Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 16

MABIGAT ang pakiramdam ni Phoenix nang bumangon. Alas singko ng umaga noon. Hinablot niya ang sarong niya at binalot ang sarili saka siya nagtungo sa labas at hinintay ang pagliliwanag ng langit. Bukas na ang balik nila ng Maynila at kailangan na niyang magpaalam sa El Nido. Ayaw pa niyang gawin iyon. Kaya naman sasamantalahin niya ang magandang tanawin sa paligid niya.

Nakatanghod lang siya sa hammock sa harap ng bahay hanggang marinig niya ang yabag ni Vance. Nilingon niya ito at malungkot na ngumiti. “Good morning!”

"Good morning. Tea?" alok ng binata sa kanya na may hawak na tasa ng mainit na tsaa. Habang sa kabila namang kamay ay may hawak itong mug ng kape.

Nakangiti niyang inabot iyon. "Salamat." Nilanghap niya ang peppermint tea at hinigop. It was a perfect way to start her morning.

Hinila nito ang bangkito at umupo sa tabi ng hammock. "Maaga ka yatang nagising. Akala ko tulog ka pa ngayon dahil napagod ka sa pamamasyal natin kahapon at sa paglalaro ng soccer."

Humirit pa ng soccer game ang mga bata sa Gawad Kalinga Village kahapon kaya naman halos di na siya makagulapay pag-uwi nila sa beach house ni Vance kahapon. She really enjoyed spending time with the kids and watching the sunset on the other side of town. Kaya naman hindi na niya nagawang makapaghapunan at nakatulog nal ang siya sa labis na pagod. Isa iyon sa masasayang alaala niya sa El Nido.

"Hindi lang ako makapaniwala na ito na ang huling araw natin dito. Sobrang ganda dito. Kung pwede lang huwag na akong umalis dito."

"May buong araw pa tayo dito. At bukas pwede mo pang silipin ang museums sa Puerto Princesa bago ang flight natin. Open ang schedule natin. You can laze around the beaches or the lagoons. Pwede kang bumalik sa archaeological sites na gusto mo."

She twisted her lips. Parang sobra na ang hihingin niya kung magpapa-extend pa siya doon. May trabaho din si Vance. Kailangan nitong bumalik sa normal na buhay nito dahil may kompanya itong aasikasuhin.

Kung babalik naman siya sa mga archaeological sites at sa lagoon, baka lalo lang siyang malungkot kapag umalis siya. Alam niyang hindi sapat ang panahon niya sa dami ng lugar na gusto niyang balikan.

Ano pa bang hindi niya nagagawa sa El Nido?

"Gusto kong mag-shopping,” usal ni Phoenix.

"Shopping?" Kumunot ang noo ni Vance. “Saan ka magsa-shopping dito? Wala namang mall dito.”

"Market day ngayon. Gusto kong mamili sa palengke.”

Ngumisi ito. “Palengke? Masaya ka nang mag-shopping sa palengke?”

“Pinaka-interesanteng mamili sa local market. Hindi mo alam kung anong pwede mong matagpuan. Tapos magpi-picnic tayo dito. Ako ang magluluto para sa iyo."

"Gagawin mo iyon para sa akin?" nagniningning ang mata nitong tanong,

"Oo naman." Maliit na bagay lang iyon kumpara sa mga ginawa nito para sa kanya. Naging masaya siya sa buong linggo na nasa El Nido siya dahil dito. Nag-enjoy siya sa company nito, Ginawa ni Vance ang lahat para mapasaya siya.

"Masarap ka bang magluto?" diskumpiyado nitong tanong.

"Not exactly gourmet pero edible naman. Hindi naman siguro bubula ang bibig mo. I will try my best."

"Hindi yata ako masaya sa sagot na iyan. Saka hindi ako sanay na ipinagluluto ng babae maliban sa nanay ko. Ayoko."

"Dahil..."

"Ayokong magkaroon sila ng ilusyon na magiging asawa ko sila balang-araw."

Pagak na tumawa si Phoenix. "Pasensiya ka na kung wawasakin ko ang ilusyon mo. Ipagluluto lang kita. Wala akong planong gayumahin ka o ilusyunin na pakakasalan mo ako balang-araw. Hindi kita type,” sabi niya at inirapan ito.

"Sabi mo lang iyan. Alam ko gusto mo ako."

Tumayo siya. "Sasabihan ko na lang si Mina na bilisan ang paghahanda ng agahan. Baka hinahangin na ang utak mo at kung anu-ano nang kahibangan ang sinasabi mo." Saka siya naglakad pabalik sa beach house.

Hindi talaga siya komportable kapag tinutukso siya ng binata. Of course, she liked him now. More than liked him. And she was scared that he would hit close to home. Hindi pa niya alam kung paano haharapin ang nararamdaman niya para dito.

"Hindi ko pa nasisingil ang utang mo sa akin."

Muntik nang mabitawan ni Phoenix ang hawak na tasa. Ay, lintek! Nagpanggap na lang siya na wala siyang naintindihan at nagpatuloy sa paglalakad pabalik ng beach house. Pikit-mata na lang siya nang sabayan siya ni Vance sa paglalakad. Sana ay hindi nito ipilit na halikan siya ngayon. Hindi siya handa. Hindi pa siya nagtu-toothbrush ulit. Magulo pa nga ang buhok niya.

“Sasabihin ko kay Mina na gusto mong mamalengke mamaya pagkatapos mag-agahan,” sa halip ay wika ni Vance.

Nakahinga siya ng maluwag… sa ngayon. Alam niyang maniningil pa rin ito.

