Nagsisimula na siyang maidlip nang bumalik si Vance at ibinuhos sa ibabaw ng kama ang lahat yata ng klase ng crackers na mabibili sa merkado. Puno ng pagtataka niya itong pinagmasdan. “Wow! Ang dami naman nito. Ilang buntis ba ang pakakainin mo?” tanong niya at dumampot ng isang Skyflakes na onion and chives ang flavor.
“Hindi ko alam kung anong gusto mo kaya binili ko na lang lahat. S-Sana lang nandiyan ang gusto mong kainin. Pinakyaw ko ang paninda sa unang tindahan na nakita ko sa highway. Kung wala diyan ang gusto mo, babalik na lang ulit ako.”
“Kahit ano naman okay na sa akin dito.” Tipid siyang ngumiti. “Thank you.”
“Gusto mo ng gatas?” tanong nito nang buksan niya ang onion and chives na Skyflakes. Gusto niya ang naturang flavor dahil di gaanong matapang at di rin naman bland kumpara sa ibang plain na crackers.
Tumango siya. “Okay.”
Di niya alam kung anong pagmamaneho ang ginawa nito pero nakabalik ito ng resort sa loob ng beinte minuto. Sa dami ng sama ng loob na ibinigay nito sa kanya, dapat lang naman na mahirapan din ito at bumawi. Inilagay nito ang bata sa kanya at nakahalukipkip lang ito habang pinagmamasdan siyang kumain.
“Huwag mo akong panoorin diyan. Kumain ka na.” Malamang ay nagutom ito dahil sa pagkataranta kanina.
“Ayaw mo ng amoy ng kinain ko. Di ko naman pwedeng dito kainin dahil mangangamoy. Mamaya na lang ako kakain.”
“My stomach is now settled. Pwede ka nang mag-agahan. Doon na lang tayo sa balkonahe para hindi ko masyadong maamoy,” sabi niya.
She devoured the crackers with gusto. Umorder na lang si Vance ng fruit salad para sa kanya. Ayos lang sa kanya na mag-agahan ng prutas. Dahil mahangin sa labas ng balkonahe ay di na siya masyadong naba-bother sa amoy ng pagkain ni Vance.
“Mukhang marami kang hindi sinasabi sa akin,” wika ni Vance habang mataman siyang pinagmamasdan.
“Gaya ng?”
“Paglilihi mo. Naglilihi ka pa pala.”
You didn’t bother to ask. Parang di naman ito interesado sa kondisyon niya o sa nangyayari sa buhay niya basta walang kinalaman sa trabaho nito o sa anak nila.
Nagkibit-balikat siya. “Masyado kang busy. Saka kaya ko naman ang sarili ko. Hindi na kita kailangan pang abalahin.”
Mariing nagdikit ang labi niya. “When it comes to my baby, I will always find time.”
Natigilan siya. Anak lang nila ang mahalaga dito. Hindi siya. Nadadamay lang siya dahil dinadala niya ang anak nito. Pero kung tutuusin ay wala itong pakialam sa kanya. Naramdaman niya lalo kung gaano siya kawalang halaga dito.
Tahimik na lang niyang itinuloy ang pagkain. She really hated this bad feeling. Na parang wala siyang halaga. Ipinaghanda lang siya ng breakfast dahil dinadala nito ang anak niya. Pinakasalan siya nito dahil dinadala nito ang anak niya. Habang pinauulit-ulit niya iyon sa isipan niya ay mistulang binabalot ng yelo ang puso niya. Hanggang tuluyang manlamig ang buong pagkatao niya. Hanggang tuluyan siyang mamanhid.
“Hanggang kailan tayo dito?” tanong niya at ininom ang natitirang gatas.
“Hanggang bukas pa tayo dito. Pwede tayong mag-extend ng isa pang araw kung gusto mo dito,” anito sa nang-eengganyong boses. Kundi lang sa mga ginawa nito na pambabalewala sa kanya kahapon ay iisipin niyang gusto siya nitong makasama at mag-enjoy sa lugar na iyon. But she knew better.
“May meeting ka pa?” tanong niya sa malamig na boses.
“Wala na.”
“May gagawin ka pang trabaho?” kaswal na tanong niya.
“I have to make a few calls. Magiging busy ako sa mga dadating na araw. Next week pupunta ako sa Bangkok. I have a series of meetings there, clients to meet and a conference. Isang linggo ako doon.”
