“GALING ka pang Maynila at pumunta ka pa dito para lang mag-research tungkol sa lugar namin? Nakakataba naman iyan ng puso, Ineng,” sabi ni Kapitan Rustica, ang kapitan ng baranggay ng Bical Norte. Dito siya tumuloy para humingi ng tulong sa pagre-research niya.
“Makasaysayan po kasi itong lugar ninyo at malaki ang naitulong sa rebolusyon hanggang noong panahon ni Marcos,” paliwanag ni Verona.
“Sinabi mo pa. Kundi mo naitatanong, ang pamilya ko ay isa sa pinakamagaganda ang kasaysayan dito. Nakapag-Japan ang anak ko kaya naman may maganda na kaming bahay...” At saka inilahad ang kamay sa bahay na di kalayuan sa baranggay hall. “Magpapatayo pa nga kami ng swimming pool sa susunod.”
Naging alanganin ang ngiti ng dalaga. “Ah... Pati po ba mga ninuno ninyo nakatulong sa Katipunan at sa pakikibaka ng mga magsasaka sa lupa dito?”
Napakamot ito sa ulo. “Parang di ko pa ata ako nakakalipat dito. Pero maganda naman ang aking serbisyo sa aking mga kabaranggay.”
Pambihira naman si Tatang. Gusto pang maging bida.
“Sa ngayon po kasi ang assignment ko mula pa noong panahon ng Kastila. Dahil po ang mga Salameda ang isa sa pinakamatandang pamilya dito na matutunton pa po hanggang panahon ng Kastila kaya po sila po sana ang gusto kong ma-interview.”
“Ang mga Salameda kamo? Ah, oo! May malaki silang bahay diyan sa malapit sa tubuhan. Si Inang Selva ang dapat mong makausap tungkol diyan. Maraming kwento iyon.”
Nagningning ang mga mata niya. “Talaga po?”
“Kaso di ko alam kung papayagan ka nilang mag-interview. Iyon kasing apo ni Inang Selva ay may kasungitan. Matandang dalaga na kasi,” pabulong na sabi ni Kapitan sa huling pangungusap. “At di rin sila basta-basta nagpapatuloy ng estranghero malibang kakilala ng pamilya.”
“Baka naman po pwede ninyo akong tulungan, Kapitan. Malaking bagay po kung maitutuloy ang research ko. Isipin ninyo makikilala ang kasaysayan ng baranggay ninyo di lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Malalaman nila na ang mga taga-Bayambang ay lahi ng mga magigiting.”
“Tama,” anang kapitan at tuwid na tumayo. “At makikisig gaya ko.”
“Tama po kayo, Kapitan. Isipin ninyo na magagawa ang librong ito sa panahon ninyo.”
“Oo. At pwede kong ipagmalaki iyan sa mga kamag-anak kong nasa ibang bansa. Naku! Tiyak na maiinggit sa akin ang mga iyon.”
“Kaya po sana tulungan po ninyo akong makausap ang mga Salameda lalo na si Inang Selva. Malaking bagay po sana kung may mga lumang gamit sila at mga libro o tala na pwede kong mabasa.”
“Sige. Tutulungan kitang matapos ang librong iyan,” anang kapitan at tumayo. “Kagawad Isko, ikaw na muna ang bahala dito. Sasamahan ko lang ang dalaga nating bisita.”
Sakay ng owner-type jeep ni Kapitan ay nagtungo sila sa mansion ng mga Salameda. Papasok pa pala iyon mula sa main highway at puro tubuhan ang nadadaanan nila. “Mababait ang mga tao dito sa bayan namin at karaniwang hanapbuhay ay pagsasaka saka palaisdaan. Kaya ngayon pa lang iniimbitahan na kita sa fishtival namin dito.”
“Fishtival?” tanong niya.
“Oo. Masasarap din kasi ang isda dito sa amin.”
“Titingnan ko po,” aniya at magaang tumawa.
Ayaw naman niyang umabot pa ng isang buwan ang pananatili niya sa Pangasinan. Isang buwan lang ang nakuha niyang bakasyon sa publication. Kinausap niya ang mismong publisher na si Sir Mattheu para payagan siya. Di rin naman siya makakapag-focus sa trabaho nang iniisip niya ang isang dapat gawin. Basta nagdala din siya ng trabaho kahit nakabakasyon.
