“BABY, saan mo gustong mag-lunch?” malambing na tanong ni Phoenix habang hawak ang tiyan niya. “Gutom ka na, no? Nakakagutom talaga ang check up natin. Hindi bale. Narinig mo naman ang sabi ni Doktora. Okay na okay na tayong dalawa. Kaya dapat kakain tayong mabuti.”
Maganda ang mood ni Phoenix habang naglalakad sa corridor ng St. Luke’s Medical Center sa Quezon City. Matapos ang approval ng OB-Gyne niya sa pagtatrabaho niya ay magaan na ang pakiramdam niya. She had been anticipating for this day. Naging masunurin siya sa lahat ng bilin nito para maging maganda ang kalusugan niya at makuha din niya ang hinihintay niyang salita – pwede na siyang magtrabaho.
Madilim ang mukha ni Vance habang naglalakad sa tabi niya. Parang susugod ito sa giyera sa lakad nito. Ilang kasalubong nila ang biglang lumilihis sa dadaanan nito dahil natakot. But he was mad at her. Hindi lang nito maibuhos ang galit sa kanya dahil nasa pampublikong lugar pa sila. Nasisiguro niya na oras na makarating sila sa sasakyan ay hindi na siya makakaligtas sa talim ng dila nito. Literal niyang nararamdaman na hinahasa na nito ang dila nito para sa mahabang diskusyon sa kanya.
She was not a bit scared. She was even looking forward to it. Kung naghahasa ito ng talim, mas matagal na siyang nakahasa. Ilang linggo niyang hinintay ang pagkakataong ito. Habang nag-aayos siya ng nursery, habang pinagsisilbihan niya si Vance ay ihinahanda niya ang sarili para ma-claim ulit niya ang kalayaan at identity niya bilang isang babae.
Maya maya pa ay nakatayo na sila sa harapan ng ospital habang hinihintay ang pagdaan ng sasakyan na minamaneho ni Mang Ador. She was humming a happy tune while Vance was steaming beside her. Ipinagpatuloy lang niya ang hum at mukhang lalo lang itong nairita.
“Saan tayo kakain?” tanong niya dito pero di siya nito sinagot. “Alam mo may masarap na café sa bandang Diliman. Gusto mo? Blacksoup Café. Maganda ang ambiance doon at masarap kumain sabi ni Judith. Bukas sila hanggang mamayang ala una.”
“Ayokong doon kumain,” sagot nito sa malamig na boses.
Tiningala niya ito. “Saan tayo kakain? Sa Trinoma na lang kaya para marami tayong pagpipilian. Gusto mo ba ng gulay?”
“Pumasok ka na sa loob,” wika ni Vance sa mabigat na boses at ipinagbukas siya ng pinto ng sasakyan.
“Ihahatid ka ba namin sa opisina?” tanong niya sa masayang boses. “Siguro di ka na sasama sa akin na mag-lunch. Naiintindihan ko naman na marami kang trabaho.”
Buong umaga ang ginugol ni Vance para sa check up. Okay lang naman sa kanya na ihatid ito sa opisina. Matagal-tagal na rin naman siyang di nakakadalaw sa opisina nito. Gusto rin niyang kumustahin si Judith na matagal-tagal na rin niyang di nakakakwentuhan mula nang ikulong siya ni Vance sa bahay. Tapos ay uuwi na rin siya.
“No. Ihahatid kita sa bahay. Doon tayo mag-uusap nang masinsinan,” mariing wika nito at umupo sa tabi niya sa backseat ng Mercedes Benz. “Mang Ador, sa bahay po tayo.”
“Hindi po ba kayo papasyal man lang sa mall? Kailan ba tayo huling kumain sa labas? Kahit man lang sa opisina mo…”
“Sa bahay tayo,” putol ni Vance sa iba pang sasabihin niya sa malamig na boses. Tumiklop na lang siya at di na kumibo.
Uh oh! Vance was really mad. Hindi niya alam kung bakit parang excited pa siya sa susunod na mangyayari. She was supposed to be scared. No, she had been anticipating this moment for quite sometime.
Parang isa siyang batang paslit na gumagawa ng kapilyahan para lang makakuha ng reaksyon mula sa mga tao sa paligid niya. Kahit pa nga magalit sa kanya ay masaya na siya. Mabuti na ito kaysa sa ilang linggo na malamig na pakikitungo ni Vance sa kanya.
