Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 11

“Sa manga saka nanonood ako ng anime. Baka gusto mong pahiramin kita.”

Alanganin siyang ngumiti. “H-Hindi na lang.”

Pinalalabas pa nito na siya ang walang alam sa history. Naku! Kahabagan nawa siya ng langit at bigyan pa siya ng sampung pasensiya. Baka sa gigil niya ay maituktok niya dito ang bote ng wine. Naku! Gaano pa ba siya katagal doon?

Pagka-serve ng pasta ay kumain agad siya kaysa naman mapilitan pa siyang kausapin ang binata. Mababaliw talaga siya dito. Sa susunod ay baka ideklara na nitong presidente ng Pilipinas si Vice Ganda.

“May gusto ka pang malaman sa akin?” tanong ng binata.

Umiling siya. “Wala na akong maisip.” At nilakihan ang subo ng pasta. Mas mabilis siyang makakatapos doon, mas mabilis na matatapos ang date nila.

Tumawa lang ang lalaki sa halip na mainis. “Oh! I have the effect on women.” Inabutan siya nito ng tissue. “Dahan-dahan lang sa pagkain.”

“Gutom na ako. Baka ikaw pa ang makain ko.”

Ngumisi ito. “You are really a naughty girl.”

Napanganga siya. Iniisip nito na sexual innuendo ang sinabi niya? Napailing na lang si Verona. Nagse-serve kaya ng pasensiya sa restaurant na iyon? Konting tiis pa. Mga isang oras na lang. Pagkatapos ay mawawala na siya sa buhay mo.

“ANONG gusto mo sa babae?” tanong ni Miss Agnes kay Kirst habang nakasunod sa kanila nang gagawa na sila ng sariling crepe sa dessert table. May iba pang dessert sa buffet pero highlight ng date nila ang pagpili nila ng sariling crepe.

Bukas ang tainga ni Verona sa isasagot ng lalaki habang nakatitig siya sa mga ingredients sa harapan. Dapat ay siya ang nagtatanong sa lalaki para maipakita niya ang interes dito pero hindi naman niya alam kung paano kakausapin si Kirst nang di nito iisipin na may gusto siya dito. Kahit kasi binabara niya ito ay napapalabas pa rin nito na may gusto siya dito. Mabuti na lang at maunawain ang mga kasama niya at ang mga ito na ang nagtatanong kay Kirst para sa kanya.

Ano kaya ang gusto niya sa babae? Maganda? Sexy? Aggressive? Baka gusto niya katulad ni Sia na very outgoing.

“Gusto ko ng masipag, may pangarap sa family, mapagmahal, at understanding katulad ng mom at lola ko. They stand by their man forever,” sagot ng binata.

Hindi iyon inaasahan ng dalaga. Parang wala naman sa itsura nito ang naghahanap ng forever. Ang tanong, ito naman kaya ay pang-forever. Parang wala sa itsura.

“Ikaw, Verona, masipag ka ba, mapagmahal at understanding?” tanong ng binata.

“Ha?” usal niya at gulat itong nilingon. Oo ba ang isasagot niya? Baka naman isipin nito nag-a-apply siyang maging forever nito.

“Oo naman. Lahat ng sinabi mo pasok si Verona. Sobrang bait nga niyan nagpapautang pa kahit na siya ang maubusan,” kwento ni Cheng. “Tuwing Linggo nagpupunta pa siya sa ampunan para mag-alaga ng mga batang naulila.”

“Nice,” humahangang sabi ng lalaki habang nakatitig sa kanya. Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi. Huwag mo akong titigan na parang ako ang ideal girl mo. Isa akong marupok na babae. “Verona, anong gusto mo?”

Nilingon niya ang mga ingredients sa harap at nagpalipat-lipat ng tingin. “Hindi ko nga alam kung anong pipiliin ko na toppings.”

Bumuntong-hininga ang binata. “Anong gusto mo sa lalaki? Hindi ‘yung crepe.”

“Oh! Gusto ko ‘yung matapang at ipaglalaban ka. Loyal at siyempre tatratuhin ako nang maayos. ‘Yung tulad ng mga bayani,”’ aniyang gumuhit ang ngiti sa labi.

“Wala nang nagpapabaril sa Luneta ngayon,” sabi ng binata.

“So, hindi ka matapang, loyal, mabait at di mo tatratuhin ang babae ng maganda?” nakataas ang kilay niya na tanong. Akmang bubuka ang bibig nito para depensahan ang sarili. “Never mind. Kumain na lang tayo ng crepe.”

“Tulungan na lang kita sa flavor,” anang binata at kinuha ang plato mula sa kanya. “Kahit naman di ako bayani, matutulungan naman kitang gumawa ng masarap na crepe. Gusto mo ba ng strawberry?”

Tumango siya at pinagsalikop ang palad. “Yes.” Inalok nito ang plato sa kanya at siya mismo ang naglagay ng strawberry preserve sa ibabaw ng crepe.

“Gusto mo ba ng matamis?” tanong nito.

Tumango siya. “Pero huwag masyadong matamis.”

“Okay. Dulce de leche with salted caramel and creme din.” Medyo bago iyon sa pandinig niya pero mukhang masarap kaya inilagay niya ang mga nabanggit ng binata. “That looks nice. Very good.”

Di niya mapigilang ngumiti. “Salamat sa pagtulong sa akin.”

Heto na naman ako. Mapuri lang ng konti kinikilig na. Napakahirap na maging immune sa binata. Sa bawat isang rason na meron siya para ayawan ito, binibigyan naman siya nito ng tatlong dahilan para magustuhan ito. Mahina ang kalaban. Bakit ba napakahirap kontrolin ng kilig pagdating kay Kirst?

Ito na ang nagbitbit ng plato nila pabalik sa upuan. Nagulat na lang nang isang apat na taong gulang na bata ang biglang tumakbo sa direksyon niya habang hinahabol ng yaya nito. May hawak na juice ang bata. Nanlaki ang mata niya. Naestatwa ang dalaga at akmang babangga sa kanya pero hinarangan siya ni Kirst.

Dito bumangga ang bata na napaupo sa sahig at natapon ang juice nito. Dali-dali namang kinuha ng yaya ang bata. “Sir, pasensiya na po. Ang kulit kasi ng alaga ko.”

“Hindi. Okay lang iyon,” sabi ni Kirst na di man lang niya nahimigan ng galit o pagkairita. “Baby, huwag ka nang malikot, ha? Huwag mo nang paghabulin si Ate.”

Ngumiti naman ang batang babae dito at nahihiyang humilig sa dibdib ng yaya nito. “Sorry po.”

Tumingin sa kanya ang babae. “Pasensiya na, Miss. Nabasa pa ang pantalon ng boyfriend ninyo. Sige po.”

Naalarma si Verona at kumuha ng tissue sa dessert buffet table. “Naku! Nabasa ang pantalon mo.” At saka natatarantang pinunasan iyon.

“Verona, okay lang ako. Hayaan mo na.”

“Hindi pwedeng hayaan. Kailangang matuyo iyan. Mahirap kapag basa ang pantalon,” sabi niya at bahagya pang hinipan.

“Verona, tumayo ka na diyan. May pamalit naman ako. Please,” anang binata na may bahagya nang diin ang boses.

Natigilan siya at saka lang napansin kung ano ang itsura niya. Nakaluhod siya sa harap ni Kirst sa gitna ng restaurant habang pinupunasan ang nabasang pantalon nito. At nakaharap mismo siya sa sentro ng solar system nito at iyon din ang pinupunasan niya. Hello, Mr. Sun.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.