Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 17

Matapos ipagluto ni Phoenix si Vance at mananghalian kasama ito ay nag-swimming sila sa dagat. Sinamantala nila na hindi masyadong mainit ang panahon. Wala silang ibang inintindi kundi ang pagkain at ang paglangoy. Wala rin siyang ginawa kundi ang makipagkulitan kay Vance at makipagkwentuhan. Ikinuwento nito sa kanya ang tungkol sa karanasan nito sa anim na buwang pananatili nito sa El Nido pati na rin ang ibang interesanteng lugar na napuntahan na nito sa Pilipinas. Mas marami siyang nadiskubre sa karakter nito – kung gaano ito kagaling sa pagresolba ng mga problema at kung paano ito makisama sa mga tauhan.

Gusto pa sana niyang i-enjoy ang company nito pero di rin niya kinaya ang pagod. Plakda si Phoenix sa pagkakahiga sa kama sa sobrang pagod at nakatulog. Sa sobrang sarap ng tulog niya ay nagsisimula nang bumaba ang araw sa islang katapat ng bintana niya.

"No! Mami-miss ko ang last sunset ko dito," natataranta niyang usal. Mataas pa naman ang araw dahil alas kuwatro y media pa lang pero mabilis lang lumubog ang araw.

Palabas na siya ng pinto habang ipinupusod ang buhok niya nang masalubong niya ang kawaksi na si Mina. "Ma'am, isuot daw po ninyo ito paglabas ninyo sa beach sabi ni Sir Vance," wika nito at inabot ang paper bag sa kanya.

Inilabas niya ang damit sa loob. It was a long flowery chiffon dress. "Bakit kailangan ko pang isuot ito?"

"Kasi naghahanda po si Sir Vance ng espesyal na dinner para sa inyo.” Biglang natutop ni Mina ang bibig. “Naku! Sigurado po na guwapong-guwapo iyon kaya po isuot ninyo iyan. Sekreto lang po natin na sinabi ko sa inyo ha?"

"S-Sige po.Salamat po."

Natawa na lang siya sa pambubuko ni Mina. Naligo siya saka excited na isinuot ang dress. Pwede naman siyang lumabas doon nang hindi nagpapalit ng damit. Silang dalawa lang naman ang nandoon. It was just Vance. Mas malala pa sa itsura niya na bagong gising ang nakita nito sa kanya.

But knowing Vance, he really prepared something special. Nag-abala pa nga itong paghandaan pati ang isusuot niya, hindi ba? Hindi naman niya pwedeng sayangin ang pinaghandaan nito.

Pasilip-silip si Phoenix sa bintana habang tinutuyo ang buhok niya sa bentilador. Baka malubugan na siya ng araw sa pag-aayos doon. Kinakabahan siya habang pinagmamasdan ang unti-unting paglubog ng araw tuwing nililingon niya ang bintana. Nakaka-frustrate. Ganito pala ang pakiramdam ng mga babae na naghahabol ng oras para maging presentable sa ka-date ng mga ito. Pambihira naman kasi si Vance. Pa-surprise-surprise pa.

Nang matuyo iyon ay pinahiran niya ng smoothing hair serum. Nilagyan lang niya ng lip gloss ang labi at face powder ang mukha. Okay na iyan. Kapag masyado pa siyang nagpaganda ay baka wala na siyang sunset na maabutan.

Patakbo siyang lumabas ng beach house. Kailangan niyang habulin ang paglubog ng araw. Bigla siyang tumigil sa pagtakbo.

Nahigit niya ang hininga nang makita si Vance na nakaupo sa mesa sa labas. Nakasuot ito ng long sleeve chinos at dark brown na pants. He looked so dashing. Kung hindi pala siya nag-ayos ay baka magmukha siyang busabos sa tabi nito.

"Wow!" sabi lang nito nang salubungin siya. Matindi ang init na mababanaag sa mga mata nito. "Hello, gorgeous!"

"Thank you." Hinawakan nito ang kamay niya at iginiya siya sa mesa. Nagningning ang mga mata niya nang makita ang ayos ng mesa. May rosas at LED candle pa. "This is nice."

"Ako ang naghanda niyan," anitong may pagmamalaki sa boses. "I want this night to be special for you."

"Hindi mo naman kailangang gawin ito. Masaya naman ako na nandito at..." Binigyan siya nito ng naghahamong tingin. "Thank you. At salamat sa dress at sa kung ano pang ihinanda mo para sa akin."

"Mas masarap kung manonood ka ng sunset habang umiinom ng wine." At ipinagsalin siya ng binata ng white wine sa kopita.

