Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 27

“Hindi na rin kami magtatagal,” sabi ni Janine Karla matapos nilang mag-dinner. “Kailangan na naming bumiyahe papuntang Vigan. Dadalawin ko ang family ko para makilala rin nila si James. Nagtatampo na ang lola ko dahil magpapakasal na daw ako nang hindi man lang ipinapakilala sa kanya ang pakakasalan ko. Saka miss ko na ang Vigan empanada. Gusto kong ipatikim kay James.”

At saka nito kinindatan ang nobyo. Alam niya na bukod sa Vigan empanada ay may iba pang gustong ipatikim si Janine Karla kay James. Mahina kasi si James pagdating sa exotic food at nag-e-enjoy si Janina Karla na i-torture ito.

“Basta magpakita bago kayo bumalik ng Egypt,” sabi ni Phoenix.

Niyakap siya nito. “I am really excited for you and your new life. Pero mami-miss kita. Sobra.”

“I will miss you, too.” Humikbi ito ng iyak. “O! Magkikita pa naman tayo.” Pinunasan niya ang luha nito. “Tahan na.”

Pinisil nito ang braso ni Vance. “Ingatan mo ang kaibigan ko. Oras na paiyakin mo iyan, ako mismo ang magma-mummify sa iyo.”

“Mas gusto ko nang mai-mummify kaysa saktan si Phoenix,” anang si Vance at inakbayan siya.

“Now that’s smooth,” wika ni Janine Karla at nakita niya ang kinikilig na ngiti sa labi nito. Hindi na niya kailangan pang itanong. Aprubado nito si Vance.

Ihinatid lang nila ang magnobyo sa nirentahang van ng mga ito. “Huwag muna tayong umuwi. Alas siyete pa lang ng gabi,” wika ni Vance sa kanya. “Let’s have some cake at a cafe. Or we can watch a concert or play if you want. May casino rin dito.”

“Maglakad-lakad na lang siguro tayo.”

Minsan talaga ay iyon lang ang gusto niyang gawin – ang maglakad-lakad at mag-explore. She just loved the spirit of the people walking around her. Parang masaya kasi ang lugar na iyon. O sadyang masaya lang siya. Gusto niya ang pakiramdam na naglalakad-lakad habang hawak ni Vance ang kamay niya.

She was starting to get used to this. Lagi niyang nasa tabi si Vance. Pinapangiti siya nito at laging nakaalalay sa kanya. Sinabi niya sa sarili na hindi niya hahayaang ipamahala sa ibang tao ang kaligayahan niya. Pero tuwing kasama niya si Vance, pakiramdam niya ay ayos lang na hayaan ito na pasayahin siya. May mga araw na malungkot siya o naiinip, ito ang gagawa ng paraan para pangitiin siya kahit sa mga simpleng bagay.

Tiningnan niya sa Internet kung anong sintomas ng mga nararanasan niya. Ayon sa isang website ay in love siya. She even discreetly sent a message to a psychologist she knew. Iyon din ang kinumpirma nito. Kaya naman pala maraming tao na hindi natatakot na ma-in love. It was such an exciting and light feeling. Parang maganda ang lahat sa paligid. Walang lugar para sa kalungkutan. Ayon sa kakilala niyang psychologist ay pakawalan lang niya ang sarili niya at i-enjoy ang nararamdaman niya.

Isang pareha ang nakakuha ng atensiyon nila ni Vance. Nakasuot ng wedding gown ang babae habang ang lalaki naman ay white tuxedo. Naglalakad-lakad ang mga ito sa cobbled walkway. “Are they really newly weds?” tanong niya. “O baka naman pre-wedding pictorial lang.” Napansin nila na nakasunod ang grupo ng photographer sa mga ito.

“O baka naman model lang. But it would be cool walking around wearing your wedding dress.”

Tiningnan niya ito ng masama. “Hindi ganoon kadali para sa mga babae na magsuot ng wedding dress.”

“Pero magiging proud naman ang isang lalaki na ipakita sa lahat kung sino ang babaeng pinakasalan nila,” wika ni Vance at itinaas ang noo. “What is your ideal wedding?”

“Huh?” usal niya at gulat itong nilingon. “Di ko masyadong napag-isipan.”

“Come on. Huwag kang mahiya sa akin,” anito at nagpatuloy sa paglalakad. Nilagpasan nila ang pareha na nagpapa-picture habang nakasandal ang groom sa isang ancient lamp post. “Lahat ng babae ay laging iniisip kung ano ang dream wedding nila. Ang iba nga bata pa lang iyon na lang iniisip nila kapag nagbabahay-bahayan at kasal-kasalan.”

“Hindi ko yata naranasang maging bride sa larong iyan. Gusto ko lang noon ay maging flower girl at magsaboy ng bulaklak sa ikinasal.”

