Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 26

“DITO dating tumuloy si Coco Martin nang mag-shooting sila. Ang guwapong lalaki,” kinikiling na sabi ni Ading Delilah habang itinu-tour sina Kirst at Verona sa bahay ng mga Aldente. Gaya ng bahay ng mga Salameda ay bahay na bato rin iyon. “Gusto mo bang ilagay ang picture namin ni Coco Martin sa libro mo?”

“May mga natitira pa po ba kayong larawan ng bahay na ito mula noong panahon ng Kastila at ang mga dating naninirahan dito? Maganda rin po kung may mapagpipilian tayo,” magalang na wika ng dalaga.

“Titingnan ko na rin. Baka mamaya kasi naitapon na. Hahalungkatin ko lang sa bodega. Magmiryenda muna kayo sa may balkonahe.”

First class municipality ang Bayambang at abala ang kalsada sa labas sa nagdadaang mga tao at sasakyan. Parang naka-trap sila sa nakaraan sa loob ng bahay ng mga Aldente habang sa labas ay malayo na ang nilakad ng panahon.

“Nasa Amerika na rin ang may-ari nito at si Ading Delilah ay malayong kamag-anak ng pamilya. Siya na ang nagbantay dito,” paliwanag ni Kirst.

“Nandito pala sa poblacion ang karamihan sa mga lumang bahay,” sabi niya at dumungaw sa bintana. “At nakahilera pa talaga. Mabuti nape-preserve pa rin.”

“Maganda dito lalo na noong unang panahon. Noong bata ako manghang-mangha ako kapag dumadaan ang prusisyon dito ang iniilawan ng mga lumang bahay gaya noong panahon ng mga Kastila.”

Napaka-interesante ni Kirst. Bukod sa pagiging modelo at nurse, marami rin itong alam sa kasaysayan dahil na rin sa aklatan ng Casa Grande ito lumaki. Kahit sa current events at may opinyon din ito. Hilig nitong makipagbalitaktakan kay Inang Selva na laging may opinyon sa mga isyu.

“Heto na ang mga lumang larawan pati mga lumang aklat at diary ng mga may-ari nito. Dapat itatapon na iyan pero naitabi ko,” sabi ni Alding Delilah pagbalik. “Kirst, tingnan mo itong picture mo noong mag-birthday si Emerlyn. Imbitado ka pa dito. Bagay na bagay kayo.”

Sa tantiya niya ay nasa limang taong gulang pa lang si Kirst doon at kasayaw ang isang babaeng kaedad nito. Pero sino si Emerlyn sa buhay ng binata..

“Childhood sweetheart niya si Emerlyn,” kwento naman ni Ading Delilah kahit walang nagtatanong. “Kaso nga lang di magkasundo ang pamilya nila. Parang Romeo at Juliet lang. Akala ko nga sasama na si Kirst sa New York pero nagpaiwan siya dito. Sayang sila. Di mo na ba talaga siya planong sundan sa New York, Kirst? Sikat ka naman nang modelo dito. Tiyak na pagkakaguluhan ka sa ibang bansa dahil sa kakaibang kulay mo.”

Matabang na ngumiti ang binata. “Pwede po bang mahiram po muna ni Verona ang mga ito? Ibabalik ko rin po. Saka bibigyan ko po kayo ng magazine ko na pareho kaming cover ni Coco Martin.”

“Naku! Gustong-gusto ko iyan. Balik ka ulit dito para magkakwentuhan tayo.”

Matapos magpaalam ay umalis na rin sila ng binata. Madaldal pa rin ito at umaaktong tour guide niya. Gusto niyang mag-usisa tungkol sa naunsiyami nitong pag-ibig subalit sa huli ay pinili na lang niyang manahimik. Ngayon pa lang sila nagiging okay. Baka mainis na naman ito sa kanya.

Nadaanan nila ang isang mala-palasyong bahay na bato habang palabas ng poblacion. Iyon marahil ang pinakamagarbong ancestral house na nakita niya. “Wow! Ang ganda ng isang iyan. Sino ang may-ari?”

“Mga Cinivaldo.”

Pumitlag ang puso niya. Iyon ang bahay ng pamilya ni Sister Leonora. “Pwede ba nating pasukin iyan?”

“Walang tao diyan kundi katiwala lang.”

“Di ba pwedeng tumingin-tingin?” tanong niya.

“Bahay iyan nila Emerlyn.”

“Oh!” Kung ganoon, hanggang ngayon pala ay magkalaban pa rin ang pamilya ng mga ito. Bawal bang tumapak si Kirst sa lugar? “Pupunta ka ba sa New York para sundan ang girlfriend mo?” tanong niya.