MATAPOS ang agahan ay naghanda na si Phoenix na magtungo sa palengke. Kung ang ibang mga babae ay masayang mag-shopping sa boutiques at malls, siya naman ay may kakaibang koneksiyon sa palengke. Noong nasa Egypt at China siya ay lagi niyang dinadayo ang iba’t ibang market sa mga probinsiya at maliliit na bayan. Nakikita niya ang kultura ng isang lugar dahil sa mga palengke – mula sa pagkain, damit at mga palamuti. May bayan pa nga daw sa Palawan na may barter trade hanggang ngayon.

“Ma’am, handa na po ba kayo?” narinig niyang tanong ni Mina nang katukin ang pinto ng kuwarto niya.

Sa halip ay si Vance ang nakasandig sa motorsiklo na nasa harap ng beach house. "O! Saan ka pupunta?"

"Sasamahan kitang mamalengke."

"Si Mina ang kasama kong mamalengke."

Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang siko niya. “Mas gusto ko na ako ang kasama mo sa pamamalengke. Mahihirapan kang magbitbit.”

“Hindi ba ayaw ng mga lalaki na sumamang mamili ang mga babae? Ayaw nilang magbitbit ng mga pinamili.”

“You are an exemption. Let’s go.”

Wala pang sampung minuto ay nasa palengke na sila ng El Nido. Kung tutuusin ay maliit lang iyon pero natutuwa pa rin siya sa iba’t ibang lokal na produkto ng mga tagadoon. Napansin niya na iba ang titig ni Vance sa mga alimango. Mukhang iyon ang gusto nito. "Dalawang taling alimango po, Tatang,” sabi niya sa matandang tindero. “Mukhang masarap irelyeno at ginataan."

"Alam mo ang weakness ko talaga. Ni-research mo iyan, no?"

"For your information, paborito ko rin iyon,” pambabara niya dito. Siyempre di naman niya aamining binili niya ang alimango dahil dito.

Bumili din si Phoenix ng isda, dahon ng gabi at kinudkod na niyog para gamiting panggata. Pinangatawanan talaga ni Vance na huwag kumain ng karne mula nang manggaling sila sa Ille Cave. Kaya kahit sa seafood at gulay ay masiyahan man lang ito.

Namimili pa siya ng ibang sangkap nang makita niya ang nakahilerang mga dinaing na isda. "Gusto ko ito. Mahilig sa mga daing-daing si Tito Mauricio. Tiyak na matutuwa iyon." Inamoy-amoy niya ang tuyo. Bagong gawa pa lang iyon. "Isang kilo po nito. May danggit po ba kayo?"

"Heto ang danggit namin," anang tindero at inilahad ang kamay sa taklaksan ng malalapad na pinatuyong isda.

"Whoa?!" Napanganga siya nang makita kung gaano kalaki ang isda sa harap niya. Kasing laki ng palad niya ang danggit na tinutukoy nito. "Danggit talaga ito? Parang malaking masyado. Baka naman iba iyan sa danggit na binebenta sa Cebu."

"Danggit iyan. Malaking danggit. Baka nahahayaan silang lumaki at di nahuhuli agad kaya ganyan kalaki. Basta danggit iyan. Bilhin mo na,” udyok ni Vance sa kanya. Mukhang naa-amuse ito sa isda.

"O-Okay," aniya at bumili ng dalawang kilo. Pati ibang mga daing na isda ay bumili din siya. Hindi niya alam kung gaano karami ang nabili niya. Sa sobrang mura kasi ng paninda ay nalilibang siya.

Namimili siya ng kakanin nang kalabitin siya ni Vance. "Baka hindi na tayo makadala nito," anito at ngumuso sa hawak nitong pinamili niya. His hands were full. Bukod pa iyon sa santambak na bitbit niya. Magmamaneho pa ito.

"Magta-tricycle na lang ako. Bibili pa ako ng kakanin."

Bumuntong-hininga ito. "Fine. Pero nakasunod lang ako ang motor ko."

"Opo." Overprotective si Vance sa kanya. And that was okay with her. Dati kasi ay naiinis siya sa pagguwardiya nito sa kanya. Nasanay na siyang inaalagaan siya nito. And she liked it. She loved the feeling that was cherished and protected. Ni hindi ito umangal sa dami ng bitbit na pinamili.

Tuloy-tuloy sila sa kusina dala ang pinamili pagdating ng beach house. Nagtaka si Phoenix nang hindi pa rin siya iniiwan ni Vance. “O! Bakit nandito ka pa?”

"Tutulungan na kitang magluto. Sabihin mo lang sa akin kung anong gagawin ko,” sabi nito at naghugas ng kamay.

"Kaya ko na ito. Mag-relax ka lang." Tutulungan naman siya ni Mina na magluto. Saka wala naman yatang alam si Vance sa kusina.

"Para maging secure ang pakiramdam ko na di mo lalagyan ng gayuma ang pagkain ko at para kiligin ka rin sa akin."

"Kapal mo talaga. Magpabaga ka na lang ng uling sa labas,” utos ni Phoenix para lang tantanan siya ng lalaki. “Ikaw na ang mag-ihaw ng isda at pusit. Ako na ang bahala dito."

"Okay," anito at bigla siyang kinintalan ng halik sa pisngi.

Natigagal siya saglit at gulat itong nilingon. "Anong..."

He smiled sheepishly. "Para kiligin ka lang."

"You are incorrigible!"

Pero tumawa lang siya. Sanay na siya sa panunukso at pang-aasar hindi. Hindi naman pala nakakainis kapag hindi niya ito sineryoso.

Pero mukhang big deal iyon dahil nararamdaman niya ang pagpitlag ng puso niya. Kailangan ay maging malinaw na sa kanya kung ano ba talagang nararamdaman niya para dito. Malapit nang sumabog ang puso niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.