Hello, Stranger Chapter 15

WELCOME home, self...

Tatlong buwan rin ang itinagal ni Bebeng sa Japan kaya nakapikit niyang ninamnam ang mainit na hangin ng Pilipinas nang makatapak siya ro'n ulit.

Oo, sa gitna ng busy na buhay sa labas ng airport, parang tanga niyang sininghot ang polusyon ng Pilipinas at pumikit.

Kung wala pa sigurong iistorbo sa kaniya ay hindi siya didilat.

"Miss, may topak ka ba?"

Tinaasan niya ng kilay ang nagsalitang 'yon at tumayo sa harapan niya pa mismo.

"Sa pagkakaalam ko ay wala."

"E, bakit may papikit-pikit ka pang nalalaman d'yan?"

"Gusto ko lang, Jasper San Martinez, bakit ba?"

Oo, ito na nga wala ng iba ang lalaking umistorbo sa moment niya. Inabutan siya nito ng iced coffee na nabili nito sa kung saan.

"Hay, buti na lang gusto rin kita."

Malawak siyang napangiti. "Hmn, wala na bang mas bago d'yan?"

"Gusto mo ba?"

"Bibigyan mo pa ba 'ko ng pagkakataon na makapag-isip?"

Kunwari ay nag-isip 'to, pinagkrus ang braso at inilagay ang hintuturo sa chin.

'Yon ang chin nito na sobrang sexy para sa kaniya. Dahil makinis. Kakapirasong buhok lang ang naroon. Alaga pa rin nito 'yon sa shave…

"Paano kung hindi na?" Nakangisi nitong tanong sa kaniya.

She raised her one eyebrow again. "Hindi na kita gusto? Ibabalik ko ang tanong sa 'yo, paano na nga ba?"

Alam nilang sa ibang pandinig o makakarinig sa paraan ng pag-uusap nila ay para na silang siraulo na dalawa, pero ang mahalaga naman ay hindi para sa kanila. At ang mas mahalaga, nagkakaunawaan pa rin sila sa simpleng conversation na gano'n hanggang ngayon. Kahit lumipas na at pumagitan sa kanila ang tatlong buwan.

Tatlong buwan, akalain ba nila na gano'n nila natiis ang isa't-isa. Of course, nagbi-video call sila, nagtatawagan, nagkukumustahan, mga usual na ginagawa ng mga taong nahuhulog kahit magkalayo, ang kanila nga lang ay mas nahulog nang magkalayo. Mas pinasabik ang isa't-isa rin dahil pilyo ang isang 'to, hubarin sa harap ng camera. Palibhasa ay maganda ang katawan…

"Hindi naman ako naniniwala. Tignan mo nga 'yang mga mata mo, nagsisimula nang magkasala."

She beamed. "Wow, ang yabang natin bigla ah." Malandi niyang hinaplos-haplos ang dibdib nito at pinakita niya rin sadya na kinagat-kagat niya ang straw ng iced coffee niya rito habang hindi niya inaalis ang tingin niya sa mga mata nitong nakatitig din naman sa kaniya.

Natawa 'to. "Kung ikaw ba na ganito kaganda ang nakahain, hindi ka ba magyayabang?" he whispered, mas malandi ang tono.

Wala naman sa sarili na nakagat niya ang lower lip niya dahil well, nakakakilig din naman na kung ganito ang nakahain na lalaki sa 'yo, jusko. Bilib na nga lang din siya sa undergarments niya't hanggang ngayon ay nakakakapit pa ba.

"Sabagay," conceited na sang-ayon niya. Mas lumawak ang ngiti nito sa kaniya.

"Sabagay, bagay naman tayo."

"Naka, pumi-pick up line pa! Alam po ba 'yan ni Madam Jasmine, Sir Jasper?"

"Balita ko nga ay galit sa maid ang dati mong amo," pakikisakay nito sa biro niya, pero habang sinasabi naman nito 'yon ay feel na feel niya ang paghawi nito sa mga buhok niyang inililipad ng hangin.

