Nang lingunin ni Verona si Kirst ay nakatayo ito sa gitna ng aklatan habang madilim ang anyo. He was mad at her, like a jilted lover.
“Kirst, sincere ang paghingi ko ng tawad sa iyo. Gusto ko talagang mag-sorry sa iyo. Wala lang pagkakataon.”
Humakbang ito palapit sa kanya. Marahan subalit mabibigat ang hakbang. ”Talaga? Pwede mo naman akong i-message sa social media account ko kung gusto mo talagang mag-sorry o kaya hingin mo ang number ko para makausap ako. O wala talaga sa plano mo. At nandito ka talaga para dito sa bahay at sa mga libro ng pamilya ko...”
Namaywang siya. “For the record, matagal na akong humihingi ng permiso sa pinsan mo para sa Casa Grande. Pero ayaw niya akong bigyan ng permiso. Kaya nga nagdesisyon ako na personal na pumunta dito para mag-research.”
“At tinanggihan niya?”
“O-Oo. Hindi ko naman alam na isa ka pala sa mga Salameda. Di mo naman nabanggit. Nasabi mo lang na taga-Pangasinan ka. Nagkataon lang nandito ka...”
“At nang makita mo ako, sinamantala mo naman ang pagkakataon? Kunyari apologetic ka kahit hindi.”
Mariing nagdikit ang mga labi niya. “Gaya ng sinabi ko, gusto ko talagang humingi ng tawad sa iyo. Wala lang pagkakataon. Ikaw lang naman ang namilit sa akin na nagpunta ako dito para sa iyo. Hindi ko naman kasalanan kung kasing laki ng Titanic ang ego mo para isipin na sinusundan-sundan kita.”
“Akala ko sincere ka. Pero ginamit mo lang ako para makuha mo ang gusto mo. Pinaasa mo lang ako.”
Napamaang siya. “Pinaasa?”
“Akala ko iba ka sa ibang babae pero hindi mo naman talaga ako gusto. Gusto mo lang kung ano ang mapapakinabangan sa akin. Wala kang ipinagkaiba sa ibang tao na katawan lang ang habol sa akin,” anito at tumaas ang boses.
Nanlaki ang mga mata niya at tinakpan ng palad ang biig nito. “Huwag kang maingay. Baka marinig nila tayo.”
Hinawakan nito ang kamay niya at inalis sa bibig nito. “Bakit? Nagi-guilty ka? Pare-pareho lang kayong mga babae na gusto lang ang mapapakinabangan mo sa akin. I can see it in your eyes. You want to kiss me to shut me up. Akala mo ba ganoon lang kadali para sa akin na makalimutan itong ginawa mo?”
Tumutok ang mga mata niya sa bibig nito at saka napansin na magkadikit na ang katawan nila. Kirst, don’t give me ideas. Biglang di nagiging inosente ang usapang ito.
Bigla siyang umurong. “Hoy! Kirst, umayos ka. Hindi ako ganyan.”
Hinawakan nito ang balikat niya. “Bakit ba malupit kayong mga babae sa akin? Bakit lagi ninyo akong sinasaktan? Ano bang kasalanan ko sa inyo?”
Bakas ang sakit sa mga mata nito at mukhang wala ring pagbibiro sa tinig nito. He was seriously hurt. At hindi niya alam kung paano aalisin ang sakit na dulot niya.
“Kirst...”
“Alam mo kung anong masakit? I have high expectations from you. Akala ko mataas ang pride mo na di ka manggagamit ng iba o magsisinungaling para makuha mo kung ano ang gusto mo. Magaling kang artista.”
“Humihingi ako ng tawad kung nasaktan kita noon pero nandito naman talaga ako para sa research. Na-appreciate ko na tinanggap ako sa bahay ninyo. Malaki ang naitulong mo sa akin at nagpapasalamat ako doon. Di ko naman sinabing mahal kita para lang makuha ang gusto ko. Ano ba ang ipinagkakaganyan mo?”
“Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito.” Binitiwan siya nito. “I am sorry. Sa palagay ko hindi kita maa-assist sa ngayon. Feel free to browse the books. I... I just need some air.”
Naiwan siyang mag-isa sa loob ng library. Napatitig na lang siya sa libro doon at pakiramdam niya ay wala siyang karapatan na hawakan ang isa man sa mga iyon. Ipinaramdam sa kanya ni Kirst na parang di siya ang nararapat na maglahad ng kwento ng pamilya nito. Na parang ginamitan niya ng panlilinlang kaya siya nakapasok doon. Sa isang banda ay parang totoo iyon. Nasaktan niya ang binata dahil doon.
Nandito na ako saka pa ako uurong.
Sa huli ay bumuntong-hininga siya at bumalik na lang sa silid niya upang magpahinga. Ni hindi man lang niya nagalaw ang mga notes niya.
