"ALAM mo ba kung sino ang inaway ninyo? Apo ng governor ng Mountain Province."
Halos di maiangat ni Paloma ang ulo sa kahihiyan. Nakaharap siya sa dean ng college nila na si Dr. Kangao at si Governor Lumagom. Pero kahit pa ordinaryong tao lang si Jeinfer at walang konenksiyon sa matataas na tao, nakakahiya pa rin na pinapunta siya sa dean’s office at nahaharap sa suspension dahil sa pananakit sa kapwa niya estudyante at paggawa ng gulo sa eskwelahan.
Mula pagkabata ay masunurin na siyang bata. Lagi niyang naririnig sa Tita Bevz niya na laging gulo ang dala ng ng nanay niya na mas bata dito. Pasaway sa eskuwelahan, maagang nag-boyfriend, maagang nabuntis at sa huli ay iniwan na lang siya para maghanap ng mas magandang buhay at di na siya binalikan. Hindi man siya honor student, sinisikap niyang huwag magdala ng sakit ng ulo sa tiyahin. Kahit hindi siya ang top student, basta walang bagsak na marka. Higit sa lahat, di siya nakikipag-away, nag-cutting classes o nakikipag-kopyahan sa kaklase. Dahil kapag inawayan siya pati ng tiyahin niya, wala na siyang iba pang mapupuntahan. Pero sa huli ay iyon din ang kinabagsakan niya. Hindi nakarating ang tiyahin sa pagharap sa dean nila dahil nasa La Union ito para kausapin ang kaibigan na gusto daw mag-invest sa bar nito. Hindi niya alam kung anong sasabihin ng tiyahin. Isama pa ang kahihiyan sa buong university.
Nang dumating ang security ay idinala sila sa clinic para I-check up sila. Si Jeinfer ang may pinakamalalang injury na natamo dahil sa pasa at kalmot nito. Di ito gaanong nakalaban. Medyo magulo pa ang buhok nito nang harapin sila sa dean’s office at kasama na nito ang lolo.
Di gaanong nasaktan si Paloma maliban sa pagkakasabunot sa kanya ni Mhegan. Inireklamo nito na inapakan niya ito at muntik hampasin ng mop. Kahit anong sabihin niya na depensa ay walang gustong maniwala na pinoprotektahan lang niya ang sarili at sinubukan niyang pigilan si Jimarah na saktan si Jeinfer.
"So what? She doesn’t look the part of a governor’s granddaughter. She’s baduy, Dad.” Muntik nang mapaungol si Paloma. Wala talagang filter ang bibig ng kaibigan niya. Kahit sa harap ng dean at ng gobernador ng Mountain Province ay walang pakundangan si Jimarah. Di ito natatakot na ma-suspend sila o pwedeng magka-bad record dahil sa ginawa nitong gulo. Ni wala itong pakialam kung sino ang mapahamak.
“Just apologize to the ladies,” mariing sabi ng ama ng kaibigan. Nakalimampung sorry na si Paloma kahit na wala siyang kasalanan. Pero matigas ang leeg ni Jimarah. Ni di ito yumuko sa kahihiyan. Di ito natatakot kahit mataas na ako kaharap nito.
Umiling si Jimarah. “As if I will apologize to an Igorot like her. Pa, anak ninyo ako.” As if she was begging her father to spare her from saying sorry, kahit na magbayad pa ang ama nito ng malaking halaga na para lang di nito kailangang humingi ng paumanhin.
Humalukipkip si Governor Lumagom. "Hindi ko kailangan ng paghingi niya ng paumanhin sa apo ko. Nakikita ko naman na hindi siya interesado.”
"Sir, I apologize. I am sure hindi iyon sinasadya ng anak ko. Nadala lang po siya ng emosyon. Hindi po niya naintindihan ang sinasabi niya…”
"Sinasadya o hindi, nakapanakit sila ng tao. Pwede silang makulong kung magrereklamo ang kampo ni Governor Lumagom,” sabi ng dean nila.
Nahigit ni Paloma ang hininga. Nangilid ang luha sa mga mata niya at inangat ang mga mata sa dean nila. Makukulong siya? Matindi ang gulong napasukan niya.
“But they are minors. You can’t put them in jail,” argumento ni Mr. Sancha. “Magagawa ba ninyo iyon sa mga batang ito?”