Napahawak siya sa dibdib niya. “I-Isasama ba ako sa Bangkok?”
“No. You will stay here. Masyadong hectic ang schedule ko. Hindi naman ako pupunta doon para mamasyal. Hindi rin kita maasikaso.”
“Of course,” usal niya. Matutulad lang sa nangyayari ngayon kung saan kahit pa sabihing honeymoon nila ay wala itong hinarap kundi trabaho. “Pwede bang umuwi na lang tayo?”
Bakas ang protesta sa anyo nito. “This is our honeymoon. Marami pa akong plano para sa atin. Magiging maayos naman siguro ang pakiramdam mo, dib a?”
Probably plans that would make her feel like he didn’t really care about her. Ayaw na niya ng ganoong pakiramdam. Ayaw na niyang paulit-ulit na sumisigaw sa isipan niya na nasa honeymoon nga siya pero parang laptop ang pinakasalan nito at hindi siya. Wala nang gaanong appeal sa kanya ang mala-paraisong lugar na iyon. Parang tinutuya siya ng magandang tanawin sa labas, sa lugar na iyon kung saan lahat ay masaya maliban sa kanya. Parang paulit-ulit siyang sinasampal kung gaano kamiserable ang kalagayan niya.
Kahit paano sa sarili niyang bahay ay pwede niyang abalahin ang sarili sa ibang bagay. Pwede siyang magkulong sa library kung gusto niya. Pwedeng magpakapagod sa trabaho si Vance at di siya intindihin pero ayos lang. Sanay naman siya. Kahit paano sa sarili niyang bahay ay di na siya aasa na may honeymoon pa sila. Pwede siyang magpanggap na normal lang ang lahat. Na nasa opisina ito at nagtatrabaho at sa sobrang pagod nito ay di na niya ito makakasama. Basta idedeklara na lang niya na tapos na ang honeymoon nila.
I won’t marry you for passion. This is just a marriage for convenience.
Saka niya naalala ang sinabi ni Vance sa kanya noong sumang-ayon siya na pakasalan dito. Ibig sabihin ay hiwalay pa rin ang kuwarto nila kahit na kasal sila. Magkakasama lang sila kung kailangan niya ito dahil sa anak nila o kung tungkol sa negosyo kung kailangan siya nito sa tabi nito para umayos ang image nito sa mga tao.
You signed up for this, Phoenix. Just suck it up.
Sinapo niya ang noo at iniwas ang tingin dito. “Hindi maganda ang pakiramdam ko. Gusto ko na lang umuwi. Kung gusto mo maiwan ka dito. Ipasundo mo na lang ako kay Mang Ador,” aniya sa malamig na boses. Kahit siguro kailangan siya nito para sa business meeting ay wala na siyang pakialam. Gusto naman niyang ipahinga ang puso niyang gulpi na nang todo.
She just wanted to get out of that place. Gusto na niyang tigilan na ni Vance pagpapanggap. Enough of their faux honeymoon.
Bumuntong-hininga si Vance. “Okay. We will check out in an hour or as soon as you are ready to go.”
Kung tutuusin ay tagumpay iyon para sa kanya pero talong-talo pa rin siya. Her seduction scheme failed. She was just one sorry pregnant woman. Mababa ang self-esteem niya.
Hindi sila nag-usap ni Vance habang biyahe. Pinili na lang niyang itulog ang sama ng loob niya dito para di nito malaman kung gaano siya nasasaktan. Ayaw niyang bigyan ito ng kasiyahan na nagawa nito ang misyon na gawin siyang miserable. Hahayaan niyang isipin nito na wala siyang interes sa honeymoon. Na uuwi na lang siya dahil bored na bored siya at ayaw niyang makasama pa ito. Pareho lang naman silang napipilitang magsama. Kundi lang dahil sa anak niya, ayaw din naman niyang makasama pa ito. After all, she was the one who left him.
Pagdating sa mansion ay sinalubong sila ng mga kawaksi. “Sir, Ma’am, akala po namin bukas pa po kayo uuwi,” sabi ni Mang Ador.
“Masama po ang pakiramdam ni Phoenix,” sagot ni Vance at kinintalan siya ng halik sa noo. “Magpahinga ka na. Nasa library lang ako kung kailangan mo ako.”