Di nagtagal ay humimpil sila sa harap ng isang iron-grilled gate at may arko na nakalagay na Casa Grande. At ilang daang mestro mula doon ay natanaw na niya ang mismong mansiyon. Sa gitna ng berdeng damuhan ay nakatindig ang 18th century house kung saan ang ibaba ay gawa sa tisa at ang taas ay kahoy. Gawa sa kapis ang bintana at may balkonahe na nakaharap sa hardin. The road was cobblestoned. May estatwa pa ng isang batang nakatapis na may dalang banga at nagbubuhos. Magandang-maganda pa rin iyon at akala mo ay di lumipas ang isang daang taon.
Pinindot ni Kapitan ang buton at isang dalagita ang lumabas ng bahay. “Kapitan, kayo po pala.”
“Neneng, sino ang tao diyan sa inyo? May bisita kasi tayo mula Maynila at gustong makausap ang amo mo. Nandiyan ba si Inang Selva?”
“Natutulog po si Inang pero nandito po si Ading Jovita. Pumasok po muna kayo,” anang dalagita at ibinukas ang maliit na gate sa gilid.
“Ang ganda dito. Parang bumalik ako sa panahon ng Kastila,” humahangang usal niya. Higit pa ito sa na-imagine niya sa ikinukwento ni Sister Leonora.
Pinaupo sila ng dalagita sa may narra na sofa. Na-maintain pa rin ang lumang bahay. Kahit ang telebisyon at ang radyo ay makaluma pa rin. May ponograpo pa sa isang gilid ng sala. Sa kisame ay may enggrandeng kristal na kandelaryo na may ceiling fan. Nakanganga pa siya habang pinagmamasdan ang mga painting sa taas.
“Halos lahat ng kamag-anak ni Inang Selva ay nasa ibang bansa na at meron din atang nasa Maynila. Siya na lang ayaw umalis dito sa Pangasinan kaya naman di siya maiwan ng kanyang apo.”
“Di po siguro madaling iwan ang isang bahay lalo na kung may kasaysayan dito at maraming magagandang alaala. Kahit naman po siguro kayo mas pipiliin din ninyo sa ganitong bahay.”
“Naku! Hindi. Gusto ko na ngang sumama sa anak ko sa Japan para makalanghap naman ng hanging imported. Nakakasawa din naman na dito lang sa Pilipinas.”
Bakit pa ba siya nagkumpara? Iba-iba nga naman ang tao. Kanya-kanya ng layunin sa buhay. Kaya malaking bagay kung hahayaan ng mga Salameda na mai-dokumento niya ang bahay na iyon at maisulat niya ang mga alaala ng mga dating nanirahan doon. Di niya masasabi dahil sa bilis ng pagbabago ng panahon, di naman lahat ay gustong manatili sa nakaraan. Paano kung mawala si Inang Selva at ayaw na ng mga kamag-anak nito na manatili ang naturang bahay? Nakakapanghinayang naman.
“Magandang umaga, Kapitan,” pormal na bati ng isang babae na sa palagay niya ay nasa mid-thirties na. Nakasuot ito ng duster na may Aztec print at nakapusod ang buhok. Bagamat simple ang pananamit ay regal pa rin itong kumilos.
“Magandang umaga naman, Jovita. Kasama ko pala si Miss Verona Cruz. Bisita natin siya galing sa Maynila. Nagre-research daw siya tungkol sa kasaysayan nitong lugar natin kaya sinamahan ko siya dito. Baka kasi may maitulong tayo sa kanya,” pagpapakilala ni Kapitan sa kanya.
“Magandang umaga po, Ma’am,” aniya at kinamayan ang babae. “Ang totoo po ay nagpadala na ako ng sulat nitong nagdaang mga buwan para po humingi ng permiso na mag-research tungkol sa kontribusyon ng pamilya ninyo sa pagsisimula ng rebolusyon hanggang sa pagtulong sa mga magsasaka noong panahon ng Agrarian Reform. Nakailang padala na nga po ako ng sulat pero wala naman po akong natatanggap na sagot. Baka po kasi di nakakarating.”
Tumaas ang kilay nito. “Ikaw ba ‘yung makulit na researcher.”
Medyo nag-alanganin ang ngiti niya. “O-Opo. Ako nga po.”
Humalukipkip ang babae. “Di mo ba naisip na baka ayaw kang saguti dahil di kami interesado? Malaking abala lang kung pag-uusapan pa ang nakaraan.”
“P-Po? B-Bakit naman po? Hindi po ba malaki ang kontribusyon ng pamilya ninyo mula noong unang panahon pa? Nakakapanghinayang naman po kung hindi iyon malalaman ng mga tao. May nabasa po akong sulat ni Heneral Simon Villa na minsay ay dito nagpiging si Heneral Luna at pati si Gregorio del Pilar ay...”
