“Sabihin mo lang sa akin kung masakit, ha?” masuyong wika ng binata habang pinapahiran siya ng aloe vera gel.
Masakit. Gusto niyang maiyak sa sakit. Gusto niyang yakapin si Vance nang mga oras na iyon para sabihin dito kung gaano kasakit ang nararamdaman niya. She wanted his comfort. Kailangan niya ito nang mga oras na iyon. Pero hindi niya magawa dahil sa katotohanang alam nito ang totoo tungkol sa pagkatao niya pero wala itong sinabi. Pakiramdam niya ay tinraidor din siya nito.
Pinili ni Phoenix na manahimik na lang hanggang pumasok din si Mauricio sa kuwarto niya. “Matindi ba ang paso niya?” tanong nito kay Vance.
“Hindi naman po, Ninong. Nalapatan ko na rin ng first aid,” sabi ni Vance at tumayo. “Pero kung gusto ninyo patingnan natin bukas sa doktor.”
“A-Ayos lang ako,” aniyang ngayon na lang ulit nagsalita.
“Ano bang nangyari sa iyo?” nag-alalang tanong ni Mauricio. “Pagod ka rin naman kaya hindi mo na kami dapat ipinaghanda ng merienda.”
Lumunok siya at pinagsalikop ang mga kamay. "Hindi po kasi ako makatulog kanina kaya…” Huminga siya ng malalim. “Naisipan ko na magdadala ng kape at merienda para sa inyo at.... narinig ko na..." Huminga siya ng malalim habang hinuhugot ang salita mula sa kaibuturan ng dibdib niya. Puno ng pag-aalinlangan niyang tiningnan si Mauricio sa mga mata. “Narinig ko ang sinabi ninyo. Totoo po ba na si Maximo Pantaleon ang ama ko at hindi si Thomas Knowles?”
Nakita niya ang pagtatalo sa anyo ni Mauricio. Tumingin pa ito kay Vance na parang humihingi ng saklolo. Nakadama siya ng galit. Narinig na niya pero plano pa rin ba nitong itago ang totoo sa kanya?
“Sasabihin ba ninyo sa akin ang totoo o gusto ninyong itanong ko kay Maximo Pantaleon kung gusto niyang magpa-DNA test?” hamon ni Phoenix sa maigting na boses.
“Huwag!” tutol agad ni Mauricio. “Huwag mong gagawin iyan. Oo. Si Maximo Pantaleon ang ama mo at hindi si Thomas.”
Natutop niya ang labi at impit na umiyak. Tuluyan nang bumaligtad ang mundo niya. “Sa loob ng dalawampu’t anim na taon, pinaniwala ninyo ako na si Thomas Knowles ang ama ko. Pinaikot-ikot ninyo ako. Mukha akong tanga na nangangarap na isang archaeologist ang ama ko. Matagal na panahon na pala ninyo akong niloloko. At wala man lang kayong planong sabihin sa akin. Mga sinungaling kayo!"
Lalong naging lutang ang pakiramdam niya. Parang hindi na niya alam kung sino. Nawasak ang lahat ng pinaniniwalaan niya. Pakiramdam niya ay isa siyang tanga. Nagpakahirap siyang abutin ang imahe ng lalaking inaakala niyang ama niya. Maraming bagay siyang sinikap na gawin dahil gusto niyang maging karapat-dapat na maging anak nito. Kahit imposible ay pinagsikapan niya. Tapos ay kasinungalingan lang pala ang lahat. Kasinungalingan lang ang lahat ng tungkol sa kanya.
Kaya pala magaan ang loob niya kay Maximo dahil sa lukso ng dugo. At sa palagay niya ay ganoon din ito sa kanya. Ngayon ay naunawaan na niya kung bakit wala silang pagkakahawig ni Thomas Knowles sa isa’t isa. Kung bakit nakita ni Maximo ang pagkakahawig niya sa nakababata nitong kapatid. Kung bakit galit ang nanay niya sa classical music. Kung bakit nalulungkot ang nanay niya tuwing naalala ang ama niya. Ibang lalaki pala ang naaalala nito.
Kaya pala natataranta sina Mauricio at Vance na paglayuin sila ni Maximo Pantaleon. Gagawin ng mga ito ang lahat para lang maitago sa kanya ang katotohanan. Pakiramdam niya ay pinaikot-ikot siya ng mga ito at pinaglaruan ang buhay at pagkatao niya. And she hated them for that.
Umupo si Mauricio sa low stool sa tapat ng couch. "Desisyon ni Elaine Mae na si Thomas ang ipakilalang ama mo at hindi si Maximo. Nang sabihin kong masamang tao si Maximo, totoo iyon. Pinaglaruan lang ni Maximo ang mama mo para saktan ako, ang pamilya natin. He can't beat me in business. Maraming kliyente ng Pantaleon Constructions at mga magagaling na tauhan ang lumipat sa amin dahil mas maganda ang serbisyo namin at maayos ang pamamalakad namin. Malaki ang naging epekto nito sa mga Pantaleon. Kaya kay Elaine Mae niya ibinaling ang pagganti niya sa akin. Seventeen lang ang nanay mo nang magkakilala sila. She was so smitten. Ano nga naman ang laban ng inosenteng si Elaine Mae kay Maximo na walong taon ang tanda sa kanya? He was a playboy. He was quite charmer. Habang ang nanay mo naman ay noon lang nakarating ng Maynila. Overprotective ang lola mo sa kanya noong lumalaki siya sa Baguio. Laging nakabantay sa bawat kilos niya. It was exciting for her to be noticed by someone like Maximo.
