Parang isang nakasarang pinto ang nagbukas sa puso niya. Animo’y pinalaya siya mula sa isang madilim na silid. Walang masama kung mahal niya si Kirst. He was a good man. Nakita niya kung paano nito alagaan ang mga tao sa paligid nito pati na siya. Nang makita niya kung paano ito magmalasakit sa mga bata sa ampunan ay lalong lumalim ang nararamdaman niya dito.
Nang bumalik siya sa mesa ay magaan ang bawat hakbang ni Verona. She was looking at Kirst in a new light. Hindi na ito ang lalaking pilit niyang iniiwasan na silipin sa puso niya dahil takot siyang magmakamali at masaktan. Her eyes were open now. Hindi nakakatakot magmahal. Hindi nakakatakot na pahalagahan din ang isang tao na nagpapahalaga sa kanya. Isinara muna niya ang lahat ng argumento sa isipan. Masaya siya kapag kasama si Kirst at mistulang kayamanan iyon na itatago niya sa puso dahil hindi niya mararamdaman ang ganoong klaseng saya kung lagi siyang safe.
Humiwalay din sina Verona at Kirst kay Maxon at Sia matapos ang hapunan. Magka-casino pa ang mga ito habang sila ni Kirst ay babalik na ng Pangasinan.
Hinawakan nito ang kamay niya at hinayaan lang niya. Hindi niya alintana ang naiintrigang tingin sa kanila ng mga tao. Parang sarili lang nila ang mundo.
“Hey, Kirst!” tawag ng isang magandang babae sa binata.
“Hi, Pixie!” bati ng binata at nag-beso sa binata.
“What are you doing here? I thought you are at the province and taking care of your grandmother,” anang babae. “You didn’t join us in Bacolod.”
“May pinuntahan lang kami dito sa Manila pero babalik din ako.”
“Is she your cousin? Si Ate Jovita?” tanong ng babae at kinamayan siya. “Hi, I am Pixie! Kasamahan po ako ng pinsan n’yo. Buti po nakaluwas kayo? Kumusta na si Lola?”
“O-Okay naman,” nasabi na lang niya at di nag-abalang itama ito.
Pakiramdam niya ay sinampal siya ng realidad. Hindi sila bagay ni Kirst. Tanggap naman niya iyon. Pero iba pa rin pala kapag may ibang nakakakita. Parang hindi siya worth it na madikitan nito. Kahit nakangiti siya ay nararamdaman niyang gumuguho ang kompiyansa niya. Malamang ay pangangatawanan na rin ni Kirst na siya ang pinsan nito para di naman kahiya-hiya.
Huwag kang masasaktan. Ngiti lang. Ihanda mo lang ang sarili mo. Ganyan talaga ang realidad ng buhay.
Nagulat siya nang bigla siyang akbayan ni Kirst. “No. She’s my date. Siya ang sinamahan kong lumuwas dito sa Manila.”
“What?” sabay pa nilang bulalas ng babae at gulat niyang tiningnan ang binata. High ba ito? Bakit nito sinabing ka-date siya nito?
“Si Verona. Siya din ang nakasama kong mag-dinner. Remember the dating game?” paalala nito sa babae.
“Yes. ‘Yung girl na sinamahan mong manood ng Heneral Luna. Yeah! Is this part of your dating game still?” tanong ng babae at nagpapalit-palit ng tingin sa kanila.
“No. This is really a date. Ang totoo, pabalik na kami ng Pangasinan ngayon. Iuwi ko na daw siya sabi ng lola ko,” sabi ng binata.
Hindi niya maintindihan. Bakit sinabi nito sa kaibigan na talagang magka-date sila at iuuwi siya nito sa Pangasinan? Nababaliw na ba ito? Baka mamaya ay lait-laitin pa ito ng babae o kaya ay sabihing ginayuma niya ang binata.
