Hinding-hindi matatanggap ni Phoenix ang katraiduran na iyon. It was the ultimate betrayal. Para lang itago sa kanya ang katotohanan, bakit kailangan pa siyang paibigin ni Vance? Bakit kailangan pa siya nitong papaniwalain sa mahal siya nito?
That’s why it was too good to be true. Mai-in love sa kanya ang isang playboy na gaya ni Vance? Pagsisilbihan siya nito na parang prinsesa? Na mas gusto pa siya nitong titigan kaysa sa nanalong Miss World? At sapat na ang simpleng katangian niya para mahalin nito at gustuhing magpakasal?
It was a load of bull. Kalokohan lang ang lahat.
Biglang tumayo si Vance. “Sandali. Iniisip mo na pinaikot lang kita? Na inutusan lang ako ni Ninong Mauricio para itago ang totoo kong pagkatao?”
“Alam ko kung anong narinig ko!” puno ng hinanakit niyang wika kay Vance. “Huwag mo na akong gawing tanga. I am not that stupid, Vance. Our love story is too fairytalish really.” Pagak siyang tumawa. “It was a brilliant plan. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako mapapaikot katulad ng ibang mga babae mo. But I am the biggest fool of all. Pakiramdam ko wala nang ginawa ang mga tao sa paligid ko kundi paikutin at lokohin lang ako para itago ang katotohanang iyan. Hindi ko na alam kung ano ang totoo.”
“Hija, nagkakamali ka ng iniisip tungkol kay Vance,” wika ni Mauricio. “Huwag kang magpadalos-dalos. Makinig ka muna sa akin.”
Umiling si Phoenix. “Tito, masyado na akong pagod. Sa dami ng mga nalaman ko ngayon, it is just too much to take. Iwan po muna ninyo akong mag-isa.”
“Pero hija…”
“Ninong, iwan po muna natin si Phoenix. Sa palagay ko kailangan na rin ninyong magpahinga,” masuyong wika ni Vance at hinawakan sa siko si Mauricio. Puno ng lungkot sa mga mata nito nang sulyapan siya. “Kailangan pa rin nating mag-usap pero magpahinga ka muna ngayon.”
Umingos siya. Ayaw niyang makita si Vance. Ayaw niyang makita ang nalulungkot nitong tingin sa kanya na parang nasasaktan ito. O baka naman awa iyon. Hindi nga naman siya magkakanobyo kundi pa dahil sa pang-uuto nito. Isang malaking sampal na naman sa pagkatao niya.
Hindi niya inalis ang pagkakapaling ng tingin niya hanggang lumabas si Vance ng pinto at si Mauricio. Ini-lock niya ang pinto at saka ibinagsak ang sarili sa kama. Hindi niya alam kung ano pa ang gusto nitong pag-usapan nila. Narinig na niya ang lahat. Malinaw na sa kanya ang nangyari. Marahil ay sakripisyo iyon para sa parte ni Vance – ang mangako sa kanya sa puntong kailangan pa siya nitong pakasalan para lang mailayo siya kay Maximo Pantaleon at sa katotohanan.
Naramdaman niya ang pag-agos ng luha sa gilid ng mga mata niya. Sobrang sakit. Pakiramdam niya ay bugbog na bugbog ang puso niya. She was not the same person she knew anymore. Sa isang iglap ay hindi niya alam kung saan ilalagay ang sarili niya sa mundo. She was unwanted. Ngayon ay hindi niya alam kung baka kaya nalulungkot minsan ang nanay niya kapag nakikita siya ay dahil naalala nito si Maximo Pantaleon sa kanya at ang panloloko nito.
At si Maximo Pantaleon, gusto ba niyang ipaalam dito na anak siya nito? O dapat na niyang ibalik dito nang tuluyan ang kuwintas at sabihin dito na ayaw na niyang magkaroon ng kinalaman dito na kahit ano. Bakit pa ito makikipaglapit sa kanya matapos ang ginawa nito sa kanilang mag-ina? Ayaw niyang maging ama ang isang katulad nito. May dahilan ang nanay niya at tiyuhin niya para itago kung sino ang tunay niyang ama. She didn’t want to have a father like him either. Kahit na gusto pang mapalapit dito ng puso niya. Mas gugustuhin na lang niyang magpanggap na hindi niya alam ang totoo. Na si Thomas Knowles ang pinaniwalaan niya gaya ng pinaniwalaan niya buong buhay niya. Mas gusto na lang niyang bumalik ang lahat sa dati.