Hahayaan niya ang sarili na maging malungkot sa ngayon para sa kanila ni Kirst. Pero bukas ay kailangan niyang bumawi. Isa man itong Salameda o hindi, kailangan niyang may gawin para dito. Mukhang kailangan niya ng powers ni Sia para mapaglubag ang loob ni Kirst.
“MAGANDANG umaga!” bati ni Verona sa dalagitang si Neneng naabutan niyang gising at nagpaparingas sa pugon. Naghahanda na marahil ito sa pagluluto ng agahan.
Sinauna pa rin ang dirty kitchen. May isang kusina na naka-tiles na. May gas stove at induction heat cooker din doon pero mukhang mas gusto pa rin ng mga tao sa mansyon na gamitin ang sinaunang kusina na pinaparingasan ng kahoy at ipa.
“Ate, ang aga mo namang nagising. Katitilaok pa lang ng manok,” sabi nito na nagkakayod ng kaldero na pagsasaingan.
“Oo. Sanay kasi akong maagang gumising.” Sa ampunan maaga pa lang ay kailangan na nilang bumangon para tumulong sa paglilinis at paghahanda ng agahan. Di iyon nawala sa kanya kahit pagod sa trabaho. “Saka masarap ang hangin sa probinsiya kaya maaga akong nakatulog at presko pa.”
“At tahimik din dito. Ibang-iba siguro sa Maynila.”
“Tama ka. Mas gusto ko dito.”
Sa kabila ng di nila pagkakaunawaan ni Kirst, gusto niya ang pakiramdam sa bahay na iyon. Parang wine-welcome pa rin siya.
Inilapag ni Neneng ang kape sa harap niya. “Mais kape po iyan. Ani mismo ang mais sa bukid na ibinusa at nilalaga para maging kape.”
“Salamat.” Masarap at malinamnam ang mais kape. Di rin gaanong matapang. “Ano palang agahan dito?”
“Gutom na ba kayo?” tanong ng dalagita. “Magluluto pa lang ako.”
“Hindi. Tutulong sana akong magluto. Ano bang paborito ni Kirst saka ni Lola?”
Matapos ang masinsinan nilang pag-uusap ni Sia ay pinayuhan siya nito na manuyo kay Kirst. Kailangan daw niyang ipakita na sinsero siya sa paghingi ng tawad dito at di lang niya ito ginagamit para makapag-research sa libro niya at makapag-access sa mansion ng pamilya nito. Kaya naman isinapuso niya ang payo ng kaibigan at nagplano. Kaya sa umagang iyon ay sisimulan niya sa pagluluto. Wala namang kaso doon dahil marunong naman siya.
“Naku! Huwag na, Ate. Ako na lang ang bahala. Baka mamaya mapagalitan pa ako kapag pinatulong kita dito. Bisita ka kaya dapat kang mag-relax.”
“Hayaan mo siya,” anang si Jovita.
“Ano po, Ading?” gulat na tanong ni Neneng.
“Hayaan mo siyang tumulong sa pagluluto dito at sa gawaing-bahay. Tutal nandito naman talaga siya para kay Kirst. Hayaan mo siyang manuyo,” anang si Jovita sa suwabeng boses at ngumiti sa kanya.
“Salamat po,” magalang niyang sabi.
“Napansin ko na parang hindi maganda ang mood ni Kirst kagabi at maaga ka ring natulog. Naisip ko na baka may LQ na naman kayo. May topak din minsan ‘yung pinsan ko. The best way to a man’s heart is through his stomach. Ituturo ko sa iyo ang pagluluto ng paborito niyang agahan. Hindi lang iyan. Pati sa kay Lola tuturuan din kita kung ano ang gusto niya.”
Na-appreciate naman niya ang tulong ng babae. Akala kasi niya ay ayaw nito ang presensiya niya sa bahay lalo na nang hayaan siya ni Inang Selva na gamitin ang library ng mga ito. Siguro ay iniisip ng babae na nanghihimasok siya sa privacy ng pamilya. Kaya nagulat siya dahil suportado siya nito pagdating kay Kirst. Akala niya ay pagbabawalan siya nito na makialam sa kusina.
Champorado, daing na bangus na may sawsawang kamatis at kinamatisang itlog ang paboritong agahan ng lalaki. Si Inang Selva naman ay mahilig sa gatas ng kalabaw na isinasabaw sa kanin. Parang napaka-simple lang ng gusto ng pamilya kahit na may kaya ang mga ito.
“Ading, wala pa rin ang gatas ng kalabaw,” sabi ni Neneng. “Baka gumising na si Inang Selva.”
“Naku! Malamang kailangan pang puntahan sa bahay nila Tata Selmo. Gisingin mo na lang si Kirst para kumuha ng gatas...”
Kapag naputol ang tulog ng binata, baka mainit na naman ang ulo nito. “Ako na lang po ang kukuha. Saan ba banda iyon?” prisinta ni Verona.
“Doon malapit sa irigasyon. ‘Yung kubo doon na may kawayanan sa tabi. May kalayuan din iyon dito. Gamitin mo ang bike para hindi ka maglakad.”