HIS VILE CRAVING (A Tagalog Story) Chapter 33

"KIAH, kumusta ang first day mo sa school? Okay naman ba?"

Mula sa labas ng bintana ng sasakyan kung saan sila nakalulan, ay nilingon ni Kiah ang lalaki sa tabi niya. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit, pero nakaramdam siya ng paninibago sa kadahilanang Kiah lang ang tawag nito sa kaniya at hindi ang Love.

Diretso ang tingin ni Aki sa kalsada habang nagmamaneho nang tingnan niya. Pakiramdam tuloy niya ay may hindi magandang nangyari sa pag-uusap ng magkapatid. Hindi pa kasi ito nagkukuwento sa kan'ya.

"Maayos naman. Kaya lang, nanibago ako nang bahagya, lalo na sa mga aralin. Pagdating ko nga sa bahay ay babalikan kong muli iyong mga pinag-aralan namin kanina," salaysay niya sa lalaki habang nakatingin rito. Nakita naman niyang ngumiti ng lalaki sa tinuran niya.

"Gan'on talaga, maninibago ka. Matagal ka kasing 'di nakapag-aral. Pero alam ko namang kayang-kaya mo 'yan," anang Aki habang nanatili ang paningin sa kalsada.

"Ikaw? Kumusta ang pag-uusap n'yo ni Gavin? Maayos na ba kayong magkapatid?" usisa naman ni Kiah rito.

"Yes. In fact, bukas pag-uwi n'yo galing school, ihahatid ko na kayo kina Mama sa Cavite," anang binata na ikinagulat naman ni Kiah.

Kayo? Ibig sabihin ba niyon ay kasama ako? "B-Bakit kasama ako? Hindi ba, sa iyo ako namamasukan?" kunot-noong taanong ni Kiah rito.

"'Yon kasi ang gusto ko. Since nand'on na si Gavin, kailangan ni Mama nang may makakatulong sa bahay. Don't worry, mabait naman si Mama at Papa. Isa pa, 'di ka mahihirapan d'on dahil may kasama ka naman na tutulong sa'yo. Alam na rin ni Mama at Papa na nag-aaral ka kaya 'di ka nila gaanong ipi-pressure sa pagtatrabaho kapag school days," paliwanag nito kay Kiah at saka bahagya pang ngumiti.

Ramdam ni Kiah ang pamimigat ng kanyang dibdib dahil sa mga sinabi ng lalaking mahal niya. Lalo pa't habang pinagmamasdan niya itong nagsasalita, ay tila wala lamang dito ang sinasabi.

Talaga bang hanggang dito na lang ang papel ko sa iyo, Akihiro? Ang maging kasambahay sa paningin mo? puno ng hinanakit na ani Kiah sa isipan habang at saka ibinaling ang paningin sa labas ng bintana.

Kung sabagay, sino ba naman siya para magustuhan ng ganoong klaseng lalaki? Walang-wala siya kumpara kay Ma'am Melody o sa mga kababaihang nakikita niya. Isa lamang siyang simpleng probinsyana na walang alam sa mundo.

Bakit nga ba umasa ka Hezekiah, na may pagtingin sa iyo si Aki? Dahil ba kusa mong ibinigay ang iyong sarili?

Tila may munting tinig ang bumubulong niyon sa kanyang isipan. Tuloy, pakiramdam ni Kiah ay may patalim ang biglang sumaksak kanyang dibdib.

Bakit nga ba siya umasa na mamahalin din siya ng lalaking kasing taas nito? Sapat na bang ibinigay niya ang pagkababae para umasa na may pagtingin ito sa kaniya?

Kung ganoon ay nagkamali ako. Hindi pala dapat ako umasa. . . Wala lamang para sa kaniya ang nangyari. Wala lamang ako sa kaniya. . .

Ang mga isiping iyon ang umukilkil sa isip ni Kiah, kaya naman hanggang sa makarating na sa condo ng lalaki ay hindi na siya muli pang kumibo. Pilit niya ring itinago ang sakit ng kalooban para sa binatang amo kahit parang nais na niyang tumangis sa harap nito.

"Kiah, mag-impake ka na ng mga gamit mo. Para bukas ay dadaanan na lang natin bago ko kayo ihatid ni Gavin," kaswal na bilin pa ng binata sa kan'ya.

