"GOOD luck sa first day mo, love. Alam kong kayang-kaya mo 'yan."
Hindi mapigilang mapangiti ni Kiah nang marinig ang sinabi na iyon ni Aki. Nakakataba iyon ng puso, lalo pa't pakiramdam niya ay nag-iba ang pakikitungo nito sa kan'ya.
Mas maging malambing kasi ito ngayon. At dahil doon, nagkaroon siya ng munting pag-asa na baka may damdamin din para sa kaniya ang lalaking minamahal.
"Salamat. Ikaw rin, mag-iingat ka sa trabaho," aniya sa lalaki saka kiming ngumiti. Matamis naman itong ngumiti bilang sagot.
Umasta nang bababa si Kiah sa kotse nito nang hawakan siya nito sa pulsuhan. Nasa parking lot pa kasi sila ng unibersidad ni Aki ng mga oras na iyon. Nilingon niya ang lalaki ngunit nagulat siya ng bigla siyang kabigin nito at walang sabing hinagkan sa labi.
Tumagal din iyon ng ilang segundo bago sila naghiwalay. Ramdam ni Kiah ang pag-init ng kanyang pisngi nang magtama ang kanilang mga paningin.
"Let's go, hatid na kita sa gate," pakli nito pagkatapos ay nauna nang bumaba at pinagbuksan siya ng pinto ng kotse. Mabilis naman siyang umibis roon.
"Salamat."
"You're welcome, love."
Magaan at nag-uumapaw ang kasiyahan sa dibdib ni Kiah nang tahakin nila ng binata ang daan patungo sa entrada ng unibersidad. Ngunit eksaktong pagdating nila sa tapat ng gate ay nakatayo roon si Gavin at mukhang may hinihintay.
Ay! Oo mga pala! Ang sabi niya'y sabay kaming papasok! Naalala niyang may usapan pala sila ng binata na sabay silang papasok sa araw na iyon.
Napansin ni Kiah na sumeryoso ang anyo ni Gavin nang makita nito ang nakatatandang kapatid. Nang si Aki naman ang sulyapan niya, may pag-aalinlangan siyang nababasa sa anyo nito. Marahil ay iniisip nito kung paano pakikiharapan ang kapatid na kailan lamang niya nakilala.
"Magandang umaga, Gavin. Kanina ka pa?" bati ni Kiah kay Gavin nang makalapit. Ngumiti naman ito nang mapatingin sa kaniya.
"Nope, actually kararating ko lang." Matapos sabihin iyon ay pinukol muli nito ng masamang tingin si Aki na noon ay tila nakikiramdam sa kapatid. "Ihinatid ka pala ng Kuya." Batid ni Kiah ang pang-uuyam sa tinig ni Gavin nang sabihin iyon sa nakatatandang kapatid kaya naman bahagya siyang nakaramdam ng kaba.
"G-Gavin," nag-aatubiling turan ni Aki sa kapatid.
Alam ni Kiah na may namumuong tensyon sa pagitan ng dalawang lalaki nang mga sandaling iyon kaya lalong umibayo ang kaba niyang nararamdaman sa kanyang dibdib.
"Wow! Gavin na lang ang tawag mo." Nagkunwari pa itong tila gulat na gulat. "So, nagkausap na kayo ng Tatay mo? Sinabi na ba niyang anak n'ya ko sa labas, ha?" mariing tanong pa ni Gavin sa nakatatandang kapatid. Bumalatay din ang galit sa mukha nito ng mga sandaling iyon.
"Gavin, let's talk in private, please?" nakikusap naman na saad ni Aki sa kapatid. Ngunit hindi man lamang nagbago ang anyo ni Gavin habang nakatingin sa kanyang kuya. Bakas pa rin ang galit nito sa mukha nito.
"I'm busy. Baka ma-late pa ko sa first subject ko." Iyon lamang ang sagot ni Gavin bago hinila si Kiah at walang sabing tumalikod na.
Nilingon pa muna ni Kiah si Aki na noon ay bakas ang lungkot sa anyo habang nakatingin sa kanila. Tuloy ay parang gusto niyang balikan ito at haplusin sa mukha upang mapalis ang lungkot nito.
Marami pa namang pagkakataon, ani Kiah sa isipan habang nakasunod kay Gavin patungo sa isang gusali kung saan, may malaking karatula ang nakasulat, "Education Building".
"I'm sorry, Kiah. Pati tuloy ikaw nadamay pa," hinging-paumanhin ni Gavin kay Kiah habang naglalakad sila sa pasilyo ng unang papalag ng gusali. Marahan din nitong binitiwan ang braso niya.
