HIS VILE CRAVING (A Tagalog Story) Chapter 10

"TALAGA, mahal ko? Papayag kang bumalik ako sa Maynila upang magtrabaho?" nasisiyahang tanong ni Kiah sa asawa.

Masuyong ngumiti ang kanyang Mister saka hinaplos siya sa buhok. "'Yan ang nais mo, hindi ba? Alam kong hindi ka papayag sa nais kong dumito na lamang at ako na ang bubuhay sa pamilya mo. May sarili kang paninindigan simula no'ng mga musmos pa tayo."

Hindi mapigilang mapayakap ni Kiah sa asawa saka sumandig sa balikat nito na lagi niyang ginagawa simula pa noon. "Maraming salamat, mahal ko. Talagang napakabuti mo," nakangiting saad niya rito subalit mayamaya rin ay nabura ang mga ngiti niyang iyon nang maalala ang kalagayan ng asawa.

"May problema ba, mahal ko?" nag-aalalang tanong pa ni Carlos sa kaniya saka pilit pa siyang iniharap upang magpanagpo ang kanilang mga mata.

Sinalubong ni Kiah ang masuyong tingin ni Carlos subalit agad din siyang nagbaba ng tingin ng makaramdam ng konsensya dahil sa desisyon niyang lumuwas muli sa Maynila. "Pero paano ka, mahal ko? Sinong mag-aalaga sa'yo? Mabuti sana kung alam ng mga--"

"Shhhh, baka marinig ka ni Inay," awat ng asawa sa kan'ya.

Naroon kasi sila sa bahay ng kanyang mga biyenan. Doon kasi nila napagkasunduang tumira pagkatapos ng kanilang kasal. Wala naman itong problema sa kan'ya dahil sa kabilang kanto lang naman niyon ang kanilang sariling bahay.

"Huwag mo na akong intindihin, mahal ko. Kaya ko na ang aking sarili. Ayaw kitang pahirapan pa. Ang mahalaga'y nakasama ka namin nina Inay at Itay. Iyong nakita nilang magkasama tayo't natupad natin ang pangarap nila," wika ng lalaki habang masuyong hinahaplos ang mukha niya.

Sa mga sinabi ni Carlos ay hindi mapigilang mapaluha ni Kiah. Hindi dapat ito ang kapalaran mo, Carlos. Patawad kung wala akong maitutulong sa iyo, ani Kiah sa isipan habang nakayuko at panay ang pagpatak ng luha.

Niyakap naman siya ni Carlos at pilit na inaalo. "'Wag ka nang umiyak, mahal ko. Baka sabihin ng Inay na inaway kita kapag nakita niyang namamaga ang magagandang mata mo," pang-aalo pa sa kan'ya nito na sinabayan pa ng mahinang pagtawa.

Mahina namang pinalo ni Kiah ang balikat nito na tinawanan lamang ng lalaki. "Ikaw talaga, puro ka biro," kunwari ay nakasimangot niyang usal rito.

Ilang sandali pa munang nag-isip si Kiah kung itutuloy niya ang pagluwas. Nagdadalawang-isip kasi siya sa kadahilanang, kapag itinuloy niya ang pagluwas ay walang maiiwan sa asawa niya upang mag-alaga.

Matatanda na kasi ang mga biyenan niya. Ang Itay Luciano niya ay pitumpu't lima na, samantalang ang kanyang Nanay Erlinda ay edad pitumpu't dalawa. Wala ring kapatid si Carlos dahil nag-iisa itong anak, kaya naman mahal na mahal ito ng mga magulang. Madalas pa ngang sinasabi ng mga ito sa kanya na si Carlos lamang daw ang itinuturing nilang kayamanan.

Isa pa'y alam ni Kiah na hindi makakaya ng konsensya niyang iwan ang lalaki lalo na sa karamdaman nito. Na hanggang ngayon pa nga ay hindi niya lubos maisip na ganoon ang sasapitin ng kaniyang matalik na kaibigan. . .

"Hezekiah, pakasalan mo ako."

Napamaang si Kiah dahil sa sinabi ng kaibigan. "P-pakasalan? Pero wala tayong relasyon, Carlos," tutol niya rito.

Ginagap ng lalaki ang kamay niyang nakapatong sa kanyang kandungan. Naroon sila ng kaibigan sa paborito nilang lugar; sa bukid at nakasilong sa lilim ng punong kayomito.

"Please, Hezekiah. Pagbigyan mo na ako. . ." pagmamakaawa pa ni Carlos saka ginagap nang mas mahigpit ang kamay niya.

"P-pero bakit bigla ang pag-aalok mo ng kasal? Ni wala tayong unawaan, Carlos. Matalik tayong magkaibigan, hindi ba?" naguguluhan niyang tanong rito.