Pero hindi rin niya kayang tuluyang bumalik sa dati. Hindi niya kayang humarap kay Vance at maniwala na mahal pa rin siya nito. Hindi siya ganoon kahangal. Hindi siya ganoon kadesperada para mahalin na kahit alam na niya ang totoo ay magpapanggap pa rin siya na parang walang nangyari. What’s the sense of pretending anyway? Alam na niya ang totoo. At kung siya ang masusunod, ayaw na lang niyang harapin si Vance. Ayaw na niya itong kausapin.
Mahina siya pagdating kay Vance. Napatunayan na niya kung gaano kadali para dito na palambutin ang puso niya. Paano kung yakapin siya nito at halikan? Paano kung gumawa ito ng mga bagay na makakakumbinsi sa kanya na mahal siya nito gaya ng dati? Mababawi pa ba niya ang sarili niya kapag nagsawa na ito sa pagpapanggap at luray-luray na ang puso niya? Matutulad ba siya sa nanay niya na isang lalaki lang ang minahal at di na nagawang bawiin ang sarili nito?
Bumalikwas siya ng bangon. Kailangan niyang lumayo kay Vance habang kaya pa niya. Habang matatag pa siya at puno ng galit sa puso niya. Sapat na ang dalawampu’t anim na taong nabuhay siya sa kasinungalingan. Binuksan niya ang closet niya at naglabas ng ilang pirasong damit. Isinaklaksan niya iyon nang walang ingat sa overnight bag basta magkasya lang. She took her passport and travel documents. Saka siya tumawag ng taxi para sunduin siya.
Lalayo siya doon. Babalik siya sa normal niyang buhay sa Egypt. Mabuti na lang at binigyan pa siya ng head ng excavation team nila na mag-isip-isip dahil baka daw magbago pa ang isip niya. Hindi lang tatlong buwan ang iwo-work out niya. Mas mahaba pa doon. Mas nanaisin niyang magtiis sa disyerto kaysa naman manatili sa Pilipinas kung saan hindi na niya alam kung sino ang pagkakatiwalaan niya.
Palabas na siya ng front door nang marinig niya ang boses ni Vance mula sa likuran niya. "Saan ka pupunta? Disoras na ng gabi."
Kuyom niya ang palad habang hinahamig ang lakas ng loob niya na harapin ito. Hindi niya inaasahan na mahuhuli siya nito. Ang plano niya ay umalis doon nang walang nakakakita sa kanya. Kung mayroon man ay mga kawaksi lang at madali na lang paliwanagan ang mga ito dahil wala namang alam ang mga ito sa problema niya kay Vance at Mauricio.
Mapait siyang ngumiti nang humarap dito. "Out of this place. Away from you."
"Saan ka pupunta? Kay Maximo Pantaleon?"
"No." Ayaw din niya itong makilalang ama. Ni ayaw na niya itong makita matapos niyang malaman kung paano nito sinaktan ang nanay niya. "Kailangan ko lang huminga. Tapos plano ring umalis dito. Gusto naman ninyo na bumalik ako ng Egypt, hindi ba? Pwes, itutuloy ko na ang kontrata ko. At sa pagkakataong ito ay hindi lang tatlong buwan. I will stay there longer.” Maybe forever.
Bakas ang frustration sa mukha nito. “Look, alam ko may maliit tayong misunderstanding. Pero hindi mo pwedeng iwan ang buhay mo dito. Nakaayos na ang lahat.”
“Akala ko ayos na ang lahat. Until I learned the truth. Kaya pasensiya na kung nasayang ang lahat ng pagod ninyo lalo na ang pang-aakit mo para lang panatilihin ako sa Pilipinas. Hindi ko kayang manatili pa ngayong alam ko na ang totoo. Hindi ko na kayang matagalan ang lahat ng kasinungalingang ito.”
Hindi kayang matagalan ni Phoenix na makita si Vance habang alam niyang kasinungalingan lang ang pagmamahal nito. It was killing her looking at him right now. Mas gusto na lang niyang tumakas kaysa komprontahin ito. Sana lang ay nandiyan na ang taxi na susundo sa kanya.
"Nandito na ang pamilya mo. Ano pang babalikan mo sa Egypt? Hindi si Thomas Knowles ang tunay mong ama,” wika nito.
Pakiramdam niya sinampal siya ni Vance. Gusto niyang sugurin ito at ihampas ang bag na bitbit niya dito para maibsan ang sakit na nararamdaman niya. Sa halip ay mahigpit niyang hinawakan ang handle ng bag niya.
