I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 10

Nakita ni Paloma na natigilan ang kaibigan. Nabanggit kasi ang lalaking nagwasak sa puso nito. Isa lang naman ang Jericho na captain ng basketball team. Malibang taga-ibang eskwelahan ang nabanggit na iyon.

“Not my hair, Meghan. Jericho loves my hair. Lagot ka kapag sinabunutan mo ako.”

Nang lumingon si Paloma ay kapapasok lang ng babae na maigsi ang buhok. Mukha itong boyish pati sa pananamit pero babaeng-babae nang kiligin. Kasama nito ang babae na mahaba ang tuwid at itim na buhok. Bohemian skirt ang suot nito at white blouse. Si Jeinfer - ang girlfriend ng crush ni Jimarah. Kaibigan marahil nito ang kasama.

“Akala ko ayaw mo sa kanya. Binasted mo siya dati. Sabi mo mayabang at mukhang babaero. Nagbago yata ang isip mo,” anang kaibigan kay Jeinfer na si Meghan. "Bakit hindi ko yata alam na nanliligaw siya sa iyo? Ni hindi kayo nagpapansinan."

"Sabi ko manligaw siya sa bahay. Ayoko sa school o sa ibang lugar. I want him to show his sincerity and respect. And he did. May tiwala sa amin ang parents namin. Okay na daw mag-boyfriend. This is our last year in college after all."

Ngayon ay alam na niya kung bakit nagulat ang lahat sa pagkakaroon ng nobya ni Jericho. Di ito nakikipagligawan sa kalye. Di gaya ng ibang kaedad niya na ayaw magpaalam sa magulang kapag may nanliligaw. Mas gusto na inililihim. It was somehow nice to follow old tradition.

"Ah! Nakakainggit! I'm sure maraming mga babae ang inggit na inggit sa iyo ngayon,” anang si Meghan na tumirik ang mga mata sa kilig.

"Nananadya ba kayo?" angil ni Jimarah at sumugod sa dalawang babae bago pa mapigilan ni Paloma.

“Excuse me? Sasabat sa usapan nang may usapan? Anong problema mo?” gulat na tanong ni Meghan.

Naningkit ang mga mata ni Jimarah. Di man lang ito natatakot na mas mataas dito ang dalawang babae. Nasa limang talampakan lang ang kaibigan habang ang dalawang babae naman ay nasa 5’5” na gaya niya.

"Talagang dito pa ninyo pinag-usapan si Jericho. Nang-aasar ka talaga na ang babaeng iyan na ang girlfriend ni Jericho.” At dinuro nito si Jeinfer.

"Miss, wala ako pinariringgan. Nagkukwentuhan lang kami ng kaibigan ko. Hindi nga kita kilala. Sino ka ba, Miss?” malumanay pa rin na sabi ni Jeinfer dito na taliwas sa kaibigan niya na halos parang puputok na bulkan.

Nakakainsultong tumawa si Meghan. "Baka isa sa mga babaeng may gusto kay Jericho kaya sapul na sapul. Huwag mo na lang pansinin. Nag-aampalaya lang iyan dahil ikaw ang girlfriend."

"Tama na iyan, Jimarah," saway ni Paloma sa kaibigan at hinawakan ito sa braso. "Umalis na lang tayo." Kapag nagtagal pa sila doon ay lalo lang mapapahiya ang kaibigan niya. Ayaw pa mandin nito ang napapahiya.

Pumiksi si Jimarah. "Bakit naman tayo aalis? Tayo nga ang nauna dito sa restroom. Hindi ko uurungan ang babaeng ito. Bitter lang daw ako at hindi niya kilala." Nakapamaywang nitong hinarap ang babae. "Magpapakilala ako. I’m Jimarah Sancha. ko lang naman ang kasama niyang nanood ng sine noong isang linggo. He told me that I'm pretty and adorable. And I am fun to be with.”

Nakakaunawa lang na tumango si Jeinfer sa halip na magalit o magselos. "Ah! Ikaw pala iyong cheerleader na nakakagaanan niya ng loob. Naikwento ka niya sa akin. You remind him of his little sister."

"Little sister?" bulalas ng kaibigan.

"Oo. Nasa abroad kasi ang kapatid niya na kaedad mo. Nagkahiwalay din sila nang maghiwalay ang parents nila. You fill that void.”

Nakatulala lang si Jimarah habang parang maiiyak. Parang gumuho ang mundo nito. Masakit nga naman na malaman na walang kwenta ang lahat ng ilusyon nito.

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Meghan. "Wag ka kasing assuming. Pinakitaan ka lang ng kabaitan, akala mo kayo na ang may forever. Walang ganoon, ineng.”

Nabuhay na naman ang dugong giyerera ni Jimarah. "Hindi ako assuming. Akin si Jericho. Sigurado ako na ginayuma mo lang siya kaya niligawan ka niya. Bumalik ka na lang kung saang tribo ka nanggaling. Hindi kayo bagay. Humanap ka na lang ng katribo mo na kasing baduy mo at magtanim ka ng patatas. Doon ka bagay.”

“Jen, iniinsulto ka. Papatulan ko iyan,” sabi ni Meghan at akmang susugurin si Jimarah.

“Pasensiya na. Aalis na kami. Please. Nasasaktan lang ang kaibigan ko. Ayoko ng gulo.” Hinila ni Paloma ang braso ni Jimarah. “Jimarah, please.”

“Hindi ako aalis hangga’t di ko nakukuha si Jericho sa babaeng iyan. Hindi ako naniniwala na kapatid lang ang tingin niya sa akin,” giit ni Jimarah.

"Naiintindihan ko na nasasaktan ka. Lilipas din iyan. Makakahanap ka ng iba,” sabi ni Jeinfer at hinawakan ang balikat nito.

Tinabig ni Jimarah ang kamay ng babae. "Ayoko ng iba. I want Jericho. Hindi siya mapupunta sa iyo. Hindi ako papayag." At hinablot nito ang buhok ni Jeinfer.

Napasigaw sa sakit si Jeinfer. Mas matangkad ito kaya napaluhod ito sa pagkakasabunot ng kaibigan dito. "Ahhh!"

"Uy! Jimarah, bitawan mo siya." Pilit na kinalas ni Paloma ang kamay na mariing nakakuyom sa buhok ni Jeinfer. Pero habang ihinihiwalay niya ang daliri sa buhok ay lalo lang hinihigpitan ni Jimarah ang pagkakasabunot.

"Huwag ninyong saktan ang kaibigan ko!”

Nagulat na lang si Paloma nang hablutin ni Meghan ang buhok niya. Akala nito ay pinagtutulungan nila ni Jimarah si Jeinfer. Napilitan si Paloma na tapakan ang paa ng babae na nakasuot ng sneakers para makawala dito. Itinulak niya ito sa pader pero sumugod na naman ito sa kanya.

“Please. Hindi ako kaaway,” sabi niya at kinuha ang mop para pamprotekta kung susugod na naman ito sa kanya.

“Ah! At gusto mo talaga akong saktan,” sabi ni Meghan na nanlilisik ang mata.

Naliliyo na si Paloma sa mga nangyayari. Masyado nang magulo. Nakita niya na ihinilahod na sa sahig ni Jimarah si Jeinfer at kailangan din niyang protektahan ang sarili mula kay Meghan. Di niya alam kung paano mapapakalma ang kaibigan at matutulungan si Jeinfer kung pati sila ni Meghan ay nasali na sa gulo.

Akmang susugurin na naman siya ni Meghan nang pumito ang security guard. “Itigil ninyo ang gulo na ito!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.