Sa pagkakataong iyon ay binitiwan ng lalaki ang kamay niya saka tumayo at tumalikod sa kan'ya. Pinagmamasdan lamang ni Kiah ang kaibigan na tila malalim ang iniisip. Ilang sandali ring namayani ang nakabibinging katahimikan nang magsalita ito.

"No'ng nakaraang buwan, habang nagtatrabaho ako sa bukid, ay bigla na lamang akong nawalan ng malay. Kaagad akong itinakbo ng ating mga kabaryo sa ospital sa karatig-bayan. Noong una, ang sabi ng doktor na sumuri sa akin, may malala raw akong pulmonya. Ngunit pagkatapos ng ilan pang masusing pagsusuri, napag-alamang mayroon akong. . ." Hindi itinuloy ng lalaki ang sana'y sasabihin, bagkus humarap ito sa kan'ya at saka lumuhod sa kanyang paanan na ikinagulat niya nang husto.

"Carlos! Ano ba?! Tumayo ka nga riyan!" pagalit niyang sita rito.

Subalit sa halip na makinig, isinubsob ng lalaki ang mukha sa kandungan niya at bumulalas ng iyak. Nataranta si Kiah nang makitang umiiyak ito. Sa loob kasi nang mahabang panahon na nakilala niya ang lalaki, ni hindi niya ito nakitang umiyak. Kilala niyang malakas ang loob ng lalaki at walang pagsubok na inaatrasan. Napaka-positibo rin mag-isip ni Carlos kaya talagang humahanga siya rito.

Ngunit ang lalaking humahagulhol sa kandungan ni Kiah na tila isang bata ay malayo sa Carlos na kilala niya. Ang lalaking nasa harapan niya ngayon ay larawan ng lalaking nawalan ng pag-asa.

Hinayaan lamang ni Kiah na umiyak ang lalaki habang panay naman ang paghaplos niya sa ulo nito. Ilang minuto rin ang itinagal noon bago ito tumigil. At nang mag-angat si Carlos ng paningin ay nabasa ni Kiah sa mga mata nito ang kawalang pag-asa. Doon pa lang, alam na niyang mabigat na dinadala ang kaibigan. Nararamdaman ni Kiah na may inililihim ito sa kan'ya.

Pinunasan ni Kiah ang mga mata ng lalaki na hilam pa ng luha, pagkatapos ay marahan niyang hinaplos ang pisngi nito saka ngumiti. "Sabihin mo sa akin Carlos, kung ano ang mabigat mong dinaramdam."

Ilang sandali pa munang tinitigan siya ng lalaki bago humugot ng malalim na hininga. "Mayroon akong stage 4 cancer, Hezekiah. Huli na ng ma-diagnosed dahil hindi nagpakita ng ano mang sintomas ang sakit ko. At may. . . may anim na buwan na lamang ako para. . . para mabuhay."

Natigilan si Kiah sa mga narinig. Ilang sandali rin siyang nakatingin lamang kay Carlos at hindi nagsasalita. Hindi kasi niya maiproseso sa isip ang sinabi ng matalik niyang kaibigan.

"H-hindi! Hindi ako naniniwala sa'yo, Carlos! H'wag mo akong biruin!" mayamaya ay galit niyang sigaw rito habang panay ang pag-iling.

Isa-isa na ring naglalaglagan ang mga luha niya habang nakatunghay sa malungkot na mukha ng kaibigan. Ramdam rin ni Kiah ang pagkirot ng dibdib na tila ba tinutusok ng libo-libong karayom---walang kasinsakit.

"Kung sana'y panaginip lang ang lahat, Hezekiah. Matagal ko nang ninais na magising sa bangungot na ito. . ."

NANG araw na malaman ni Kiah ang tungkol sa kalagayan ng kaibigan, buong magdamag siyang umiiyak na labis namang ipinagtaka ng kanyang Nanay. Subalit sinabi na lamang niya na masaya siya dahil inalok siya ng kasal ni Carlos. Masayang-masaya naman ang Nanay niya nang malaman iyon. Botong boto rin kasi ito kay Carlos.

At noong araw ding iyon, nagdesisyon si Kiah na magpakasal sa matalik na kaibigan. Hindi kasi niya kayang tanggihan ang alok ng isang kaibigang malapit nang mawala. Lalo pa't sobrang sakit rin iyon para sa kan'ya.

Ipinaliwanag din ni Carlos kung bakit nais nitong magpakasal. Ang sabi nito'y alam daw niyang hindi makakayanan ng magulang ang nalalapit niyang pagkawala, kung kaya't naisip niyang kung tutuparin niya ang nais ng mga magulang na makasal sila, hindi ganoong magdaaramdam ang mga ito dahil naroon siya---bilang manugang at pangalawang anak.

Noon pa man kasi'y parang tunay na anak na ang turing kay Hezekiah nang pamilya nito. Ang mga magulang ni Carlos ang madalas tumulong sa kanilang pamilya kapag ni pansaing na bigas ay wala sila.