"They will be suspended from school for now,” kalmadong sabi ng dean nila. “Unless the good governor wants to pursue a case.”
"Go ahead. Suspindihin ninyo ako. Now I have a reason not to attend this boring school. I don’t care. Ipakulong ninyo ako, if you dare,” puno ng kompiyansang sabi ni Jimarah. Malakas ang loob nito dahil alam nitong hindi ito pababayaan ng ama.
Napailing na lang si Jeinfer. "Hindi ka pa rin natututo ng leksyon. Sa halip na magpakumbaba ka, wala kang pagsisisi sa ginawa mo. Nakakaawa ka."
Napahikbi si Paloma. "Anong kailangan kong gawin para makabawi? Di ko po sinasadyang makasakit. Tanggap ko po ang suspension ko pero ayoko pong makulong o magkaroon ng juvenile record. Marami pa po akong pangarap."
“Don’t be scared of these Igorots. Ano ba naman ang alam nila? Sa malayong bundok lang naman sila nakatira. I am sure they still wear bahags and walk barefoot even on ordinary day. Do not let them intimidate you.”
“Hindi ako ikaw,” angil niya sa kaibigan. Hindi siya katulad nito na may mayamang magulang na handang mag-ubos ng kayamanan dito. Ang tanging mayroon siya ay isang tiyahin na pinipilit ayusin ang buhay niya. Paano kung hindi na siya saluhin pa ng tiyahin niya sa pagkakataong ito? Paano kung pabayaan na lang siya nito na makulong o mapunta sa juvenile delinquent facility? Wala na siyang pamilya. Mawawala na rin pati ang pangarap niya. “Bakit ba di ka na lang humingi ng tawad?”
“Kahit isandaang sorry ay hindi sapat. Hindi lang niya basta sinaktan ang apo ko,” sabi ng matandang gobernador. “Ininsulto pa ninyo ang lahi namin. Dito ka na sa Cordillera nakatira pero minamaliit mo ang mga Igorot. Who do you think you are, young woman?”
“Lolo, sa palagay niya mas mataas siya sa atin,” anang si Jeinfer. “Mukhang masaya pa po siya na ma-suspend. We are not teaching her any lesson. Ayoko ng simpleng suspension lang para sa kanila. At sigurado ako na hindi rin makakatulong sa kanila kung magdedemanda po tayo, Lolo.”
“Ano ang gusto mong mangyari?” tanong ng butihing dean.
"Gusto ko pong matuto silang rumespeto sa kapwa sila kahit ano pang lahi o estado sa buhay. Gusto ko na mag-immerse sila sa isang tribal community para maunawaan ninyo ang mga tribo at ang mga taong minamaliit ninyo. That's how they will serve their suspension,” sabi ni Jeinfer at ngumisi sa direksyon ni Jimarah. “Simpleng buhay sa isang lugar na walang signal ng cellphone, walang mall, walang sinehan at mas maganda kung walang kuryente. They will live a simple life for a week.”
Tumayo si Jimarah. “What? Are you trying to drive me crazy? Bakit hindi na lang ninyo ako I-expel sa eskuwelahang ito? Hindi ako mabubuhay sa isang lugar na walang mall o walang signal ng kuryente.”
“Sit down and be quiet for once, Jimarah Marie. Grabeng kahihiyan na ang idinala mo sa amin. At kapag hindi ka pa umayos, paiiwan ka na lang namin sa bundok,” banta dito ng ama niya.
“You can’t do that to your only child, Papa,” di makapaniwalang usal ni Jimarah.
“Pupunta ka sa tribong iyon sa ayaw mo’t sa gusto. Hindi ka na namin madisiplina ng mama mo. Baka sakaling sa tribong iyon matuto ka.”
“Gusto ko pong sumama sa tribo, kung saan man iyan,” anang si Paloma sa matatag na boses. “Gusto kong makapag-aral ulit, makabalik sa normal ang lahat.”
“See? Mas may sense pa ang kaibigan mo kaysa sa iyo, Miss Sancha,” nang-uuyam na sabi ni Jeinfer.
“Traitor,” pakli ni Jimarah sa kanya.
“Pumapayag ako bilang magulang ni Jimarah. She obviously can’t decide for herself first. Saang tribo ninyo planong dalhin ang mga bata?” tanong ni Mr. Sancha.
“Sa Kadaclan.”