Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 22

Magagaan ang hakbang ni Verona. Kung tutuusin ay simple lang ang gagawin niya pero pakiramdam niya ay doon nakasalalay ang world peace. Naku, Kirst! Huling beses na nag-effort ako nang ganito para sa isang lalaki ay para makakuha ako ng uno thesis ko.

May dalawang bisikleta na naka-park sa garahe. Ang isa ay mountain bike at ang isa naman ay mas maliit na may basket at angkasan sa likod. Medyo nanginginig pa siya sa lamig nang ilabas iyon. Hindi pa kasi gaanong sumisikat ang araw.

Nakahukot siya habang naglalakad palabas ng gate nang may tumawag sa kanya. “Verona!” Nang lumingon siya ay nakabukas ang bintana ng isang kuwarto at nakatayo doon si Kirst nakahubad-baro. Muntik na niyang mabitawan ang manibela ng bike nang iunat nito ang mga kamay dahilan para lalong ma-emphasize ang magandang katawan nito. Ang lakas naman maka-good morning ng abs nito. “Saan ka pupunta?”

“Kukuha ng gatas ng kalabaw.”

“Bakit ikaw pa ang kukuha? Ako na lang,” sabi ng binata at dali-daling umalis ng bintana bago pa siya makapag-protesta. Makalipas ang ilang minuto ay tumatakbo na ito palabas ng bahay suot ang khaki shorts at white sando. Ipinatong nito ang kamay sa kamay niyang nakahawak sa manibela ng bisikleta. “Ako na ang bahala. Pumasok ka na sa loob.”

“G-Gusto ko rin naman mamasyal habang di pa mainit,” palusot niya. “Ngayon lang ako pwedeng mamasyal dahil kailangan ko nang magkulong sa library mamaya.”

“Sige. Umangkas ka na lang sa akin.” Umupo siya sa angkasan at ito ang pumalit sa pwesto niya. “Humawak kang mabuti sa akin at huwag kang bibitaw. Okay?”

Humawak siya sa baywang nito at muntik nawalan ng balanse nang pedalan na nito ng bike. Wala siyang nagawa kundi yumakap sa baywang nito para hindi mahulog. Noong una ay nailang siya. Nakatagilid siya ng upo sa bisikleta habang ang gilid ng katawan niya ay nakadikit dito. Pero hindi naman pala ganoon kasama. He smelled like earth and morning dew. Hindi rin niya maramdaman ang lamig ng hangin at ng bumababang hamog habang nakadikit ang katawan niya dito.

“Okay ka lang diyan?” tanong ng binata.

“Oo. Ang sarap dito,” aniya at idinikit pa ang pisngi sa likod nito. Habang nakayakap siya dito, pakiramdam niya ay ligtas siya at payapa. Walang mangyayaring masama sa kanya. She had never felt this safe in the company of a man before.

“Oo. Masarap talaga dito. Kahit na sabihin pang mabilis na magbago ang mundo at nagiging moderno na ang lahat, parang napag-iwanan ng panahon ang parteng ito ng Bayambang. And I prefer it that way. Gusto ko ng katahimikan at ng sariwang hangin. Kaya kahit na gaano ako ka-busy sa Manila minsan dahil sa sunud-sunod na projects, gusto ko pa ring umuwi dito.”

“Maswerte ka dahil may bahay kang mauuwian gaya ng Casa Grande,” usal niya at hinayaang dumaan sa paningin niya ang berdeng palayan. May pamilyang naghihintay sa pagbabalik nito at isang bahay na puno ng kasaysayan ng alaala.

Di nagtagal ay humimpil sila sa harap ng kubo. Isang matandang babae ang naabutan niyang nagwawalis doon. “Nana Ingga, may gatas na po ba?”

“Hindi makabangon ang Tata Selmo mo dahil na rin sa rayuma. Ayun nga at hinayaan ko munang matulog. Pasensiya na.”

“Mainit na naman ang ulo ni Inang Selva nito,” kakamot-kamot na sabi ng binata. “Ayaw po niya na walang kasehong bumabagyo o may welga ang mga kalabaw. Malayo pa ‘yung isang bilihan ng gatas ng kalabaw.”

“Kung gusto mo ikaw na lang ang maggatas,” anang si Nana Ingga.

Umaliwalas ang mukha “Sige po. Salamat po.”

“Ikaw ang maggagatas sa kalabaw?” tanong niya sa binata.

“Oo. Marunong naman ako,” sabi ng binata at pumunta sa likod-bahay para maghugas ng kamay sa poso. “Dati kaming may kalabaw sa bahay noong buhay pa ang lolo ko. Ako ang tagagatas para kay Lola. At kapag ganito na di makakapaggatas si Tata Selmo, ako na lang ang naggatas.” Nilinisan din nito ang timba na gagamitin para sa lalagyan ng gatas. Sana lang ay alaw nga nito ang ginagawa nito.

Pinagkiskis nito ang palad bago nilapitan ang kalabaw. “Bona, kumusta ka na?”

“Baka sipain ka niyan,” nag-aalala niyang sabi. Mas malaking disgrasya kapag nagkataon.

“Hindi. Close kami nito. Saka mabait si Bona,” anito at umupo sa bangkito. “Bona, kailangan ko ng gatas para kay Inang Selva saka sa bisita ko. ‘Yung magandang babae na kasama ko.” Umunga ang kalabaw.

“Malabo daw ang mata mo,” sabi niya.

“Malinaw ang mata ko. Lagi akong umiinom ng gatas at nagpapapak ng carrots na mayaman sa vitamin A,” ngingiti-ngiting sabi ng binata.

Kinakabahan siya noong una dahil baka maghurumentado ang kalabaw kapag ginatasan nito. Pero di naman halos gumalaw ang kalabaw at tahimik lang na nanginain ng damo. Habang si Kirst naman ay pakanta-kanta pa habang ginagatasan ang hayop.

Hindi niya alam kung bakit parang nanuyo ang lalamunan niya habang pinapanood ito sa paggagatas ng kalabaw. She could feel a heat shooting from the center of her belly. Napaka-inosente naman ng ginagawa nito pero bakit parang naging sexual at arousing sa kanya?

Itinapik niya ang paa at tumingala. Ano bang nangyayari sa akin? Hindi ito tama. Anak ng kalabaw! Pati ba paggagatas niya ng kalabaw parang may malisya sa akin?

Why did she imagine his hands working on her body, his hands were massaging her... Niyuko niya ang didbib at tumingala ulit. Umagang-umaga pero kung saan-saan sumusuot ang utak niya. This is insane. Dapat hinayaan ko na lang siyang mag-isa na kumuha ng gatas. Di na sana ako sumama. Sana nagluto na lang ako ng champorado sa mausok na pugon.

“Gusto mo bang subukan?” alok ni Kirst.

“H-Hindi na. Matatagalan pa tayo. Baka suwagin pa ako ng kalabaw. Doon muna ako sa labas. May itatanong lang ako kay Nana Ingga tungkol sa bahay niya. Mukhang sinauna din,” aniya at nilapitan ang nagwawalis na matanda.

“Ang aga namang trabaho niyan,” sabi ni Kirst.

Ngumiti lang siya dito. Mabuti nang magtrabaho na lang siya para malayo sa tukso. Kirst was bad for her. At konti na lang ay kailangan na siguro niyang magpatingin sa doktor. Hindi na ito normal.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.