Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 16

“Masama ang pakiramdam ko,” aniya at sumandal sa sofa.

“Puro ka naman kasi trabaho. O baka sisipunin ka lang kaya matamlay ka. Kumain ka ng prutas.”

Matapos makakain ng isang orange ay pumasok siya sa kuwarto. Binuklat niya ang mga libro sa kasaysayan. Naaalikabukan na pala ang historical books niya. Di man lang niya nabuklat nitong nagdadaang mga araw. Pero wala siyang maintindihan sa binabasa niya kahit pa tungkol iyon sa pag-urong ni Emilio Aguinaldo papuntang Norte kung saan parte ng research niya para sa isang historical competition.

Sa huli ay isinara din niya ang libro at lumabas ng kuwarto. Naabutan niya si Sia na nanonood ng TV. “Akala ko matutulog ka na. Kumain ka muna.”

Inabot niya ang cake. “Salamat.”

“Ano palang nangyari sa date ni Kirst?” tanong nito nang tabihan siya sa sofa. “Si malditang Yvonne ba ang ipinalit ninyo sa akin?”

“Ano... Kasi...” Di niya alam kung paano ipapaliwanag sa kaibigan na siya ang pumalit sa date nito kay Kirst.

“Ako na nga ang titingin.” Binuksan nito ang laptop at pinuntahan ang page ng publication. Kumunot ang noo nito. “Sino itong babaeng ito? Di ko naalalang kasali siya sa dating game.” Idinuldol nito ang mukha sa laptop. “Verona. Aba! Kapangalan mo pa ito...”

“Ako iyan.”

“Ikaw ito?” nanlalaki ang matang sabi nito at ipinalipat-lipat ang tingin sa kanya at sa laptop. “Oo nga. Ikaw ang ka-date ni Kirst. Di ka nagkukwento. Ang daya mo.”

“Ginawa ko lang iyon dahil wala si Yvonne at di na pwedeng i-reschedule ang date.”

“Kumusta naman?” excite nitong tanong.

“O-Okay naman sana noong una kaso...”

“Kaso ano?”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Medyo... Na-acquiant na naman kami ng center ng solar system.”

“Dinakma mo na naman siya?”

“Gaga! Natapunan siya ng juice ng isang bata at doon nabasa. Pinunasan ko.... Di ko naman napansin agad na doon pala sa area na iyon nabasa. Tapos nanood din kami ng sine pagkatapos.”

“Nag-ninja moves ka na naman?”

“H-Hindi.” Tumirik angm ga m ata niya. “Niyaya niya akong magkape pagkatapos tapos sinungitan ko siya. Sabi ko tigilan na niya ako kasi di naman ako interesado na makipag-one night stand sa kanya. Tapos sinabi ko na ayoko sa mga katulad niya na katawan lang ang habol sa mga babae. Tapos kapag nakuha nila ang gusto nila iiwan na lang. Ang masaklap buntis pa. Nagalit yata siya sa akin.”

“Ah! Sia,” malungkot nitong usal at niyakap siya.

“Alam ko mali ako. Baka praning lang ako. Pero masisisi mo ba ako? Di naman ako sanay na binibigyan ng atensiyon ng isang lalaki. Alam mo naman kung ano ang nangyari sa Nanay ko... Kay Sister Leonora. Paano kung di ko rin malabanan ang tukso at magaya ako sa kanila?”

“Attracted ka kay Kirst.” Hindi ito nagtatanong kundi kinukumpirma lang.

“Di ko alam kung bakit. Alam ko pisikal lang iyon at mas mabuti nang layuan niya ako habang maaga pa lang. Sa totoong mundo naman, di katulad ko ang magugustuhan ng guwapong lalaki gaya niya. Saka... Natatakot ako sa pwedeng mangyari.”

“Pero di mo rin naman pwedeng husgahan ang isang tao dahil lang sa ginawa ng iba. May iba naman na guwapo at mabait saka seryoso sa mga babae. Di lahat gaya ng iniisip mo. Tingnan mo si Loveydoods. Sa palagay mo ba magiging masaya ako kung di ako sumugal sa kanya?”

“Ayoko namang maging ganito pero sarili ko na lang ang aasahan ko. Mas gusto ko ang safe.”

“Pero masaya ka ba?”

Hindi. Dahil parang isang bahagi ng puso niya ang nagwawala, animo’y isang batang nagmamaktol dahil di napagbigyan ang hilig nito. Nag-enjoy naman siyang kasama si Kirst kundi lang siya laging naghihinala nang di maganda. Masaya naman siya hanggang namayani ang takot niya.

Bumuga siya ng hangin. “Lilipas din ito. Siguro nagi-guilty lang ako dahil di maayos ang trato ko sa kanya. Baka kailangan ko lang lumayo sa trabaho ko. Mag-leave.”

Hindi nakakatulong sa kanya ang pag-e-edit ng romance novels. Naaapektuhan siya sa mga nababasa niya kahit na iba naman sa nangyari sa kanila ni Kirst. Umuulan ng mga hugot at kilig scene at di niya maiwasang maalala ang binata. Hindi nakakatulong ang trabaho sa kanya. Kailangan niyang makalayo sa mga kwentong may kinalaman sa pag-ibig.

“Kailangan mong magbakasyon,” sabi nito.

Tipid siyang ngumiti. “Gusto ko nang tapusin ang nire-research ko para sa Young Historian competition. Kapag siguro nakapag-basa ulit ako ng history books at nakapag-research magiging okay ulit ako.”

“May sagot na ba sa iyo ang may-ari ng bahay sa Pangasinan na ire-research mo?”