“We broke up when I didn’t follow her to New York. Desisyon ko iyon dahil pinili kong makasama si Inang at manatili sa Pilipinas,” anang binata na tuwid ang tingin sa dinadaanan nila.

“Pero kung bibigyan ka ng pagkakataon, gusto mo siyang sundan?”

Nakataas ang kilay siya nitong sinulyapan. “Hindi na love life ng sinaunang tao ang pinag-uusapan natin.”

Pinagsalikop niya ang palad. “Pasensiya na. Na-curious lang ako.”

“As far as I am concern, I am single. I am free to date whoever I want. Pwede kong makasama ang sinumang gustuhin ko. Kaya huwag na natin siyang pag-usapan. At tungkol naman sa mga Cinivaldo, pwede mo siguro silang padalhan ng sulat para bigyan ka ng permiso na pumasok sa bahay nila.”

“Salamat.” Hati ang kalooban niya kung gusto pa niyang isama sa research ang mga Cinivaldo. Gusto niyang malaman kung anong sekreto ng pamilya ni Sister Leonora pero parang ayaw niyang may malaman na kahit ano tungkol sa dating nobya ni Kirst. “Saang bahay pa tayo pupunta?”

“Dadalhin kita sa bukid. Doon tayo manananghalian.”

SINALUBONG sina Verona at Kirst ng magsasaka at mga pamilya nito nang dumating sila. Nakahanda na rin ang tanghalian. Nakalatag ang kanin at ulam sa hilera ng dahon ng saging. At natakam siya sa ulan na nilagang talbos ng kamote, inihaw na bangus at itlog na maalat.

Nalaman niya na di lang basta nakikisaka sa lupa ni Kirst ang mga naroon kundi may-ari ng lupa mismo. Mga dating tagasilbi sa lupain ng mga Salameda pero ngayon ay nagmamay-ari na ng lupain. Pero dumudulog pa rin ang mga ito sa pamilya at maging sa pagsasaka ay marami ring alam ang binata. Ito pa ang nagpapaalala sa mga magsasaka ng importansiya ng crop rotation at ng paggamit ng organikong pataba at pestisidyo para hindi makasama sa lupa at pananim mismo.

“Gaano kalaki itong lupain ninyo?” tanong niya sa binata nang matapos ang tanghalian at ipinasyal siya sa kalapit na Mangabul Lake.

“Dating isandaang ektarya ang pag-aari namin pero hinati-hati sa mga magsasaka wala pa man ang Agrarian Reform. Gusto ni Inang na mga magsasaka naman ang makinabang at magmay-ari ng lupa na pinaghirapan ng mga ninuno nila.”

“Habang may ibang pamilya na ayaw ipamahagi ang lupa sa mga mahihirap. Sa halip ay kinakamkam ito. Iyon ang dahilan ng away ninyo sa mga Cinivaldo,” sabi niya.

“Nagawa mong mabuti ang assignment mo. Hindi sang-ayon sila Tatang Rogelio sa pagmamalabis ng iba. Si Tatang mismo ang nag-encourage sa mga panginoong may lupa para suportahan ang Agrarian Reform na hindi naman nagustuhan ng mga Cinivaldo. Kaya nga sinikap ng ilang oligarkiya na pabagsakin si Tatang noon dahil daw dapat ang mga mayayaman ang nagkakampi. Di naman kami ganoon kagahaman.”

“At hanggang ngayon ay nirerespeto kayo ng mga magsasaka,” sabi niya at nakangiti itong nilingon.

“Pero lahat ay may kapalit. Minsan iniisip ko kung malawak pa ang lupain namin, baka sakaling di pumunta ng Amerika ang pamilya ko para doon humanap ng magandang kapalaran. Sana buo pa kami dito kasama si Inang. Pero siguro ibang buhay lang talaga ang gusto nila. Yung malayo sa Pilipinas. Katwiran na lang nila na maliit na lang ang lupa dito at di sapat sa kabuhayan,” anito at bumuntong-hininga. Ang pamilya ni Kirst ang huling nag-migrate sa ibang bansa.

“At naiwan ka pa rin dito para sa lola mo. Itinataguyod mo rin ang pagmamalasakit na ginawa ng mga ninuno mo sa magsasaka. Maswerte ka dahil may kasaysayang mababalikan ang pamilya mo. Malalaman mo kung sino ang ninuno mo at kung ano ang nagawa nila. Nakakainggit dahil may pamilya ka. Alam mo kung saan ka galing. Kung katulad mo lang sana ako.”