Tiningnan ni Mang Ador sa rearview mirror ng sasakyan na may pag-aalala sa mga mata. Kapag ganitong bad mood si Vance ay natatakot ito para sa kanya. Pero ngumiti lang siya. “Tatawag na lang ako kay Manang Doria para sabihin na sa bahay kami magla-lunch,” sabi niya at tumawag sa mansion. “Hello, Manang!”
“Ma’am, kumusta po ang check up ninyo?” tanong ng kawaksi.
“Mabuti naman po. Maayos naman ang kalusugan namin ng baby. Diyan na po kami magta-tanghalian ni Vance. Ano po bang niluluto ninyo?” nakangiti niyang tanong.
“May sinangag na hipon po dito na maraming gulay. Paborito ni Sir iyon. Saka may pritong hito po dito. Gumawa din po ako ng peach-mango pie para sa dessert.”
Napaungol siya sa narinig. “Ahhh! Sinigang na hipon, pritong hito at peach-mango pie? Marami ata ang makakain ko ngayon. Magugustuhan iyan ng baby ko,” excited niyang sabi at bahagyang sinulyapan si Vance na hanggang ngayon ay bad mood pa rin.
Ni hindi man lang nag-iba ang mood nito kahit na puro paborito nito ang mga pagkaing nabanggit. Tuwid lang ang tingin nito sa harap ng sasakyan, matiim ang mga mata at mariing magkadikit ang mga labi. Daig pa nito ang naglilihi sa bad mood nito.
Hindi nawawala ang ngiti ni Phoenix hanggang dumating sa mansion. Sinalubong agad siya ng mga kawaksi at excited na ipinakita sa mga ito ang print ng ultrasound. “Naku! Nakakatuwa naman. Excited na kaming magkaroon ng baby dito sa bahay,” sabi ni Manang Carmella. “Kailangan lang talaga ng bata para sumaya ang bahay na ito. Madalas kasi masyadong tahimik. Tiyak na makakalimutan na namin ang teleserye namin kapag nandito na ang baby ninyo, Ma’am.”
“Huwag po kayong mag-alala. Ilang buwan na lang po at manganganak na ako,” sabi niya at hinaplos ang tiyan niya. “Maganda po ang resulta ng check up namin. At next month po kung gusto ni Vance, pwede na po naming malaman kung baby girl o baby boy ang anak namin.”
“Aba! Tutulong po kami sa pag-isip ng pangalan,” excited na sabi ni Manang Carmella. “Kundi ninyo naitatanong, ako ang nag-alaga sa mga pamangkin ko noong dalagita pa lang ako. Magaling akong mag-alaga ng bata. Saka maganda ang boses ko.”
“Mamaya na ang kantahan,” sabi ni Mang Ador. “Baka nagugutom na sila Ma’am at Sir.”
“Gusto na po ba ninyong kumain ng tanghalian? Maghahain na po kami,” sabi ni Manang Doria.
Sasabihin sana niya na gusto na niyang kumain pero naramdaman niya ang paglapit ni Vance sa kanya at hinawakan ang siko niya. “Mamaya na po kami kakain ni Phoenix. May importante lang po kaming pag-uusapan. Sa library lang po kami.”
“Okay,” sabi niya at iniwan sa mga kawaksi ang kopya ng print ng ultrasound para makita ng mga ito.
Kung pwede lang nga ay iwan din niya sa mga ito ang anak niya dahil ayaw niyang marinig ng anak niya ang pagtutuos nila ni Vance. Kahit nasa sinapupunan ang bata ay naririnig na nito ang mga tunog sa paligid nito at nakakaunawa na. Sensitive na rin ang mga ito sa mood ng nanay o ng mga taong nasa paligid nito.
Wala naman siyang magagawa. Kailangan niyang harapin si Vance ngayon. Kahit paano ay nagagawa niyang makangiti dahil sa labanang ito ay siya ang may upper hand. Sigurado siya doon.
“Bakit kinausap mo na naman ang doktor mo tungkol sa pagtatrabaho mo? Akala ko ba nagkaintindihan na tayo dito na hindi ka na magtatrabaho?” madilim ang mukha agad nitong tanong pagkasara pa lang ng pinto ng library. “Are you really trying to test me?”
"Akala ko na nagkaintindihan na tayo na pagbibigyan kita na huwag muna akong magtrabaho hanggang magbigay ng go signal ang doktor ko na pwede na akong kumuha ng projects na magagaan lang,” malumanay niyang paliwanag. “Binigyan na ako ng go signal ni Doktora. Basta kaya ko ang trabaho ay walang problema dahil maayos naman daw ang kalusugan ko. And I feel good. Kaya anong problema, Vance?”