Ni walang mabakas si Kiah na kahit kaunting pag-aalinlangan o pagtutol sa anyo nito. Sa tingin nga niya ay tila masaya pa ito ng mga sandaling iyon. Dahil sa wakas, wala na siya sa poder nito na nagiging pabigat sa lalaki.

Bantulot naman na sumagot si Kiah. "S-Sige. Pero magluluto muna ako---"

"Don't worry, ako na. Just pack your things, Kiah," putol nito sa sana ay sasabihin niya.

Itinago ni Kiah ang pagkagat-labi upang pigilan ang nagbabadyang luha sa kanyang mga mata. Ngayon pa lamang kasi ay nami-miss na niya si Aki. Labis-labis na lungkot at sakit tuloy ang naghahari sa kanyang dibdib ng mga sandaling iyon.

"S-sige. Kung iyan ang gusto mo."

Tumalikod na si Kiah sa lalaki at nagmamadaling tinungo ang sariling silid. Hindi na kasi niya mapigilan pa ang pagpatak ng kanyang luha dala ng matinding sakit at lungkot na nararamdaman. Sa kadahilang malalayo siya sa lalaking minamahal at wala siyang karapatan para tumutol.

• • •

Hating-gabi na ngunit hindi pa rin makatulog si Kiah. Napakarami kasing gumugulo sa kanyang isipan. Kanina nga, pagkatapos kumain ay nagpaalam na siyang matutulog, subalit hanggang ngayon ay gising pa rin siya at ni pag-idlip ay hindi magawa.

Nagpasya si Kiah na lumabas ng silid at uminom ng tubig. Pakiramdam kasi niya ay nanunuyo ang kanyang lalamunan. Nilingon pa niya ang silid ni Aki nang mapadaan siya sa tapat niyon. Subalit tahimik na iyon. Marahil ay natutulog na ang lalaki.

Nagtuloy-tuloy si Kiah sa kusina at kumuha ng pitsel na may lamang tubig sa pridyeder saka nagsalin sa baso. Naupo na muna siya saglit sa pabilog na mesa upang ubusin ng tubig na laman ng baso. Ngunit agad din siyang nakaramdam ng matinding lungkot nang maisip na mami-miss niya ang buong kabahayan na nakasanayan na niyang tirhan kasama ang lalaking mahal.

Muli ay pumatak ang masaganang luha ni Kiah sa kanyang mga mata subalit mabilis n'ya itong pinunas. Nag-aalala kasi siyang baka biglang lumabas si Akihiro sa silid nito at makita siya sa ganoong ayos ay magtaka pa ito. Matapos uminom ay ibinalik na niya ang pitsel sa pridyeder at binanlawan ang basong nagamit

Pabalik na si Kiah sa silid nang pagdaan niya sa sala at mapansin na tila may tao roon. Wala kasing ilaw sa sala at tanging malamlam na ilaw lamang ng maliit na lampshade ang tumatanglaw doon. Hindi rin niya iyon napansin kanina marahil ay dahil sa abala ang isipan niya sa mga bagay-bagay.

Posible kayang gising pa siya?

Mabilis niyang tinungo ang sala at hindi nga siya nagkamali nang makitang naroon ang lalaki at umiinom ng alak. Nakaupo ito patalikod sa gawi niya kaya hindi agad siya nito mapapansin. Tahimik munang pinagmasdan ni Kiah ang kabuohan ng lalaki pero habang ginagawa niya iyon ay bumibigat ang kanyang dibdib, kasabay ng pag-init ng sulok ng mga mata.

Kaya bago pa siya lamunin ng nakalulungkot na pakiramdam, ay naglakas-loob na si Kiah na lapitan ito. Tutal ay tila huling beses na niya itong magagawa. At isa pa, nag-aalala siyang baka may mabigat na problema na namang pinagdaraanan ang binata.

"Bakit gising ka pa? May problema ba?" pakli ni Kiah saka naupo sa sofa na katapat nito. Bakas sa mukha ng binata ang gulat nang makita siya.

"I-Ikaw pala, Kiah. . . Akala ko tulog ka na?"

"Hindi kasi ako makatulog, e. Ikaw? Bakit umiinom ka? May problema ka ba?" balik-tanong niya habang nakatingin sa gawi ng lalaki.