Napaka-romantic ng atmosphere pero ayaw na niyang lagyan pa ng malisya kung anumang nakikita niya ngayon. It was just the ambiance. Sinimsim niya ang wine habang pinagmamasdan ang mistulang gintong kalangitan dahil sa paglubog ng araw.

Perfect. It was simply perfect.

Maya maya pa ay isinilbi na ni Vance ang pagkain. Nagpaalam din si Mina na iiwan silang dalawa para makapagsolo. Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa na pinagsisilbihan nito. He was spoiling her and loved it.

Hindi niya halos inaalis ang tingin dito habang naghahapunan sila. She loved the twinkle in his eyes, how passionate he was about life.

Hindi niya alam kung bakit ayaw nitong magkaroon ng seryosong relasyon. Mukha naman itong boyfriend material dahil kaya nitong mag-alaga ng babae. Baka nga pwede pa itong husband material o kaya ay father material dahil nakita kung gaano ito kabait sa mga bata na nakalaro nila sa Gawad Kalinga. Nagpaluto pa ito ng miryenda para sa mga bata at nakipagkwentuhan sa mga ito.

Hindi lang siguro niya napapansin ang magagandang karakter nito dahil lagi silang nagbabangayan at kontrabida ang tingin niya dito.

Kung liligawan nga siya nito at magseseryoso ito sa kanya, baka sagutin pa niya ito. Kung magseseryoso ito at kung liligawan man siya nito.

Oh, well. Sa ngayon ay gusto lang niyang i-enjoy ang panahong kasama niya ito. Alam niyang magiging abala ito sa trabaho kapag bumalik sila sa Manila. At siya naman... kung pwede lang ay huwag na siyang umalis sa El Nido. Parang ayaw na niyang umalis ng Pilipinas. The idea was becoming more and more appealing.

"More dessert?" alok nito nang maisubo niya ang huling pirasong chocolate cake. Ang isang iyon ay in-order naman nito mula sa bayan.

Umungol siya dahil hindi na niya kaya pang huminga. “Ewan ko kung kakayanin ko pa. Hayaan mo muna akong huminga. After thirty minutes, alukin mo ulit ako.”

“Dito ka lang. Lilinisin ko lang ang mesa,” sabi nito at tumayo.

Tumayo siya. “Tutulungan na kitang maglinis.”

“Huwag kang aalis. Diyan ka lang. Sabi ko naman ako ang bahala sa iyo. Please?” pakiusap nito.

“Alright. Dito lang ako,” masunurin niyang sabi.

Saka lang siya tumayo nang pumasok si Vance sa beach house bitbit ang mga pinagkainan nila. Naglakad-lakad siya para pababain ang kinain niya. Tumingala siya at pinagmasdan ang langit na maliwanag dahil sa bilog na buwan at mga bituin. She was happy. She was really, really happy. Hindi pa siya nakaramdam ng ganitong klaseng kasiyahan at kapayapaan noon. Kapag ba bumalik siya sa Egypt ay ganito pa rin ang mararamdaman niya? Paano kung hindi na? Paano kung hindi na siya masaya kapag nalayo siya kay Vance? Dapat pa ba siyang bumalik sa Egypt?

Pero hanggang kailan siya magiging masaya kasama ito? Paano kung pagbalik nila sa Manila ay hindi na siya parte ng normal nitong buhay? Anong naghihintay para sa kanila matapos ito? Paano kung hanggang El Nido lang pala ang kasiyahang maibibigay nito sa kanya? Would she risk it?

Kilala niya si Vance. Pansamantala lang dito ang relasyon. Paano kung katulad lang si Phoenix ng ibang babae – lahat ng ito ay pansamantala lang? Walang kahit anong pangako. Walang kahit anong katiyakan.

“Phoenix, naghanda ako ng tea para sa iyo!” sigaw ni Vance. May bitbit itong tray na may nakapatong na teapot at tasa.

Dali-dali siyang bumalik sa mesa at umupo sa rattan chair. Excited siya habang isinasalin nito ang peppermint tea sa tasa at inabot sa kanya. "I really appreciate everything you did for me. Nag-enjoy ako sa isang linggo ko dito sa El Nido. Nagustuhan ko ang tour natin sa lagoon, sa beach, sa archaeological sites, ang mga taong nakilala natin pati na rin ang pagkain. Maraming-maraming salamat."

Naging seryoso ang anyo nito. "I can hear a but."

She pursed her lips. "Hindi ka ba natatakot na ma-in love ako sa iyo?"

"Nai-in love ka na ba?"

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.