Natilihan si Verona sa pagsambulat ni Jovita. Kailangan ba nitong seryosohin ang sinabi ng lolo nito? Parang galit ito agad.
“N-Nagbibiruan lang naman kami,” depensa agad niya.
“Kahit na. Hindi iyon magandang biro,” pangagalaiti ng babae.
“Ako naman ang may-ari nitong bahay. Nasa akin naman kung kanino ko gustong ibigay. E kung sa kanya ko gustong ibigay,” sabi ni Inang Selva at umingos pa. Nalintikan na! Ayaw niyang magkaroon ng isyu sa kahit kanino sa bahay na iyon. Sana naman ay di na seryosohin ni Jovita ang isyu na iyon.
Nagpunta si Jovita sa likuran ng abuela at hinawakan sa balikat. “Magpahinga na kayo, Inang. Oras na ng siesta.”
“Hindi naman ako inaantok.”
“Magpahinga na po kayo para kung hindi anu-ano ang naiisip ninyo.”
Hindi pa naman tapos magmiryenda si Inang Selva pero idinala na ni Jovita sa silid. Mukhang sineryoso ng babae ang pagbibigay sa kanya ng lola nito sa ancestral house. Para namang mangyayari iyon. Kahit pa ibigay sa kanya ang bahay, di naman siya magkaka-interes doon dahil di naman siya bahagi ng pamilya.
Maya maya pa ay dumating si Kirst at umupo sa binakante ni Inang Selva. “Si Inang?”
“Nag-siesta na. Magmiryenda ka muna,” sabi niya at ikinuha ng malinis na platito at tinidor ang binata.
“Salamat. Nagustuhan mo ba ang suman?”
“Oo. Salamat. Sabi ni Inang Selva binili mo daw para sa akin,” sabi niya at bahagyang ngumiti.
“Para naman makatikim ka ng kakaibang suman. Masarap ang muscovado sauce niyan,” sabi nito at ibinuhos ang sauce sa ibabaw ng suman saka nilagyan ng ginadgad na niyog. “Kain lang nang kain.”
“Nagkukwento nga si Bae dahil binili mo daw iyan para sa girlfriend mo na mahilig sa suman. A-Akala niya ako.”
“Sinabi ko lang iyon para makakuha ng discount. Huwag mo sanang seryosohin.”
Biglang bumagsak ang kompiyansa niya. Akala naman niya ay maibabalik ang magandang samahan nila. “Siyempre hindi. Wala naman sa akin iyon. Di mo naman ako girlfriend o kahit na ano. Wala tayong relasyon. Ginawa mo lang iyon dahil bisita mo ako at gusto mo ng discount. Wala sa akin iyon.” Tumayo siya. “Salamat sa suman. Babalik na ako sa trabaho ko.”
Naiinis si Verona dahil back to zero na naman sila ng binata. Parang malabo na magkasundo na naman sila. Di na niya gusto ang atmosphere sa bahay kapag ganoon. Makakatagal pa siyang makasama si Kirst?
“MASYADO kang affected diyan kay Kirst. Hayaan mo siyang mag-inarte. Di mo naman siya kailangan para ma-research mo ‘yang libro mo. Ikaw na itong nagsilbi sa kanya, siya pa rin ang galit. Mas malabo pa sa babae ang isang iyan.”
Suminghot-singhot si Verona habang pinakikinggan ang mga payo ni Sia. Kausap niya ito sa cellphone dahil di siya makapag-concentrate sa research. Madali lang sa kanya na balewalain si Kirst noon pero iba na kapag nasa iisang bahay sila. Siya pa ang sampid sa pamamahay na iyon at nakikituloy lang siya.
“Hindi madaling makisama kung galit naman sa iyo ang taong tinutuluyan mo. G-Gusto ko sanang bumalik kami sa dati noong masaya siya kapag nakikita ako tapos lagi niya akong tinutukso.”
“Uyyy! Nami-miss niyang pini-flirt siya ni Kirst. Gusto mo na siya.”
Sinapo niya ang noo. “Di ko siya gusto. Gusto ko lang magkasundo kami.”
“Kung gusto mong lumambot ang lalaki sa iyo at di effective ang pagkain at ang pagsisilbi, akitin mo na lang.”
“Ano? Aakitin ko si Kirst.”
“Oo. Konting paglalambing lang diyan at pagpapakita ng flesh, tingnan ko lang kung hindi iyan magkandarapa sa iyo.”
Umungol siya. “Parang napaka-imposible naman ng sinasabi mo. Sia, ako ito - si Verona na reincarnation ni Maria Clara. Sa palagay mo ba masasapian ako ni Marilyn Monroe o ni Ellen Adarna nang ganoon-ganoon lang?”