Mabilis namang umiling ang lalaki sa kaniya ngunit napansin niyang lumamlam ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. Posible kayang ayaw niya ring umalis ako? Pero hindi ba, siya na ang may sabing siya ang may nais na sumama ako kay Gavin pauwi sa kanilang mga magulang?

"Hindi rin ako makatulog. Pampaantok lang," ani Aki na nagpabalik sa naglalakbay na diwa ni Kiah.

Ayaw niyang paasahin ang sarili sa sarili niyang haka-haka. Imposibleng malungkot ito sa pag-alis niya, dahil kahit saang anggulo tingnan, wala itong dahilan upang makaramdam ng ganoon. Sino ba siya sa buhay nito? Isa lamang siyang kasambahay.

"G-Ganoon ba?"

"Oo."

Iyon na lamang ang huli nilang palitan ng salita. Matapos niyon, isang nakabibinging katahimikan ang namayani sa pagitan nila. Tila ba nagpapakiramdaman sila ng lalaki kung sino ang magsasalita.

Nais man ni Kiah na makipagkwentuhan pa, ngunit nauumid ang kanyang dila dahil sa labis na kaba, lungkot, at sakit ng mga sandaling iyon. Hanggang sa ipinasya na lamang niyang magpaalam na.

"S-Sige, Aki. Mauuna na ako sa'yo. Maaga pa kasi ang pasok ko bukas," paalam niya sa binata sabay tayo at akmang aalis. Subalit nagulat siya ng hilahin siya nito sa kanyang braso dahilan upang mapaupo siya sa kandungan nito.

Pakiramdam ni Kiah ay napaso siya nang mapadikit ang kanyang katawan sa lalaki. Idagdag pang halos masubsob ang kanyang mukha sa mukha nito, kung kaya't halos masinghot na niya ang hininga nito dahil sa labis nilang pagkakalapit sa isa't isa.

Dinig ni Kiah ang malakas na kabog ng kanyang dibdib habang tila nahihipnotismo siyang nakatingin sa gwapong mukha ni Aki. At bagaman malamlam ang ilaw ay kitang-kita pa rin niyang nakatingin ito sa kaniya at masuyong nakangiti.

"I want to kiss you for the last time, love. . . Please, let me. . ."

Hindi malaman ng dalaga kung nananaginip ba siya ng mga sandaling iyon. Ngunit namalayan na lamang niyang tumango siya bilang pagpayag sa nais nito. Isa pa, sa kanyang puso, gusto rin niyang mahalikan ang lalaki kung iyon na nga ang huling sandali na mangyayari iyon.

Ilang sandali pa nga, napapikit na lamang siya nang maramdaman ang malambot na labi ni Aki sa kanyang bibig. Masuyo ang paraan ng paghalik nito. Marahan at walang pagmamadali.

Halos mabingi si Kiah sa malakas na tibok ng kanyang puso habang nakapikit at ninanamnam ang matamis na halik nito. Napakapit pa nga siya sa batok nito dahil pakiramdam niya ay bigla siyang nanghina sa paghagkan nito sa kanyang labi.

Naririnig mo kaya ang malakas na tibok ng puso ko? Naririnig mo kaya, Akihiro? Kung naririnig mo, pakiusap, huwag mo akong alisin sa buhay mo dahil mahal kita. . . Mahal na mahal . .

Iyon ang tanging nasa isip ni Kiah habang magkahinang ang kanilang mga labi. At marahil dala ng halo-halong emosyon, naramdaman na lamang niyang sunod-sunod na pumatak ang kanyang mga luha. Agad naman iyong napansin ni Aki kung kaya't ihininto nito ang paghalik sa kaniya at nag-aalala siyang pinagmasdan.

"Why are you crying, love?" anito habang marahang pinupunasan ang naglandas na luha sa kanyang pisngi.

Mapait naman siyang ngumiti rito saka marahang umiling. "Wala ito. Masaya lang ako," pagsisinungaling niya.

Ang halik na pinagsaluhan nila ni Aki, ng lalaking kanyang minamahal ay nauwi sa maalab na pagniniig. At sa pangalawang pagkakataon ay nagpaubaya si Kiah.

Nang walang pag-aalinlangan.

Nang walang pagsisisi.

At sa kanyang puso, lihim niyang hiniling na sana ay hindi na matapos ang masayang sandali na iyon sa kanyang buhay.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.