“Wala pa ngang sagot mula sa may-ari ng Casa Grande. Baka kailangan ko nang puntahan.”

Isang 19th century house iyon sa Bayambang, Pangasinan. Ayon kay Sister Leonora ay bahay iyon ng pamilya ng lalaking minahal nito. It was a forbidden love. Kalaban ng pamilya nito ang pamilya ng lalaking mahal nito. Patago daw na pumupunta ang babae sa bahay ng nobyo at nagbabasa ang mga ito ng mga sinaunang libro. Subalit nang malamang buntis ito ay di naman ito pinanagutan ng nobyo. Nagpunta daw ito ng Amerika at nagpakasal sa iba.

Kahit ano pang masamang nangyari ay mas masasaya pa ang kwento ni Sister Leonora sa bahay na iyon kaysa sa sarili nitong tahanan. Ayon dito ay puno daw ng kasaysayan ang naturang bahay at doon ginaganap ang malalaking piging mula panahon ng Kastila hanggang Amerikano.

Maraming mga sinaunang aklat na naglalaman ng kasaysayan ng pamilya at ng Pilipinas. Nai-preserve daw ang naturang mga libro. Malaki daw ang ginampanan ng pamilya ng dating nobyo sa pulitika at rebolusyon noong panahon ng Kastila kaya gusto daw nitong maisulat sana iyon kung nabubuhay pa ito. Pero dahil hindi na ito nakabalik sa Pangasinan at nakamatayan na ay naisip niyang siya na lang ang magpapatuloy sa pangarap nito.

Pero hanggang ngayon ay wala pa ring sagot mula sa ina nitong buhay pa rin ngayon. Anim buwan na lang at kailangan na niyang maipasa ang research para sa libro. Kailangan na niyang humanap ng materyales ngayon pa lang dahil kulang ang impormasyong nakuha niya sa National Archives. Baka iyon mismo ang kailangan niya para bumalik siya sa normal.

“Mag-file ka na ng leave at puntahan mo na ang Casa Grande na iyan. Ako ang bahala sa iyo kung kailangan mo ng panggastos,” sabi nito at kumindat.

“Kung galing iyan sa boyfriend mo...”

“Biyaya ito kaya ise-share ko sa iyo. Verona, hindi mo naman kailangang mag-isa habambuhay. Okay lang siguro iyan kung wala kang nararadamang espesyal sa isang tao. Pero si Kirst ang patunay na pwede kang makaramdam. Que crush iyan, lust o magiging love pagdating ng panahon, emosyon mo iyan. Di mo iyan mapipigilan,” paliwanag sa kanya ng kaibigan. “Maniwala ka sa akin. Minsan kailangan mong pagbigyan ang puso mo.”

“Lilipas nga rin ito. Okay na ako,” anang si Verona at pilit na ngumiti.

Nagseryoso lalo si Sia. “Gusto ko lang sabihin sa iyo na huwag kang matakot na sumugal sa susunod. Di naman ibig sabihin nakipag-date ka o sumamang makipag-date sa lalaki ay mabubuntis ka na.”

“Kahit na attracted ako sa katulad ni Kirst?”

“Hindi ka naman menor de edad tulad ni Sister Leonora. Siguro naman alam mo na ang tama at mali. Mas makokontrol mo ang sarili mo.”

“Paano kundi ko mapigilan ang sarili ko?” tanong niya. “Paano kung magkasala ako?”

Ibinuka nito ang mga kamay. “Then enjoy!”

“Sia!” saway niya dito.

Humalakhak ang kaibigan. “Hindi ka naman habambuhay na pwedeng tumakas sa nararamdaman mo. Pwedeng nakatakas ka kay Kirst pero paano kung ma-attract ka naman sa iba sa susunod? Paano kung siya na pala ang tamang lalaki para sa iyo? Paano kung kailangan mo lang sumugal?”

“Paano kapag natalo? Paano kapag nasaktan?”

“Kasama iyon sa buhay. Di ka naman habambuhay na bigo. Ilang beses ba akong nagka-boyfriend bago ko matagpuan si Loveydoods?”

Yumuko siya. “Di ba pwedeng mag-isa na lang ako?”

“Bago ka magdesisyon na mag-isa, subukan mo muna na sumugal para sa kaligayahan mo. Alalahanin mo na walang nagiging masaya sa pagiging safe. Pagbigyan mo rin ang sarili mo. Ang pag-ibig nakakabaliw at madalas makakagawa ka ng palpak pero okay lang. Sumaya ka naman.”

Huminga ng malalim si Verona. “Sana katulad mo ako na malakas ang loob.”

“You are strong, Sia. Mas malakas ka pa nga sa akin. Kaya tapangan mo ang sarili mo. Let go. Enjoy! Malay mo may guwapo palang tagapagmana sa ancestral house na pupuntahan mo. Huwag kang magsusungit at magsusuplada. Baka ito na ang chance mong magka-love life.”

“Ayan na naman e! Kailangan talaga guwapo at mayaman.”

“Wala namang masama kung mag-aambisyon ka ng mataas. Sagot kita kung mai-in love ka. At kapag sinaktan ka ng lalaki o niloko, ako mismo ang gugulpi sa kanya. Tandaan mo iyan.”

Niyakap niya ang kaibigan. “Thanks, Sia.”

Isang guwapo at mayamang tagapagmana sa Casa Grande? Kalokohan. Hindi siya interesado. Mas interesado siya sa kasaysayang nakapaloob sa bahay. Bago ang love life, priority pa rin niya ang entry niya sa Young Historians Award.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.