Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 12

GUSTO na lang ni Verona na magkaroon ng sinkhole sa niluluhuran niya at lamunin siya. Grabeng kahihiyan na ito. Mukhang gumagawa siya ng kababalaghan sa ginta ng isang family-oriented na restaurant.

“Okay,” nasabi na lang niya at patay malisyang nabigay-daan kay Kirst para makabalik na ito sa mesa nila.

Yumuko siya at mariing pumikit dahil nakikita niya ang malisyosang tingin ng ibang tao sa kanya. Paano kaya ang iniisip ni Kirst sa kanya ngayon? Baka sabihin nito na naggagalawang hokage siya dahil napuntirya na naman niya ang sentro ng solar system nito.

Gusto niyang sisihin ang batang nakatapon ng juice sa pantalon nito. Bagets, bakit sa dinami-dami ng matatapunan ng pantalon, bakit doon pa sa center ng solar system? Inosente ako sa krimen. Nagmalasakit lang ako. Wala akong kasalanan.

“Kirst, ako na ang kukuha ng pantalon sa kotse mo. Pumunta ka na sa restroom,” sabi ng assistant ng binata.

“Magpapalit muna akong damit,” sabi ng binata matapos ilapag ang crepe sa mesa.

“Kirst, hindi ko sinasadya. Ano... Pinunasan ko lang basta at di ko alam doon pala basa sa ano...” Alanganin siyang ngumiti. “Walang malisya.”

“Of course. Walang malisya,” anito at kumindat sa kanya. Na parang sinasabi nito na alam nito ang tunay na niloloob niya. “Hintayin mo ako ha?”

“O-Okay,” usal niya at sinundan ng tingin ang papalayong lalaki habang dahan-dahang umuupo. Sana naman ay huwag na siya nitong tuksuhin pa. Mamamatay na talaga siya sa sobrang kahihiyan.

“Verona, akin na ‘yang tissue. Ako na ang magtatapon,” sabi ni Miss Agnes at inilahad ang palad sa kanya.

Nagtaka pa ang dalaga. Nang tingnan niya ang kamay ay hawak pa pala niya ang tissue na ipinampahid niya sa basang pantalon ni Kirst. “S-Salamat,” aniya at ibinigay dito ang tissue.

“Miss Agnes, akin na lang po iyang tissue,” pakiusap ni Cheng.

“O-O sige,” sabi ni Miss Agnes kahit na nagtataka.

“Yes!” anang si Cheng nang makita ang tissue at sininghot-singhot. “Akin na ang tunay na bango mo, Kirst.” Saka ipinahid ang tissue sa pisngi at leeg nito. “Di ako makapaniwala na maa-achieve ko ito. May remembrance na ako mula sa kanya.”

Mariin na pumikit si Verona. Mukhang si Cheng ay miyembro ng kulto ng kaibigan niyang si Sia na ginagawang poong santo si Kirst. Kailan ba matatapos ang kamalasan niya pagdating kay Kirst?

“KAILANGAN na lang natin mag-shoot para sa video ninyo. Magpasalamat ka sa Hearts Romances sa exciting date ninyo,” sabi ni Miss Agnes sa kay Kirst at Verona.

“It was a fun and exciting date with Kirst Villaviray. Thank you, Hearts Romances for the wonderful fairy tale-like experience. Thanks, Kirst,” aniya at nakangiting lumingon sa binata.

“Talaga bang masaya ka sa date natin?” biglang ni Kirst.

“Oo naman.” Hindi niya inaasahan na mae-enjoy niya ang company nito. Na-appreciate niya na normal itong makitungo sa kanya nang bumalik ito mula sa pagbibihis at hindi na siya nito tinukso pa sa pagkakapunas niya sa pantalon nito.

At masaya siya na tapos na ang dalawang oras nilang date. It was not so bad. She survived! Kaya naman pala niyang makaraos sa isang date.

“Hindi ako masaya,” anang binata sa seryosong boses.