"Salamat sa pagpapaalala sa akin na kasinungalingan lang ang lahat. Ni hindi ko nga alam kung sino talaga ako. Kung anong parte ng pagkatao ko ang talagang akin." Nangilid ang luha niya. “Ayoko ng ganitong pakiramdam na parang pinaglalaruan ako. Nagsisikap akong hanapin ang sarili ko. Kaya pala hindi ko mahanap-hanap dahil iba ang tunay na ama ko. Kaya pala pakiramdam ko laging may kulang sa buhay ko. Hindi ko alam kung dapat kong ipagpasalamat na nalaman ko ang totoo o sana hindi ko na lang nalaman. Hindi ko na alam.”
Hindi na niya napigilan ang pagbugso ng damdamin niya at muling napaiyak. Naguguluhan na talaga siya.
"Please don’t cry, Phoenix.” Masuyo siyang niyakap ni Vance. “I am sorry. But please don't leave like this. I can’t let you live like this. I will do everything to make things better. That’s a promise."
Hinayaan niya ang sarili na maramdaman ang init ng yakap nito. She was longing for his touch. At iyon ang kailangan niya ngayong bagsak na bagsak ang pakiramdam niya. Pero hindi ba’t ito ang isa sa dahilan kung bakit nasasaktan siya ngayon? Alam na nito ang sekreto ng pagkatao niya. At ang pinaibig siya nito para lang makontrol ang sekreto na iyon at plano pa siyang pakasalan sa utos ni Mauricio para lang maitago ang lihim ng pagkatao niya.
"Huwag mo akong hawakan.” Itinulak ni Phoenix si Vance nang ubod lakas. Puno ng pagkasuklam niya itong pinagmasdan. Ang pagmamahal niya ay napalitan ng matinding galit. “Ikaw ang pinakamalaking kasinungalingan sa lahat. Nag-e-enjoy ka ba habang mukha akong baliw na naniniwala sa nararamdaman mo para sa akin? Masaya ka ba na nauuto mo ako? Na handa kong baguhin ang lahat ng plano at buhay ko para sa iyo? Wala kang ipinagkaiba kay Maximo Pantaleon."
Nagdilim ang mukha ni Vance. "Huwag mo akong ikumpara sa kanya. Totoo ang lahat ng ipinakita ko sa iyo."
"Let's be honest for once, Vance. Alam naman natin na ikaw ang gustong maging kahalili ni Tito Mauricio sa pamamahala ng Villaviray Construction. Wala nga namang kahirap-hirap iyon para sa iyo kapag pinakasalan mo ako.” Nanunuya niya itong tiningnan mula ulo hanggang paa. “When I look at you, all I can see is a lapdog. You are not even a man."
“I don’t deserve that, Phoenix,” puno ng sakit ang anyo nito nang sabihin iyon. “Pero iintindihin kita dahil alam ko na naguguluhan ka pa ngayon. Bumalik ka na sa kuwarto mo at magpahinga. Mag-uusap pa rin tayo kapag mas malinaw na ang isipan mo.”
Narinig niya ang ugong ng taxi sa labas. "Nandiyan na ang taxi ko. Sabihin mo kay Tito Mauricio na tatawag na lang ako bago ako umalis.”
“No. Hindi ka pwedeng umalis. Alas dos na ng madaling araw. Ako na lang ang maghahatid sa iyo kung saang hotel mo gusto.”
“Nagpapatawa ka ba? Ikaw nga ang dahilan kung bakit ako aalis. Ayoko na kitang makasama,” mariin niyang sabi.
“Fine. Ipapahatid na lang kita kay Mang Ador,” sabi nito.
“At ipapaliwanag ko sa kanya kung bakit basta na lang akong aalis at sa hotel tutuloy?” Bumuntong-hininga siya. "Huwag na ninyo akong alalahanin. Hayaan mo na lang ako. Just... just let me be."
Nakasunod ito sa kanya hanggang sa gate at ihinatid na lang siya ng tanaw hanggang makaalis ang taxi na sinasakyan niya. Masakit na umalis at iwan ang mga taong mahal niya. Pero para sa isang pusong nalinlang, alam niyang kailangan niyang gawin ito. Oras na para harapin niya ang katotohanan sa pagkatao niya. Oras na para tanggapin niya na hindi siya mahal ni Vance.
The future would be bleak and lonely for her. Pero mas mabuti na ang malungkot at nag-iisa kaysa kasama niya ang lalaking hindi siya totoong mahal.