“Lahat ng babae may inner vixen. Kailangan lang kumawala. Wala bang record or journal diyan sa library kung paano ang effective na pang-aakit ng lalaki?”
Bumuga siya ng hangin. “Kalimutan mo na. Never mind.”
“Padadalhan kita ng ebook ng erotica. ‘Yung may dominatrix. Rawr!”
“Bye, Sia!” Sa huli ay wala rin palang maitutulong ang kaibigan para magkasundo sila ni Kirst. Di talaga niya ma-imagine ang sarili na nang-aakit ng lalaki. Baka bigla na lang siyang tamaan ng kidlat.
Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa pero wala pa siyang isang sentence sa sulat na binabasa ay napahagulgol na ng iyak si Verona habang nanlalabo sa mga mata niya ang mga letra sa love letter ni Ricardo kay Esperanza, ang isa sa mga Salameda na nakilahok sa Katipunan. Sa kabila ng giyera ay nagawa pang magligawan ng mga ito. And it was such a beautiful love story.
Hindi niya alam kung bakit siya naiiyak. Siguro dahil nalulungkot siyang mag-isa. Siguro dahil naiinggit siya sa mga taong nakakatagpo ng pag-ibig at naipaglalaban ito. Siguro dahil sa kabila ng magagandang kwentong nababasa niya ay kabalintunaan naman ang nangyayari sa buhay niya. Malamig ang pakikitungo ni Kirst sa kanya. At kung di lang dahil sa libro niya, kanina pa siya umalis sa bahay na iyon. She hated the feeling of being rejected and unwanted.
Para sa isang batang lumaki sa ampunan, alam niya kung gaano kasakit ang ma-reject. Noong bata pa siya kapag namimili ng aampuning bata, ipinagdadasal niya na siya na iyon. Gusto niyang maging parte ng isang pamilya. Lagi siyang nangangarap. She wanted to belong. Pero paulit-ulit siyang di napipili hanggang mamanhid na lang siya. Natutunan niya ang leksyon na kahit gaano ka pa magsikap sa mundo na maging mabuti, sadyang may mga bagay na di para sa iyo.
Hindi pa ba siya nasanay? May mga ayaw makipagkaibigan sa kanya noon dahil di daw alam ng mga ito kung saang pamilya siya galing. Ni hindi niya alam kung anong itsura ng nanay niya. Kahit sa mismong mga bata sa ampunan, ayaw din siyang kalaro. Sila lang ni Sia noon ang nagdadamayan.
Dapat ay wala akong pakialam kung ayawan man ako ni Kirst. Hindi ko rin naman kailangang isiksik ang sarili ko sa kanya. Magfo-focus na lang ako sa libro. Kung ayaw niya sa akin, e di huwag.
Paulit-ulit niyang sinasabi iyon sa sarili pero walang epekto. Dahil gusto niya si Kirst. Noon lang siya nakaranas na bigyan ng espesyal na atensiyon. Sa kaibuturan ng puso niya, gusto niyang maramdaman ulit iyon. Pero sinayang niya ang pagkakataon. Di na maibabalik pa iyon. At wala siyang ibang sisisihin kundi ang sarili niya.
May kumatok sa pinto at pumasok si Kirst. “Ipinagdala kita ng mainit na salabat. Sabi ni Inang mas maganda daw pampagising iyan kaysa sa kape.”
Tumalikod siya at kunyari ay binitbit ang libro saka binasa. “Sige. Iwan mo na lang diyan. Salamat.”
“Umiiyak ka ba?” tanong ng binata at pumunta sa harapan niya.
“Hindi,” aniya at pumihit ulit sabay singhot.
“Umiiyak ka.”
“Sinisipon ako,” kaila niya. “Labas ka na. Nagko-concentrate ako.”
“Library namin ito. Di ako aalis hangga’t di ka nakakausap nang maayos.” Kinuha nito ang libro sa kanya. “Ano ba itong binabasa mo at iniiyakan mo?”
“Akin na iyan?” aniya at sinubukang agawin dito ang naninilaw na papel.
“Tungkol ba ito sa sulat ng pagkatalo ng mga sundalo ni Heneral Gregorgeous mo sa Quinga?” tanong ng binata at binasa habang nakataas ang kamay.
“H-Hindi,” tanggi niya. “Akin na...” Matangkad ang binata kaya hirap siyang abutin ito.
“O! Ito ‘yung love letter ni Apo Ricardo kay Impong Esperanza. Anong iniiyakan mo dito? Mukha namang masaya sila sa sulat na ito dahil magkikita na sila ulit. Tapos inalayan pa siya ng sampung bulig at dalawang kalabaw bilang simbolo ng pagmamahalan nila. Akala ko mga pag-e-emo ni Impong Graciella kay Heneral Gregorgeous mo,” sabi nito at ibalik sa kanya ang sulat.