Tinutop ng babae ang bibig. “This is real. I am so excited for you,” tuwang-tuwang sabi ng babae sa pagkagulat ni Verona. Tapos ay nakangiti siyang binalingan ng babae. “You have nothing to worry about Kirst. Ikaw ang una niyang naka-date mula nang mag-break sila ng girlfriend niya. He is not babaero and he is not bolero. At kung pabaitan lang naman, pwede ko na siyang ipagpatayo ng rebulto. Iyan ang kaibigang madaling utangan. Kapag niligawan ka niya, huwag mo na siyang pakawalan.”
“Pixie, that’s too much information,” anang si Kirst at pinagdikit ang mga labi.
“I am just helping you out. Mukhang hindi naman mai-impress ang ka-date mo sa mga pagpapapogi,” sabi ni Pixie at kumindat sa kanya. “I must be going. See you two next time you visit Manila.” At nagbeso na rin ang babae pati sa kanya.
“She’s nice,” nausal niya habang bumibiyahe sila ni Kirst pabalik ng Pangasinan. “I mean, hindi iyon ang inaasahan kong treatment ng isang magandang model sa katulad ko.”
“Ano bang inaasahan mo?”
Bumuga siya ng hangin. “Sabihin na nating madalas akong taasan ng kilay ng tao sa itsura ko. Hindi ako pasado sa standard nila ng maganda.” Kahit minsan ang ibang di naman kagandahan o kaguwapuhan ay grabe kung manlait sa kanya dahil lang mas magandang manamit ang mga ito sa kanya.
“Di naman lahat ng magaganda at guwapo mapangmata. Most of the time, we go to go sees bare. Minsan parang di pa nagsusuklay. Pero nakikita ng mga scout ang potential ng bawat isa. Kaya kumukuha ng stylist at magagaling na make up artist para don. At mahalaga din ang confidence ng modelo. Kahit na mukhang alien sila sa ayos nila, kailangan nilang mag-project na maganda sila sa itsura nila.”
Tumuwid siya ng upo. “Confidence.”
“Ang kompiyansa ay isang invisible na damit. Kahit ano pang itsura mo o kahit basahan pa ang suot mo, basta may kompiyansa ka, aangat ka. Beauty has to come from within. Siyempre, may inner beauty din na tinatawag. What’s inside your heart. How you treat people. Di lang panlabas na anyo ang basehan. Nangungulubot ang balat at nawawala ang panlabas na ganda pero hindi ang magandang ugali. Kaya sana kung ano ang maganda sa iyo, huwag mong babaguhin. Kasi iyon ang nagustuhan ko sa iyo.”
Gusto daw niya ako. Isang matinis na tili ang pumunit sa isipan niya. At hindi ang panlabas na anyo ang tinitingnan ng binata sa kanya kundi ang kanyang kalooban. Para sa isang taong nabubuhay sa mundo na mas pinahahalagahan ang panlabas na kagandahan, mas importante pa rin sa binata ang magandang kalooban.
“Gusto mo pa rin ako kahit inaaway-away kita dahil sa takot at insecurity ko?”
“It doesn’t define who you really are. Because deep inside, you care. Hindi ka naman talaga manhid o masama ang ugali. Gusto mo lang protektahan ang sarili mo mula sa mga bagay o tao na maaring makasakit sa iyo. Hindi naman kita masisisi dahil kailangan mong gawin iyon para maka-survive sa mahirap na buhay kung saan ka nanggaling. At alam ko na kaya mo ring magmahal kung hahayaan mo lang ang sarili mo. Mahirap kapag pinipigilan ang puso. Lalong nagwawala.”
Nakangiti niyang nilingon ang binata. Kung alam lang nito, ngayon pa lang ay nagwawala na ang puso niya dahil gusto niyang sabihing nakapasok na ito sa puso niya. At palaki nang palaki ang inookupa nitong teritoryo sa puso niya.
“Tama ka. Hindi ko dapat pigilan ang puso ko na magmahal.”