Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 30

“ITO na ang outline ang outline ng study ko. Gusto ko po munang ikonsulta sa professor na kakilala ko ang ibang naisulat ko. Baka po may ibigay pa siyang reference na ibigay sa akin para po suportahan itong study ko,” sabi ni Verona at inabot sa matandang babae ang nabuo niyang balangkas ng kabuuan ng pag-aaral niya. May mga natitira pang mga tala sa kanya ang mga Salameda pero wala nang direktang kinalaman ang mga ito sa himagsikan o sa pakikibaka ng mga magsasaka noong 1960’s.

Nakangiting ibinalik ni Inang Selva ang papel sa kanya. Nakaupo ito sa tumba-tumba sa may balkonahe. “Nakikinita ko na ang bahay na ito kapag inilabas ang libro mo. Mabubuhay ulit itong bahay ko. Naririnig ko ang tugtog ng rondalla sa ponograpo. Parang babalik tayo sa panahon. Magsasayaw siguro ang mga kabataan dito ng carinyosa at iba pang sinaunang sayaw. Magkaka-interes ulit sila sa kasaysayan ng lahi natin,” anang matandang babae na puno ng pangarap ang mga mata

“Tama po kayo,” sang-ayon niya. Excited na rin siyang matapos ang libro lalo na’t marami ding ibang nagkaka-interes. Naging aktibo na ang mga paaralan na palakasin ang pag-aaral sa local history dahil kapag naayos na ang walking tour sa mga lumang bahay doon, nakakahiya naman daw kapag nagtanong ang mga bisita at walang maisagot ang mga ito.

“Sana ay umuwi din dito ang mga anak ko at mga apo. Gusto ko silang makasama. Malapit na ang kaarawan ko pero parang walang sinuman sa kanila ang gustong makita ako. Sa palagay mo ba ay uuwi sila para sa paglalabas ng libro mo dito sa Casa Grande?” tanong ng matandang babae. “Gusto kong mabuo kami. Gusto kong makita at mayakap ulit ang mga apo at anak ko. Ang mga bata baka di na ako kilala.”

“Tiyak po na uuwi sila para doon,” pagpapalakas niya ng loob sa matandang babae.

Isa sa dahilan kung bakit gusto ni Inang Selva na magawa ang libro ay dahil gusto nitong mapauwi ang mga anak kahit sandali lang. Pakiramdam kasi nito ay wala nang interes ang mga anak na bumalik pa ng Pilipinas para makita ito. Bagamat nagpapadala ang mga ito ng pera at nakakausap sa video chat ay iba pa rin daw kung mayayakap ang mga ito ang matanda.

Pinisil nito ang kamay niya. “Salamat dahil gagawin mong realidad ang pangarap ko.”

“Gagawin ko po ang lahat para magkatotoo iyon.”

At pumikit ito saka mahimbing na natulog. She felt like she had a family here. Tanggap siya ng mga ito. Ngayon ay tumutulong-tulong na rin siya sa gawaing-bahay. Isang mahabang argumento ang nangyari bago siya payagan ni Kirst kahit na sumang-ayon na si Inang Selva. Ang di lang pinayagan ng mga naroon ay ang mag-contribute siya ng pera sa gastusin sa bahay.

Inayos niya ang kumot nito at nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Kailangan na niyang bumalik sa trabaho dahil dalawang buwan na lang para makapagpasa siya ng entry niya. Bagamat nangako naman si Nana Selva na manalo o matalo sa history writing competition ay handa itong suportahan ang pagpapalimbag sa libro niya, iba pa rin ang accomplishment na may nakuha siyang karangalan sa isang ompetisyon o nakalahok man lang siya.

“Kirst, sinabi ko naman sa iyo na hindi dapat matuloy ang libro na iyon. Ngayon iniisip na ni Inang na gagawing tourist spot itong bahay,” narinig niyang sabi ni Jovita mula sa dirty kitchen. Ang alam niya ay magkatulong ang mga ito sa paggawa ng miryenda.

Natigilan si Verona. Hindi niya alam kung bakit ayaw ni Jovita na huwag matuloy ang paggawa niya ng libro. Hindi man ito kasing sabik nina Kirst at Inang Selva sa ginagawa niyang libro ay maayos naman itong makitungo sa kanya. Hindi ba’t supportive pa nga ito sa pakikipaglapit niya kay Kirst?

Sumandal ang dalaga sa dingding para di siya makita ng mga ito. Sinagot ito ni Kirst. “Ano ngayon kung ituloy niya ang libro at gawing tourist spot itong bahay. Mabuti nga tayo ang nag-pioneer. Maraming ancestral houses ang napabayaan na. Now, the city council is encouraging everyone to preserve it. Magkakaroon pati ng trabaho sa turismo ang mga tao. Di ka ba natutuwa na napasaya mo si Inang? Di ko siya nakitang ganoon kasaya sa loob ng mahabang panahon. Parang wala siyang sakit.”

“Napupuno na rin ng ilusyon ang utak mo tulad ni Inang. Kirst, kapag natuloy ang libro na iyon, malabo nang makumbinsi natin si Inang na ibenta itong bahay. Hindi na natin siya makukumbinsi na tumira ng Maynila. Hindi ka na rin makakapunta sa New York. Ayaw mo na bang makasama si Emerlyn? Para saan pa ang pagpapakahirap mo sa pagmomodelo kung hindi mo rin naman siya makakasama.”

“Hindi ko kayang iwan si Lola. Hangga’t gusto niyang manatili sa bahay na ito, gawin natin kung ano ang magpapasaya sa kanya. Kaunting panahon na lang ang ilalagi niya dito sa mundo,” giit ni Kirst.

“Sinasabi mo lang iyan pero alam ko sa puso mo gusto mo nang puntahan si Emerlyn. Gusto mo na siyang makasama. Kirst, kung ako sa iyo, i-distract mo ang babaeng iyon para di niya matapos ang libro. Paibigan mo saka mo iwan. Siguro naman di na niya maitutuloy ang libro kapag umalis siya dito.”

“Hindi ko kayang gawin iyon.”

“Gawin mo kung ayaw mong tuluyang mawala si Emerlyn sa iyo.”

Namanhid ang buong katawan ni Verona at parang wala sa sarili na bumalik sa kuwarto niya. Di yata niya kayang bumalik sa library at magtrabaho matapos ang natuklasan. Nauunawaan na niya ngayon kung bakit tutol na tutol si Jovita sa bahay nito sa simula pa lang.

Gusto ng mga ito na ibenta ang bahay para tuluyan nang makapunta si Kirst sa Amerika? Pupuntahan na nito si Emerlyn - ang babaeng totoong mahal nito.

Parang pinukpok ng malaking bato ang puso ni Verona. Hindi ito ang inaasahan niya. Wala ngang sinasabi ang binata na gusto siya nito sa romantikong paraan. Pero umasa ang puso niya na kahit paano ay may puwang siya sa puso nito.

Paano kung gusto talaga ng binata na umasa siya para biguin lang sa huli? Paibigin at saktan. Iyon ang plano ni Jovita sa huli.

Humiga siya sa kama at tahimik na umiyak. Ito na ang huling beses na iiyakan niya ang puso niyang sawi. Maaring di siya magagawang mahalin ni Kirst pero di niya hahayaan na pati ang pangarap niya ay masira din. Gagawin niya ang libro at tutuparin ang pangako kay Inang Selva. At muli niyang patitigasin ang puso niya para hindi na siya muling masaktan pa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.