Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 10

Dali-dali niyang dinampot ang menu at saka isinubsob ang mukha doon. “Uy! Mukhang masarap itong menu nila pero medyo mahirap basahin,” putol agad niya sa sasabihin nito. Medyo nag-panic siya doon dahil pakiramdam niya ay babanggitin ng binata ang tungkol sa munting “aksidente” sa pagrampa nito.

Sana hindi na niya ituloy o sasampalin ko siya nitong menu. Dahil sa isang aksidenteng iyon ay masisira ang immaculate image ko. Hindi ako maniac!

Kinalabit siya ni Miss Agnes. “Baligtad kasi ang menu, Verona.”

“Oh!” aniya at dali-daling binaligtad ang menu. “Sorry. Wala kasi akong salamin.”

Epic fail, Verona. Malamang pinagtatawanan ka ng kumag na iyan.

“You must be really hungry. Kumain ka ba kanina o nag-miryenda man lang?”

Gulat na inangat ni Verona ang paningin mula sa menu at sinalubong ang nag-aalalang mga mata ni Kirst na nakatunghay sa kanya. At parang mantikilya na nalusaw ang puso niya sa concern nito. Easy lang. Huwag bibigay.

Tinawag nito ang waiter. “Anong food ninyo ang mabilis i-prepare?”

Nagbigay naman ng recommendation ang waiter at sa huli ay siya ang tinanong ng lalaki kung ano ang mas gusto niya. Nagustuhan niya na hindi ito nag-take over at nag-assume na alam nito kung ano ang gusto niya.

“We can also create our own crepe,” excited na sabi ng binata nang sipatin ang menu.

Nag-thumbs up si Cheng na nasa kabilang mesa. “Approve iyan. Marami tiyak ang kikiligin sa inyo.”

Maya maya pa ay nag-serve na ng table wine ang waiter. “Mag-toast kayo,” sabi ni Miss Agnes.

Nanginginig ang kamay ni Verona nang mag-toast sila ng binata. “Pwede ba ninyong i-cross ang mga kamay ninyo saka kayo uminom?” tanong ni Cheng na may hawak ng camera.

Sumunod siya kahit na naiilang siya dahil ilang pulgada lang ang layo ng mukha nila ng binata sa isa’t isa. At nakatitig ito sa kanya. Pumikit na lang siya para di ito makita.

“Verona, dumilat ka naman. Parang ayaw mong makita si Kirst,” ungot ni Miss Agnes. Napilitan siyang sumunod kahit naiilang siya. “Ayan! Ang ganda!”

“She’s really pretty, isn’t she?” tanong ni Kirst nang maghiwalay sila.

“Make up lang iyan,” aniya sa matabang na boses.

“Kahit naman wala kang make up maganda ka.”

“Maniwala naman ako na nagagandahan ka sa akin,” may katarayang usal niya.

“Ang ibig niyang sabihin, thank you daw kasi nagandahan ka sa kanya kahit wala siyang make up,” maagap na sabi ni Miss Agnes. “Ang sweet talaga ni Kirst.”

Gusto nang mag-walkout ni Verona. Puro na lang siya palpak. Sa di siya sanay na pinupuri ng kahit sinong lalaki. Naiisip niyang pambobola lang iyon para may makuha sa isang babae. Huwag kang aalis, Verona. Huwag mong ipahamak ang mga kasamahan mo. Matatapos din ang date na ito.

Nag-serve agad ang waiter ng soup at appetizer. Habang kumakain sila ay hinayaan niya ang lalaki na magkwento. “Bunso ako sa magkakapatid. Parents ko, mga kapatid ko at mga pamangkin ay nasa Canada na. Graduate ako ng nursing at nag-start akong mag-modeling nang makita ako ng isang talent scout na nagbabakasyon sa Dagupan. Pa-graduate na ako ng college noon kaya sinubukan ko. I didn’t expect that it would hit off.”

“Plano mo bang sundan ang pamilya mo sa ibang bansa?” tanong niya. Iyon naman ang karaniwang ginagawa ng mga nakatapos ng pag-aaral sa Pilipinas. Mas gustong mangibang-bansa.

“Not yet. Di ko pa maiwan ang lola ko sa Pangasinan. Gusto ko siyang isama abroad pero mas gusto daw niya sa bahay namin sa Bayambang. Di daw niya maiiwan ang ancestral house namin at alaala ng pamilya. Kaya kapag wala akong projects, umuuwi ako para dalawin siya at alagaan. Aalis lang kami kapag nakumbinsi ko na si Lola na sumama sa amin sa abroad o kaya ay lumipat sa tiyahin ko sa Makati.”

“Ang sweet mo namang apo,” di niya maiwasang mausal.

Naiinggit siya sa mga taong may pamilya pa rin. Di niya maiwasang hangaan si Kirst na maaring may mas magandang oportunidad sa abroad pero ayaw iwan ang lola nito. Ibig sabihin ay loyal ito sa pamilya.

Pogi points na naman iyon para sa binata. Dapat ay naghahanap siya ng aayawan dito. Di pwedeng hayaang malusaw ang puso niya dito.

“I work at Hearts Publication as a copyreader,” aniya sa pormal na boses.

“Small world. Ako pa ang kinuha nilang model at sa event pa ng kompanya mo tayo magkikita,” sabi ng binata at sumimsim ng wine. “How about your family?”

“None,” she answered in a stern voice. Tinitigan niya ang perpekto nitong mukha. Ano ba ang pwede niyang ipintas dito? Wala nga ata itong pores.

Nagpatuloy lang ito sa pagsasalita. “I like basketball and football. I used to play football when I was in high school. May kaibigan pa nga ako na member ng Azkals. Pero tumigil ako noong college na. Sports na hilig mo.”

“Wala.” Chinese garter, patintero at pabilisang umakyat sa puno lang naman ang hilig kong gawin noong bata ako. Sports na iyon sa kanya.

“What are your interests?”

“I love history,” usal niya at nagningning ang mga mata.

Pumitik ang binata. “Sabi ko na nga ba’t magkakasundo tayo. Ano ang paborito mong event o historical figure?”

“Mapa-Philippine history o world history naman interesado ako. Pero fascinated ako sa mga ancient civilization. Gusto ko ring magbasa tungkol sa mga sulat ni Rizal saka Apolinario Mabini pati iba pang propagandista. They are really, really smart.”

“Ako naman mahilig sa Japanese history.”

Whoa! Mahirap talagang husgahan ang isang tao. Mukhang may ibubuga naman ang isang ito. “Interesting din ang history ng Japan,” sang-ayon naman niya.

“Kaya nga gustong-gusto ko si Kenshin Himura, Naruto at pati na rin ang piratang si Luffy.”

“Huh?” bulalas niya at muntik nang masamid.. “Nasa history sila?”

“Hindi mo ba sila kilala?” Napailing ito. “Sikat na sikat ang mga iyan. Sila ang dahilan kung bakit nahilig ako sa history. Si Luffy ang pinakamakisig na pirata. Si Kenshin Himura naman sikat na samurai noong Meiji era. Daig ka pa ng bata kundi mo kilala si Naruto, ang pang-anim na hokage ng Konohona.”

Tinitigan niya ang binata. Hinihintay niyang sabihin ng binata na nagbibiro lang ito pero mukhang seryosong-seryoso ito. “Anong historical books ba ang binabasa mo?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.