Iwinaksi nito ang kamay. “Wala naman kaming mapapala sa mga sinasabi mo.”
“Mali ka naman diyan, Jovita. Malaking bagay ang kasaysayan para maipaalam sa mga kabataan ngayon kung ano ang nagawa ng mga ninuno natin sa pagpapalaya ng bayan. Magpasalamat ka nga at ikaw ang napili ni Miss Cruz na itampok sa libro niya ay ang pamilya ninyo.”
“Pribadong buhay namin ito. Nasa amin iyon kung hahayaan naming panghimasukan ninyo.”
“B-Baka naman po pwede ninyong ikonsidera, Ma’am. Malayo pa po ang pinanggalingan ko para lang sa research at interview. Kahit po ma-interview ko ang lola ninyo...”
“Matanda na si Lola at may sakit para pilitin mo pa siyang guluhin. Hindi ka ba nakakaintindi ng Tagalog, Miss? Ano pa bang malabo sa sinabi ko?” Tumayo ito. “Pasensiya na kung masasayang lang ang panahon mo sa pagpunta dito. Bumalik ka na lang ng Maynila. Maghanap ka na lang ng ibang topic na idi-discuss. Huwag mong guluhin ang pamilya namin.”
“Ano bang meron sa pamilya ninyo at ipinakatatago-tago mo ang kasaysayan?” asik ni Kapitan at tumayo. “Pambihira ka talaga, Jovita. Baka isipin ng ibang mga tao magaspang tayong mga taga-Bayambang.” Hinawakan ang matandang lalaki ang kamay niya at hinila patayo. “Halika na, hija. Hindi masasayang ang pagpunta mo dito. Ako na lang ang interview-hin mo.”
“Salamat pa rin po sa panahon.” Inilapag niya ang calling card niya sa center table. “Heto po. Kung sakaling magbago po ang isip ninyo, pwede ninyo akong tawagan dito.”
Pero iningusan lang iyon ng babae. Mukhang malabo na makapag-research siya malibang may iba pang kamag-anak ang mga Salameda na pwede niyang malapitan.
Palabas na sila ng bahay nang isang lalaki naman ang pumasok. “Lola, nandito na po ako! Naihanap ko na po kayo ng strawberry na gusto ninyo. Inakyat ko pa ng Baguio.”
Naestatwa si Verona sa kinatatayuan. It was Kirst!
“KIRST, napakaingay mo naman. Baka magising si Lola,” saway ni Jovita dito.
“Ate, huwag masyadong mainit ang ulo. Ang aga-aga. Ipinag-uwi kita ng ube jam at lengua de gato,” sabi ni Kirst at humalik sa pisngi ng babae.
Pasimpleng nagtago si Verona sa likod ni Kapitan at yumuko para di siya mapansin ni Kirst. Mula nang huling beses silang magkita ng binata sa date nila ay di na niya inaasahang magsasanga pa ang landas nila. Ngayon pa ito nagpakita kung kailan kailangang-kailangan niya na mag-focus sa project niya.
How dare you, tadhana! Bakit napakalupit mo sa akin?
“Magandang umaga, Kitoy. Mabuti at nakauwi ka,” sabi ng butihing kapitan at kinamayan ang binata.
“Magandang umaga rin po, Kapitan,” magalang na bati ng binata dito. “Nakapagmiryenda na po ba kayo? Marami po akong uwi galing Baguio. Magmiryenda na po kayo.”
“Paalis na rin kami. May sinamahan lang akong bisita mula sa Maynila. Siyanga pala, si Miss Verona Cruz. Miss Verona, si Kitoy, isa sa apo ni Inang Selva at pinsan ni Jovita. Naku! Baka pamilyar po siya sa inyo dahil sikat na modelo iyan sa Maynila.”
“H-Hi, Kirst,” aniya sa mahinang boses at napilitang iangat ang ulo. Wala na siyang magagawa dahil wala na siyang kawala dito.
Hinubad ng lalaki ang shades at gulat siyang pinagmasdan. “Verona, is that you?”
Marahan siyang tumango. “A-Ako nga.”
“Magkakilala pala kayong dalawa,” anang si Jovita sa malamig na boses.
“Yes. Sa Manila. We’ve met twice. Work related,” sabi ng binata na bahagyang dumilim ang mukha nang balingan siya. “Anong ginagawa mo dito?”