“Ha?!” Parang binagsakan ng atomic bomb ang mundo ni Verona. Heto siya at umaasa na kahit paano ay pasang-awa ang date nila sa standard ni Kirst. Di siya maganda at baka nararamdaman nitong napipilitan siya pero sinikap naman niyang isantabi ang prejudice dito. Na-appreciate nga niya ang pag-aasikaso nito sa kanya kahit na naniniwala itong ang ninja village ng Konoha ay nasa mapa ng Japan.

Kailangan ba talaga niyang ipamukha sa akin na hindi siya masaya sa date namin? Pwede namang magkunwari siyang nag-enjoy kahit sa harap lang ng camera. Konti na lang namang oras, di pa nito natiis. Di ko naman sinasadya na mag-ninja moves sa center ng solar system niya.

Panibagong marka na naman ito sa puso niya. Di man iyon totoong date pero ngayon lang ulit siya nakadama ng matinding lungkot dahil sa rejection. Sana pala ay hindi na lang lumambot ang puso niya dito. Nararamdaman niya na unti-unti siyang nababalutan ng cocoon ng kalungkutan at nagdidilim ang lahat sa paligid niya.

“Bitin kasi. Sana may kasunod ito,” anang binata sa malambing na boses. “I think I want to know you better, Verona.”

Gulat na nilingon ng dalaga si Kirst at pakiramdam niya ay dahan-dahang nagliwanag ang mundo niya nang sumilay ang ngiti sa labi. Mistula siyang isang makulay na paru-paro na lumilipad at padapo-dapo sa makukulay na bulaklak.

Gusto pa daw niyang mag-date ulit kami? Gusto pa niya akong makilalang mabuti?

Impit siyang tumili sa utak niya. Gusto niyang gumulong-gulong sa kilig. Pero nagkasya na lang siya sa pagtitig sa binata habang iniisip kung seryoso ito sa sinabi.

Bumuka ang bibig niya pero di niya alam kung ano ang dapat niyang isagot dito. Magpapakipot ba ako? O itatanong ko kung kailan ulit kami magde-date. Sapian mo ako, Sia. Sabihin mo kung ano ang dapat kong sabihin sa isang guwapong lalaki kapag ganitong pagkakataon.

“And cut!”

Di pa rin siya makagalaw sa kinauupuan at di niya maalis ang tingin sa binata. Cut? Wala pa nga siyang nasasabi dito. Di pa niya nasasagot ang sinabi ni Kirst na gusto pa siya nitong makilalang mabuti. At nakatitig din ang binata sa kanya na parang nag-aabang ng isasagot niya.

“Okay. Para na kayong nahipan ng hangin,” sabi ni Agnes at pumalakpak.

Ngumiti si Kirst at inalalayan siyang tumayo saka siya kinamayan. Kinamayan din nito ang ibang mga kasamahan niya na nagpa-picture pa sa binata. Nasa limbo pa rin siya at di niya alam kung paano bababa sa lupa.

Tapos na ang fairy tale at ang date. A part of her was sad. Sa kabuuan ay masaya naman talaga ang karanasan niya. Ni sa isip ay di niya inaasahan na makaka-experience siya ng ganitong klaseng date. Mula sa make ove hanggang sa restaurant kung saan sila kumain at pagsisikap ni Kirst na maging perfect date sa kanya sa abot ng makakaya nito.

Sa loob ng dalawang oras ay naiparamdam nito na importante siya. Too bad, it was an act. Ginawa lang niya ang trabaho niya. Ang maging prinsipe para sa akin.

Gusto na lang niyang makaalis sa Cinderella persona niya. Gusto na niyang bumalik sa realidad dahil ayaw niyang umasam na mauulit pa iyon. Sa likod ng isipan niya ay naririnig niyang tumutugtog ang Luha ng Aegis.

Lulugo-lugo siyang tumayo. “Miss Agnes, magpapalit na ako ng damit. Ibabalik ko na itong damit at sapatos sa inyo.”

