaan mo lang ako dito,” ani Phoenix habang pinakakalma ang sikmura. She flushed the toilet when she felt a bit better.

“Sabihin mo naman sa akin kung anong nangyayari sa iyo. Is it the baby? O baka naman may nakain kang hindi maganda kagabi? B-Baka kailangan ka nang dalhin sa ospital.”

“Morning sickness lang ito,” aniya at naghilamos ng mukha. “So pwede hayaan mo muna ako?”

“Buksan mo ang lock ng pinto. Baka kailangan mo ng tulong ko,” anito sa malumanay na boses.”

“Kaya ko itong mag-isa,” sabi niya at nag-toothbrush. Mula sa unang araw ng paglilihi niya ay siya naman ang nag-aasikaso sa sarili niya halos. Ayaw niyang lapitan siya ni Vance ngayon. He would only repulse her. She wanted him to suffer in a way. Matapos ang di nito magandang trato nito sa kanya, malamang ay nakokonsensiya ito. Hahayaan nga niya itong makonsensiya.

Come on. Give the guy a break. Hindi mo ba gustong tulungan ka niya at alagaan? Vance is offering his help now. Pride won’t make you happy, you know? Do you want the guy to beg and growl at your feet? That won’t happen. Does it make you feel better now? Sa palagay mo ba ay maso-solve ang problemang ito kung mag-isa ka lang na naghihirap?

Matapos magsepilyo ay bumalik siya sa kuwarto. Naabutan niya si Vance na nanggaling sa may sala. Dali-dali siya nitong nilapitan pagpasok niya. “Kumusta na ang pakiramdam mo?”

“Nanghihina. But it will pass.”

Inalalayan siya nitong umupo sa kama. Inayos din nito ang unan sa likuran niya para makasandal siya at maging komportable. “Anong kailangan mo?”

“Water,” sagot niya at sumandal.

Dali-dali namang kumuha ng bote ng mineral si Vance sa mini-ref at isinalin iyon sa baso. “Here,” wika nito. Matapos uminom ay sumandal siya at pumikit. “May morning sickness pa rin? Akala ko wala ka nang ganyan.”

“Until fourth month pwedeng magka-morning sickness.”

“P-Pero hindi ko naman napapansin,” wika nito.

“Paano mo mapapansin samantalang maaga kang umaalis para pumasok sa opisina?” Hindi rin naman sila magkasama sa isang kuwarto para malaman nito ang pinagdadaanan niya. Halata namang iniiwasan siya nito. At lagi lang siyang ibinibilin nito sa mga kawaksi. “Nasaan ang pagkaing in-order mo?”

“Nasa sala muna. Inilabas ko dahil ayaw mo ng amoy. Paano ka kakain niyan? Ayaw mo ng amoy ng in-order ko sa iyo,” sabi nito at hinaplos ang sariling batok. Parang napakalaki ng dilemma nito.

“Crackers. Pwede na ako sa crackers.”

“Teka. Titingnan ko kung may crackers.” Naghalughog ito sa cupboard at sa refrigerator. “Damn. Walang crackers dito.” Tumawag ito sa telepono. “Where can I get salted. crackers? It is an emergency. My wife needs one. Ano? Wala kayong crackers? I thought I can have everything here and you don’t have crackers?” Padabog nitong tinapos ang pagtawag sa telepono. “How incompetent. Simpleng crackers lang wala sila.”

Hinawakan niya ang braso nito. “Vance, it is okay. Hayaan mo na. Pwede na sa akin ang soup. May soup naman sa in-order mo, di ba?”

“Oo. May crab and corn soup pero ihahanap pa rin kita ng crackers. I am sure there’s a convenience store outside. Somewhere…” Iwinaksi nito ang kamay. “Sa palengke o kung saan mang sari-sari store sa daan.”

Umiling siya. “Masyadong malayo.”

Sa looban pa ang cove na kinalalagyan ng naturang resort. Puro mga kagubatan at kabundukan ang nadaanan nila at parang walang mga tao o kabahayan halos. Wala rin siyang napansin na tindahan. Kung mayroon man ay sa highway pa na ilang kilometro ang layo mula doon.

“Hindi. Ibibili kita. Give me at least fifteen minutes,” anito at tumayo.

“Vance…” Bakit ba masyado itong desidido? Crackers lang naman iyon. No big deal.

Bumalik ito sa kama na dala ang tray na may crab and corn soup. “Aalis na ako. May gusto ka pa? Durian? Naglilihi ka sa durian? Ibibili rin kita.”

Umiling si Phoenix. “Hindi ako nagke-crave sa durian. I am fine with crackers.”

“Okay. Babalik ako agad. Huwag kang masyadong gagalaw diyan.”

Hindi niya maiwasang mapangiti sa ginawa nito. Ibang klase pala si vance kapag natataranta. At gusto niya ito. Pakiramdam niya ay mahalaga siya dito at alagang-alaga siya nito. Gusto niya ang pakiramdam na nasa kanya lang ang atensiyon nito. Wala itong iniintinding trabaho o mga kliyente. Kahit paano ay parang nabawi ang lahat ng sama ng loob niya na nakita itong natataranta dahil sa kanya.

Magandang senyales ba iyon na may puwang pa rin siya sa puso nito? She hoped so. Kahit man lang sa ganitong paraan ay maramdaman niyang importante siya dito kahit na paano.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.