HINDI ito ang unang beses na maglalaba si Bebeng ng damit ng mga amo niya, pero hindi pa rin talaga niya mapigilan na mamangha sa tuwing pinapagana na niya ang washing machine na pagkalaki at talaga naman na moderno dahil pagkasalang ng mga damit do'n ay banlaw na at tuyo. Pagpag na lang, plantsa, saka sampay ang gagawin pagkatapos. Kaya rin kahit marami namang katulong ang mga San Martinez ay iisa na lang ang natotoka sa laba.
Ang mayamang angkan ng San Martinez ang pamilyang pinagsisilbihan niya bilang all around maid sa loob halos ng dalawang taon.
Pero s'yempre, bago niya isalang ang mga damit, kailangan na kapain niya muna ang mga bulsa ng mga 'yon bago luglugan. Mahirap na, wala siyang ibabayad sa washing na gano'n kung masira niya. Kabilin-bilinan pa naman ng mayordoma ng mansion na ingatan ang paggamit niyon.
Dakilang probinsyana siya pero hindi siya tanga para sirain niya 'yon dahil ang katumbas na niyon ay pagsira niya sa sarili niyang buhay.
Paano na ang mga pinag-aaral niyang mga pamangkin na nilayasan ng mahusay niyang nag-iisang kuya dahil nag-asawa na naman 'to ulit na sabi nga niya sa nanay at tatay niya ay huwag nang intindihin at stress lang ang dulot.
"Uy, ano 'to?" natigilan niyang sambit.
Sa isa sa mga pantalon kasi na inaalisan niya ng kung ano ang laman ng bulsa ay may nakapa siyang matigas... maliit na box...
"Aba, singsing!" gulat niyang bulalas.
Sino ang hindi magugulat? Sa tagal niyang naglalaba ro'n, palaging resibo at mga susi lang ang naiiwan ng mga amo niya sa bulsa ng mga pants at shorts ng mga 'to.
At ang singsing na 'yon, hindi na niya kailangan ng eksperto para masabi na mahal 'yon dahil kitang-kita naman sa itsura niyon na maraming dyamante bukod sa natural lang na mamahalin 'yon dahil mayaman ang mga San Martinez.
Para sa babae ang singsing... pero sa pants niya ng lalaki nakuha...
Nag-isip siya kung kanino bang pantalon 'yon...
Ah, maigi pa ay maisukat na muna niya 'yon— tama! Makapag-selfie man lang siya na may suot sa daliri na mamahalin na singsing!
Sa naisip ay napangiti siya, dali-dali siyang nagpunta sa banyo kung saan walang CCTV camera at doon ay nag-selfie siya nang nag-selfie habang suot sa kaniya palasingsingan ang mamahaling singsing. Lahat ng post, wacky, pa-cute, ginawa niya, basta ang makikita sa shots ay ang pakunwaring hindi sadya na ipakita niya ang singsing. Ipo-post niya 'yon mamaya sa mga social media account niya.
Maano ba ang magyabang, paminsan-minsan?
Nang makuntento sa mga shots niya ay nakangiting ibinalik niya sa kaniyang bulsa ang cellphone niya. Maingat ang kaniyang kilos at baka mapaano ang singsing na nasa daliri niya.
Nang maibalik na niya ang cellphone, binalak niya nang alisin ang singsing para maibalik na niya 'yon sa box.
Kaso lang, nang pihitin niya 'yon paalis sa daliri niya ay... ayaw maalis!
Natigilan siya. "Naku, bakit ayaw mahubad? No'ng isuot ko naman ay hindi 'to naantala. Ni hindi masikip o maluwag, ano ang nangyari?" nagtatakang bulong niyang tanong sa sarili.
Dali-daling sinabon niya ang sariling palad, partikular ang daliri kung saan naroon ang singsing ngunit may limang minuto na yata niyang iniikot-ikot sa daliri niya 'yon habang may sabon ay ayaw talagang maalis!
"Naku!" tarantang sambit pa niya.
Hindi maaari na manatili sa daliri niya 'yon. Una, hindi 'yon kaniya at kailanman ay malabo na magkaroon siya ng gano'n kamahal na singsing. Pangalawa, makikita 'yon sa daliri niya ng mayordoma ng mansion at s'yempre, magiging rason 'yon para mawalan siya ng trabaho. Baka akalain pa na balak niyang nakawin 'yon. Saka, siguradong sasabihin sa kaniya niyon na sino ba ang nagsabi na isukat niya, kaniya ba 'yon? Napakasungit pa naman niyon.
Daig pa niya si Ms. Minchin pa naman!
No'ng baguhan pa lang siya sa San Martinez ay naitanong niya nga rin sa sarili niya kung required ba na masungit ang mga mayordoma na katulad sa mga napapanood sa mga TV program at pelikula? Required din yata na wala silang asawa. Kaya nga ba hindi niya pinangarap man lang na ma-promote sa puwesto nito dahil ayaw niyang tumandang dalaga, 'no!
"Hala! Bakit ayaw niyang mahubad talaga?" muling sambit niya sa sarili.
Napakamot siya sa ulo niya nang kahit anong pihit niya sa singsing ay ayaw kumalas niyon talaga sa daliri niya!
"Bebeng!" Napatalon siya sa gulat, ang mayordoma na kanina lang ay pinoproblema niya, hayun na at kinakatok na siya!
"M—Ms.Sylvia, opo, po? Teka lang po, nasa banyo ako!" medyo may kataasan ang boses na tugon niya rito dahil nga nasa banyo siya.
"Bebeng! Matagal ka pa ba d'yan? Narito si Sir Jasper, may itatanong siya sa 'yo. Pakibilisan mo na lang."
"Po? Opo, wait lang po!" Napangiwi siya, saka may pagmamadali nang sinubukan niya ulit kung matatanggal na niya sa pagkakataong 'yon ang singsing.
Sa tagal niyang naninilbihan sa mga San Martinez, ngayon lang talaga niya makakaharap ang isa sa triplets na anak ng mga 'to. Natotoka siya kasi lagi sa labada at paminsan sa paglilinis ng bodega. Saka madalang naman kasing pumunta ro'n ang triplets na anak nina Mr. Julio Martinez at Mrs. Jasmine Maryinez, sa mga litrato lang niya nakita ang mga 'to at sa tsismis ng mga katrabaho niya lang ito mga kilala, kaya hindi na mahirap mahulaan na itong si Sir Jasper ang nagma-may-ari ng singsing na nakuha niya sa bulsa ng pants, na ngayon nga ay hayun at ayaw pa ring maalis sa daliri niya!
"Bebeng, ano ba?!" magkahalong inip at inis nang turan sa kaniya ng mayordoma.
Napapikit siya. Gano'ng ayaw maalis sa daliri niya talaga ang singsing, ano pa ba ang magagawa niya? Hindi siya p'wedeng hindi lumabas ng banyo, jusko!
"T—Teka po! Palabas na," aniya sa mayordoma.
Pagbukas niya ng pinto ng banyo ay nakaabang ang mayordoma sa pinto at ang isa sa anak ng mga boss nila...
Nanlaki ang mga mata niya. Ito nga ang isa sa mga triplets ng mga boss nila!
At ito ang isa triplets na para sa kaniya ay ang pinakag'wapo dahil sa malinis nitong tabas ng buhok at malinis na mukha. Makinis, alaga sa ahit... mataas...
"That ring is mine!"