Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 104

Tumango lang siya at tahimik na nagtungo sa kuwarto niya. Di niya maiwasang tingnan ang mga gamit niya doon. Wala pa ang damit nito sa kuwarto niya. O hindi pa inililipat ang damit niya sa kuwarto nito. Ibig sabihin ay di nga sila magsasama sa iisang kuwarto kahit na pabalat-bunga. May connecting door ang kuwartong iyon pero anong silbi ng pintong iyon? Sa paningin ng mga kasama nila sa bahay ay di sila magsasama bilang tunay na mag-asawa. Malinaw na sa kanya na anak lang ang habol nito sa kanya at ang kompanya.

Kahit anong ipakain niya sa pride niya na ayos lang siya at di siya masasaktan ni Vance ay masakit pa rin sa dibdib.

Humiga siya sa kama at napatitig sa kisame habang nararamdaman niya ang pagtulo ng luha sa mga mata niya. Wala pa silang isang linggong kasal ay miserable na. Paano siya tatagal ng habambuhay dito kung ngayon pa lang ay gusto nang sumuko ng puso niya.

“KUMUSTA ang honeymoon ninyo ni Vance? Success?” excited na tanong ni JK kay Phoenix nang tawagan siya sa Viber. Wala siya sa mood makipag-video chat nang madaling araw na iyon. Nagkulong lang siya sa kuwarto at nagmukmok. Di siya lumabas ng kuwarto para sabayang maghapunan si Vance. Mawawalan lang siya ng ganang kumain.

“No. Walang nangyari,” malungkot niyang pag-amin at uminom ng gatas.

“Anong walang nangyari? Hindi mo ba isinuot ang ipinadala kong lingerie sa iyo? Baka naman hindi mo binasa ang Kamasutra book na bigay ko. Ano ba naman iyan? Sayang naman ang lahat ng paghahanda na ginawa ko para diyan. Baka naman nagpaka-Maria Clara ka pa at nagpakipot. Baka nag-touch me not ka pa. Naku! Masasabunutan kita.”

Naramdaman niya ang frustration ng kaibigan. Kung alam lang nito na mas matinding frustration ang nararamdaman niya. “Ginawa ko na ang lahat. Nagsuot ako ng sexy na gown for dinner. Nagsuot ako ng sexy na lingerie pero di niya ako tinabihan na matulog. Mas pinili pa niyang magtrabaho kaysa tabihan ako. Tapos noong dinner, kasama pa pala niya ang kliyente niya. Nagpunta lang kami sa resort para asikasuhin niya ang negosyo niya at ginawa pa niya akong palamuti sa business dinner niya para lang siguro di masabi na iniiwan niya ako na mag-isa kahit honeymoon namin o kaya para gumanda ang image niya. Nakakabuti nga naman sa kanya na may asawa na siya ngayon. He looks more responsible and dignified. Ginawa ko ang lahat pero wala ring nangyari. Siya ang may ayaw. Di ko na kasalanan iyon.”

“Sorry. Hindi ko naman alam na ganyan pala kalala ang nangyari sa inyo ni Vance,” wika nito. “Come on. Bulag lang naman ang lalaki na tatanggi sa iyo.”

Muli na namang tumulo ang luha sa mata niya at pinahid niya iyon ng likod ng palad niya. “Ayaw talaga sa akin. Malinaw naman na dahil lang sa negosyo at sa anak namin kaya niya ako pinakasalan. He is using our marriage as a business advantage. Sabi niya hindi niya ako pakakasalan dahil sa passion. Tapos baka may ibang babae siya.”

“Ano? At papayag ka naman?”

“A-Ako kasi ang nag-suggest na maghanap na lang siya ng iba,” usal niya at kinagat ang labi niya.

“Ikaw naman pala ang may kasalanan. Baka kailangan pa niya ng konting push. Minsan kasi may mahihina talagang lalaki. Pero sa palagay ko naman di ka niya ipagpapalit sa iba.”

“Huwag mo na siyang gawan ng excuses. Tama na. Kung ayaw niya sa akin, bakit pa ako magmumukhang tanga? Nakakapagod ang ganito, JK,” aniya at napahikbi.

“Marami ka pang oras para ayusin ang pagsasama ninyo. Give it time. Dalawang linggo pa lang naman mula nang magkita kayo ulit. Kahapon lang kayo nakasal. I am sure hindi ka rin niya matitiis.”

“Wala naman akong choice, hindi ba? Kasal na kami. Ano pa nga bang magagawa ko? Pero parang gusto kong sumuko. Kung pwede lang ipa-annul na lang ang kasal namin.”

“Anong plano mong gawin? Alam mo naman na di ka niya iiwan dahil dinadala mo ang anak niya. Maging positive ka naman kahit kaunti. Di ito ang oras para sumuko ka.”

Huminga siya ng malalim. “Sige. Anong gagawin ko?” Hindi na niya alam kung ano pang magpapalambot sa batong puso ni Vance.

“For now, ipakita mo na deserving ka naman na asawa. Make him fall for you. Kung gusto niya ng domesticated na asawa na mag-aasikaso sa kanya, iyon ang gawin mo. Hindi naman makakatanggi ang mga lalaki lalo na kapag ipinagluluto sila ng babae. Naku! Iyan ang weakness ni Joshua. Di naman ako pinapansin niyan dati pero nang ipagluto ko biglang na-in love sa akin. Partida. Wala pang gayuma iyon.”

“Errrr… nai-imagine mo ba ako na domesticated?”

“Nagawa mo ngang mabuhay dati nang mag-isa. Siyempre kaya mo iyon.”

“Parang iba yata iyon. Iba kapag solo lang ako. Iba kapag may iba akong aasikasuhin.” Madali lang naman na i-please ang sarili niya. Habang di naman niya alam kung ano pa ang magpapasaya kay Vance ngayon.

“May panahon naman na inalagaan ka ni Vance. Bakit hindi mo rin subukan? After all, iyan naman talaga ang role mo bilang asawa niya. Ang alagaan siya. Hindi mapapahindian ng mga lalaki ang isang babaeng maasikaso sa kanila. Tandaan mo iyan.”

“So it is like going back to the old ages? Kung saan parang taong bahay lang ang mga babae? You mean I will act like a plain housewife?” bulalas niya. Iyon pa mandin ang kinatatakutan niya. Ang maging plain housewife lang. Isang babaeng walang identity kundi maging anino lang ng asawa nito.

“Huh! Huwag mong nila-lang-lang ang plain housewife. My mom is a plain housewife as well. Pero kita mo naman kung gaano ka-devoted si Papa sa kanya at sunud-sunuran sa kanya. Sa kanya nga ako nakakuha ng tips kung paano aakitin si Joshua.”

Hindi siya lumaki sa isang buong pamilya. Ang nanay naman niya ay major fail sa pakikipagrelasyon sa lalaki. Wala siyang nakuha kahit anong tip dito kundi kung paano iiwas sa mga lalaking manloloko at kung paanong di dapat pagkatiwalaan ang mga ito. Kaya ano bang alam niya? Kahit ang relasyon nila ni Vance ay balot din ng maraming kasinungalingan.

“Sige. Sabihin mo na sa akin kung ano ang mga tip na iyan,” aniya kahit na medyo skeptical pa rin kung kakayanin niya ang mga task na iyon.

Sa ngayon ay susundin muna niya ang lahat ng gusto ni Vance at ang mga tip ni JK. Kahit ano para huwag lang maging magulo ang pagsasama nila. Para sa magiging anak nila. Baka sakaling mahalin siya o kahit ma-appreciate man lang nito. Sana.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.