“Paki mo ba kung naiiyak ako?”
“Talaga bang naiintindihan mo itong sulat? Pwede ko namang i-translate sa iyo kung gusto mo.”
“Naiintindihan ko iyan. Kahit paano nagkakaintindihan kami ng Google translate.”
“Hindi lahat kaya ng Google translate,” sabi nito at inilabas ang panyo. “Para sa isang babae na ayaw ng mga romance stories, mabilis ka rin palang madala sa ganyan.” Pinunasan nito ang luha niya. “You are still a softie, you know?”
“Sino ba ang hindi madadala sa ganyan kagandang kwento? Manhid lang ang di maiiyak o mata-touch,” depensa naman niya. “Di dahil ayokong ma-in love o di ako naniniwala sa mga lalaking pwedeng manloko, di na ako maniniwala na pwedeng mangyari iyon sa iba.”
Umuklo ito para magpantay ang mukha nila. “Kung naniniwala ka na pwedeng may lalaking manloko sa iyo, bakit ayaw mo ring maniwala na pwedeng may magmahal sa iyo ng totoo? Di mo ba naisip na baka ‘yung lalaking makikilala mo o gustong mapalapit sa iyo, siya na ang magpapasaya sa iyo?”
“E-Ewan ko. Naisip ko lang na mas mabuting huwag maniwala kaysa masaktan sa huli,” aniya at iniwas ang tingin dito. Bakit may ganito silang usapan? Di siya komportable na binubusisi ni Kirst pati kasuluk-sulukan ng puso niya.
“Tama na nga iyan. Masyado ka nang nakakulong dito sa library. Dapat siguro lumabas ka muna bukas. Ipapasyal kita.”
“Bakit?” naguguluhan niyang tanong.
“Anong bakit? Ayaw mo bang makita ang magagandang lugar dito? Saka may iba pang lumang bahay sa bandang bayan. Baka gusto mo rin silang ma-interview. Malay mo marami ka pang matuklasan na kwento dito.”
“Bakit ba mabait ka sa akin? Akala ko galit ka sa akin.”
“Di ako galit sa iyo. Gusto ko lang padaliin ang pananatili mo dito.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ayokong pwersahin ka na maging mabait sa akin dahil lang isa akong Salameda. Naisip ko na baka mas okay sa iyo kung maiinis ka na lang ulit sa akin. Saka kailangang tanggapin siguro ng ego ko na hindi lahat ng babae o tao ay magugustuhan ako.”
“Hindi naman ikaw ang problema kundi ako. Hindi ako sanay na tumatanggap ng affection at atensyon mula sa ibang tao. Pakiramdam ko lagi silang may kailangan sa akin. Kirst, I grew up with nothing. Madalas sarili ko lang ang mapagkakatiwalaan ko bukod kay Sia. Hindi lang ako naniniwala na may taong magpapakita ng kabaitan sa akin at walang hihinging kapalit.”
“Oo. Nabanggit mo na sa akin na kapag sumama ka sa aking magkape, baka sex na ang hingin kong kapalit, mabubuntis ka at iiwan kita,” sabi nito at bumuntong-hininga. “Hindi ako ganoon.”
“At gusto kong maniwala sa iyo. Gusto kitang maging kaibigan. Madalas lang nangingibabaw sa akin ang takot. Hindi madali ang magtiwala.”
“How about this?” Dumukot ito sa bulsa ng shorts at inabot sa kanya. “Use this.”
“Ano ito?” tanong niya at ngumuso sa plastic bottle na inaabot nito.
“Pepper spray. Sumama ka sa akin bukas. Kung sa palagay mo gagawa ako ng bagay na hindi mo gusto o magsasamantala ako sa iyo, pwede mong gamitin laban sa akin.”
Nakakunot ang noo niyang pinagmasdan ang pepper spray at ibinalik ang tingin dito. “Bakit ginagawa mo ito?”
“Dahil gusto ko na maprotektahan mo ang sarili mo. Tama ka. Maraming sira ulo sa mundong ito kaya dapat na mag-ingat.”
“Kahit mula sa iyo?”
“Lalo na sa guwapong tulad ko. Kami ang di mo dapat basta-basta pinagkakatiwalaan,” anito sa pinababa at nananakot na boses.
“Parang di ka naman nananakot. Para kang nang-aakit.”
Ngumisi ito na parang isang tusong lobo. “Mismo. Kaya dapat mag-ingat ka dahil oras na gawin kong one hundred percent ang seduction mod ko, wala kang kawala sa akin.” Inilahad nito ang palad. “Sasama ka ba sa akin bukas?”
Kinamayan niya ito. “Sige.” Dapat siyang matakot pero hindi. She was elated to spend time with him. Nasasabik siyang makasama at makilalang mabuti ang binata.