"Oo nga raw, tsismosa ako e, kaya alam ko na noon pala ay na-fall din sa maid ang tatay mo, Sir Jasper."

"Tapos ay maldita si Madam Jasmine kaya walang forever sa maid si Don Julio."

Doon siya natawa. Paano ay legit na nahawa na yata 'to sa pagiging tsismosa niya.

"Perfect!"

"Hayaan mo na sila, basta ang mahalaga ay hindi naman 'yon namamana."

"May exam tayo mamaya, 'pag na-perfect mo, may premyo, Sir Jasper." Humagikgik niyang pabirong turan dito.

"No problem."

"Naks ang yabang!"

"Pero i-save mo na ang premyo sa susunod na mga buwan."

"Ay, parang alam ko na 'to!" Pagkasabi niya niyon ay sumipol 'to.

Hudyat pala 'yon para ang may labing tatlong tao na nakatambay sa gilid-gilid sa labas nga ng airport kung sa'n nakatayo rin sila, ay mga magsitayo at medyo lumapit sa kanila at humilera.

Namangha siya sa hawak ng mga 'to na white folder.

"Saang pelikula mo 'to napulot, Jasper San Martinez?" Natatawang tanong niya sa may sala niyon.

Obviously, napakarami nitong binayaran para sa naisip nitong pakulo pero mas gusto niyang makita na parang bata na mapahiya ang boyfriend niya dahil mas cute 'to sa tuwing gano'n ang reaksyon. Kaya lang ay hindi niya yata 'to mabubuska ngayon dahil hayun at malawak pa rin 'tong nakangiti na proud na proud sa naisip na kabaduyan.

"So, mahuhulaan mo kaya ang nakasulat sa hawak nila?"

Iningusan niya 'to. "'Yon lang ba? E, 'di will you marry me, pakasalan mo ako, Belinda. Sus, maraming beses ko na 'tong napanood!"

Hagalpak na natawa 'to. Sapo ang t'yan na napatingala pa sa kakatawa. Nang mahimasmasan ay hinapit siya sa bewang at binulungan siya, "I'm sorry to burst your bubble, pero hindi e."

Lukot ang ilong niyang inisnaban 'to. "Paharap mo na, mas magtatagal sila, mas malaki ang babayaran mo, sige ka."

"Marami naman akong pera."

"Ayaw ko nang manghula."

Pinisil nito ang ilong niya gaya nang nakagawian nito. "Pikon mo kaagad."

"Bilis na!" Kunwa'y naiinip niyang sabi.

"Takpan ko muna ang mga mata mo para may surprise."

"Sus, ang baduy talaga," kantyaw niya sa boyfriend, pero nagpaunlak naman siya nang ilapat nito ang mga palad nito sa mga mata niya, sinandalan niya pa nga ang dibdib nito, na siyang kinatawa nila pareho.

Miss na niya 'to, tapos ay heto, ang dami pa nitong pakulo imbes na halikan na lang siya para matapos na.

"3, 2, 1… you can open your eyes now."

Kumurap-kurap muna siya, nang makabawi sa pagkakapikit ang mga mata niya ay hindi na naawat na luha naman ang pumalit do'n.

Dahil ang mga nakasulat sa iniharap ng mga taong binayaran ng nobyo niya ay napakaraming alaalang binuksan sa kaniya…

"Don't cry. Dapat ay masaya ka."

"Siraulo!"

"Why?" Tatawa-tawang tanong ni Jasper sa kaniya, akala mo talaga ay inosente.

"A—Akala ko ay hindi mo na 'yon naaalala."

He laughed. Hinawakan siya nito sa batok niya at dinampian siya ng halik sa noo niya. "Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na pinagpilitan mo sa 'kin na ikaw ang dapat ang 'Bebe' ko."

Nahampas niya 'to sa dibdib. Nahihiya man siya sa alaala na 'yon na bahagi ng kabataan nila, masaya naman na malaman hindi lang pala siya ang nag-ingat sa mga alaala na 'yon. Ang sarap lang sa pakiramdam na nagbunga pala ang pagpapansin niya rito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.