Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 9

Masaya siya na nakaligtas ang kaibigan niya pero ang kapalit naman ay siya ang makaka-date ni Kirst. Anong gagawin niya? Mukhang kailangan niya ng marami-raming dasal para malampasan ang araw na ito.

“OKAY. Dahan-dahan ka nang dumilat, Madam,” sabi ng hair and make-up artist na nag-ayos kay Verona. Para sa kanya ay torture ang isang oras na ayusan. Di niya maintindihan ang art ng pagpapaganda. Para sa kanya, konting suklay at pulbo ay ayos na. Di niya kaya ang isang oras o higit pa na ginugugol ni Sia sa pag-aayos. Katwiran niya, wala naman siyang pinagpapagandahan.

Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata at ilang beses na kumurap para luminaw ang paningin dahil wala siyang suot na salamin.Nagulat siya nang mapagmasdan ang magandang mukha sa salamin. Only to find out that it was her reflection that was staring back at her.

“Wow! Ang ganda mo!” excited na sabi ni Miss Agnes habang nasa likuran naman nito si Cheng na kumukuha ng pictures niya.

Kinulot ang dulo ng buhok niya at nilagyan ng volume para magka-body. Nagkaroon din ng buhay ang mga mata niya nang malagyan ng masscara at eyeshadow. Kahit ang ilong niya ay na-define ang noseline. Orchid pink naman ang mga labi niya dahilan para magmukha siyang mas bata pero may aura ng sophistication. Samahan pa ng bulaklaking dress na binili para sa kanya.

“Nasobrahan po ata ako ng ganda,” naiilang niyang sabi.

“Aba! Trabaho ko na pagandahin ka, hija. Ako ang iyong fairy godmother. Date ang pupuntahan mo kaya kailangan maganda ka sa paningin niya.” Ipinorma nito ang ilang parte ng buhok niya sa harap ng balikat. “Tiyak na mai-in love siya sa iyo.”

Napangiwi na lang siya. Ni sa hinagap niya ay di niya naisip na magpaganda para sa isang lalaki. Lalo naman si Kirst Villaviray. “S-Salamat,” nausal niya.

Habang nasa sasakyan sila ay pinagpalit siya ng pulang sapatos na three-inches ang taas ni Miss Agnes. “Kailangan mong magmukhang matangkad at elegante. Nasa 5’11” si Kirst. Manliliit ka.”

Tumango na lang siya at isinuot ang sapatos. Hindi siya sanay sa sapatos na mataas ang takong pero bahala na si Batman. Dusa talaga ang date na ito. At least safe ang kaibigan ko sa kay Kirst. Di ko siya aalalahanin. Ako na lang ang problema.

Ipinilig ni Verona ang ulo. No. I can resist him. Isa pa, may mga kasama naman kaming ibang tao. Siguro naman kapag nakilala ko siyang mabuti, mate-turn off ako.

Sa wakas ay nakarating din sila sa isang restaurant sa New Manila kung saan naghihintay daw sa kanya si Kirst. Pagbukas pa lang ng van ay nag-aabang na ang lalaki sa kanya at nakalahad ang palad para alalayan siya. Sa isang kamay ay may hawak itong bouquet ng rosas at bunny stuffed toy.

Bakas ang pagkagulat sa anyo nito nang makita siya. “H-Hi!” bati nito sa kanya. “This is quite a surprise, Verona. We meet again.”

Naggigayis ang ngipin niya pero pilit na ngumiti nang makitang kinukuhanan sila ng camera sa di kalayuan. Ang alam niya ay ipo-post agad ang mga pangyayari sa dating game sa internet. “Hi!” bati lang niya at hinawakan ang palad nito.

Ngiti lang, Verona. Magpanggap kang excited ka rin sa date na ito. Naka-monitor si Sir Mattheu. Huwag na huwag mo siyang ipapahiya.

“Buti pumayag ka sa date na iyon at pinagbigyan mo ako,” sabi ng binata at ibinigay sa kanya ang bouquet ng roses at stuffed toy. “For you.”

Ang pinalabas na lang ay si Kirst mismo ang nag-request na siya ang i-date matapos malaman na di makakarating si Sia para mawalan ng isyu.

“Thanks.” Dahil nanganay pa siya ay mabuway ang pagkakaapak niya sa sapatos. Maagap naman si Kirst na saluhin siya sa braso at itinuwid ang tayo niya. “Let me hold those for you. At kumapit ka lang sa braso ko.”

Sumunod na lang siya dito at isinantabi ang pride. Mabuti naman at gentleman ito kahit paano. Ayaw niyang sumubsob sa lupa. Pero di na masamang kumapit sa muscles niya. Sa tigas niyon, kayang-kaya siya nitong protektahan at saluhin kung mauurangod man siya.

Sa La Creperie Boheme ang venue ng date nila, isang French-inspired cafe. Nakaka-relax ang loob ng restaurant at nagustuhan niya ang mga puting wicker chair at damask chair na gawa sa metal. Sa di kalayuan ay naroon ang bar na nagse-serve din ng alak bukod sa kape. May pagka-hispter ang dating ng lugar pero elegante pa rin. Pinaghalong luma at bago.

Hindi niya alam kung anong unang sasabihin. Aayaw-ayaw siya dito tapos siya ang makikita nitong ka-date nito. Baka mamaya ay isipin pa nito sinadya niyang isabotahe ang kaibigan para sila ang magkasama. “Uhmmm... Ibibigay ko kay Sia itong bouquet at bunny pagbalik ng Hong Kong. Pasensiya daw kung hindi man siya makakarating.”

“Sa iyo iyan. Ikaw ang ka-date ko ngayon. Ikaw ang pinili ko. Maybe it is destiny that we will end up together,” sabi ng binata matapos siyang alalayang umupo. “Sinabi ko naman sa iyo na magkikita tayo ulit.”

“So, dati pa pala kayo magkakilala?” tanong ni Miss Agnes habang nakasunod sa nagdo-document ng date nila ng binata. “Di naman nababanggit ni Verona na may na-meet na siyang ganyan kaguwapo. Napakamalihim talaga.”

“Kilala niya ako pero di ko pa alam ang pangalan niya noon,” sagot ni Kirst. “Nagkita kami sa Cosmo Bachelor Bash. Nag-collapse siya noong photo op bago ang show at ako ang sumalo sa kanya.”

“Oo. Ang bait nga niya dahil tinulungan pa niya ako. Sobrang init kasi sa venue,” sabi niya at pilit na ngumiti. “Salamat, ha? Di ko naman kasi nakilala ang tumulong sa akin dahil wala akong malay no’n. Nabanggit na lang sa akin ni Sia na ikaw pala iyon matapos ang dating game.”

Bahagyang nagulat ang binata. Akala naman nito ay mamimilipit siya sa kilig habang ikinukwento na dati pa niya itong nakadaupang-palad. Neknek nito.

Pero dahan-dahang sumilay ang misteryosong ngiti sa labi nito. “Ah! Pero hindi naman iyon ang huli nating pagkikita, hindi ba? Naalala mo ba noong mismong bash? Nandoon ka sa mismong harap ng mga audience sa gilid ng stage at...”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.