HINDI makatulog si Phoenix nang gabing iyon. Dapat ay mahimbing ang tulog niya dahil napagod siya sa pamamasyal sa Pico de Loro. Pero dilat pa rin siya at naguguluhan pa rin. Anong dapat niyang gawin sa kuwintas na padala sa kanya ni Maximo Pantaleon.
Dapat ay ibalik niya iyon. Oras na malaman ng tiyuhin niya o ni Vance ay magagalit ang mga ito.
Instead she was bothered. Hindi niya maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay mabigat ang dugo ng tiyuhin niya kay Maximo.
If it was business, bakit masyadong nagiging personal?
Hindi rin niya maintindihan kung bakit magaan ang loob niya kay Maximo. Kung ibang tao iyon na bago niyang kakilala at halos estranghero sa kanya ay baka hindi niya kausapin tungkol sa personal na bagay ni pansinin man lang.
Ano ba talaga ito sa buhay ng nanay niya? Posible bang hindi lang basta magkaibigan ang mga ito? At sinabi nito na hindi siya kamukha ng ama niya. Sa halip ay kahawig siya ng kapatid nitong babae. Now that was freakin' weird. Why would he say that?
Ipinilig niya ang ulo. Labag talaga sa kalooban niya na ibalik ang kuwintas. That would be a terribly rude thing to do. Sa palagay niya ay sobra naman kung pag-iisipan niya na may ulterior motive si Maximo sa pagbibigay ng kuwintas sa kanya. Nagkape lang naman sila. Saglit na nagkwentuhan tungkol sa nanay niya. Anong masama doon? Kahit ang pagkakabigay nito ng kuwintas ay napaka-inosente. Di niya nakikita ang dahilan para ibalik iyon. She could always keep it like their secret camaraderie. Ayos na siguro iyon.
Oo, nakaka-guilty na nagtatago siya ng ganitong sekreto sa mga mahal niya sa buhay. Nagawa nga niyang magsinungaling kay Vance dahil kay Maximo Pantaleon, hindi ba? Ginagawa niya ito para sa taong hindi naman niya kaano-ano. Parang tinraidor naman niya sina Vance at Mauricio.
Bumalikwas siya ng bangon. It is no big deal. Hindi na kailangang palakihin pa. Ano bang mayroon kay Maximo Pantaleon para katakutan? At kaya kong protektahan ang sarili ko. Hindi ko rin tinatraidor sina Tito Mauricio at Vance. It is just a necklace. As if I am handling company secrets to the enemy. Di ako ganoon kasama o kahangal.
Itatago na lang niya ang tungkol sa kuwintas. Iyon na rin ang huling koneksiyon niya kay Maximo. Hindi na siya makikipagkita o makikipag-ugnayan dito katulad ng pangako niya.
Sa huli ay nagtatalo pa rin ang isip nang tuluyan siyang bumangon. Hindi siya matatahimik nang ganito. Sumasakit na ang utak niya sa kaiisip.
Bumaba siya ng kusina para magtimpla ng gatas. Napansin niya na bukas pa ang ilaw sa library. Nang lumapit siya ay narinig niyang nag-uusap sina Vance at Tito Mauricio niya. Nagtatrabaho pa rin ang mga ito. Mga wala talagang balak na magpahinga. Hindi maawat sa pagka-workaholic.
Naisipan niyang ipagtimpla ng kape ang mga ito at ipaghanda ng miryenda. She must take care of her men. Nag-brew siya ng civet coffee mula sa Davao. Nagtusta din siya ng mamon na paborito ng tiyuhin niya at gumawa ng veggie sandwich para kay Vance. Sosorpresahin niya ang mga ito.
She could get used to this role. Dapat lang dahil wala namang ibang mag-aalaga sa mga ito kundi siya lang.
Nang maihanda ang kape at miryenda ng mga ito ay nagtungo na siya sa library. Akmang tatawag siya para pagbuksan siya ng pinto ng mga ito nang marinig niya ang mataas na boses ni Mauricio.
"Lintik na Maximo Pantaleon iyan! Wala daw siyang plano na bumalik muna sa Europe. Sa halip ay hahawakan niya ang Pantaleon Realty at Pantaleon Mines nang personal. Bakit ngayon pa kung kailan nagsisimulang maging maayos ang lahat?" angil nito.
Malamang ay nag-aalala sa kompetisyon sa negosyo. Na-guilty tuloy siya dahil pinakikitaan niya ng maganda ang kalaban ng tiyuhin niya. Siguro ay masyado nang personal ang labanan ng mga ito. Marami namang kalaban sa negosyo ang Villaviray Construction pero sa mga Pantaleon lang nag-alala nang todo ang tiyuhin niya. Partikular sa kay Maximo Pantaleon.
"Sa palagay ko tinatangka niyang bumuo ng relasyon kay Phoenix. Nakikipaglapit na siya. Baka naman may hinala na siya..."
"Yes. I know," putol ni Mauricio sa iba pang sasabihin ni Vance. "Kung kailan naman nakumbinsi na natin si Phoenix na manatili sa Pilipinas saka bumalik din si Maximo Pantaleon. This is a mess."
Tumigil sa pagtibok ang puso ni Phoenix. Siya? Bakit pati siya ay nasali sa usapan. Anong hinihinala ni Maximo Pantaleon? Tungkol sa kanya? Hindi niya maintindihan. Magagamit ba siya ni Maximo laban sa tiyuhin niya o sa Villaviray Construction? Hindi niya makuha kung anong koneksyon. Something was not adding up.
"Mas makakabuti yata kung babalik na lang si Phoenix sa ngayon. Baka sakaling mailayo natin siya kay Maximo at sa mga Pantaleon," wika ni Vance.