"Ayos lang iyon." Ngumiti pa siya sa lalaki. "Hindi naman sa nangingialam ako Gavin, ngunit bakit ayaw mong makipag-usap sa kuya mo? Wala namang masama," aniya pa sa binata habang ang paningin niya ay nakatutok sa nilalakarang pasilyo.
Ayaw sana niyang manghimasok sa magkapatid pero hindi niya kayang magsawalang-kibo na lang. Mahal niya si Aki at kaibigan na rin ang turing niya kay Gavin, kaya naman nais din niyang magkaayos ang magkapatid.
Pansin ni Kiah na nagkalat ang mga mag-aaral ng umagang iyon, kaya tuloy bigla siyang nakaramdam ng nerbiyos. Nag-aalala kasi siyang baka wala siyang maging kaibigan o kahit maging kausap man lamang sa mga magiging kamag-aral niya.
Pawang sosyal kasi ang mga estudyante sa unibersidad na iyon. Hindi mapagkakailang galing ang mga ito sa mayamang pamilya. Paano naman makikisama ang gaya niyang probinsyana sa mga gaya nito?
Hindi bale, kayang-kaya ko ito! pagpapalakas-loob niya sa sarili nang maalala ang sinabi ni Aki sa kaniya kanina lamang.
"So, alam mo na rin pala," ani Gavin na sinabayan pa ng mapaklang tawa. Marahan naman siyang tumango sa lalaki. "Wait, boyfriend mo ba ang lalaking 'yon?" usisa pa nito saka pinigil siya sa braso dahilan upang matigil siya sa paglalakad.
"H-Ha? W-Qala kaming relasyon," natatarantang turan niya. Bagaman alam ni Kiah na may nangyari na sa kanila ni Aki at nag-iba ang pakikitungo nito sa kaniya, malinaw pa sa tubig na wala silang relasyon. Ni wala itong sinasabing mahal siya nito.
"Pero bakit lagi kayong magkasama? Magkasama ba kayo sa iisang bahay?"
Nahihiya man, muli namang tumango si Kiah bilang sagot. At kitang-kita niyang bumalatay ang gulat sa anyo nito nang marinig iyon.
Agad namang nahalata ni Kiah na marahil ay iba ang tumatakbo sa isip ng kanyang kaharap. "H-Hindi iyon katulad ng iniisip mo, Gavin. Ano kasi. . . namamasukan ako sa kaniya," nahihiyang saad niya.
Ayaw niyang pag-isipan siya nito ng masama, pati na rin si Gavin. Isa pa'y hindi naman niya ikinahihiya ang pagiging kasambahay dahil marangal naman iyon.
"Namamasukan? As in maid gan'on ba?" paniniyak ng lalaki sa sinabi niya.
Tumango naman siya. "O-oo."
"I see, kaya pala."
Tumango-tango pa ang lalaki habang nakangiti sa kaniya. Hindi malaman ni Kiah kung bakit, ngunit parang may kakaiba sa paraan ng pagngiti nito. "Okay, kakausapin ko na mamaya ang amo mo pag-uwi natin."
Nanlaki ang mga mata ni Kiah dahilansa sinabi nito. "Talaga? Totoo ba iyan?" naniniyak pa niyang tanong sa kaharap.
"Yeah, and that's because of you, Kiah." Makahulugan pa itong ngumiti sa dalaga. Hindi naman nakasagot si Kiah at saka ipinagpatuloy na lamang ang paglalakad.
"We're here," anunsyo ni Gavin sa dalaga nang huminto sila sa isang silid kung saan nakatakda ang kanyang unang subject sa araw na iyon.
"Maraming salamat sa tulong mo, Gavin," nakangiting pasasalamat naman ni Kiah rito.
"Basta ikaw," sagot pa nito saka ngumiti. "Pasok ka na sa loob. Anyway, good luck."
Tumango naman si Kiah sa lalaki saka gumanti ng ngiti rito. "Salamat." Tumalikod na si Kiah at pumasok na ng tuluyan sa loob ng silid upang simulan ang unang araw ng kanyang pagiging mag-aaral.
• • •
"I'M SORRY for what our father did," panimula ni Aki sa younger brother niya. Ang totoo, 'di niya akalain na sasabihin ni Kiah na makikipag-usap na ang kanyang kapatid. Mukhang nakumbinsi ito ni Kiah na kausapin siya. Lihim tuloy siyang nagpasalamat dito.
Nasa coffee shop sila ng mga oras na iyon, 'di kalayuan sa university kung saan ito at si Kiah pumapasok. Si Kiah naman ay nagpaiwan na lang sa kotse dahil gusto raw nitong maging private ang pag-uusap nilang magkapatid. Uwian na rin kasi ng mga ito.