Pati na rin noong magkasakit ng malubha ang Itay niya, ang mga ito ang nagmagandang-loob upang tustusan ang mga pangangailangan nilang pamilya. Dahilan upang tanawin iyon ni Kiah na isang malaking utang na loob.

Bagama't may agam-agam si Kiah dahil sa naging desisyon, lalo pa nga't magiging responsibilidad rin niya ang pamilya ni Carlos, ay tinanggap niya ang alok nito. Kaagad naman agad nilang sinabi iyon sa kanilang mga magulang.

At gaya nga ng inaasahan, walang

pagsidlan ang saya ng mga ito. Kinabukasan ay inayos agad ng mga magulang ni Carlos ang kanilang kasal. At nang sumunod na araw ay naikasal na sila sa huwes.

Hindi rin malilimutan ni Kiah ang unang gabi nila ni Carlos bilang mag-asawa. Doon inamin ng kaibigan na may patingin ito sa kaniya.

"Nais ko sanang sabihin sa iyong nagpapasalamat ako sa iyo, Hezekiah. Dahil pinagbigyan mo ang kahilingan ng isang taong mawawala na. . ." anang Carlos sa kaniya nang mapag-isa na sila kanilang silid.

"Carlos!" saway niya sa lalaki. "Itigil mo iyang sinasabi mo! Ayaw kong maririnig sa iyo na nagsasalita ka ng gan'yan!"

"Pero, iyon naman ang totoo, Kiah. Bakit ka nagagalit? Pumapangit ka tuloy, o?" pagbibiro pa nitong ikinasimangot niya

"Alam kong pangit ako noon pa man. Kaya 'di mo na kailangang sabihin iyan," nakasimangot pa ring tugon niya sa lalaki.

Sa sinabi niya ay napahalakhak ang lalaki saka kinurot siya sa pisngi. Pagkatapos ay masuyo siyang hinaplos sa pisngi. "Nagkakamali ka, Hezekiah," anang lalaki na ikinamaang niya. Sinalubong niya ang tingin ng lalaki. "Noon pa ma'y maganda ka na sa paningin ko, Kiah."

"C-Carlos?" nauutal niyang wika. Naiilang rin si Kiah kung paano tumingin ang asawa sa kaniya.

Masuyong ngumiti pa muna si Carlos sa kaniya saka isinandal siya sa balikat nito. "Noon pa man ay may pagtingin na ako sa iyo, Hezekiah." Bumilis ang tibok ng puso ni Kiah pagkarinig noon. Nanlalaki ang mga mata niyang nag-angat ng tingin rito. "Sayang nga lamang at hindi magtatagal ang pagsasama natin bilang mag-asawa. Hinahangad kong 'pag wala na ako, makahanap ka ng lalaking makakasama mo habang buhay."

"Ano'ng i-ibig mong s-sabihin, Carlos?" puno ng pagtataka niyang tanong sa kabiyak.

Muli pang ngumiti si Carlos sa kan'ya saka hinalikan siya sa noo. "Ipinapangako kong walang kahit anong mangyayari ngayong gabi sa'tin Hezekiah, kung iyan ang iniisip mo. Nais kong ilaan mo ang iyong sarili sa lalaking mamahalin mo at makakasama habambuhay."

Iyon nga ang nangyari sa kanila ni Carlos noong unang gabi nila bilang mag-asawa. Lumipas lamang ang gabi nila ng puno ng kwentuhan at masayang ala-ala. Totoong tinupad ni Carlos ang ipinangako sa kan'ya, walang nangyari sa kanilang dalawa. At tama siya, hindi siya nagkamali sa pagkakakilala rito.

PAGKATAPOS nang mahabang pag-iisip ay nakabuo ng desisyon si Kiah. Ginagap niya ang kamay ng asawa at saka tumingin sa malungkot na mga mata nito.

"Hindi na ako luluwas, mahal ko. Dito na lamang ako at aalagaan ka."

Sa sinabi ni Kiah ay nagliwanag ang mukha nito at tila nabuhayan. "Totoo ba ang iyong sinasabi, mahal ko?"

Masuyo siyang ngumiti at tumango sa asawa. "Oo, mahal ko," saad pa niya saka tumayo at tinungo ang mga gamit niya at kinuha ang cellphone sa bag. "Tatawagan ko lamg si Sir Akihiro upang ipaalam sa kan'ya ang desisyon ko."

Tumango naman si Carlos saka nakangiting minasdan ang asawa. Subalit nabura ang ngiting iyon nang makaramdam siya ng pagkirot sa dibdib. Pilit niyang itinago sa asawa ang pagsama ng mukha dahil sa matinding sakit na nararamdaman. Kahit pa nga halos malagot na ang hininga niya dahil sa matinding sakit.

Patawad Hezekiah, mukhang hindi na ako magtatagal pa. . .

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.