“Anong theme ang gusto mo? Cleopatra and Mark Anthony? Romeo and Juliet? Crisostomo Ibarra at Maria Clara?”

Umasim ang mukha niya. “Bakit parang puro tragic ang mga love story ng mga nabanggit mo. Sila Ibarra at Maria Clara nga di na umabot sa kasalan. Ang totoo hindi ko pa naiisip ang tungkol diyan. Malayo pa talaga sa isip ko.”

Pero dahil nabanggit nito, nakita niya ang sarili na naglalakad sa aisle ng isang sinaunang simbahan. She was wearing an old gown made of gauze fabric. Habang sa harap ng altar ay naghihintay si Vance.

Bigla siyang nabahala. Ayaw niyang isipin iyon. Gusto lang siya ni Vance pero hindi niya alam kung hanggang saan. Yes, he blabbered that he wanted to marry her. But that was his nerves talking. Hindi na nito nabanggit ulit kung hanggang saan ang initensiyon nito sa kanya.

“Paano ko mapaplano ang kasal natin kung hindi mo alam kung anong dream wedding mo? Mas lalo naman akong walang alam diyan. Siyempre ang dream wedding ng bride ang dapat sundin. Usually pamilya lang ang groom ang tagagastos,” kaswal na sabi ni Vance.

Natigagal siya. “Gusto mong magpakasal sa akin?” marahan niyang tanong.

“Yes. Ano pang sinabi ko na seryoso ako kundi ko iniisip na pakasalan ka?” may bahid ng iritasyon nitong tanong.

“A-Akala ko kasi wala sa isip mo ang magpakasal.”

“Naisip ko lang bakit pa magpapakasal at bubuo ng pamilya kung iiwan mo rin sila sa huli katulad ng nangyari sa mga magulang ko. Iniwan nila akong mag-isa. Pero sa huli, na-realize ko na walang garantiya anong mangyayari bukas. Ang mahalaga ay kasama mo ang taong mahal mo sa bawat araw na nabubuhay ka. Keep them safe and protect them as much as you can. Ang gusto ko na lang malaman ay kung gusto mo rin ako. Kung maipagkatiwala mo sa akin ang puso mo.”

There was a hopeful look in his eyes. Parang umaasa ito na magiging positibo ang sagot niya. He was nothing but wonderful since she came back. At ang gusto lang niya ay huwag nang matapos ang sayang nararamdaman niya habang kasama ito. Isa lang ang naiisip niyang paraan para mangyari iyon.

“Yes, Vance.” Yumakap siya sa leeg nito. “Handa na akong ipagkatiwala sa iyo ang puso ko. And yes, I want you to be my boyfriend.”

“Yes! Yes!” Binuhat siya nito at inikot-ikot. “Sinagot na niya ako!”

“Vance, ano ba? Maraming tao,” sabi niya at tinampal ang balikat nito. Pinagtitinginan na sila ng ibang tao. She was not really used to this type of public spectacle. Naiilang siya.

Ibinaba siya nito. “I don’t care. I want the world to know that you are mine.” Sinapo nito ang pisngi niya. “Akala ko pahihirapan mo pa ako ng ilang taon bago mo ako sagutin. Pinakaba mo talaga ako.”

Hinaplos niya ang balikat nito. “Vance, nasaan ang confidence mo? You can make any woman fall for you.”

“I am always unsure when it comes to you. Ikaw lang ang babaeng nagpapakaba sa akin. Hinihintay ko na nga lang na sabihin mo na joke lang na gusto mo akong maging boyfriend.”

Tumingkayad si Phoenix at hinalikan ang binata sa labi. Now she also didn’t care if the world would see it. Ang alam lang niya ay masaya siya na siya ang girlfriend nito.

Nakapikit pa ito habang nakangiti nang maghiwalay ang labi nila. “Hoy!” untag ni Phoenix dito. “Dumilat ka na.”

“Ninanamnam ko pa ang halik mo.” Dumilat ito. “You just made me a very happy man.”

“Pinasaya mo rin naman ako. Akala ko mas masaya ako na mag-isa. Akala ko hindi ko kailangan ng ibang tao para pasayahin ako. Akala ko rin masaya na ako kung ano ang mayroon ako. But you made things better for me. You showed me that I can be happier. Na hindi ko kailangang pasayahing mag-isa ang sarili ko dahil may tao na handang pasayahin ako. And I want you in my life.”

“Kailan mo gustong magpakasal?” nakangiting tanong nito.

“No rush about the wedding. Please. Gusto ko munang mag-enjoy tayo. We’ve been fighting each other most of our lives.”

“Right. No rush. I am just glad that you are mine.” Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya. “Wala nang bawian.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.