"Hindi n'ya alam kung pa'no kami naghirap ni Mama. Wala kaming malapitan pero, hindi n'ya ako hinaharap sa t'wing nagpupunta ako sa opisina n'ya. Hanggang sa nag-suffer si Mama sa breast cancer at namatay," puno ng hinanakit na sabi ni Gavin sa kan'ya.
Bigla ay nakaramdam ng awa si Aki para sa younger brother niya. Dumanas pala ito ng hirap, samantalang siya ay nagpapakasarap lang sa buhay. "Kaya nga humihingi kami ni Papa ng sorry sa'yo. At para alukin ka," diretsa niyang saad rito.
"Alukin ng?" clueless namang tanong ng kapatid.
"Aalukin kitang sa bahay ka na namin sa Cavite tumira. Nalaman ko kasing nangungupahan ka sa isang apartment at nagwo-working student," aniya sa kapatid. Inalam na niya ang tungkol doon pagkatapos niyang matiyak sa kanyang Papa na kapatid talaga niya ito.
"Don't worry, kinausap ko na si Papa. Pag nasa bahay ka na, official ka ng magiging parte ng Tetsuya Clan. At bilang kabayaran ni Papa sa mga atraso niya sa'yo at sa Mama mo, ipapakilala ka n'ya sa mga business partners niya bilang tagapagmana ng company."
Kitang-kita ni Aki kung paano lumiwanag ang mukha ng nakababatang kapatid dahil sa mga sinabi niya. Iyon kasi ang napag-usapan nila ng kanyang pamilya, at ayon na rin sa kagustuhan ng kanyang Mama.
Nang malaman kasi ng kanyang Mama ang tungkol sa pagkakaroon ng anak sa labas ng Papa niya, magalit ito ng husto. Pero kalaunan, sinabi rin nitong makikipag-divorce ito kapag hindi nito kinilala si Gavin bilang anak.
Maski siya ay nagulat nang sabihin iyon ng kanyang Mama. Ang akala niya, hindi nito tatanggapin si Gavin pero sa halip, sinabi pa itong kausapin niya ang younger brother niya at iuwi sa kanilang bahay. At dahil nga tanggap din naman niya si Gavin, pumayag na rin siya ng kagustuhan ng kanyang Mama. Kaya heto siya ngayon.
"Pa'no ang Mama mo?" atubiling tanong pa ni Gavin sa kan'ya. Ngumiti naman siya ng bahagya sa kapatid.
"Don't worry, tanggap ka ni Mama. Ang totoo n'yan, exited na s'yang makita ka," aniya pa.
Bakas naman sa mukha ng kaharap na hindi ito makapaniwala ng mga sandaling iyon.
"P-Pero bakit sa'kin n'ya ipapamana ang company? 'Di ba, sa'yo dapat dahil ikaw ang panganay at tunay na anak?"
"Wala akong interes sa company n'ya. Ever since, 'di ko gusto ang humawak at magpatakbo ng isang kompanya, maupo maghapon, at magpipipirma ng kung anu-ano," kibit-balikat n'yang sagot rito.
"Okay, payag na 'ko," mayamaya ay sagot nito.
"Really?" nasisiyahang tanong ni Aki rito. Tumango naman ang kapatid niya. "Okay, good. Bukas na bukas ay kuhanin natin ang mga gamit sa apartment mo."
Tumango naman ito. "May isa pa pala akong kundisyon."
Kondisyon? takang tanong niya sa sarili. "Okay, what was that?"
"Gusto kong isama si Kiah pag-uwi sa bahay. Doon na siya titira kasama ko," diretsang saad pa nitong ikinatigil ni Aki.
Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig nang marinig iyon. Bumagal din ang kanyang paghinga na parang kinakapos siya ng hangin. Bakit ganito?
"Inamin ni Kiah na namamasukan siyang katulong sa'yo. Then naisip kong kung sa iisang school lang naman kami pumapasok, much better kung sa iisang bahay lang kami nakatira. Para may kasama siyang pumasok at umuwi, nang hindi ka na rin maistorbo pa. Wala ka namang gusto sa kan'ya, 'di ba? Katulong mo lang s'ya?" naniniguro pang tanong ni Gavin sa kan'ya.
"O-Of course, wala!" agad namang sagot niya. Pero hindi niya malaman kung bakit pakiramdam niya ay kumirot ang puso niya dahil sa sariling sinabi. Shit! What happened to me?
"But I like her. At alam ko namang papayag ka sa request ng kapatid mo, 'di ba?" Mataman pa siya nitong pinagmasdan. Iyon bang tila pilit nitong inaalam amg kanyang saloobin.
"O-Okay, 'yon lang pala e."