“Sa iyo na iyan,” sabi ni Miss Agnes. “Naka-charge naman iyan sa kompanya. Ang ganda-ganda mo ngayon kaya rumampa ka ng ganyan.”

Di niya alam kung paano ipapaliwanag dito na nais na niyang bumalik sa pagiging boring at manang na Verona. Ang major transformation niya ay nagdadala lang ng matinding ilusyon sa kanya na magugustuhan siya ng isang tulad ni Kirst o magkaka-interes ito sa kanya. Ang gusto nito ay mga babae na paggising pa lang yata ay perfect na kahit pa di nagsusukly at nagmumumog. That was not her. She was this boring girl who preferred reading books, who didn’t like party scenes and not so pretty. She wanted to go back to her comfort zone.

“May iba ka pa bang pupuntahan?” tanong ni Kirst sa kanya.

“M-May date ako sa Gateway Cubao,” sabi niya at bahagyang itinaas ang noo.

“Sinong kasama mo?” nakakunot ang noo nitong tanong.

“Si Greggy, my boyfriend.” Akala naman nito ay walang ibang lalaking magkaka-interes sa kanya. Di naman nito kailangang malaman ang totoo.

“May boyfriend ka na? I am hurt.” Sinapo ng binata ang dibdib. “Katatapos lang ng date natin tapos pupunta ka agad sa bisig ng ibang lalaki.”

“Naku! Si Gregorio del Pilar ang ka-date niyan. Manonood siya ng Heneral Luna,” pambubuko ni Cheng. “Maniwala ka naman diyan kay Verona. Walang boyfriend iyan. Mga libro lang ang lagi niyang ka-date.”

Great! “Salamat, Cheng,” sarkastiko niyang sabi.

“Ay! Walang anuman!” anang babae at humagikgik. “Basta ikaw.”

Wala na siyang maipagmamalaki kay Kirst. Nalaman na nitong wala naman talaga siyang boyfriend. Ang masaklap, alam na rin nitong mag-isa siyang magde-date. Nagmukha lalo siyang kawawa.

“Samahan na kitang manood,” prinsinta ng binata.

Sure! At naramdaman niyang nag-sommersault ang puso niya. Exciting ang movie date kasama ang binata.

“Huwag na. Baka busy ka,” sa halip ay tanggi niya. “Alam mo na, weekend ngayon at baka gusto mong mag-party with friends sa isang maingay na bar na maraming sexy at magagandang babae. Masaya tiyak iyon.”

Maybe he was just being nice. Hindi naman siya naniniwala na mas gugustuhin ng binata na manood ng isang historical film kasama ang isang boring na manang kaysa maki-party sa mga naggagandahan at sexy na babae sa bar. Hindi rin naman anime ang panonoorin niya.

Namulsa ito sa pantalon. “Plano ko rin naman na manood ng Heneral Luna. And besides, masyadong mahaba pa ang araw na ito para matapos agad ang date natin, hindi ba?”

Nagtaka siya. Di pa ba tapos ang date nila? Pati ba sa panonood ng sine ay kasama niya ito? Baka naman may katuloy talaga ang date namin. Nakalimutan lang na sabihin sa akin. Baka naman may iba kaming kasama. I don’t mind. Basta makanood lang ako ng pelikula.

“Kirst, ikaw na ang maghahatid sa kanya?” tanong ni Miss Agnes.

Nagulantang si Verona. “Saan kayo pupunta?”

“May family dinner pa kami at si Cheng naman may pupuntang birthday party. I-update mo na lang kami sa movie date, ha?” sabi ni Miss Agnes at nagbeso sa kanya.

“Okay na iyan. Tiba-tiba ka diyan. Ipagtabi mo ulit ako ng mahiwagang tissue, ha?” bulong pa sa kanya ni Cheng at humagikgik. Sumakay ang mga ito sa van ng opisina na maghahatid sa mga ito.

Bago pa siya makahuma ay sila na lang ni Kirts kasama ang assistant nitong si Jojit ang naiwan. Inalok ni Kirst ang braso sa kanya. “Let’s go.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.