"Malibang sundan siya nito sa Egypt."
"Do you think he would bother tracing her at the desert? I don't think so. O sana ay hindi na siya mag-abala pa. Mas ligtas si Phoenix doon."
"Kakausapin ko po siya. Pwede pa niyang i-consider ang three months sa Egypt. Hanggang makagawa tayo ng paraang iiwas siya kay Maximo Pantaleon. Sa huli ay desisyon pa rin niya kung mananatili siya sa Pilipinas. Basta gawin po natin ang magagawa natin para protektahan siya."
No. Ayaw na niyang umalis ng Pilipinas. Pero gaano ba katindi ang hidwaan ng tiyuhin niya kay Maximo Pantaleon para alalahanin nito pati ang kaligtasan niya?
Sinabi ni Vance na masamang tao si Maximo. Ano bang kaya nitong gawin para pabagsakin ang tiyuhin niya?
"I am sorry, hijo. I appreciated everything you did to make her stay. Baka hindi niya maintindihan ito." Parang pagod na pagod ang boses ni Mauricio. Nakadagdag na naman iyon sa guilt na nadarama niya.
Kasalanan niya kung bakit nag-aalala ang mga ito sa kaligtasan niya. Sumuway siya sa kagustuhan ng mga ito. Hindi siya nakinig. She formed a bond with the enemy without their knowledge. At kahit nangako siyang di na makikipag-ugnayan kay Maximo ay tinanggap pa rin niya ang regalo mula dito. Ngayon ay isa siyang malaking liability kaya iniisip ng mga ito na ipadala siya sa Egypt. Ayaw na niya doon. Masyado nang malungkot ang Egypt para sa kanya ngayon.
"Kung malayo si Phoenix sa paningin ni Maximo, sapat na siguro ang Palawan. Masaya siya doon. Pwede ko siyang bantayan. I will handle the new island resort. Mas madali na sa akin iyon kaysa ipaliwanag sa kanya kung bakit dapat siyang bumalik sa Egypt matapos ang pangungumbinsi sa kanyang manatili ng Pilipinas," paliwanag ni Vance.
Kahit ano. Kahit ano ay gagawin niya huwag lang siyang umalis ng Pilipinas. Magiging masunurin na siya. Puputulin na niya ang kaugnayan niya kay Maximo Pantaleon. Ibabalik na niya ang kuwintas dito. He was not worth it, kung ang kapalit naman ay malalayo siya sa mga mahal niya sa buhay. Kahit ano ay gagawin niya huwag lang siyang malayo sa Tiyo Mauricio niya at kay Vance. It would definitely break her heart into pieces.
"Gawin mo ang lahat para maprotektahan siya kay Maximo. Distract her. Marry her if you must. Kahit ano basta huwag lang malaman nina Maximo at Phoenix na mag-ama sila."
NAMANHID ang buong katawan ni Phoenix. Sa labis na pagkagimbal ay nabitiwan niya ang hawak na tray at tumapon ang mainit na kape at wasak na tasa at platito sa paanan niya. Subalit hindi niya iyon alintana.
Nakatulala lang siya sa saradong pinto. She was schocked. Hindi totoo ang narinig niya. Mag-ama sila ni Maximo Pantaleon? Imposible iyon!
Umurong siya habang habol ang hininga. Mabuti at sumandal siya sa dingding sa tapat ng library o baka matumba siya dahil nanginginig ang tuhod niya.Parang umiikot ang mundo niya. Paulit-ulit niyang naririnig ang sinabi ng Tito Mauricio niya.
Kahit ano basta huwag lang malaman nina Maximo at Phoenix na mag-ama sila… mag-ama sila…mag-ama sila.
Sinapo niya ang ulo. Hindi totoo iyon. Mali siya ng narinig. Si Thomas Knowles ang ama niya. Ang archaeologist na mahal na mahal ang nanay niya. Ang archaeologist na namatay sa disyerto ng Ehipto. Ang lalaking pilit niyang kinikilala sa pamamagitan ng pagtuklas at pag-aaral sa sinaunang sibilisasyon na nakahiligan nito.
"Sino iyan?" Bumukas ang pinto at lumabas si Vance. Natigilan ito nang makita siya. "Phoenix, anong ginagawa mo dito?" Yumuko ito at nakita ang mga nagkalat na basag na bagay sa labas ng pinto. Hinakbangan nito ang kalat at dinaluhan siya. “Ayos ka lang ba?” masuyong tanong nito. Umuklo ito sa harapan niya. “Napaso ang paa mo.”
“Kailangang magamot iyan. Ipapalinis ko na lang ang kalat dito,” sabi ni Mauricio na bakas ang pag-aalala sa mukha.
“Ayos lang ako,” usal niya sa walang emosyong boses. Ang totoo ay wala naman siyang nararamdaman.
“You are not,” wika ni Vance at binuhat siya. “Ninong, dadalhin ko muna siya sa kuwarto niya.”
Hindi na niya nagawa pang kumontra. She was too shocked to care already. Nakasalubong pa nila ang ilang kawaksi na marahil ay narinig ang pagbagsak ng hawak niya kanina. Ibinilin ni Vance na linisin na lang ang mga kalat doon. Hindi na niya napansin iyon halos. Lutang na lutang ang pakiramdam niya.
Idinala agad siya ni Vance sa bathroom niya. Inupo siya nito sa gilid ng bathtub. Doon nito hinugasan ang paa niya. Nakasuot siya ng shorts sa pagtulog kaya walang nabasa sa kanya. Matapos mahugasan ng malamig na tubig ay pinunasan nito ang binti niya at nilagyan ng malamig na aloe vera gel para hindi na lumala pa ang paso.