“Napakadali para kay Maximo na paikutin si Elaine Mae. Kinalimutan niya ang kababata niyang si Thomas dahil kay Maximo. Natuto rin siyang maglihim sa akin at kay Papa. Sinabi niya na kasama niya ang mga kaibigan niya at nag-aaral sila pero si Maximo pala ang kasama niya. Kahit ang mga kaibigan niya ay tinuruan din niyang magsinungaling para pagtakpan ang mga pagkikita nila.”
She could understand that part. Hindi ba’t nagawa din niyang magsinungaling at magtago ng lihim para kay Maximo? And she was not a seventeen year old girl anymore. Matanda na siya. Na-imagine niya kung anong pinagdaanan ng nanay niya. Wala itong kalaban-laban sa tindi ng pang-aakit ni Maximo.
“Nang malaman namin ay pinaghiwalay namin sila. Tumututol pa noon si Elaine Mae dahil ayon sa kanya ay mahal siya ni Maximo. Na magpapakasal daw sila kapag nag-eighteen siya. Pero nalaman din niya na laro lang para kay Maximo ang lahat. agde-debut si Elaine Mae saka naman inanunsiyo ang engagement ni Maximo sa ibang babae na pinili ng pamilya nito. Malaking boost sa mga Pantaleon ang maikasal sa isang construction company na may koneksiyon sa Europe. Nalaman din ni Elaine Mae na buntis siya sa iyo. Nagdadalawang-isip pa kami noon ni Papa kung oobligahin si Maximo na pakasalan si Elaine Mae. Ayaw namin na maging parte ang nanay mo ng mga Pantaleon. They were cruel. All they cared about was money. At sa palagay ko ay magiging miserable lang si Elaine Mae sa pamamahay nila.
“Pero gusto pa rin ni Elaine Mae na magkasama sila ni Maximo. Buo pa rin ang paniniwala niyia na siya ang mahal nito. Sabi niya ay kailangan mo daw ng ama. Ayaw daw niyang lumaki ka na walang ama katulad niya. Kaya tinakasan niya kami para puntahan si Maximo. Nagmakaawa siya na siya ang piliin. Pinagtawanan lang siya ni Maximo at sinabi na laro lang sa kanya ang lahat. That your mother was one stupid woman. Gawa-gawa lang daw ang pagbubuntis para masilo siya.
“Noon lang nagising si Elaine Mae sa katotohanan na hindi siya mahal ni Maximo. Kaya pinili ni Elaine Mae na manirahan sa Baguio kasama ang nanay niya at doon ka na palakihin. Malayo sa usap-usapan ng mga tao. Malayo sa mata ng mga Pantaleon. Doon sa hindi ka makikita ni Maximo. At doon sa walang kukuwestiyon kung si Thomas nga ba ang ama ng dinadala niya o hindi."
"Minahal siya ni Papa." Naumid si Phoenix. Hindi na nga pala niya ama si Thomas Knowles.
"Oo. Pero pinili ng nanay mo si Maximo. Kung kailan magulo na ang lahat at gusto niya ng kaibigang masasandalan ay saka niya nalaman na patay na rin si Thomas. Kaya naisip niya na si Thomas ang ipakilalang ama mo. Sinikap niyang bigyan ka ng disenteng ama. Para hindi mo maramdaman na may kulang sa buhay mo.”
Kawawang Thomas Knowles. Ginamit lang ito ng nanay niya para magkaroon siya ng amang ipapakilala sa kanya kahit paano. Napaka-convenient nga naman. Patay na ito kaya paano pang lalabas ang katotohanan? Sino pang kukuwestiyon? Sino pang magtatanong sa tunay na pagkatao ng ama? At kahit nang nasa Maynila na siya nag-aral sa poder ni Mauricio ay nakatanim na sa isip ng lahat na si Thomas Knowles ang ama niya. Kaya pala tinanong ni Maximo kung premature baby siya. Alam nitong nagdadalang-tao ang ina niya pero itinaboy lang nito.
“Sana ay maintindihan mo kung bakit itinago ng ina mo ang katotohanan at gayundin kami. Hindi makakabuti sa iyo si Maximo Pantaleon. Mas mabuting wala siya sa buhay mo,” puno ng conviction na wika ni Mauricio.
Pinagmasdan ni Phoenix ang tiyuhin. Tumanda ito ng sampung taon kaysa tunay na edad nito. He had to carry the burden of truth. Samantalang ang nanay niya ang gumawa ng kasinungalingang iyon. It was all messed up.
Mariin siyang pumikit at pagkuwan ay pinagmasdan si Mauricio. "Naiintindihan ko po ang ginawa ni Mama. Pati na rin ang pagpapanatili ng sekretong iyon.” Subalit muli siyang nakadama ng galit nang tumingin kay Vance. May isa pang katotohanan na hindi niya pwedeng takasan. “Pero hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa ninyong kasabnwatin si Vance para magpanggap na gusto niya ako, na pwede siyang maging devoted sa akin at sa punto pang pakakasalan ako kung kinakailangan. That is something that I won't forgive. That is an all-time low."