“Ang usapan natin magtatrabaho ka kapag nakapanganak ka na. Hindi mo kailangang magtrabaho ngayong buntis ka pa.” Inilahad nito ang palad. “Marami kang ibang pwedeng gawin dito. Katulad ng nursery…"
"Tapos na ang nursery,” putol agad niya sa iba pang sasabihin nito.
"Oh, really?" anitong nagulat pa.
Tumango siya at saka nakataas ang kilay na humalukipkip. “Hindi ba nag-report sa iyo si Charice? Noong isang araw pa kami natapos.” tukoy niya sa interior designer na kinuha nito. “Tingnan mo para makita mo naman kung anong pinagkaabalahan ko nitong nakakaraang araw.”
“Sige,” anito sa mababang boses.
Hindi niya gusto ang pahiwatig sa boses nito. Parang sinasabi nitong, “Sige. Tingnan ko kung may maipipintas pa ako para may iba ka pang mapagka-abalahan at mawala na sa isip mo ang pagtatrabaho.”. She was ready for battle. Anumang i-dish out nito sa kanya ay handa niyang harapin.
Nauna siyang umakyat sa taas kung saan naroon ang nursery. Sumunod ito sa kanya paakyat ng hagdan. Mabibigat ang mga hakbang nito. Katabi lang ng kuwarto niya ang nursery na nasa ikalawang palapag. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad agad sa kanila ang maaliwalas na silid. Orange at white ang nakapinta sa dingding. May painting ng sisiw na kumakain na nakasabit sa ibabaw ng crib. Puti rin ang pinta ng hamba ng bintana. May stripped white, orange at yellow na upuan malapit sa bintana at pinanatili nila ang original na kahoy na sahig.
“Pinili ko na maging simple lang ang design ng nursery. Ang mahalaga ay maaliwalas at presko ang kuwarto. Malamig dito kahit na walang aircon. She could hear the birds chirping, the sound of the rain at pwede niyang panoorin pati ang pagsikat ng araw sa umaga,” paliwanag niya habang magkasalikop ang palad.
Kinakabahan talaga siya sa magiging reaksiyon ni Vance. She really liked the room. Kung may ipipintas ito doon para may maipintas lang at may maipagawa ulit sa kanya ay masasaktan talaga siya.
Pinag-usapan talaga nilang mabuti ng interior decorator na si Charice kung ano ang gusto niyang maging theme ng nursery room. Ikinonsidera pa nga niya ang paboritong kulay ni Vance na orange para lang bumagay ang kulay ng silid kahit pa sabihing unisex. Sana man lang ay makita nito ang effort niya sa pamimili. Kahit na may interior decorator itong kinuha ay siya ang personal na namili ng crib, ng painting, ang decal wall design ng puno sa kabila ng silid, ang mga tukador, laruan at ang upuan. Pinaghirapan niya iyon bilang isang nanay.
Baka nga umiyak pa siya kapag pinintasan iyon ni Vance. Huwag naman sana nitong masyadong laitin.
“This is nice,” usal ni Vance at hinaplos tokador na pinaglalagyan ng mga laruan na naka-display doon. May baby gym at playmat din na naka-set up sa sahig sa isang bahagi ng silid. Pinatugtog nito ang baby mobile na nakasabit sa crib at pumailanlang ang music box version ng Twinkle Twinkle Little Star.
“Alam mo, pinag-isipan ko talagang mabuti ang magiging theme nitong kuwarto. Ilang beses pa nga kaming nagbago ng plano ni Charice kasi baka hindi mo magustuhan. May gusto ka bang ipabago? Sabihin mo lang sa akin para maayos agad namin,” sabi niya.
“No. It is perfect.” He gave her a soft smile. “Thank you. Alam ko naman na pinaghirapan mo ito at nagustuhan ko lahat.”
“Really? Okay na sa iyo lahat? Wala ka nang babaguhin?” hindi makapaniwala niyang tanong. Baka naman mali lang siya ng naririnig. Nag-iimahinasyon lang ba siya? Gutom na ba siya o baka naman ito ang gutom na dahil kung anu-ano ang sinasabi.
Marahang tumango si Vance. “Yes. Kayo naman ang nag-usap ni Charice. Mas alam mo kung anong gusto mo. Mukhang nandito na ang lahat ng kakailanganin ni Baby. Ang paglabas na lang niya ang kulang. Sa palagay ko magiging masaya siya dito sa nursery niya dahil ikaw ang nag-ayos nito para sa kanya. It is lovely.”