Napapatda ito. “Verona...”

“Lumaki ako sa ampunan. Pumunta doon ang nanay kong seventeen years old pa lang at manganganak na. Namatay siya sa panganganak sa akin at pangalan lang niya ang nakuha. Ni hindi ko alam kung totoong pangalan niya iyon. Kaya blangko ang buhay ko. Noong bata ako, nag-i-imagine ako na nakatira ako sa isang mansyon. Baka sakaling matagpuan ako ng tunay na magulang ng nanay ko. Iyon ang lagi kong iniisip tuwing hindi ako ang napipiling ampunin ng mga gustong mag-ampon. Iyon ang ipinantatapal ko sa sakit ng rejection. Parang fairy tale. Parang itong kwento ng pamilya ninyo, isang fairy tale noong narinig ko mula kay Sister Leonora.”

“Sister Leonora?” tanong nito.

“Isa siyang madre sa ampunan kung saan ako lumaki. Sabi niya, naging nobya siya ni Arturo Salameda.”

“Bunso siyang kapatid ni Inang Selva. Tila dalawang taon lang ang tanda niya kay Mama. Pero wala naman sa kwento ang tungkol sa isang Leonora.”

“Isa siyang Cinivaldo. Itinakwil daw siya nang mabuntis ng tiyuhin mo at nagpunta ang tiyuhin mo sa Amerika. Nakunan si Sister Leonora at nagdesisyong magmadre. Sa kabila ng nangyari, malapit pa rin sa puso niya ang mga alaala sa Casa Grande. Siya ang nagkwento sa akin sa magagandang kasaysayan na naganap sa bahay ninyo. Siya din ang nakabasa ng mga libro ng ninuno ninyo.”

“Bakit hindi siya nagkukwento sa mga Cinivaldo?”

Umupo siya sa ilalim ng puno. “Dahil hindi daw niya maipagmalaki ang pamilya niya. Sa panlabas lang magarbo at mayaman pero puno naman ng dugo ang mga kamay ng mga mahihirap at taong naabuso nila para manatili sa kapangyarihan. Pangarap ni Sister Leonora na magsulat ng libro tungkol sa kasaysayan ng pamilya ninyo pero hindi nagawang bumalik hanggang igupo siya ng sakit. Namatay siya noong fifteen years old ako. At ipinangako ko sa sarili ko na ako ang tutupad ng pangarap niya. Isusulat ko ang kwento ng pamilya ninyo.”

Nakakaunawa itong tumango. “The book is like a crusade for you.”

“You can call it that. Mahilig ako sa history. Habang nalalaman ko ang kasaysayan ng ibang tao, parang napupunan ang kasaysayan na kulang sa buhay ko. Parang nahahanap ko ang pagkatao ko. Pero di lang ito para sa akin kundi para din kay Sister Leonora at para na rin kay Inang Selva. Gusto ng lola mo na maipagmalaki ang alaala at pamana ng pamilya ninyo. Naiintindihan ko naman kung di ninyo hilig ang history. I know it is boring for many people. Pero dapat lang siguro na maibahagi ang kwento ninyo sa iba. Kung pwede nga lang maging bahagi din ako ng isang pamilya na may ganoong kwento.”

Mahabang sandaling di nagsalita si Kirst at nakatitig lang siya. Hindi niya alam kung natutuwa tito sa kwento niya o baka mainis na naman ito.

Nagulat na lang siya nang umupo ito sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya. Puno ng pang-unawa ang mga mata nito. “Naiintindihan na kita ngayon kung bakit takot kang magkamali. Naiintindihan ko kung bakit gustong-gusto mong gawin ang libro na ito. Hindi siguro kita mabibigyan ng pamilya na gusto mo dahil di natin mababago ang nakaraan. Pero pwede kitang tulungan sa kwento ng pamilya ko.”

“Talaga?”

“Siyempre. Para rin iyan sa pamilya ko. I can help you with translation and research. Pwede kitang ihatid sa mga lugar na gusto mong puntahan para maintindihan mo ang mga parte ng kwento. Katulad dito sa lawa, maraming love story na nabuo dito - mga pag-iibigan at may kalakip na pagmamahal sa bayan.”

Sa wakas ay nasa iisang pahina na sila ng binata. At masarap sa pakiramdam na ay nakakaunawa sa kanya. Na di naman pala ganoon kasama kung malaman nito ang nakaraan niya. “Salamat sa tulong pero may trabaho ka naman. Ayokong makaabala sa pagmomodelo mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.